The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 1999
"Dahil Dito Ako Naparito sa Sanglibutan"

"Dahil Dito Ako Naparito sa Sanglibutan"

Elder Alexander B. Morrison
Ng Pitumpu

Marapat na ang sagisag ng pagtataglay kay Jesus sa ating puso ay ang ganap na paglalaan ng buhay sa Kanyang paglilingkod, pagmamahal, at pagmamalasakit.

Elder Alexander B. Morrison

Nang dalhin si Jesus kay Pilato, pagkaraan ng madilim, puno ng poot na gabi ng panlalait at pang-aabuso, kaagad nabatid ng gobernador na Romano na hindi ito ordinaryong tao. Hindi nakitaan si Jesus ng panghihinakit o pagtatapang-tapangan na karaniwan sa mga nagmamakaawa para sa kanilang buhay sa makapangyarihang imperyo ng Roma. Tahimik siyang tumayo sa harap ng palalong Romano, di tumutungo, dakila, ang kanyang pagkilos ay mahinahon ngunit malahari. "Ikaw nga baga'y hari?" tanong ni Pilato (Juan 18:37).

Si Jesus, ang Hari ng mga Hari, na pinadalhan sana ng Ama ng "mahigit sa labindalawang pulutong na mga anghel" (Mat. 26:53) kung hiniling niya, na higit ang kaluwalhatian at kadakilaan sa sinumang Pilato--o kahit na sinong tao--na maaaring isipin, ay sumagot lamang ng: "Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ako'y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa sanglibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan" (Juan 18:37). Si Pilato na isang mahina at urung-sulong na tao, na walang integridad at walang pakialam sa mga tamang prinsipyo ay sumagot nang pabalang "Ano ang katotohanan?" (Juan 18:38). Pagkatapos, kahit wala siyang nasumpungang kasalanan kay Jesus at natitiyak na hindi Siya magpapasimuno ng kaguluhang politikal ni isang panganib sa kapangyarihan at awtoridad ng mga taga Roma, pinagbigyan ni Pilato ang hiling ng mga tao na patayin si Cristo at ipinagkaloob sa mga nagpapako sa Kanya sa krus.

"Dahil dito ako naparito sa sanglibutan." Ano ang dahilan? Bakit bumaba sa lupa si Jesus, ang Panginoong Diyos na Pinakamakapangyarihan na nakaupo sa kanang kamay ng Ama, na lumikha ng mga daigdig na di kayang bilangin, na tagapagbigay ng batas at hukom, upang isilang sa sabsaban, mamuhay na di gaanong kilala noong Siya ay nasa lupa, maglakad sa maalikabok na lansangan ng Judea na nagpapahayag ng mensahe na marahas na sinalungat ng marami, at sa huli, ipinagkanulo ng isa sa Kanyang pinakamalapit na kasamahan, namatay sa pagitan ng dalawang tampalasan sa mapanglaw na burol ng Golgota? Naunawaan ni Nephi, na nagpupuri kay ". . . Jesus, sapagkat kanyang tinubos ang aking kaluluwa mula sa impiyerno" (2 Ne. 33:6) ang dahilan ni Cristo: "Hindi siya gumagawa ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan; sapagkat mahal niya ang sanlibutan, maging ang kanyang sariling buhay ay inialay niya upang mapalapit ang lahat ng tao sa kanya" (2 Ne. 26:24). Ang pagmamahal sa lahat ng anak ng Diyos ang nagbunsod kay Jesus, bukud-tangi sa Kanyang walang bahid na kaganapan, ipinagkaloob ang Kanyang sarili bilang pantubos sa mga kasalanan ng iba. Sa mga titik ng paboritong himno, "Si Jesus ay namatay upang lahat ay matubos" ("Tis Sweet to Sing the Matchless Love," Mga Himno, no. 176). Ito, kung gayon, ang pinakadakilang dahilan kung bakit bumaba sa lupa si Jesus upang "magdusa, dumugo, at mamatay para sa tao." Pumarito siyang parang "korderong walang kapintasan at walang dungis" (1 Pedro 1:19) upang magbayad-sala sa ating mga kasalanan, upang Siya sa Kanyang pagpapapako sa krus, ay mapalapit ang lahat ng tao sa Kanya (tingnan sa 3 Ne. 27:14). Tulad ng nakasaad sa masayang pahayag ni Pablo, "kung paanong kay Adan ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin" (1 Cor. 15:22).

Ang sagisag ng Kanyang tagumpay laban sa kamatayan ay ang walang lamang libingan. Siya na "muling binuhay ng Diyos nang ikatlong araw" (Mga Gawa 10:40) ang kumalag ng "mga gapos ng temporal na kamatayang ito, nang ang lahat ay magbabangon" (Alma 11:42; idinagdag ang diin) at "natamo ang tagumpay laban sa libingan" (Mormon 7:5). Sa Kanya "nalulon ang tibo ng kamatayan" (Mosias 16:8).

Ngunit hindi pumarito si Jesus upang magkaloob lamang ng kawalang-kamatayan kundi maging buhay na walang hanggan sa mga anak ng ating Ama sa Langit. Bagama't nagkakaloob ng pangkalahatang pagkabuhay na mag-uli ang Pagbabayad-sala ni Cristo karapat-dapat man o hindi, ang kaloob na buhay na walang hanggan--buhay na kapiling ang Ama at Anak, sa kanilang ganap na kinaroroonan--ay nakalaan sa mga matapat, sa mga nagpapakita ng pagmamahal kay Cristo sa pamamagitan ng kanilang kahandaang sumunod sa Kanyang mga kautusan at gumawa at tumupad ng mga banal na tipan. Ipinaalaala sa atin ni Jesus, "Ang mayroon ng aking mga utos, at tinutupad ang mga yaon, ay siyang umiibig sa akin" (Juan 14:21). Tulad ng ipinahayag ng mga propeta mula pa noon, tanging sa pagpasok at pagpapanatili ng mga banal na tipan--mga selestiyal na kasunduan sa pagitan ng Diyos at tao--tayo ay maaaring "makabahagi. . . sa kabanalang mula sa Diyos" at makatakas sa "kabulukang nasa sanglibutan" (2 Pedro 1:4).

Pumarito sa lupa si Jesus unang-una bilang nagbabayad-salang Tagapagligtas na namatay upang ang lahat ay makatagpo ng "kapayapaan sa daigdig na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating" (Doktrina at mga Tipan 59:23). Gayon din ay pumarito Siya sa iba pang dahilan--upang magsilbing halimbawa ng lahat ng maaaring banal na kahahantungan ng tao, bilang pamantayan kung saan dapat nila isukat ang kanilang buhay. Siya na nagpahayag ng Kanyang pagka-Diyos sa babaing Samaritana sa balon ni Jacob (tingnan sa Juan 4) ay nananawagan sa atin na "maging tulad ko" (3 Ne. 27:27), na maging ganap "na katulad ko, o ng inyong Ama na nasa langit na ganap" (3 Ne. 12:48). Sa kaibuturan ng pagmamahal na iyan nananawagan Siya sa atin na kalingain ang mga may sakit, naghihirap, nagdadalamhati; na ipanalangin at kaawaan ang lahat ng anak ng Diyos, sapagkat "hindi nagtatangi ang Diyos ng mga tao" (Mga Gawa 10:34). Walang mga hadlang na lahi o kasarian o wika sa Kanya: Tulad ng ipinaliwanag ni Nephi, "wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya, maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; at naaalaala niya ang mga di binyagan; at pantay-pantay ang lahat sa Diyos" (2 Ne. 26:33).

Sa sinuman sa ating nagtataka kung sino ang ating kapitbahay, nagkuwento siya tungkol sa mabuting Samaritano, ang tungkol sa pastol na iniwan ang siyamnapu't siyam upang hanapin ang isang nawawala, at sa isang lalaking naghanda ng isang "malaking hapunan," kung saan inanyayahan "ang mga dukha, at ang mga pingaw, at ang mga bulag, at ang mga pilay" (Lucas 14:16, 21).

Paulit-ulit na nagturo ng mga walang hanggang katotohanan si Jesus, ang Dakilang Guro mula sa mga pangkaraniwang pangyayari sa buhay. Isa sa mga aral na ito ang tungkol sa pagiging bukas-palad sa ating pagbibigay--ang pagbibigay nang may diwa ng pagpapakasakit at hangaring pagpalain ang mga higit na sawimpalad sa atin. Itinala ni Lucas na habang nakaupo si Jesus sa templo, pinagmasdan Niya ang mga naghuhulog ng kontribusyon sa ambagan na naroroon. May mga naghulog ng kanilang handog nang taimtim at taos-puso, subalit ang iba, bagama't nagbigay sila ng malaking halaga ng pilak at ginto, ay ginawa ito nang may pagmamalaki, upang makita ng mga tao.

Nasa mahabang pila ng mga nag-aambag ang isang dukhang balo, na inihulog ang lahat ng mayroon siya, dalawang maliit na barya na yari sa tanso, na kung tawagin ay mite. Kapag pinagsama ay kulang na kalahating sentimo ang halaga sa pera ng Estados Unidos. Tinutukoy ang pagkakaiba sa ibinigay niya at sa higit na malaking ambag ng iba, ipinahayag ni Jesus, "sa katotohanan . . . , ang dukhang babaing balong ito ay naghulog ng higit kay sa kanilang lahat." Bagamat nagbigay ang mga mayaman dahil sa kanilang kasaganaan, "siya, sa kanyang kasalatan ay inihulog ang buong kaniyang ikabubuhay na nasa kaniya" (Lucas 21:1­4). Hindi ang dami ng ibinibigay ang mahalaga. Sa timbangan ng kalangitan, ang halaga'y sinusukat hindi sa dami kundi sa kalidad. Ang hangarin ng mapagkusa ang katanggap-tanggap sa Diyos (tingnan sa 2 Cor. 8:12).

Mahal na mahal ni Jesus ang mga bata. Kapwa sa Luma at Bagong daigdig, tinawag Niya sila upang lumapit sa Kanya (tingnan sa Lucas 18:16; 3 Ne. 17:21­24). Ang talaan ng mga Nephita ay naglalaman ng makapukaw damdaming patotoo sa magiliw na pagmamahal ni Cristo sa mga bata: "Kinuha [Niya] ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila.

"At nang magawa na niya ito, siya ay tumangis" (3 Ne. 17:21­22). Alam ni Jesus na dalisay at walang kasalanan ang mga maliliit na bata. "Malibang kayo'y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata," ang sabi Niya, "hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit" (Mat. 18:3). Ipinaliwanag ni Haring Benjamin, ang dakilang propetang Nephita kung ano ang kahulugan ng maging tulad sa isang maliit na bata: "masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya" (Mosias 3:19).

Sa isang daigdig kung saan lagi nating nakikita ang lubhang kawalang-awa sa mga kapus-palad, sinabi ni Jesus ang pangangailangang magkaloob ng pagkain sa nagugutom, tubig sa nauuhaw, kanlungan sa dayuhan, damit sa walang saplot, at dalawin ang mga may sakit at nasa bilangguan.

Sa isa sa pinakamahirap na pagsubok ng pagiging disipulong Kristiyano, nanawagan Siya sa lahat na "ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang sa inyo'y nagsisiusig" (Mat. 5:44). Ipinaalala Niya sa atin na kapag gumagawa tayo ng kabutihan sa iba, maging sa mga itinuturing ng ilan na "pinakamaliit," "ay sa akin ninyo ginawa" (Mat. 25:35­45). Hindi lamang Niya itinuro ang ating obligasyong magtulungan sa mga temporal na bagay kundi gayon din ang malakas, walang hanggan, at espirituwal na pahiwatig ng paggawa nito. Tunay, lahat ng Kanyang utos, sa huli'y mga espirituwal at hindi temporal lamang. Dahil dito, pinapayuhan tayo ng mga banal na kasulatan na "alang-alang sa pananatili ng kapatawaran ng [ating] mga kasalanan sa araw-araw, upang [tayo] ay makalakad nang walang kasalanan sa harapan ng Diyos, . . . ibahagi [natin] ang [ating] kabuhayan sa mga maralita, bawat tao alinsunod sa kung ano ang mayroon siya" (Mosias 4:26).

Sa huli, kung gayon, naipapakita natin ang ating katapatan kay Cristo at ganap na naipapahayag ang ating pagiging disipulo sa ating pamumuhay at paglilingkod sa Kanya. Marapat na ang sagisag ng pagtataglay kay Jesus sa ating puso ay ang ganap na paglalaan ng buhay sa Kanyang paglilingkod, pagmamahal at pagmamalasakit, ganap na katapatan kay Cristo at sa Kanyang layunin; ng espirituwal na muling pagsilang na nagdudulot ng "malaking pagbabago" sa ating puso at maghahanda sa ating tanggapin ang "kanyang larawan sa [ating] mga mukha" (Alma 5:13­14). Ang taglayin ang Kanyang pangalan ay nangangahulugan ng kahandaang gawin ang anumang ipinagagawa Niya sa atin. May nagsabi na ang kabayaran sa pamumuhay Kristiyano ay hindi nagbabago kailanman: ito ay ang pagkakaloob ng lahat nang hindi nagtitira, "tatalikuran. . . ang lahat ng [ating] kasalanan upang makilala [siya]" (Alma 22:18). Kapag nabigo tayong mamuhay ayon sa pamantayang iyon dahil sa katamaran, pagwawalang-bahala, o kasamaan; kung tayo ay masama o mainggitin, maramot, mahalay o mababaw, para na rin natin Siyang ipinapakong muli sa krus. At kapag palagi nating sinisikap na maging pinakamabuti, kapag nagmamalasakit at naglilingkod tayo sa iba, kapag pinalitan natin ng pagmamahal ang pagiging makasarili, kapag inuuna natin ang kapakanan ng iba, kapag pinapasan natin ang mga pasanin ng isa't isa, at "makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati;" kapag ginawa nating "aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at . . . tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng mga bagay, at sa lahat ng lugar" (Mosias 18:8­9), sa gayon Siya ay dinadakila natin, at nakakakuha ng lakas sa Kanyang kapangyarihan at nagiging lalong katulad Niya, na "lumiliwanag nang lumiliwanag" kapag nagpatuloy tayo, "hanggang sa ganap na araw" (Doktrina at mga Tipan 50:24).

Hindi masabi ng tinig ni maipahayag ng salita ang kaganapan ng di maipaliwanag na halimbawa ni Cristo. Sa mga salita ni Juan, na minamahal, "at mayroon ding iba't ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, ay inaakala ko na kahit sa sanglibutan ay hindi magkakasiya ang mga aklat na susulatin" (Juan 21:25).

Magtatapos ako kung saan ako nagsimula, sa mga dakilang salita ni Cristo kay Pilato: "Dahil dito ako naparito sa sanglibutan." Malaki ang dapat nating ipagpasalamat na Siya ay pumarito, dalawang milenyo na ang nakalilipas, upang magbayad-sala sa ating mga kasalanan at magbigay ng halimbawa sa ating buhay. Ipinapahayag natin ang pawang katotohanang iyan sa buong mundo nang may lakas ng loob. Pinapatotohanan ko sa inyo na muli Siyang babalik, bilang Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon, nang may dala-dalang lunas, upang palayain ang Kanyang mga tao (tingnan sa "Halina, O Hari ng Lahat," Mga Himno no. 59). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy