Sheri L. Dew
Pangalawang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Relief Society
"Walang kasal o mag-anak, walang ward o stake na aabot sa kanyang ganap na potensyal hangga't hindi nagtutulungan ang mga mag-asawa, ina at ama, lalaki at babae sa iisang layunin."
Halos limang taon na akong pinagpalang maglingkod kasama ang mga miyembrong babae sa Relief Society at mga priesthood leader mula Africa hanggang Amazon. Ang mga karanasang ito ang nagpatibay ng kahalagahan ng isang pangunahing alituntunin ng ebanghelyo sa akin. Nais kong iparating ang aking sasabihin tungkol sa alituntuning ito lalo na sa mga kabinataan at kadalagahan ng Simbahan, na nasa pinakamahirap na bahagi ng kanilang buhay.
Nitong tag-araw nabalian ang isang balikat ko at matagal kong hindi naigalaw ang isang braso ko. Hindi ko akalaing labis na umaasa sa isa't isa ang mga braso para sa balanse, o napakahirap bumuhat sa isang braso lang, o may mga bagay na hindi ko talaga magawa. Hindi lang ibinalik sa akin ng kapansanang ito ang paggalang sa mga taong kinakaya ang kanilang kapansanan, kundi ipinaalam din nito sa akin na higit ang nagagawa ng dalawang braso.
Tunay na mas mainam ang dalawa kaysa isa,1tulad ng pinatibayan ng ating Ama nang sabihin Niyang "hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa"2at lumikha Siya ng makakatuwang ni Adanisang may natatanging mga kaloob na magbibigay sa kanya ng balanse, makakabalikat niya sa kanyang mga pasanin sa buhay, at tutulong sa mga gawaing hindi niya kayang mag-isa. Dahil "ang babae ay di maaaring walang lalake, at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon."3
Nauunawaan ni Satanas ang kapangyarihan ng lalaki at babaeng nagkakaisa sa katwiran. Nagngingitngit pa rin siya sa pagtatapon sa kanya sa walang-hanggang kadiliman matapos pamunuan ni Miguel ang hukbo ng kalangitan, na kinabibilangan ng mabubuting lalaki at babaeng nagkakaisa kay Cristo, laban sa kanya. Sa nakakikilabot na mga salita ni Pedro, "Ang diablo, na gaya ng leong umuungal, ay gumagala, humahanap ng masisila niya."4Determinado si Lucifer na sirain ang mga kasal at mag-anak, dahil ang paglaho nila ay nagbabanta sa kaligtasan ng lahat ng kabahagi at sa kahalagahan ng kaharian mismo ng Panginoon. Kaya nga, nililito tayo ni Satanas tungkol sa ating mga pamamahala at likas na pagkatao. Pinauulanan niya tayo ng mga kakaibang mensahe tungkol sa kasarian, kasal, mag-anak, at lahat ng relasyon ng lalaki at babae. Pinapapaniwala niya tayo na magkatulad ang lalaki at babae na hindi na natin kailangan ang mga natatangi nating kaloob, o masyado tayong magkaiba na hindi natin maaaring asahang magkaunawaan. Wala itong katotohanan.
Alam na alam ng ating Ama ang Kanyang ginagawa nang likhain Niya tayo. Pinagtulad-tulad Niya tayo nang sapat para mahalin ang isa't isa, ngunit medyo magkaiba para kailanganin nating pag-isahin ang ating lakas at pamamahala upang makagawa ng isang buo. Walang perpekto o kumpletong lalaki o babae kung wala ang isa. Kaya nga, walang kasal o mag-anak, walang ward o stake na aabot sa ganap na potensyal nito hangga't hindi nagtutulungan ang mga mag-asawa, ina at ama, lalaki at babae sa iisang layunin, na gumagalang at umaasa sa lakas ng bawat isa.
Ang mga katotohanang ito tungkol sa banal na pagkakahirang ng mga lalaki at babae sa pamamahala ay naglaho na ngayon sa mundo. Hindi mo na ito makikita sa programa sa TV o, nakalulungkot na maging sa ilang tahanan at ward. Ngunit hindi naglalaho ang mga ito sa Panginoon, na nagbigay sa atin ng "huwaran sa lahat ng bagay, nang hindi —tayo] malinlang."5Ang huwaran ng Panginoon para sa mga mag-asawa at sa malaking bahagi ay sa mga lalaki at babaeng magkakasamang naglilingkod sa Kanyang kaharian ay itinatag ng una nating mga magulang. Magkasama sina Adan at Eva na nagpagal,6nagdalamhati,7naging masunurin, nagkaanak,8nagturo ng ebanghelyo sa kanilang angkan,9nanawagan sa pangalan ng Panginoon, "narinig ang tinig ng Panginoon,"10nagpapuri sa pangalan ng Diyos,11at nag-alay ng kanilang sarili sa Diyos. Paulit-ulit na tinukoy sina Adan at Eva sa mga banal na kasulatan na ginagamit ang panghalip na sila.
Si Adan man sa kanyang priesthood o si Eva sa kanyang pagkaina ay hindi maisasagawa ang Pagkahulog nang mag-isa. Magkaugnay ang kanilang mga natatanging tungkulin. Sumasangguni sila sa isa't isa, nagpapasan ng mga dalahing hindi kaya kung nag-iisa, at magkasamang napasailang, sa kabila ng kawalang-katiyakan. Ito ang huwaran ng Panginoon para sa mabubuting lalaki at babae.
Ngayon, ang iba sa atin ay dumanas ng mga di-magagandang pangyayari sa buhay. Nauunawaan ko ito. Ako mismo ay dumaranas nito. Subalit, mga mahal kong kaibigang kabataan, kung kaninong mga kamay nakasalalay ang kinabukasan ng Simbahan at mga mag-anak dito, dapat ninyong malaman na ang pagkaunawa ninyo sa banal na huwarang ito ay makaaapekto sa inyong kasal, mag-anak, kakayahang tumulong sa pagtatayo ng kaharian, at buhay na walang hanggan.
Mga kapatid na kabataang babae, hihikayatin kayo ng ilan na dahil hindi kayo naordenan sa priesthood ay nadaya kayo. Nagkakamali sila, at hindi nila nauunawaan ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pagpapala ng priesthood ay para sa lahat ng mabubuting lalaki at babae. Lahat tayo ay maaaring matanggap ang Espiritu Santo, magkaroon ng personal na paghahayag, at ma-endow sa templo, kung saan nagtatamo tayo ng kapangyarihan.12Ang kapangyarihan ng priesthood ay nagpapagaling, nangangalaga, at kumakalinga sa lahat ng mabubuti laban sa kapangyarihan ng kadiliman. Ang pinakamahalaga, ang kaganapan ng priesthood na nasa pinakamatataas na ordenansa sa tahanan ng Panginoon ay matatanggap lang ng lalaki at babae nang magkasama.13Sinabi ni President Harold B. Lee: "Ang dalisay na pagkababaeng sinamahan ng priesthood ay nangangahulugan ng kadakilaan. Ngunit ang pagkababaeng hindi sinamahan ng priesthood, o ang priesthood na hindi sinamahan ng dalisay na pagkababae ay hindi tumitiyak ng kadakilaan."14
Mga kapatid na babae, hindi tayo pinawawalan ng kabuluhan ng kapangyarihan ng priesthood, pinalalago tayo nito. Alam kong ito ay totoo, dahil paulit-ulit ko nang dinanas ito.
Ang mga mapapangasawa ninyo at ang mga lalaking kasama ninyong naglilingkod ay kailangan ang suportang kayo lang ang makapagbibigay. Mayroon kayong espirituwal na lakas ng kalooban na ayon kay President James E. Faust ay kapantay at lagpas pa sa taglay ng kalalakihan.15Huwag ninyong bibitiwan ang inyong espirituwal na responsibilidad. Ang inyong pananampalataya ay magbibigay ng makapangyarihang pangaral. Hindi kayo gaganda sa mahabang oras na pananalamin na tulad ng magagawa ng Espiritu Santo sa inyo. Pagpalain ninyo ang inyong mag-anak at ang Simbahan sa paraang babae lang na may takot sa Diyos ang makagagawamay kabutihan, pananampalataya, integridad, at palagiang pakikiramay.
Mga kabataang lalaki, ang ordenasyon ninyo sa priesthood ay isang napakalaking pagkakataon at responsibilidad, at hindi pahintulot para mangibabaw. Maging laging karapat-dapat na gamitin ang banal na kapangyarihang ito, na ibinigay sa inyo upang makapaglingkod. Hindi kailanman naging higit na kahanga-hanga ang isang lalaki kaysa kung pinapatnubayan siya ng Espiritu na igalang ang taglay niyang priesthood.
Kung magpapakasal kayo sa isang malinis na babaeng dinidinig ang tinig ng Panginoon, pagpapalain niya ang inyong pang-araw-araw na buhay. Alalahanin ninyo si Eva. Siya ang unang nakatuklas na masarap ang bunga ng punungkahoy, at pagkakain, "binigyan ang kanyang asawa. . .at siya ay kumain."16Kung hindi kay Eva, huminto na sana ang ating pag-unlad. Sinabi ni Elder Dallin H. Oaks na ang kanyang ginawa ay "isang maluwalhating pangangailangan —na nagbukas] ng pinto tungo sa buhay na walang hanggan. Nagpakita ng talino si Adan sa paggawa ng gayon din."17
Mga kabataang lalaki, kayo ang mamumuno sa inyong tahanan at sa Simbahan. Ngunit magpakumbaba nang sapat para makinig at matuto mula sa mga babae sa inyong buhay. Magbibigay sila ng kaalaman, balanse, at kakaibang talino. At kapag dumarating ang mga pagsubok, makikita mo kung gaano katatag ang babaeng inilaan ang sarili sa Diyos Ama at kay Jesucristo.
Ang banal na huwarang ito para sa mga lalaki at babaeng nagpapatibay sa mga kasal at mag-anak ay nagpapatatag din sa Simbahan. Hindi makakamit ng Simbahan ang kaganapan ng pagkalikha rito kung hindi magtutulungan ang matatapat na lalaki at mabubuting babaeng galak na naglilingkod sa ilalim ng patnubay ng priesthood. Paulit-ulit kong dinanas ang kagalakang ito.
Naiisip ko ang isang pulong sa Brazil kung saan mayroon akong tagasalin na hindi sigurado sa kanyang kakayahang isalin sa Portuges ang aking Ingles. Pero madali kaming nagkaunawaan. Pagkatapos ng pulong nalaman ko kung bakit. Hindi lang pala halos bumagsak sa bingit ng kanyang kinauupuan sa likuran namin ang namumunong General Authority sa katuturo sa tagasalin kapag kinakailangan, kundi nagtalaga rin siya ng isang priesthood leader para ipagdasal kaming dalawa.
Sinuportahan ako ng General Authority na iyon upang matupad ko ang tungkuling ibinigay niya sa akin. Ang gayong suporta ay walang katapusan, dahil walang katapusan ang mabubuting gawa ng mabubuting lalaki at babaeng gumagalang sa isa't isa at gumagapas, nang magkakatabi, sa ubasan ng Panginoon. Kung itatayo natin ang kaharian ng Diyos, tayo bilang mga lalaki at babae ng Diyos ay kailangang magtulungan. Walang pagsuboksa pagpapalakas, sa pagpapanatili, sa mag-anak, o anupamanna hindi natin kayang lutasin kapag nagsasanggunian sa kapulungan at pinagtutulungan ang problema.
Mahal kong mga kaibigang kabataan, pag-aralan ninyo ngayon ang huwaran ng Panginoon para sa mga lalaki at babae. Pag-isipan ang mga salaysay sa mga banal na kasulatan tungkol kina Adan at Eva at tingnan kung ano ang ituturo ng Panginoon sa inyo na magpapatibay sa inyong kasal, mag-anak, at paglilingkod sa Simbahan. Ang pangwawasak na nangyari sa Estados Unidos ay nagpapahiwatig ng darating na taghirap. Ngunit mapupuno ng tiwala at tapang ang mga araw na ito kung ang mga lalaki at babae ng inyong henerasyon ay magkakaisa sa kabutihan nang higit kailanman. Walang hangganan ang inyong magagawa kung kayo ay magtutulungan at magtutuwang sa pamatok, sa ilalim ng patnubay ng priesthood.
Ang mga huwaran ng ating Ama ay tumutulong sa ating makaiwas sa panlilinlang. Umasa sa Panginoon at hindi sa mundo para sa mga kaisipan at huwaran ninyo tungkol sa mga lalaki at babae. Sapagkat, mahal kong mga kaibigang kabataan, kayo ang mga ina, ama, at pinunong inilaan para sa walang-katulad na panahong ito dahil kilala kayo ng ating Ama, at batid Niyang kaya ninyong harapin ang mundo at walang takot na itayo ang kaharian. Magkasama ninyong gawin ito, sapagkat hindi mabuti para sa lalaki o babae na mag-isa. Iangat ang isa't isa, at magkasama ninyong makakayang dalhin ang magagandang pasanin sa buhay at magtamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa inyong mga ulunan magpakailanman.18Ang Panginoon ay kailangang magkaroon ng mabubuting lalaki at babaeng magtatayo ng Kanyang kaharian. Alam kong ito ay totoo. Ang Diyos ang ating Ama. Ang Kanyang Bugtong na Anak ang Cristo. Ito ang Kanilang gawain at Kanilang kaluwalhatian. Sa pangalan ni Jesuscristo, amen.
MGA TALA
1. Tingnan sa Ecl. 4:9.
2. Moises 3:18; tingnan din sa Abr. 5:14.
3. 1 Mga Taga Corinto 11:11.
4. 1 Ped. 5:8.
5. D at T 52:14.
6. Tingnan sa Moises 5:1.
7. Tingnan sa Moises 5:27.
8. Tingnan sa 2 Ne. 2:20.
9. Tingnan sa Moises 5:12.
10. Moises 5:4.
11. Tingnan sa Moises 5:12.
12. Tingnan sa D at T 109:22.
13. Tingnan sa D at T 131:14; D at T 132:1920.
14. The Teachings of Harold B. Lee(1996), 292.
15. Tingnan sa "Ang Ibig Sabihin ng Maging Anak na Babae ng Diyos,"Liahona,Enero 2000, 123.
16. Moises 4:12.
17. "The Great Plan of Happiness,"Ensign,Nob. 1993, 73.
18. Tingnan sa Abr. 3:26.