Elder Joseph B. Wirthlin
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
"Hindi kailangang maging perpekto tayo ngayon. Hindi kailangang maging mahusay tayo kaysa iba. Ang kailangan lang ay gawin natin ang pinakamainam na magagawa natin."
Mga kapatid, napakalaking pribilehiyo ang tumayo rito ngayon at magbigay patotoo sa naipanumbalik na ebanghelyo. Naringgan natin si Elder David B. Haight95 taong gulang. Sana'y makakalahati man lang ako ng talas ng kanyang memorya sa gayong edadkung buhay pa ako noon.
Nagagalak ako tuwing magtitipon ang mga Banal. Bilang mag-anak man sa mga abang tahanan o libu-libo sa maluluwang na bulwagan, nagagalak ang kalangitan kapag nagtitipon ang mga nagmamahal at gumagalang sa pangalan ni Jesucristo upang sumamba sa ngalan Niya.
Iba-iba ang karanasan natin sa buhay. Habang nagagalak ang ilan sa ngayon, ang iba nama'y nagpuputok ang butse sa kalungkutan. Pakiramdam ng ilan ay tila isang talaba ang daigdig nila; iniisip naman ng iba na sila mismo ang talaba, na kinuha sa karagatan, binuksan, at ninakawan ng lahat ng mahalaga sa kanila.
Anuman ang inyong katayuan, emosyonal o espirituwal na lagay ng isipan, nais kong magmungkahi ng payo na magagamit ninyo, saanman kayo naroon, sa paglalakbay sa buhay na ito.
Marami tayong dapat ipagpasalamat. At kung titingnan lang natin ang mga biyayang nasa atin, malilimot natin ang ilang problema. Tiyak na darating sa inyo ang kapayapaan at galak kung matatanto ninyo ang mga biyayang nasa atin bilang Simbahan na pinamumunuan ng ating kahanga-hangang President Gordon B. Hinckley. Malaki ang maitutulong nito sa atin.
Kamakailan, nabasa ko ang tungkol kay Erik Weihenmayer, isang 33-taong-gulang na nangarap akyatin ang Bundok Everest, isang hamon sa mga dalubhasa sa akyatan sa buong mundo. Sa katunayan, halos 90 porsiyento sa kanila ang hindi umabot sa tuktok. Mas mababa nang mahigit 30 digri sa sero ang lamig. Bukod sa sobrang lamig, 100- milya-bawat-oras na hangin, mapanganib na mga bitak sa bundok, at pagguho ng yelo, kailangang kayanin ng umaakyat ang mga hamon ng taas, kakulangan ng oxygen, at marahil maruming pagkain at tubig. Mula pa 1953, mga 165 umakyat ang namatay sa tangkang akyatin ang 29,000-piyeng-taas na tuktok.
Bagama't mapanganib, daan-daan ang nakalinya bawat taon upang umakyat, kasama na si Erik. Ngunit may malaking kaibahan si Erik sa iba pang nagtangkang umakyat noon: si Erik ay bulag.
Nang si Erik ay 13-taong-gulang, nabulag siya dahil sa namanang karamdaman sa retina. Bagama't marami na siyang hindi magawa, determinado siyang huwag aksayahin ang kanyang buhay sa paninimdim at kawalang-silbi. Sinimulan niyang higitan ang kanyang limitasyon.
Sa edad na 16 natuklasan niya ang pag-akyat sa matataas na bato. Sa paghipo sa bato, mayroon siyang mga hawakan at tapakan para makaakyat. Makaraan ang labing-anim na taon, sinimulan niya ang pag-akyat sa Bundok Everest. Ang kuwento ng kanyang pag-akyat ay puno ng maraming mapanganib na hamon. Ngunit sa huli'y naakyat ni Erik ang tuktok sa timog at naging miyembro ng grupo ng mga matagumpay na nakaakyat, isa sa iilang nakatuntong sa pinakamataas na bundok sa ibabaw ng lupa.
Nang tanungin kung paano niya nagawa ito, sabi ni Erik, "Patuloy akong nag-iisip . . . ituon ang inyong isipan. Huwag tulutang humadlang ang alinlangan at takot at kabiguan." At ang pinakamahalaga, sabi niya, "Paisa-isa lang ang hakbang."1
Oo, nagapi ni Erik ang Everest sa paisa-isang hakbang lang. At patuloy niyang ginawa ito hanggang sa marating niya ang tuktok.
Tulad ni Erik, maaaring may mga hadlang na pipigil sa atin. Maaari pa tayong magdahilan kung bakit di natin magawa ang nais nating gawin. Marahil kapag natutukso tayong pangatwiranan ang ating pagkukulang, maaalala natin si Erik na sa kabila ng pagkabulag ay naisakatuparan ang inakala ng marami na imposible, sa patuloy lamang na paghakbang.
Isang lumang kawikaan ang nagsasabing ang paglalakbay ng libong milya ay nagsisimula sa isang hakbang.
Minsan ay mas pinahihirap natin ang proseso. Hindi natin kailanman malalakbay ang libong milya sa pag-aalala sa layo o hirap nito. Nalalakbay natin ito sa paisa-isa at paulit-ulit na paghakbang hanggang sa marating ang ating patutunguhan.
Ito rin ang prinsipyo sa pag-akyat sa mas mataas na espirituwalidad.
Alam ng Ama sa Langit na kailangan nating simulan ang pag-akyat mula sa kinaroroonan natin ngayon. "Kapag umaakyat ka ng hagdan," ang turo ni Propetang Joseph Smith, "dapat kang magsimula sa pinakaibaba, at umakyat nang baha-bahagdan, hanggang sa marating mo ang tuktok; gayon din ang mga alituntunin ng ebanghelyodapat kang magsimula sa una, at magpatuloy hanggang sa malaman mo ang lahat ng alituntunin ng kadakilaan. Ngunit matagal din, paglampas mo sa tabing, bago mo matutuhan ang mga ito."2
Mahal tayo ng ating Ama sa Langit at nauunawaan Niya na kailangan ng paghahanda, panahon, at katapatan ang pag-akyat. Nauunawaan Niya na magkakamali tayo kung minsan, madadapa, panghihinaan ng loob at marahil nanaising sumuko at sasabihin sa sarili na hindi sulit ang pakikibaka.
Alam nating sulit ang pagsisikap, dahil ang gantimpalang buhay na walang hanggan, ang "pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos."3At para maging marapat, dapat tayong humakbang nang unti-unti at magpatuloy upang makamit ang espirituwalidad na nais nating marating.
Isang walang hanggang alituntunin ang inihayag sa banal na kasulatan: "Hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas. At muli, kinakailangang siya ay maging masigasig, nang sa gayon siya ay magkamit ng gantimpala."4
Hindi natin kailangang magmabilis, kailangan lang tayong maging matatag at manatili sa tamang direksyon. Gawin natin ang pinakainam, sa paisa-isang hakbang.
Noong kabataan ko, gustung-gusto kong tumakbo. Hindi kayo maniniwala, pero nanalo ako sa ilang takbuhan. Hindi na ako ganoon kabilis. Ni hindi nga ako tiyak kung mananalo ako sa takbuhan kung ang mga kalahok ay ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa.
Hindi na ako mabilis tumakbo. Habang inaasam ko ang panahon na sa nabuhay na mag-uling katawan ay muli akong makatatakbo at madarama ang hanging umiihip sa aking buhok, hindi ko iniisip na hindi ko na kayang gawin iyon ngayon.
Hindi tamang isipin iyon. Sa halip, humahakbang ako hangga't kaya ko. Kahit matanda na ako, makahahakbang pa rin ako nang paisa-isa. Ang gawin ko ang lahat ng makakaya ko ang tanging hiling sa akin ng Ama sa Langit. At iyon ang hiling Niya sa inyo, anuman ang inyong kapansanan, limitasyon, o pag-aalinlangan.
Si John Wooden na yata ang pinakadakilang basketball coach sa kolehiyo sa kasaysayan ng larong ito. Buong apat na taon siyang walang talo. Nanalo ang kanyang mga koponan ng 10 pambansang kampeonato. Minsan, 88 sunud-sunod na laro ang ipinanalo nila.5
Ang isa sa mga unang ikinintal ni Coach Wooden sa isipan ng kanyang mga manlalaro ay itinuro sa kanya ng kanyang ama noong bata pa siya at lumalaki sa bukid. "Huwag mong masyadong isipin na maging mas mahusay kaysa sa iba," sabi ng ama. "Matuto ka sa iba, oo. Pero huwag mong basta tangkaing higitan sila. Hindi mo makokontrol iyon. Sa halip ay sikapin mong gawin ang pinakamainam na magagawa mo. Iyan ang kaya mong kontrolin."6
Isang halimbawa ang isang kapatid na babae sa alinmang ward, na perpekto ang mga anak at hindi kailanman nanggulo sa simbahan. Siya ang tipong tinatrabaho ang kanyang ika-20 henerasyon sa kanyang kasaysayan ng mag-anak, masinop sa tahanan, saulado ang aklat ni Marcos, at naghahabi ng pangginaw para sa mga batang ulila sa Romania. Mawalang-galang na sa pagbanggit sa mga mithiing ito. Ngayon, kung natutukso kayong sumuko dahil sa kapatid na ito, tandaan ninyong hindi kayo nakikipagpaligsahan sa kanya tulad ng pakikipagpaligsahan ko sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawa sa 50-yardang takbuhan.
Ang tanging dapat ninyong alalahanin ay ang pagsisikap na magpakahusay. At paano ninyo ito gagawin? Ituon ang inyong paningin sa pinakamamahalagang adhikain sa buhay at unti-unting kamtin ang mga ito.
Alam kong maraming nag-iisip na mahirap at madilim ang landas. Ngunit tulad ni Erik, ang matapang na mang-aakyat ng bundok, tayo ay mayroong gabay.
May mga banal na kasulatang naghahayag ng salita ng Diyos sa sangkatauhan sa buong panahon. Kapag nagpapakabusog tayo sa salita ng Diyos, nabubuksan ang ating isipan sa mga walang-hanggang katotohanan at ang puso sa marahang bulong ng Espiritu Santo. Tunay na ang mga salita ng Diyos, sa pamamagitan ng banal na kasulatan at mga makabagong propeta, ay "ilawan sa —ating] mga paa, at liwanag sa —ating] landas."7
Habang nagbabasa tungkol sa mga dakilang kaluluwang nauna sa atin, nalalaman natin na sila din ay pinanghinaan ng loob at nalungkot, na nagpunyagi sila sa kabila ng hirap, ng pagsalungat, at minsan ng kanilang mga kahinaan. Nalalaman natin na patuloy din silang sumulong, nang unti-unti. Maaari tayong makatulad ng mabubuting kaluluwang binanggit ni Lehi na, "mahigpit na humawak sa dulo ng gabay na bakal; at sila ay nagpatuloy sa paglalakad sa abu-abo ng kadiliman, . . . hanggang sa makalapit sila at makakain ng bunga ng punungkahoy."8
Mayroon din tayong buhay na propeta, si President Gordon B. Hinckley. Nagbibigay siya ng payo at patnubay ng propeta sa ating panahon.
Sa tulong ng kanyang payo at ating mga dalangin, mararating natin ang kalangitan at personal na makakausap ang Ama sa Langit. Sa pamamagitan ng pananampalataya, maaantig natin ang langit mismo. Mabubuksan ang mga pintuan at matatanggap ang mga kasagutan.
Isipin ninyo si Joseph Smith na noong bata pa ay napaligiran ng nakalilito at magkakasalungat na tinig, na naghahangad na malaman kung alin sa mga simbahan ang totoo. Siya man ay parang bulagna napaligiran ng kadiliman ng kanyang panahon. Matapos basahin ang aklat ni Santiago sa Bagong Tipan, naniwala siya sa sinaunang apostol na nagsabi, "Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito'y ibibigay sa kaniya."9Naniwala si Joseph sa mga salitang iyon at, isang umaga ng tagsibol noong 1820, nagpunta siya sa kakahuyan upang manalangin at humingi ng karunungan sa Ama sa Langit.
Pinuspos siya ng liwanag at direksyon ng sagot sa kanyang panalangin. Nagpakita sa kanya ang Ama sa Langit at ang Kanyang Minamahal na Anak. Ang tagubilin Nila ang pumawi sa makapal na kadilimang bumalot at nagtangkang pumuksa sa kanya. Tuluyan nitong pinawi ang kanyang pagkalito.
Mula noon hanggang sa kanyang pagkamartir halos 25 taon makalipas iyon, inilaan ni Joseph Smith ang sarili sa landas na ipinakita sa kanya ng Ama at ng Anak. Isipin na lang ninyo kung gaano kahirap ang kanyang kapanahunan, ang pagdurusa at pag-uusig na tiniis niya. Nugnit nagpatuloy siya, unti-unti, at hindi kailanman sumuko, ni nag-alinlangan na kung gagawin niya ang makakaya niya, ang Ama sa Langit ang bahala.
Mga kapatid, ang panahon natin dito ay napakahalaga at napakaikli. Nauunawaan ko ang propetang si Jacob nang sabihin niyang, "Lumipas din ang mga taon ng aming buhay na tulad ng isang panaginip."10
Di magtatagal, darating na ang ating wakas. Habang kaya natinhabang may oras pa upang tapusin ang ating gawaintahakin natin ang tamang landas, sa paisa-isang hakbang.
Madali lang iyon. Hindi tayo kailangang maging perpekto ngayon. Hindi kailangang maging mahusay tayo kaysa iba. Ang kailangan lang ay gawin natin ang pinakamainam na magagawa natin.
Bagama't maaari tayong manghinawa, bagama't hindi natin makita minsan ang daan, hindi pababayaan ng Ama sa Langit ang Kanyang mabubuting tagasunod. Hindi Niya kayo iiwanang nagdurusa. Nasa tabi ninyo Siya, oo, at gagabayan kayo sa bawat hakbang.
Dinggin ang magagandang salitang ito na isinulat ni Joseph Fielding Smith sa paglalarawan niya sa buhay na ito.
Lakbay ba'y mahaba? Ang landas matarik?
May mga tinik ba sa daan?
Sa batong tumusok paa ba'y nahiwa
Pagtindig sa tuktok ng bundok?
Puso ba'y malungkot, kalul'wa'y nanghina,
Sa bigat ng problemang pasan?
Di mo ba makayang dalahi'y buhatin?
Wala bang tumulong ni isa?
H'wag tulutang puso'y manghina sa landas;
May Isang tutulong sa iyo.
Tumingin sa langit kamay N'ya'y hawakan;
Pagtungo roo'y kasama S'ya
Sa isang lupaing banal at dalisay,
At buhay malaya sa sala,
Walang lumuluha, o kalungkutan man.
Kasabay S'ya pagpasok doon.11
Nawa'y maging matapang tayo at simulang akyatin ang ating Bundok Everest, upang umunlad tayo sa buhay sa paisa-isang hakbang hanggang sa marating natin ang pinakamahusay na nasa atin. Buhay ang ating Ama sa Langit at kilala at mahal Niya tayo. Si Jesucristo ang Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas at Manunubos ng lahat, at oo, ang Prinsipe ng Kapayapaan. Si Joseph Smith ang propeta ng Panunumbalik, at si President Gordon B. Hinckley ang ating propeta, tagakita, at tagapaghayag sa mundo ngayon. Ito ang aking patotoo at alam kong magiging maligaya kayo at masisiyahan kung gagawin ang inyong pinakamainam. Ito ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. "Everest Grueling for Blind Man,"Deseret News, ika-5 ng Hunyo, 2001, A12; tingnan din sa Karl Taro Greenfeld, "Blind to Failure," Time, ika-18 ng Hunyo, 2001.
2. The Teachings of Joseph Smith, inedit nina Larry E. Dahl at Donald Q. Cannon (1997), 519.
3. D at T 14:7
4. Mosias 4:27
5. http://www.coachwooden.com/ bio.shtml
6. http://www.coachwooden.com/ bodysuccess.shtml
7. Mga Awit 119:105.
8. 1 Ne. 8:24.
9. Santiago 1:5.
10. Jacob 7:26.
11. "Does the Journey Seem Long?"Hymns, p. 127.