Elder David R. Stone
Ng Pitumpu
Ang mga tanod sa tore ay kilala natin bilang mga apostol at propeta. Sila ang ating mga espirituwal na kagamitang panghimpapawid.
Isang Linggo ng umaga mahigit isang taon na ang nakalilipas, isang napakagandang araw sa Santo Domingo sa Dominican Republic ang gumising sa amin. Maliwanag ang araw, at maaliwalas ang langit. Marahan ang ihip ng hangin at bahagya lang ang galaw ng mga dahon sa puno; mainit, payapa at tahimik. Ngunit sa gitna ng laot, sa hindi abot ng aming tanaw, ay may paparating na mapangwasak at nakamamatay, hindi mapigilan at hindi maiiwasan. Ang tanggapan ng Hurricane Center na may responsibilidad na subaybayan at hulaan ang direksiyong tutunguhin ng unos na tinawag na Georges ay walang tigil na naglalabas ng pinakahuling impormasyon sa Internet. Sa tahimik at payapang umagang iyon ay nakita ko ang hinulaang landas ng unos sa kalangitan sa pamamagitan ng mga kagamitang panghimpapawid, at ito'y nakatutok sa sentro ng Santo Domingo.
Sa loob ng 48 oras ay tumama ang bagyo sa isla ng Santo Domingo, nagngangalit at malupit, at nagdulot ito ng pagkawasak, lagim at kamatayan. Kagila-gilalas ang lakas at kapangyarihan ng kalikasan. Habang ligtas kaming nasa loob ng tahanan namin ay nakita naming nabali ang mga puno dahil sa lakas ng hangin, na umiihip at umuugong at dumadagundong; sa lakas ng hangin ay pumapasok pa rin ang ulan sa pagitan ng mga bintana. Ang rumaragasang baha na tatlong talampakan ang lalim sa kalsada na dulot ng malakas na ulan ay humupa at halos isang pulgada na lang ang kulang para makapasok ito sa aming bahay.
Karamihan sa mga puno sa lugar namin ay nabuwal at lumabas ang mga ugat, o di kaya'y nahati dahil sa lakas ng hangin. Nakakalat sa buong bayan ang mga puno, sanga, mga kawad ng kuryente, at mga poste. Nabarahan ang mga kalye, nagkabuhul-buhol ang trapiko, at mahigit isang linggong walang kuryente. Kahit malaki ang naging pinsala, magiging mas malaki pa sana iyon kung hindi dahil sa mga babala na galing sa mga sumubaybay at humula sa landas ng bagyo at nagpayo sa mga tao na maghanda sila. Lahat halos ng mga nagsisipaghanda nang sapat ay nakaraos sa bagyo na parang walang nangyari. Nagpapasalamat ako sa mga lalaki at babae na ibinubuhos ang oras at atensyon sa pag-aantabay at pagsubaybay sa mga bagyo. Nagliligtas ng buhay at nangangalaga sa mga tao ang napapanahon nilang payo at babala. Nagdurusa ang mga hindi nakikinig sa mga babala ng mga tagapangalaga, na may tungkuling sumubaybay, magbabala at magligtas.
Kahit napakalaki ng pinsala at pagkawasak at pagkamatay na hatid ng mga bagyong ito, may higit pang kalungkutan na hatid sa buhay ng mga tao ang espirituwal na mga unos. Ang nagngangalit na mga puwersang ito ay mas nakasisira kaysa sa pisikal na mga unos, dahil winawasak ng mga ito ang ating kaluluwa at ninanakaw sa atin ang pangwalang-hanggang pananaw at pangako. Kapag lumipas na ang pisikal na bagyo ay masisimulan na nating ibalik sa ayos ang buhay at mga tahanan natin. Ngunit may mga unos na espirituwal o mga makasalanang gawi na naghahatid ng kaguluhan sa buhay natin. Napapalibutan tayo at napapaligiran ng malakas at mapanirang impluwensiya ng kasalanan. Ang mga bunga ng ganitong mga unos ay hindi natin agad nakikita. Gaya ng rumaragasang bagyo, nakikita lang natin ang mga unos na espirituwal kapag naririyan na at malapit na sa atin. Ngunit ang mga ito ay malupit at nagngangalit din kapag lumalakas.
Inilalagay natin ang ating sarili sa landas ng mga unos na espirituwal kapag nagpapasasa tayo sa galit, alak, at pang-aabuso; makamundong pagnanasa at kahalayan; kalaswaan at pornograpiya; bawal na gamot, kahambugan, kasakiman, karahasan, inggit at mga kasinungalingan--mahaba ang listahan. Marahil hindi natin agad napapansin ang mga pagbabago sa buhay natin, at sa panahon ng katahimikan ay walang bakas ng mapanganib na bunga na paparating. Ngunit bigla na lang nating matatagpuan na nasa ilalim na tayo ng kapangyarihan ng kasalanan at sira na ang ating buhay at nagdudulot ng dalamhati at pagdurusa, kalungkutan, kawalan ng pag-asa at pangungulila. Kadalasan ay nagdudulot din ito ng kalungkutan, kawalan ng pag-asa, paghihirap, at sama ng loob sa atin at sa mga mahal natin sa buhay. Sa paglipas ng ganitong pagkasalanta, kadalasan ay mas mahirap pang ibalik sa dati ang nasirang espirituwalidad ng isang tao kaysa itayong muli ang isang lungsod na nasira. May mga umiihip na hangin ng kabuktutan at paghahangad ng masama sa kapwa sa lipunan ngayon, at hindi nito paliligtasin ang sinumang madadako sa landas ng mga ito.
Ngunit may mga tagapangalaga din tayo sa mga unos na espirituwal, silang ang tungkulin ay sumubaybay at magbabala, na tumutulong sa ating iwasan ang pinsalang espirituwal, pagkasira, at maging ang kamatayan. Ang mga tanod sa tore ay kilala natin bilang mga apostol at propeta. Sila ang ating mga espirituwal na kagamitang panghimpapawid, at alam nila sa pamamagitan ng inspirasyon, pagkabatid at dalisay na karunungan, kung ano ang landas na tatahakin ng mga unos na ito. Patuloy silang nagbibigay ng babala upang sabihin sa atin ang malungkot na bunga ng walang pakundangan at sadyang paglabag sa mga kautusan ng Panginoon. Ang kusang pagbale-wala sa mga babala nila ay pag- anyaya sa kalungkutan, dalamhati, at kapahamakan. Ang pagsunod sa mga babala nila ay pagsunod sa mga piniling tagapaglingkod ng Panginoon tungo sa espirituwal na kapayapaan at kasaganaan.
Mula sa pulpitong ito ay pinapayuhan tayo ng mga apostol at propeta tungkol sa mga unos sa ating lipunan at sibilisasyon. Nagbabala sila sa atin tungkol sa iba't-ibang hugis at anyo ng kasamaan, at paulit-ulit tayong tinatawag upang magbalik sa mga landas ng Panginoon. May mga panahon na maaaring ayaw nating marinig ang sinasabi nila. May mga panahon na baka ayaw nating maniwala na darating ang unos; ngunit darating din ito sa tamang panahon sapagkat ang sinumang magtatanim ng hangin ay aani ng bagyo (tingnan sa Hosea 8:7). Alam ito ng Panginoon, at marahil wala nang mas malungkot pang sandali sa mga banal na kasulatan kundi noong ang Panginoon, habang nakatanaw sa Jerusalem, ay may pangungulila, pagmamahal at pighati na nagwikang, "Oh, Jerusalem, Jerusalem, . . . makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa sariling mga sisiw sa ilalim ng kanyang pakpak, at ayaw kayo" (Lucas 13:34).
May kapayapaan at katahimikan, at may ginhawa at kaligtasan sa Kanyang ebanghelyo. Kung makikinig lang tayo sa mga salita ng Guro ang espirituwal na tahanan natin ay tatayong matatag, at hayaan nating bumuhos ang ulan at bumaha, at umihip ang hangin at humampas sa bahay natin, dahil nakatayo tayo sa batong iyon (tingnan sa Mat. 7:2425).
Wika ng Panginoon, "At ang tinig ng babala ay mapapasalahat ng tao, sa pamamagitan ng mga bibig ng aking mga disipulo, na aking pinili sa mga huling araw na ito" (Doktrina at mga Tipan 1:4). Sinabi rin niya na, "Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapagsalita, ito ay iisa" (Doktrina at mga Tipan 1:38).
Pinatototohanan ko na may Diyos sa langit, ang tagapaglikha ng langit at lupa at ng lahat ng bagay na naroroon sa mga yaon. Pinatototohanan ko na may plano Siya para sa atin, na Kanyang mga anak. Pinatototohanan ko na bilang pagtupad sa planong iyon ay nagtungo sa lupa ang Kanyang Anak na si Jesucristo, upang akuin Niya ang mga kasalanan ng mundo, at palayain tayo mula sa kakila-kilabot na bunga ng kasalanan at kasamaan. Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos, at tulad din noon sa Jerusalem ang Kanyang mga bisig ay nakaunat at naghihintay sa atin. Siya ang magsisilbing pananggalang at tagapag-adya natin, at magkakaroon tayo ng kapayapaan sa gitna ng bagyo at kublihan mula sa nagngangalit na hangin.
Sana ay palagi nating pakinggan silang mga tinawag upang sumubaybay at magbabala, at mangalaga at magligtas. Lumakad sana tayo sa mga landas ng Panginoon at maging ligtas sa mga landas ng kapayapaan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.