The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 1999
Paglaki sa Pagkasaserdote

Paglaki sa Pagkasaserdote

Elder Joseph B. Wirthlin
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagbigay sa Tagapagligtas ng kapangyarihang tulungan kayong lumaki bilang kabataang lalaking alam Niyang kaya ninyong abutin.

Elder Joseph B. Wirthlin

Labis akong nakadarama ng pagpapakumbaba sa dakilang tungkuling ito na magsalita sa grupo ng mga kapatid na nagtataglay ng pagkasaserdote ng Diyos. Taimtim kong ipinananalangin na mapasaatin ang Espiritu ng Panginoon upang ang aking sasabihin ay tumimo sa inyong puso.

Nalulugod akong magsalita sa mga kapatid sa pagkasaserdote, lalo na sa mga kabataang lalaki ng ating Simbahan na nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Aaron. Sa maniwala kayo o hindi, tila parang kailan lang nang ako ay isang kabataang lalaki. Noong ako ay isang diyakono, ang masamang palatandaan ng Matinding Taghirap ay nagsisimula nang makita. Libu-libo ang nawalan ng trabaho. Mahirap kumita ng pera. Hindi na makayang tustusan ng mga mag-anak ang araw-araw na pangangailangan. May mga batang hindi na nagtatanong sa kanilang ina ng, "Ano po ang hapunan natin?" sapagkat alam na alam nilang kakaunti lang ang pagkain sa kanilang paminggalan.

Ang mga magulang ko ay masisipag. Masinop sa pera. Iyon marahil ang pangunahing dahilan kaya ang lahat ng ibinigay nila sa akin ay laging doble o tatlong beses ang laki sa akin.

Labindalawang taon ako nang magkaroon ng unang pares ng pang-iskeyting, na napakalaki kaya kailangang palamanan ko ng bulak ang sobrang espasyo nito.

Nang ilabas ko ang mga ito sa kahon, tumingala ako at sinabing, "Inay, hindi ako makapag-iiskeyting na gamit ang mga ito."

"Magpasalamat ka sa kung anong mayroon ka, Joseph," ang sinasabi niya. At pagkatapos, ang mga salitang nakasanayan ko nang marinig, "Huwag kang mag-alala; magkakasya rin iyan sa iyo paglaki mo."

Pagkaraan ng isang taon, gustung-gusto kong magkaroon ng pananggalang sa balikat at helmet na gamit sa putbol. Noong umaga ng pasko, binuksan ko ang mga regalo sa akin, at hayun naroon ang mga pananggalang sa balikat at helmet, kaya lang ang sukat nito ay kasya kay Goliath, na, siyanga pala, ay 6 na kubiko o mga 9 na talampakan ang taas.

"Inay, masyadong malaki ang mga ito," ang sabi ko.

"Magpasalamat ka sa kung anong mayroon ka, Joseph," ang muling sabi niya. "Huwag kang mag-alala; magkakasya rin iyan sa iyo paglaki mo."

Bago ako pumasok sa mataas na paaralan, mahilig na akong maglaro ng putbol sa aming lugar. Kapag isinusuot ko ang bagong kagamitan ay lumalaylay nang sobra ang mga pananggalang sa balikat kung kaya ang tanging napoprotektahan nito ay ang aking mga siko.

Bagaman nagsisiksik ako ng bulak at diyaryo sa helmet, umiikot ito tuwing hahakbang ako. Kapag tumakbo ako, umiikot ito nang umiikot hanggang sa ang tanging paraan upang makita ko kung saan ako patungo ay ang sumilip sa butas na para sa tainga.

Minsan itinakbo ko ang bola nang ubod nang bilis at sumalpok ako sa puno. Sa tuwing babalyahin ako ng kalaban, umiikot ang helmet nang 180 digri at pagtayo ko mukhang kasama na nitong umikot ang ulo ko. Pagkatapos ay buong bilis kong papalamanan muli ito ng bulak at diyaryo, isusuot, at tatakbo para sa pakikipagsangguni sa mga kasama [huddle].

Ang ama ko ay talagang isang dakilang tao. Naaalala ko na minsan ay isinuot ko ang kanyang sapatos. Namangha ako sa laki. Lalaki ba ako nang sapat para magkasya sa akin ang kanyang sapatos? Magagawa ko kayang lumaki na tulad ng aking ama? Ang tanong ko sa aking sarili.

Ginugunita ko ang mga araw na iyon nang may magaan na damdamin. Nakatutuwa na ginugunita ko rin ang mga salita ng panghihikayat ng aking minamahal na ina, "Huwag kang mag-alala, Joseph; magkakasya rin iyan sa iyo."

Sa gayon ding paraan, kailangan nating lahat na pag-aralan ang "paglaki" sa ating mga responsibilidad bilang mga maytaglay ng pagkasaserdote.

ANG MGA DAKILANG POSIBILIDAD NG MGA KABATAAN

Una, nais kong sabihin sa inyo, mga kabataang lalaki, na ang Panginoon ay nagmamalasakit sa inyo. Minamahal Niya kayo. Kilala Niya kayo. Alam Niya ang inyong mga kagalakan at pagsubok, ang inyong mga tagumpay at kabiguan.

Alam Niya na may mga pagkakataon na inaakala ninyo marahil na ang mga pagsubok na kinakaharap ninyo ay masyadong mahirap harapin. Gayon pa man, handa Siyang tumulong sa inyong paglaki bilang mga kalalakihang inyong kahihinatnan.

Marahil minsan ay iniisip ninyo na ang mga tungkulin ninyo bilang mga nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Aaron ay walang kabuluhan o hindi mahalaga, ngunit tinitiyak ko sa inyo na hindi iyan totoo.

Ang lahat ng ginagawa ninyo sa Pagkasaserdoteng Aaron ay may espirituwal na layunin at mahalaga sa Panginoon. Tuwing ginagamit ninyo ang pagkasaserdote, kayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon, ginagawa ang gawain ng Panginoon. Kumikilos kayo bilang Kanyang mga tagapaglingkod na nagtataglay ng Kanyang karapatan na kumilos sa Kanyang pangalan.

Naaalala ko nang ipinatong ng aking ama, na siya ko ring obispo, ang kanyang mga kamay sa aking ulo upang igawad sa akin ang Pagkasaserdoteng Aaron. Nakadama ako ng kakaiba noong araw na iyon. Noong mga sumunod na linggo bumalik ang damdaming iyon habang ipinamamahagi ko ang mga simbolo ng sakramento sa mga miyembro ng aming purok, at tinitingala ko sila bilang aking mga huwaran. Pumasok sa isip ko na ginagawa ko ang mismong ginawa ng Tagapagligtas sa Huling Hapunan.

Nais kong magbahagi sa inyo ng limang alituntunin na kapag ipinamuhay at isasama sa inyong buhay habang bata pa kayo, ay tiyak na makapagbibigay ng kaligayahan at kapayapaan sa buong buhay ninyo, anumang pagsubok at tukso na dumating sa inyo. Ang mga alituntuning ito ay inihayag ng Panginoon bilang payo sa ating lahat na nagsisikap lumaki sa uri ng mga kalalakihang nais Niya sa atin.

LIMANG ALITUNTUNIN PARA SA MGA NAGTATAGLAY NG PAGKASASERDOTENG AARON

Una, Unahin ang Ama sa Langit sa inyong buhay. Tandaan ang mga salita ni Alma sa kanyang anak na si Helaman: "O, pakatandaan, anak ko, at matuto ng karunungan sa iyong kabataan; oo, matuto sa iyong kabataan na sumunod sa mga kautusan ng Diyos."1 Ipinaalala sa atin ng Tagapagligtas ang priyoridad na iyan nang itinuro Niya na ang una at pinakadakilang kautusan ay, "Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo."2

Mahalagang malaman at maunawaan ninyo na ang ating Ama sa Langit ay minamahal kayo bilang anak, sapagkat Siya ang Ama ng inyong espiritu. Nangangahulugan iyan na ikaw ay Kanyang tunay na anak, Kanyang espirituwal na anak.

Dahil dito, minana ninyo ang potensiyal na maging katulad Niya. Ang pinakamatinding hangarin Niya ay ang lumaki kayo sa buhay na ito nang taludtod sa taludtod, na lalong maging katulad Niya upang balang araw ay makabalik kayo sa kinaroroonan Niya. Tandaan, gawain at kaluwalhatian ng Diyos na, isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.3

Ang pag-ibig ng Diyos sa inyo at sa buong sanlibutan ay ganap at walang hanggan.4 Siya ay ganap na makatarungan,5 at maawain.6 Siya ay ganap na mabuti7 at ganap na nauunawaan ang inyong kalagayan at katayuan. Kilala Niya kayo nang higit sa pagkakakilala ninyo sa inyong sarili.

Sapagkat ang inyong Ama sa Langit ay perpekto, makapananampalataya kayo sa Kanya nang ganap. Mapagkakatiwalaan ninyo Siya. Masusunod ninyo ang Kanyang mga kautusan sa pamamagitan ng patuloy na pagsisikap na gawin ito.

"Ang ibig bang sabihin niyan ay ang lahat ng kautusan ng Diyos?" marahil ay itatanong ninyo. Oo! Lahat ng mga ito!

Sinabi ni Joseph Smith, "Ang [Diyos] ay hindi kailanman magtatatag ng ordenansa o magbibigay ng kautusan sa Kanyang mga tao nang hindi tinitiyak na ito ay likas na makapagsusulong ng kaligayahang nilayon Niya, at magtatapos sa pinakamalaking dami ng kabutihan at kaluwalhatian para sa mga yaong tatanggap ng Kanyang mga batas at ordenansa."8

Ang mga kautusan ng Diyos ay hindi ibinibigay upang limitahan o parusahan tayo. Ang mga ito ay mga pagsasanay na nakalilikha ng pagkatao at nagpapabanal ng mga kaluluwa. Kung babalewalain natin ang mga ito, manlalata at manghihina tayo sa espirituwal, at mawawalan ng pananggalang. Kung susundin natin ang mga ito, maaari tayong maging dakila sa espirituwal, malakas at matapang sa kabutihan.

Naglalaan ba kayo ng panahon na suriing muli na kasama ang inyong Ama sa Langit ang mga nangyayari sa inyo araw-araw? Ipinahahayag ba ninyo sa Kanya ang mga naisin ng inyong puso at nagpapasalamat ba kayo sa mga biyayang ibinigay Niya sa inyo?

Ang araw-araw na pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ay napakahalaga, at magtatanggol ito sa atin sa lupa at maghahanda sa atin para sa napakalaking pakikipagsapalarang naghihintay sa atin pagkatapos ng buhay na ito.

Pangalawa, lumapit kay Cristo at sumunod sa kanya bilang inyong Tagapagligtas at Manunubos. Makalalapit tayo kay Cristo habang natututo tayong mahalin Siya at habang masigasig tayong nag-aaral ng mga banal na kasulatan. Paano natin maipakikita ang pagmamahal natin sa Tagapagligtas? Ibinigay Niya sa atin ang sagot: "Kung ako'y inyong iniibig ay tutuparin ninyo ang aking mga utos."9

Bawat isa sa inyo ay maaaring magbasa sa mga banal na kasulatan araw-araw. Dapat na maglaan kayo ng oras sa pagninilay-nilay at pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Mas mabuting magbasa at magnilay-nilay ng kahit isang talata kaysa sa wala. Hinahamon ko ang bawat kabataang lalaki na magbasa ng kahit bahagya sa mga banal na kasulatan araw-araw sa buong buhay ninyo. Ang kakaunting bagay na ginagawa ninyo ay magdudulot sa inyo ng mas maraming biyaya.

Mag-aral tungkol sa inyong Tagapagligtas. Si Jesucristo ay nagdusa sa Halamanan ng Getsemani nang higit pa sa nauunawaan ninyo. Bukal sa loob at buong pagmamahal na pinasan Niya sa Kanyang sarili hindi lamang ang ating mga kasalanan kundi pati ang mga pasakit, karamdaman at paghihirap ng lahat ng tao.10 Naghirap din Siya nang gayon sa Krus, kung saan ibinigay Niya ang Kanyang buhay upang bayaran ang kaparusahan sa ating mga kasalanan kung tayo ay magsisisi. At pagkatapos sa Kanyang pinakahuling tagumpay, Siya ay nabuhay na mag-uli at kinalag ang mga gapos ng kamatayan na dahilan upang ang Pagkabuhay na Mag-uli ay maranasan ng lahat.

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagbigay sa Tagapagligtas ng kapangyarihang tulungan kayong lumaki bilang kabataang lalaking alam Niyang kaya ninyong abutin. Sa pamamagitan ng pagsisisi nagkakaroon ng bisa ang Pagbabayad-sala sa inyong buhay.

Habang mas nauunawaan ninyo ang Pagbabayad-sala at ang kahulugan nito, mas kakaunti ang posibilidad na madaig kayo ng mga tukso ng kalaban. Wala nang iba pang doktrina ang makapagbibigay ng mas magandang resulta sa pagpapabuti ng pag-uugali at pagpapalakas ng pagkatao kaysa sa doktrina ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ito ay sentro sa plano ng Diyos at mahalaga sa ipinanumbalik na ebanghelyo.

Ang taimtim kong patotoo bilang isang natatanging saksi ay ang alam ko na si Jesus ang Cristo, ang Bugtong na Anak ng Ama, ang Lumikha ng langit at lupa, at ang ating Panginoon at Tagapagligtas.

Pangatlo, mamuhay nang marapat para sa pakikisama ng Espiritu Santo. Ang kaloob na Espiritu Santo ay isa sa pinakamahalagang kaloob na matatanggap ninyo sa mortalidad. Ang Espiritu Santo ay maaaring maging gabay na liwanag ninyo. Ang Espiritu Santo ay "magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin."11 Ang Espiritu Santo ay makatutulong sa anumang mabuting layuning kinabibilangan ninyo; kasama na ang sa paaralan at sa inyong mga kaibigan.

Gayunman, ang pangunahing misyon ng Espiritu Santo ay ang magpatotoo tungkol sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Minamahal na Anak, si Jesucristo. Kung kayo ay maingat sa pagtupad ng mga kautusan, tutulungan kayo ng Espiritu Santo na matuto pang lalo ng tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Pagliliwanagin niya ang inyong kaisipan habang pinagninilay-nilay ninyo at pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan araw-araw.

Ang mga pag-uudyok ng Espiritu Santo ay maaaring dumating sa inyo sa marahan at banayad na tinig. Hindi kayo lalaki sa uri ng taong dapat ninyong kalabasan maliban kung isasaisantabi ninyo ang mga bagay na makamundo na nanghihingi ng inyong pansin. Halimbawa, ang ilan sa musika ng mundo ay nakapagpapasama, mahalay, at di-nararapat at nagagawang maging imposibleng marinig ang mga pag-uudyok ng Espiritu Santo. Ang pagpasok sa katawan ninyo ng mga bagay na ipinagbabawal ng Panginoon sa Salita ng Karunungan ay hahadlang sa inyong pagdama at pagkilala sa mga pag-uudyok ng Espiritu Santo.

Ang kabiguang mamuhay nang malinis at maipagkakapuring buhay ay nakapagpapahina ng mga pag-uudyok ng Espiritu. Dalhin ang inyong mga kaisipan sa mga antas na mas mataas kaysa sa mahahalay at imoral. Iwasan ang mga di-katanggap-tanggap na palabas sa telebisyon at pelikula, masasamang dako sa Internet, at lahat ng uri ng libangan na nagpapahiwatig o nanghihikayat ng imoralidad at karahasan. Iwasan ang pornograpiya na parang nakamamatay, nakahahawang kasalanan at sakit. Hindi kayo nararapat na malulong sa pagkabilanggo at pagkaalipin dito. Itataboy nito ang Espiritu Santo at ang Kanyang impluwensiya sa inyong buhay.

Pang-apat, mahalin at igalang si Joseph Smith bilang dakilang propeta ng Pagpapanumbalik. Mula noong kabataan ko, lagi akong humahanga sa katotohanang ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Minamahal na Anak, na si Jesucristo, ay sumagot sa taimtim na panalangin ng isang 14 na taong gulang na batang lalaki na naghahanap ng katotohanan. Gaya ng pagsagot Niya sa panalangin ni Joseph Smith, sasagutin din ng ating Ama sa Langit ang inyong mga panalangin sa Kanyang sariling panahon at sa Kanyang sariling pamamaraan.

Habang higit kayong natututo tungkol sa Propetang Joseph, matututuhan ninyo na sa pamamagitan niya ang kabuuan ng walang-hanggang ebanghelyo ay ipinanumbalik, pati ang mga susi ng pagkasaserdote. Higit pa riyan, matututuhan ninyo ang kadakilaan ng kanyang espiritu, ang awang nadama niya sa mga nagdusa, ang pang-unawa niya sa mga hiwaga ng kalangitan at sa mga gawain ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak, si Jesucristo, sa mga tao.

Habang higit kong nakikilala ang Propetang Joseph, lalo ko siyang minamahal, lalo akong nagnanais na sundan ang kanyang halimbawa, lalo kong pinahahalagahan ang ginawa ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak sa pagpapanumbalik ng ebanghelyong ito na itinakda upang punuin ang buong mundo sa mga huling araw na ito.

Panlima, mahalin, sundin, at maging tapat sa mga buhay na propeta ng Diyos. Si Pangulong Hinckley ang humalili at tagapangalaga ng mga susing iyon ng pagkasaserdote na unang ipinanumbalik sa Propetang Joseph Smith. Sa mortalidad, isang tao lamang ang nagtataglay at gumagamit ng lahat ng mga susi ng pagkasaserdote; sa ngayon ang taong iyan ay si Pangulong Gordon B. Hinckley.

Sundin ang mga turo ng ating mga makabagong propeta. Siya ay binigyang-inspirasyon ng Panginoon upang turuan tayo ng mga bagay na kailangan upang mabuhay nang masaya at matwid.

PAGMAMAHAL SA MGA KABATAANG LALAKI NG PAGKASASERDOTENG AARON

Mga kahanga-hanga kong kabataang kapatid sa ebanghelyo, minamahal ko kayo at may malaki akong paggalang sa inyo! Madalas na sinabi sa inyo at sasabihin ko itong muli: Kayo ay lahing hirang. Kayo ay inalagaan ng Panginoon upang dalhin ang Kanyang Simbahan at kaharian sa ika-21 siglo. Kayo ay hinirang ng Panginoon upang pumunta sa mundong ito kung kailan ang kasamaan ay napakalakas. Ngunit kayo ay may kakayahang harapin ang hamong ito.

"Nasa akin ang lahat ng dahilan upang ituring kayo," ani Pangulong Gordon B. Hinckley, "bilang isang pinakadakilang salinlahi sa Simbahang ito--sa kabila ng lahat ng tuksong kinakaharap ninyo."12

Hindi ibig sabihin niyan na hindi na kayo makararanas ng pagdurusa, paghamon, at pagsubok. Simula pa noong mga araw nang una kong pinalamanan ng mga bulak ang aking pang-iskeyting at magsuot ng sobra sa laking pananggalang sa balikat at helmet, ang buhay ko ay puno ng mga karanasan at paghamon na tila nang panahong iyon ay napakalaki para sa akin. Maski ngayon hindi ko mapigilang madama, paminsan-minsan, na marahil ang sukat ng tungkuling iniatas sa aking gawin ay napakalaki.

Ngunit araw-araw ay sinisikap kong unahin ang Ama sa Langit sa aking buhay, sinisikap kong lumapit kay Cristo at sundin Siya bilang aking Tagapagligtas at Manunubos. Sinisikap kong maging marapat sa pakikisama ng Espiritu Santo, mahalin at igalang ang Propetang Joseph, at pakinggan at sundin ang propeta ng Diyos ngayon. Habang ginagawa ko ang mga bagay na ito, naniniwala akong pagpapalain ako ng Panginoon.

Maging hanggang sa ngayon, naririnig ko pa rin ang tinig ng aking ina, "Magpasalamat ka sa kung anong mayroon ka, Joseph. Huwag kang mag-alala; magkakasya rin iyan sa iyo paglaki mo."

Ipinananalangin ko na tayong lahat ay lumaki sa pagkasaserdote at maging uri ng mga kalalakihang nais ng ating Ama sa Langit na kalalabasan natin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Alma 37:35.
2. Mat. 22:37.
3. Tingnan sa Moises 1:39.
4. Tingnan sa Juan 3:16.
5. Tingnan sa 2 Ne. 9:17; Mosias 29:12.
6. Tingnan sa Deut. 4:31; Alma 42:15.
7. Tingnan sa Isa. 54:8; 3 Ne. 22:8.
8. History of the Church, 5:135.
9. Juan 14:15.
10. Tingnan sa Alma 7:11­12.
11. 2 Ne. 32:5.
12. "'You Live in Greatest Age of World,' Pres. Hinckley Tells Spokane Youth," Church News, ika-4 ng Set. 1999, 3.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy