The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 1999
Ang Ating Pamana

Ang Ating Pamana

Elder Stephen B. Oveson
Ng Pitumpu

Ano ang ginagawa natin upang matiyak na ang pamanang ito ay naisasalin sa ating mga minamahal na anak at sa ating mga apo?

Elder Stephen B. Oveson

Mga kapatid, nagpapasalamat ako na makapiling kayo ngayon sa makasaysayang Tabernakulong ito. Pitumpu't apat na taon na ang nakalipas, ang aking lolo na si Lars Peter Oveson ay tumayo sa pulpitong ito at nagbigay ng kanyang patotoo bilang isang panauhing pangulo ng istaka mula sa Emery County, Utah.

Bagama't sumakabilang buhay siya noong ako ay bata pa, ang aking lolo sa tuwina'y isa sa aking mga bayani. Pinag-aralan ko ang kanyang talaarawan na paulit-ulit na nagsasalaysay ng kanyang kahandaang gumanap sa mga tungkuling ibinigay sa kanya noong siya ay nabubuhay. Siya at ang kanyang mga magulang ay nagbalik-loob sa ebanghelyo sa Denmark, dumayo sa bansang ito, at bumagtas sa mga kapatagan upang makapiling ang mga Banal sa Utah. Isa sa mga tungkuling dumating sa kanya ang nangailangang iwan ang kanyang bago at batang asawa sa loob ng anim na buwan upang tumulong sa pagtatayo ng Templo sa St. George. Muli niyang iniwan ang kanyang maybahay at nagsisimulang pamilya upang maglingkod ng dalawang taong misyon sa Denmark ang kanyang sariling bayan. Pagkaraan ay tatlong ulit na kinailangan ng kanyang mga tungkulin bilang obispo at pangulo ng istaka ang kanilang paglipat at muling pagtatayo ng tirahan at taniman. Sa kabila ng lahat ng mahirap na pagbabagong ito, nanatili siyang nagpapasalamat, masaya, at matapat sa mga alituntunin ng ebanghelyo na nag-iwan ng dakilang pamana ng pananampalataya sa amin na nagtataglay ng kanyang pangalan.

Ang pamanang ito ay isinalin sa akin ng aking ama, si Merrill M. Oveson, ang bunso sa pamilya na may 13 anak. Siya at ang aking ina, si Mal Berg Oveson, na mula rin sa isang matwid na angkan, ay ibinuklod sa Templo sa Salt Lake, sumakay ng tren, at nagtungo sa Oregon upang ipagpatuloy ang pag-aaral ng aking ama. Nanatili silang magkasama sa loob ng mahigit na 40 taon, malimit ay nanirahan sila sa isang napakaliit na komunidad ng mga magsasaka na kung saan kami lamang ang tanging miyembro ng Simbahan.

Malimit kong maisip na napakadali sana para sa aming mga magulang na basta na lamang magpalit ng kanilang pananampalataya at sumama sa marami nilang kaibigan na kabilang sa simbahang nagtuturo ng Kristiyanismo sa komunidad. Mapadadali sana ng hakbang na ito ang uri ng kanilang pamumuhay lalo na noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung kailan dahil sa pagrarasyon ng gasolina at mga gulong ay imposible para sa kanila na maglakbay ng 40 milya tungo sa pinakamalapit na itinatag na sangay ng Simbahan ng mga BHA. Sa halip, pinahintulutan silang magkaroon ng Panlinggong Paaralan sa bahay, na matapat nilang idinaos tuwing linggo sa loob ng mga taong iyon. Doon sama-sama naming pinagsaluhan bilang pamilya ang sakramento. Doon natutuhan ko at ng aking mga kapatid ang mga alituntunin ng ebanghelyo at napakinggan ang mga kuwento sa Biblia at Aklat ni Mormon mula sa mismong paanan ng aming mga magulang.

Ang aking ama, na isa sa aking mga bayani, ay pumanaw ilang taon na ang nakalilipas, subalit ang aking ina, na ngayon ay nasa kanyang ika-96 na taon, ay matapat pa ring dumadalo sa kanyang purok tuwing linggo at isang inspirasyon sa lahat ng nakakikilala sa kanya.

Gayon din ang pamana ng mga ninuno ng aking asawa sa kanya. Anupa't nagpapasalamat kami rito. Alam naming ipinagkatiwala sa amin ang kasalukuyang tungkuling ito dahil na rin sa mga matapat na gawain ng mga nauna sa amin. Ang tanong ay, ano ang ginagawa natin upang matiyak na ang pamanang ito ay naisasalin sa ating mga minamahal na anak at sa ating mga apo?

Nagmula man tayo sa angkang ilang salinlahi nang miyembro ng Simbahan o kaya ay tayo ang unang miyembro ng Simbahan sa ating pamilya, may tungkulin tayong iparating sa ating mga inapo ang isang pamana ng pananampalataya na nakikita sa ating mga araw-araw na gawa. Ang mga bagong nagbalik-loob na kasapi ay may natatanging dakilang pagkakataon upang maging mga tagabunsod para sa kanilang mga ninuno at para sa kanilang mga inapo. Upang magampanan ang tungkuling ito, kailangan nating itanong sa ating sarili ang ilang masusing tanong:

  • Namumuhay ba tayo nang matapat at marangal?

  • Sinusunod ba natin ang payo ng mga propeta, na nabuhay noon at sa kasalukuyan?

  • Tinutupad ba natin ang ating mga tipan?

  • Nagdaraos ba tayo ng ating mga gabing pantahanan ng mag-anak at pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan, sinisikap ipamuhay ang mga alituntuning natututuhan mula sa mga ito?

  • Sinusunod ba natin ang Salita ng Karunungan?

  • Bukas-palad ba tayo sa pagbibigay ng ating mga ikapu at mga handog?

  • Palagi ba tayong nag-aayuno at nananalangin at ginagawa ito nang may matapat na puso?

  • Nakikinig ba tayo sa mga sagot sa ating mga panalangin at sinisikap na sundin ang mga pag-uudyok ng Espiritu?

  • Tayo ba ay mabubuting kapitbahay at matatapat na kaibigan?

  • Tumutulong ba tayo sa pagtatayo ng kaharian sa pamamagitan ng pagkilala sa pagkasaserdote, pagtupad sa ating mga tungkulin, at pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba?

  • Mabagal ba tayong magalit at madaling magpatawad?

  • Matapat ba nating masasabi na hindi lamang natin pinagsisisihan ang ating mga pagkakamali kundi natututo tayo sa mga ito?

  • Inuuna ba natin ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo sa ating buhay? O, tulad ng sinabi minsan ng isang tao na, "Kung tayo ay aakusahan sa isang hukuman ng pagiging mga Banal sa Huling Araw, magkakaroon kaya ng sapat na ebidensiya upang tayo'y mahatulan?"

    Mga kapatid, kung hindi tayo nasisiyahan sa mga sagot sa mga ganitong uri ng tanong, kailangan nating simulan ngayong mamuhay nang higit na mabuti upang ang mga pinakamalapit sa puso natin ay "mangakita nila ang [ating] mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang [ating] Ama na nasa langit" (Mat. 5:16).

    Inaamin ko na kapag hindi umaayon ang aking buhay sa mga pamantayan ng aking mga ninuno, ito ay dahil sa sinunod ko muna ang aking mga makalupa bago ang aking mga espirituwal na hangarin. Subalit natutuhan ko na maaari nating ibaling ang ating mga layunin at ituon ang ating mga pananaw sa mga bagay na may kinalaman sa kawalang hanggan.

    Nakita naming mag-asawa ang maraming nagbalik-loob sa Simbahan na gumawa ng mga kinakailangang pagbabago upang maituon ang kanilang buhay sa ebanghelyo. Nakita namin ang daan-daang batang full-time na misyonero sa Buenos Aires, Argentina na nagsakripisyo upang maging mga tunay na laang lingkod ng Panginoon. Ang tanging kailangan ay pagnanais, pagsunod, dedikasyon, at pagtitiis. Ang Panginoon na ang bahala sa iba!

    Tayo ay mga anak Niya. Mahal Niya tayo at kilala ang bawat isa sa pangalan. Nais Niyang makabalik tayo sa Kanyang kinaroroonan at mamuhay nang walang hanggan na kapiling Siya. Ito ang dakilang pamana ng ebanghelyo ni Jesucristo. Dahil sa pagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas, nakatitiyak tayo ng buhay pagkatapos ng buhay na ito at ng posibilidad na manahin ang lahat na mayroon ang Ama. Dahil sa kaalaman at pamanang ito, kailangan tayong "magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa" (2 Nephi 31:20).

    Kailangan nating sundin ang paghahalintulad ng ating mahal na propeta, si Pangulong Hinckley, na kailan lang ay nagsabi sa mga mag-aaral sa Ricks College: "Sinasabi ko sa inyo nang buong lakas na aking makakaya, huwag maging isang marupok na kawing sa tanikala ng inyong mga salinlahi. Pumarito kayo sa lupa nang may dakilang mana. Nagmula kayo sa mga dakilang kalalakihan at kababaihan. . . . Huwag ninyo silang biguin kailanman. Huwag kailanman gumawa ng isang bagay na magpaparupok sa tanikala na kung saan ay isa kang mahalagang bahagi" (Scroll, ika-14 ng Set. 1999, 20). Ang kahulugan niyon sa akin ay kailangan nating gawin sa abot ng ating kapangyarihan na tiyakin na maitanim sa ating mga mahal sa buhay ang dakilang pamana na isang walang-maliw na patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo.

    Tulad ng malinaw na sinabi ng aking lolo, 74 na taon na ang nakalilipas: "Nagagalak akong magpatotoo sa katotohanan ng gawaing ito ng Panginoon sa buong mundo, sapagkat alam ko na ito ay totoo; alam ko na ito ay para sa ikauunlad at pagsulong ng mga anak ng Diyos, at dalangin ko na tulungan tayo ng Panginoon . . . na manatiling matapat at totoo, nang matagpuan tayong mga magiting na manggagawa sa panig ng katuwiran at tumutulong sa pagtatayo ng kanyang kaharian sa lupa" (Lars Oveson, sa Conference Report, Abr. 1925, 127). Idinaragdag ko ang aking sariling patotoo sa mga katotohanang ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

  •  
    © 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy