Bishop Richard C. Edgley
Unang Tagapayo sa Namumunong Obispado
Ang isang tunay na lalaki ay may sapat na lakas upang labanan ang mga panlilinlang ni Satanas at may sapat na kapakumbabaan upang ipasakop ang kanyang sarili sa mga nakapagtutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas.
|
|
Ilang buwan na ang nakararaan, nakatanggap ako ng liham mula sa kaibigan ng aming mag-anak na matagal na naming hindi nakikita. Ang kanyang liham ay nagpapahiwatig ng kawalang pag-asa at paghingi ng tulong. Matapos ang pagpupunyaging palakihin ang kanyang mga anak bilang nag-iisang ina, siya ay nag-asawang muli. Ang kanyang asawa na hindi miyembro ay isang taong may kagaspangan ang asal na nagpupumilit na ipahayag ang kanyang pagkalalaki sa pamamagitan ng paglalasing, malalaswang salita, walang pakundangang pananalita, at di wastong pag-uugali. Malaking ikinababalisa niya na ang mga halimbawa ng kanyang asawa ay nagtuturo sa anak niya na ang mga ito ang talagang katangian ng pagkalalaki. Nagmamakaawang ipinakiusap niya sa akin: May paraan ba, kahit na napakalayo nila sa amin, upang makausap ko ang kanyang anak, na tatawagin nating Ben, tungkol sa mga katangian ng tunay na pagkalalaki? Bilang sagot sa pakiusap na iyon, ngayong gabi ay pagsisikapan kong tumugon. Kaya ipinararating ko ang aking sasabihin sa isang malayong kaibigan at sa lahat ng mga "Ben" sa Simbahan na nagpupumilit na magtaglay ng mga katangian ng isang lalaki.
Kaya Ben, mag-usap tayo. Lahat tayo ay naghahangad ng pagtanggap at pagkilala sa ating pagpasok sa mundo ng mga may sapat na gulang. Ang pagiging may sapat na gulang ay dumarating sa atin kung sa anu't ano man ay mabuhay tayo nang matagal. Subalit ang tunay na pagkalalaki ay dumarating lamang kapag pinagsikapan natin.
Si Satanas ay kilala bilang dakilang manlilinlang. Ang kanyang relihiyon, ang kanyang pilosopiya, at ang kanyang gawain ay batay sa panlilinlang at kasinungalingan. Ang kanyang layunin ay hadlangan ang gawain ng Panginoon sa pamamagitan ng pagliligaw sa atin at sa huli ay upang gawin tayong "kaaba-abang katulad ng kanyang sarili" (2 Ne. 2:27). Papaniwalain niya tayo na siya ang lalaki at ang kanyang mga pamamaraan ang magdadala sa atin sa pagkalalaki.
Kasalungat nito, si Jesus ay kusang isinuko ang Kanyang sarili sa kalooban ng Ama. Bunga nito Siya ay ipinagkanulo, inakusahan, sinaktan, at hinatulan. Ang pagsasakripisyo niya ay hindi sapilitan. Ginawa niya ito dahil sa katapangan, tungkulin, at pagmamahal, at inihantong Siya nito sa mapait na saro na dahilan upang Siya ay labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat. Matapos na masaksihan ni Pilato ang matinding paghihirap at pagyurak kay Jesus at makipagtalo pa para sa kanyang paglaya, sa huli ay nagpadaig din siya sa mga hinihingi ng mga Hudyo. Nang ipaubaya na ni Pilato si Jesus para ipako sa krus, ginawa niya ito kalakip ang payak ngunit makahulugang mga salita, "Narito ang tao!" (Juan 19:5). Oo, si Jesus ang tao. Tinataglay niya ang lahat ng mga katangian ng tunay, huwarang tao. Ang Kanyang mga pamamaraan, hindi ang pamamaraan ni Satanas, ang humahantong sa pagkalalaki. Ang sinumang hindi naniniwala ay iginagapos ang kanyang sarili sa walang hanggang tanikala ng panlilinlang ni Satanas (tingnan sa 2 Ne. 28:19).
Ben, ang bawat kabataang lalaki ay dapat na pumili sa pagitan ng mabuti at masama at sa pagitan ng mga pamamaraan ng Diyos at mga pamamaraan ni Satanas. Kapag ang isang binatilyo ay nagsimulang manigarilyo upang patunayan na siya ay lalaki, kaninong tao siya nabibilang? Kapag ang isang binatilyo ay nagsimulang maglasing, gumamit ng ipinagbabawal na gamot, mahalay, maharot o matigas ang ulo, kaninong tao siya nabibilang? Sinasabi na maraming lalaki ang nagsisimulang manigarilyo kapag sila'y binatilyo upang patunayan na sila ay lalaki, at pinipilit nilang huminto sa gulang na 30 sa ganoon ding dahilan. Ang pagpapadaig kay Satanas ay hindi nagpapatunay ng iyong pagkalalaki. Ang pagkatalo sa mga alituntunin ni Satanas ay hindi magpapatunay ng iyong pagkalalaki.
Kaya Ben, sa ganitong kalagayan, hayaan mong ibigay ko sa iyo ang mga pamantayan ko sa tunay na pagkalalaki. Dahil sa kakulangan ng oras dalawa lamang sa maraming pamantayan ang babanggitin ko.
1. Ang tunay na lalaki ay may sapat na lakas upang malabanan ang mga panlilinlang ni Satanas.
2. Ang tunay na lalaki ay may sapat na kapakumbabahan upang ipasakop ang kanyang sarili sa mga nakapagtutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas.
Palagay ko likas sa atin na itulad ang lakas, pagiging kilos lalaking-lalaki, at marahil maging ang pagiging marahas at mabalasik na pag-uugali sa pagkalalaki. Subalit ang mga katangian ng tunay na pagkalalaki ay hindi kinakailangang pisikal. Hayaan ninyong sikapin kong ipaliwanag.
Si Apostol Pablo ay nagbabala, "Ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo [na hindi tunay na sukatan ng pagkalalaki], kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan" (Efeso 6:12). Ang tunay na katapangan ay kinabibilangan ng pakikipaglaban kay Satanas, kahit na nag-iisa, tinitiis ang pangungutya at panlilibak ng iba. Ito ang katapangan. Ito ang lakas. Ito ang pagkalalaki, at ito'y maaaring mahirap.
May kilala akong isang binatilyo na tuwang-tuwa dahil sa pagkakapili sa kanya na maging kabilang sa koponan ng magagaling na basketbolista buhat sa iba't ibang pangkat upang maglaro sa isang paligsahan sa ibang estado. Noong unang gabi sa hotel, napagpasiyahan ng mga kasama niya sa silid na manood ng malalaswang pelikula. Iniwan ng binatilyong ito ang silid at naglakad sa lungsod nang nag-iisa hanggang sa matapos ang mga pelikula. Sigurado akong katawa-tawa, malungkot, at mahirap iyon. Ngunit iyan ang katapangan, iyan ang pagkalalaki sa tunay na kahulugan nito. At sinasabi ko: "Narito ang tao!"--isang 18 taong gulang na anak na naging ganap na lalaki. Alam ko na daan-daang kabataang lalaki na nakapagtiis ng panlilibak at kahihiyan upang tanggihan ang bawal na gamot, alak, at seks kapalit ng paglilingkod sa isa't isa, ang nakapagbibigay ng mabuting halimbawa, o ipinaglalaban ang mga alituntunin ng kabutihan. Ang lahat ng kabataang lalaki ay nahaharap sa mga panlilinlang ni Satanas. Imposibleng takasan ang labanang ito. Ngunit laging posible na maging matagumpay. Oo, ang tunay na lalaki ay may sapat na la lakas upang labanan ang mga lalang ni Satanas.
Ben, ilan sa mga problemang ipinapapasan sa atin ay napakabigat kung kaya mapaglalabanan lamang natin ito sa pamamagitan ng kapakumbabaan, pagpapasakop, at pagsisisi. Para yatang magkasalungat iyon, di ba--makakuha ng lakas at kapangyarihan sa pamamagitan ng kapakumbabaan, pagpapasakop, at pagsisisi. Ngunit iyan ang isa sa mga dakilang kabalintunaan ng buhay--makatatanggap tayo ng kapangyarihan nang lampas sa ating likas na kakayahan sa pamamagitan ng pagpapasakop sa kalooban ng Ama. Lahat tayo ay biktima ng manunukso sa ilang antas. Minsan ay nasasangkot tayo maging sa mabigat na paglabag--mga paglabag na may walang hanggang kahihinatnan. Yaong mga nakagawa ng mabigat na paglabag ay dapat na sumunod sa masusing ipinlano na landas ng pagsisisi na inilaan ng Tagapagligtas at kadalasang pinangangasiwaan ng obispo o pangulo ng istaka. Ito ang nagiging tunay na pagsubok ng pagkalalaki, at hindi lahat ay sapat ang pagkalalaki upang harapin ang hamong ito.
Nitong mga nakalipas na buwan, ako ay inatasang kapanayamin ang isang kabataang lalaki na 21 taong gulang, upang malaman kung ang kanyang pagsisisi ay sapat na upang siya'y makapagmisyon. Nalungkot ako habang binabasa ko ang mabibigat na problema at paglabag na naranasan niya. Inisip ko kung posible pa kaya sa isang may gayong nakaraan na maihanda ang kanyang sarili upang siya ay maging karapat-dapat na magmisyon. Sa oras ng aking pakikipagpanayam, nakita ko ang isang makisig na lalaki na papalapit sa akin. Malinis at maayos ang pagkakabihis niya at maaliwalas ang kanyang mukha. Mukha siyang misyonero na tapos nang magmisyon, at nagtaka ako kung sino siya. Sa paglapit niya inabot niya ang kanyang kamay at, nagulat ako nang ipakilala niya ang sarili at sinabing siya ang taong aking kakapanayamin.
Simple lang ang itinanong ko sa kanya sa panayam, "Bakit ako nakikipag-usap sa iyo ngayong gabi?" Pagkatapos ay ipinahayag niya ang detalye ng kanyang karima-rimarim na nakaraan. Matapos na gunitain at pagsisihang muli ang kanyang paglabag, sinimulan niyang sabihin sa akin ang tungkol sa Pagbabayad-sala at ang mga taon ng mahirap na pagsisisi na nagdala sa kanya sa mismong panayam na ito. Ipinahayag niya ang kanyang pagmamahal sa Tagapagligtas at pagkatapos ay ipinaliwanag na ang Pagbabayad-sala ni Cristo ay sapat upang sagipin maging ang isang batang tulad niya. Sa pagtatapos ng panayam, ipinatong ko ang aking kamay sa kanyang balikat at sinabi, "Kapag nakabalik na ako sa punong-tanggapan ng Simbahan irerekomenda ko na ikaw ay pahintulutang makapaglingkod sa misyon." At pagkaraan ay sinabi ko, "Isang bagay lang ang hihilingin ko sa iyo--isa lang. Kung ikaw ay mabibigyang karapatan na maglingkod, nais ko na ikaw ang maging pinakamagaling na misyonero sa buong Simbahan. Iyon lamang."
Mga apat na buwan pagkalipas noon ay nagsalita ako sa isang debosyonal ng misyonero sa Sentro ng Pagsasanay ng Misyonero sa Provo, Utah. Pagkatapos ng debosyonal habang nakatayo ako sa harapan ng podyum at binabati ang mga misyonero napansin kong papalapit ang isang taong pamilyar sa akin. Ang unang naisip ko ay mapapahiya ako dahil dapat na makilala ko ang taong ito. Hindi ko matandaan kung saan ko siya nakita, at alam ko na kung ano ang unang itatanong niya sa akin. Ganoon na nga, iniabot niya ang kanyang kamay at nagtanong, "Naaalala pa ho ba ninyo ako?" May pagpapaumanhin at medyo nahihiya ako nang sumagot: "Pasensiya ka na. Alam ko na nakikilala kita, pero hindi ko lang talaga matandaan." Pagkatapos ay sinabi niya, "Kung ganoon, hayaan ninyong sabihin ko ho kung sino ako. Ako ang pinakamagaling na misyonero sa Sentro ng Pagsasanay ng Misyonero." Hindi ko napigilan ang luhang unti-unting pumatak sa pisngi ko noong naisip ko: "Narito ang tao. Napagtiisan niya ang kanyang Getsemani. Nabayaran niya ang mapait na halaga ng pagsisisi. Nagpakumbaba siya at nagpasakop sa nakapagtutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas. Naharap niya ang kanyang mga pagsubok. Naangkin niya ang mga katangian ng tunay na pagkalalaki." At sinasabi ko, "Narito ang tao," isang taong may sapat na lakas upang ipasakop ang kanyang sarili sa mga nakapagtutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas.
Ben, mailalarawan mo ang tao sa pamamagitan ng kanyang taas, bigat, kutis, o kaanyuan. Ngunit sinusukat mo ang tao sa pamamagitan ng ugali, pagiging maawain, integridad, kahinahunan, at prinsipyo. Sa simpleng paghahayag, ang sukatan ng isang tao ay nakabaon sa kanyang puso at kaluluwa, hindi sa kanyang pisikal na anyo (tingnan sa 1 Sam. 16:7). Ngunit nakikita natin sila sa kanilang mga ikinikilos at pakikitungo sa tao. Ang mga katangian ng pagkalalaki ay madalas na kitang-kita sa bagay na tinatawag nating mukha. Nang itanong ni Alma, "Inyo bang tinanggap ang Kanyang larawan [ang ibig sabihin ay ang Tagapagligtas--ang totoong tao], sa inyong mga mukha?" (Alma 5:14), siya, aking kaibigan, ay nagsasalita tungkol sa mga katangian ng tunay na pagkalalaki (Alma 5:14).
Oo, Ben si Satanas ay may mga tao at ang Diyos ay may mga tao, at si Satanas ay may mga katangian ng pagkalalaki at ang Diyos ay mayroon ding Kanya. Ipinapakita ni Satanas ang kanyang mga katangian bilang totoong sukatan ng pagkalalaki at ang mga pamantayan ng Diyos bilang mahina at duwag. Ngunit dapat intindihin ninuman na ang mga pamantayan ni Satanas ay laging siyang pinakamadali, at pinakaduwag. Ang pamamaraan ni Satanas ay hindi nangangailangan ng tapang, walang karangalan, walang pansariling lakas, at hindi kailanman nakapagpapatunay ng pagkalakaki.
Ang tunay na lalaki ay hindi kailangan si Satanas upang akayin siyang pababa sa walang hanggang tanikala ng pagkasira. Ang isang tunay na lalaki ay may sapat na lakas upang labanan ang mga panlilinlang ni Satanas at may sapat na kapakumbabaan upang ipasakop ang kanyang sarili sa mga nakapagtutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas.
Si Moises, sa sandali ng kapwa paghihikayat at pagkagalit ay nagtanong sa mga Israelita, "Sinomang sa Panginoon ay kiling?" (Ex. 32:26.) Ang talagang itinatanong niya ay, "Kaninong tao ka ba, talaga?" Ang ating Ama sa Langit ay tinawag na "Tao ng Kabanalan" (Moises 6:57; 7:35). Iyan ang titulong inilaan natin nang may kapitagan para sa Kataas-taasang Nilalang. Hindi ito ang titulong ibinibigay natin sa ating sarili, Ben. Ngunit ang bawat nagtataglay ng pagkasaserdote ay dapat maghangad na makilala lamang bilang tao ng Diyos. Iyan, minamahal kong kaibigan, ang pagkalalaki. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.