Elder Henry B. Eyring
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
"Taglay ang . . . pananampalataya, maaari nating ipanalangin ang gusto natin at pahalagahan ang anumang nakamit natin. Sa gayong pananampalataya lang tayo makapananalangin nang masigasig gaya ng iniuutos ng Diyos."
Mukhang maligalig ang mundo. May mga digmaan at mga balita ng digmaan. Pabagsak ang ekonomiya sa maraming kontinente. Walang maani sa mga lugar sa buong mundo na kulang sa ulan. Ang mga taong nasa panganib ay panay ang dasal sa langit. Hayag man o lihim, humihiling sila sa Diyos ng tulong, ng aliw, at ng patnubay.
Napansin din siguro ninyo, tulad ko nitong mga nagdaang araw, na hindi lang dumami ang mga panalangin kundi lalo itong naging taimtim. Madalas akong maupo sa pulpito sa pulong malapit sa taong nahilingang manalangin. Nakinig ako nang may paghanga kamakailan lang. Ang mga katagang binanggit ay malinaw na inspirado ng Diyos, kapwa mahusay at matalino. At ang tono ay sa isang mapagmahal na anak na humihingi ng tulong, hindi mula sa magulang sa lupa kundi mula sa makapangyarihang Ama sa Langit na batid ang ating mga pangangailangan bago pa tayo humiling.
Ang pagbaling nang gayon sa taimtim na dalangin kapag mukhang maligalig ang mundo ay singtanda na ng sangkatauhan. Sa oras ng trahedya at panganib, bumabaling ang mga tao sa Diyos sa panalangin. Maging ang sinaunang si Haring David ay makikilala ang mga nangyayari. Naalala mo ba ang mga salita niya sa aklat ng Mga Awit:
"Ang Panginoon naman ay magiging matayog na moog sa napipighati, matayog na moog sa mga panahon ng kabagabagan.
"At silang nangakakaalam ng iyong pangalan ay maglalagak ng kanilang tiwala sa iyo: sapagka't ikaw, Panginoon, ay hindi mo pinabayaan sila na nagsisihanap sa iyo."1
Ang labis na pagdami ng taimtim na panalangin, at ang pagtanggap dito ng mga tao, ay naging kapansin-pansin sa akin at sa iba. Maraming beses nitong mga nakaraang araw, may nagsabi sa akin sa tonong tila nag-aalala, "Sana'y manatili ang pagbabagong ito."
Nabigyang-katwiran ang pag-aalalang iyon. Itinuturo iyon sa atin ng ating personal na karanasan at ng nakasulat tungkol sa mga pakikitungo ng Diyos sa Kanyang mga anak. Madaling naglalaho ang pag-asa natin sa Diyos kapag nasagot na ang mga panalangin. At kapag nabawasan ang problema, gayon din ang mga panalangin. Paulit-ulit na naisalaysay ang gayong malungkot na kuwentong sa Aklat ni Mormon.
Mula sa Aklat ni Helaman, "O, paanong nakalimutan ninyo ang inyong Diyos sa araw ding yaon na kanyang iniligtas kayo?"2At sa aklat ding iyon, matapos sagutin ng mapagpalang kabaitan ng Diyos ang mga panalangin, muling inilarawan ang kakila-kilabot na huwaran:
"At sa gayon natin mamamasdan kung gaano kahuwad, at gayon din ang kahinaan ng mga puso ng mga anak ng tao; oo, nakikita natin na ang Panginoon sa kanyang walang hanggang kabutihan ay pinagpapala at pinananagana ang mga yaong nagtitiwala sa kanya.
"Oo, at makikita natin sa panahon ding yaon kung kailan niya pinananagana ang kanyang mga tao, oo, sa pag-unlad ng kanilang mga bukirin, ng kanilang mga kawan ng tupa at kanilang mga bakahan, at sa ginto, at sa pilak, at sa lahat ng uri ng mahahalagang bagay ng bawat uri at kasanayan; pinangangalagaan ang kanilang mga buhay, at inililigtas sila mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway; pinalalambot ang mga puso ng kanilang mga kaaway upang hindi sila makidigma laban sa kanila; oo, at sa madaling salita, ginagawa ang lahat ng bagay para sa kapakanan at kaligayahan ng kanyang mga tao; oo, yaon ang panahong pinatitigas nila ang kanilang mga puso, at kinalilimutan ang Panginoon nilang Diyos, at niyuyurakan sa ilalim ng kanilang mga paa ang Banaloo, at dahil ito sa kanilang kaginhawahan, at kanilang labis na kasaganaan.
"At sa gayon nakikita natin na maliban kung parurusahan ng Panginoon ang kanyang mga tao sa pamamagitan ng maraming pagdurusa, oo, maliban kung kanyang parurusahan sila sa pamamagitan ng kamatayan at sa pamamagitan ng sindak, at sa pamamagitan ng taggutom at sa pamamagitan ng lahat ng uri ng salot, ay hindi nila siya maaalaala."3
At ngayon, sa mga susunod na salita mula sa banal na kasulatan ding iyon, malalaman natin kung bakit napakadali nating malimutan ang pinagmumulan ng ating mga pagpapala at tumitigil na madamang kailangan nating manalangin nang may pananampalataya:
"O kayhangal, at kaypalalo, at kaysama, at mala-diyablo, at kaybilis gumawa ng masama, at kaybagal gumawa ng mabuti, ang mga anak ng tao; oo, kaybilis makinig sa mga salita ng yaong masama, at inilalagak ang kanilang mga puso sa mga walang kabuluhang bagay ng daigdig!
"Oo, kaybilis maiangat sa kapalaluan; oo, kaybilis magmalaki, at gumawa ng lahat ng uri ng yaong masama; at kaybagal nila sa pag-alaala sa Panginoon nilang Diyos, at pakinggan ang kanyang mga payo, oo, kaybagal lumakad sa mga landas ng karunungan!
"Masdan, hindi nila nais na ang Panginoon nilang Diyos, na siyang lumikha sa kanila, ang mamuno at mamahala sa kanila; sa kabila ng kanyang dakilang kabutihan at kanyang awa sa kanila, winawalang-saysay nila ang kanyang mga payo, at tumanggi sila na siya ang kanilang gabay."4
Mula sa tatlong maiikling talatang iyon sa banal na kasulatan, makikita natin ang tatlong dahilan ng nakalulungkot na paglayo mula sa mapagkumbabang pananalangin. Una, habang nagsusumamo ang Diyos na manalangin tayo, hinahamak ito at pinagtatawanan ng kaaway ng ating mga kaluluwa. Ang babala sa 2 Nephi ay totoo: "At ngayon, mga minamahal kong kapatid, nadarama kong nagbubulay-bulay pa kayo sa inyong mga puso; at nakalulungkot iyon sa akin na ako ay kinakailangang magsalita hinggil sa bagay na ito. Sapagkat kung kayo ay makikinig sa Espiritung nagtuturo sa tao na manalangin, malalaman ninyong kinakailangan kayong manalangin; sapagkat ang masamang espiritu ay hindi nagtuturo sa tao na manalangin, sa halip nagtuturo sa kanya na huwag siyang manalangin."5
Ikalawa, nalilimutan ang Diyos dahil sa kayabangan. Kaunting kasaganaan at kapayapaan, o kahit kaunting kaunlaran lang, ay makapagbibigay sa atin ng kasapatan sa sarili. Madarama natin agad na hawak natin ang ating buhay, na tayo ang gumawa ng magandang pagbabago, hindi ang Diyos na nagbubulong sa atin sa marahan at banayad na tinig ng Espiritu. Nag-iingay ang kapalaluan sa atin na siyang nagpapahirap sa ating marinig ang mapayapang tinig ng Espiritu. At di magtatagal, sa ating kayabangan, ni hindi na natin ito pinakikinggan. Madali nating maiisip na hindi natin ito kailangan.
Ang ikatlong sanhi ay nakatanim nang malalim sa atin. Tayo ay mga espiritung anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit na naglagay sa atin sa lupa para tingnan kung pipiliin natinmalayang pipiliinna sundin ang Kanyang mga kautusan at lumapit sa Kanyang Minamahal na Anak. Hindi Nila tayo pinipilit. Hindi Nila maaaring gawin iyon, dahil makasasagabal ito sa plano ng kaligayahan. Kaya nga tayo ay may pagnanais na galing sa Diyos na panagutan ang ating mga pinipili.
Ang pagnanais na iyon na pumili sa sarili natin ay bahagi ng pag-akyat natin sa buhay na walang hanggan. Ngunit kung titingnan natin ang buhay sa mortal nating mga mata, maaari tayong mahirapang umasa sa Diyos o baka maging imposible pa kapag matindi ang pagnanais nating tumayo sa sariling paa. Maaaring mahirap tanggapin ang totoong doktrinang ito:
"Sapagkat ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan, at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama."6
Silang napasasakop na parang bata ay ginagawa ito dahil batid nilang nais lang ng Ama na lumigaya ang Kanyang mga anak at Siya lang ang tanging nakaaalam ng daan. Kailangan nating magkaroon ng gayong patotoo upang patuloy na manalanging tulad ng isang masunuring anak, sa ginhawa man o sa hirap.
Taglay ang gayong pananampalataya, maaari nating ipanalangin ang gusto natin at pahalagahan ang anumang nakamit natin. Sa gayong pananampalataya lang tayo makapananalangin nang masigasig gaya ng iniuutos ng Diyos. Nang utusan tayo ng Diyos na manalangin, gumamit Siya ng mga salitang tulad ng "walang tigil na manalangin" at "manalanging lagi" at "makapangyarihang panalangin."
Hindi kailangan sa mga kautusang iyon ang maraming salita. Ang totoo, sinabi sa atin ng Tagapagligtas na hindi natin kailangang habaan ang ating panalangin. Ang masigasig na pananalangin na iniuutos ng Diyos ay di-nangangailangan ng mabulaklak na pananalita ni mahabang oras na pag-iisa. Malinaw na itinuro iyan ni Alma sa Aklat ni Mormon:
"Oo, at kung hindi kayo nagsusumamo sa Panginoon, hayaan na ang inyong mga puso ay mapuspos, patuloy na lumalapit sa panalangin sa kanya para sa inyong kapakanan, at para rin sa kapakanan nila na nasa paligid ninyo."7
Maaari lamang ilapit ang ating puso sa Diyos kapag ito ay puno ng pagmamahal sa Kanya at pagtitiwala sa Kanyang kabutihan. Bata pa man si Joseph Smith ay nagbigay na ito sa atin ng halimbawa kung paano tayo makapananalangin nang galing sa pusong puno ng pagmamahal sa Diyos at pagkatapos ay manalangin nang walang tigil sa buong buhay na puno ng mga pagsubok at biyaya.
Nagtungo sa kakahuyan si Joseph upang manalangin nang may pananampalataya na sasagutin ng mapagmahal na Diyos ang kanyang dasal at aalisin ang kanyang pagkalito. Nakamtan niya ang katiyakang iyon sa pagbasa sa salita ng Diyos at pagtanggap sa pagsaksi na iyon ay totoo. Sinabi niyang nabasa niya sa Santiago, "Humingi sa Diyos, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito'y ibibigay sa kanya."8Ang pananampalataya niyang humiling sa Diyos sa panalangin ay dumating matapos pagbulay-bulayin ang isang banal na kasulatang tumiyak sa kanya ng likas na pagmamahal ng Diyos. Nanalangin siya, tulad ng kailangan natin, nang may pananampalataya sa isang mapagmahal na Diyos.
Nanalangin siya na minimithing hindi lang makinig kundi sumunod. Hindi siya nagtanong para lang malaman ang katotohanan. Nangako siyang gagawin anuman ang ipagawa sa kanya ng Diyos. Nilinaw sa nakasulat na salaysay na siya ay nanalangin nang may tunay na layunin, na tinitiyak na tutuparin anuman ang sagot na matatanggap. Isinulat niya:
"Wala sa alinmang sipi sa banal na kasulatan ang nakapukaw nang may higit na kapangyarihan sa puso ng tao kaysa sa nagawa nito sa akin sa oras na ito. Tila pumasok ito nang may malakas na kapangyarihan sa bawat himaymay ng aking puso. Paulit-ulit kong pinagmuni-muni ito, nalalaman na kung may tao mang nangangailangan ng karunungan mula sa Diyos, ako yaon; na kung paano kikilos ay hindi ko alam, at maliban na kung makakukuha ako ng higit na karunungan kaysa sa aking taglay na, hindi ko kailanman malalaman; sapagkat ang mga guro ng iba't ibang sekta ng relihiyon ay magkakaiba ang pagkaunawa sa iisang sipi ng banal na kasulatan na nakawawasak ng lahat ng tiwala sa paglutas ng katanungan sa pamamagitan ng pagsasangguni sa Biblia."9
Nagpakita sa kanya ang Ama at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak bilang sagot sa kanyang panalangin. At sinabihan siya kung paano kikilos, ayon sa nais niya. Sumunod siya tulad ng isang bata. Sinabihan siyang huwag sumapi sa alinmang simbahan. Sinunod niya ito. At dahil sa kanyang katapatan, sa mga sumunod na araw at buwan at taon ay sinagot ang kanyang panalangin nang may kaliwanagan at katotohanan. Ang kaganapan ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang mga susi ng kaharian ng Diyos ay ipinanumbalik sa lupa. Ang kanyang mapakumbabang pag-asa sa Diyos ang naghatid sa Panunumbalik ng ebanghelyo, kasama ang awtoridad at mga sagradong ordenansa. Dahil sa Panunumbalik na iyon, may pagkakataon tayong piliin ang pinakamahalagang kalayaan upang makahulagpos sa gapos ng kasalanan sa pamamagitan ng nakalilinis na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Kakaiba ang misyon ni Joseph Smith, subalit ang kanyang mapakumbabang panalangin ay nakatutulong na huwaran para sa atin. Nagsimula siya, tulad ng dapat nating gawin, nang may pananampalataya sa isang mapagmahal na Diyos na maaari at gustong makipag-usap at tumulong sa atin. Ang gayong pananampalataya ay dala ng mga kaisipang dumating sa kanya habang pinagninilay-nilayan ang mga salita ng mga tagapaglingkod ng Diyos sa banal na kasulatan. Maaari at kailangang madalas nating basahing mabuti ang mga salita ng Diyos. Kapag nagpabaya tayo sa ating pag-aaral ng mga banal na kasulatan, magiging pabaya rin tayo sa ating mga panalangin.
Hindi nga tayo tumitigil sa pagdarasal, pero paulit-ulit naman ang ating mga panalangin, wala sa loob, kulang sa tunay na layunin. Hindi mapapalapit ang ating puso sa isang Diyos na hindi natin kilala, at tinutulungan tayo ng mga banal na kasulatan at mga salita ng buhay na propeta na makilala Siya. Habang nakikilala natin Siya nang husto, higit natin Siyang minamahal.
Kailangan din natin Siyang paglingkuran kung mahal natin Siya. Ginawa iyon ni Joseph Smith, hanggang sa wakas ay mamatay siya sa paglilingkod sa Kanya. Nanalangin si Joseph na may hangaring sumunod. Laging may kaakibat na paglilingkod sa iba ang pagsunod na iyon. Bahagya nating nadarama ang Kanyang nadarama sa paglilingkod natin sa gawain ng Diyos at nakikilala natin Siya.
"Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang panginoon na hindi niya pinaglingkuran, at kung sino ay dayuhan sa kanya, at malayo sa pag-iisip at mga hangarin ng kanyang puso?"10Habang lumalaki ang pagmamahal natin sa Kanya, gayundin ang ating kagustuhang lumapit sa Ama sa panalangin.
Ipagagawa sa inyo ng mga salita at awitin sa kumperensiyang ito ang anumang makapagpapalakas sa inyo laban sa panganib na malayo sa taimtim na panalangin. Sa mga naririnig ninyo mahihikayat kayong basahin ang mga banal na kasulatan. Sundin ang mga panghihikayat. Ipaaalala sa inyo sa kumperensiyang ito ang pangako ninyong maglingkod nang kayo ay magpabinyag. Piliing sumunod.
Kapag pinagninilay-nilayan ninyo ang mga banal na kasulatan at sinimulang gawin ang pinagkasunduan ninyo ng Diyos, maipangangako ko sa inyo na mas mamahalin ninyo ang Diyos at mas madarama ninyo ang pagmamahal Niya sa inyo. At dahil doon, manggagaling sa puso ang inyong mga panalangin, na puno ng pasasalamat at pagsusumamo. Mas aasa kayo sa Diyos. Makasusumpong kayo ng tapang at determinasyong paglingkuran Siya, nang walang takot at may kapayapaan sa inyong puso. Lagi kayong mananalangin. At hindi ninyo Siya malilimutan, anuman ang maging kinabukasan.
Pinatototohanan ko sa inyo na ang Diyos Ama ay buhay. Mahal Niya tayo. Naririnig Niya ang ating mga dalangin at sumasagot Siya kung anuman ang makabubuti sa atin. Habang nakikilala natin Siya sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at sa paglilingkod sa Kanya, lalo natin Siyang mamahalin. Alam kong ito ay totoo.
Ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang tunay na Simbahan ni Jesucristo ay naipanumbalik na sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ang mga susi ng priesthood ay sa Simbahang ito lamang matatagpuan. Batid ko na kasintiyak ng buhay ko na si President Gordon B. Hinckley ang mayhawak at nagpapagana sa mga susing ito sa daigdig. Si Jesucristo ay buhaybatid ko iyonat pinamumunuan Niya ang Kanyang Simbahan ngayon. Tuturuan Niya kayo sa tulong ng Kanyang mga tagapaglingkod sa kumperensiyang ito.
Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Mga Awit 9:910.
2. Hel. 7:20.
3. Hel. 12:13.
4. Hel. 12:46.
5. 2 Ne. 32:8.
6. Mosias 3:19.
7. Alma 34:27.
8. Santiago 1:5; tingnan sa JSK 1:11.
9. JSK 1:12.
10. Mosias 5:13.