The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 1999
Tungkol sa mga Binhi at mga Lupa

Tungkol sa mga Binhi at mga Lupa

Pangulong James E. Faust
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan

Nais namin na kayong mga kabataan ay magkaroon ng malakas na patotoo, na may matitibay na ugat, sapagkat sa ganitong paraan lamang ito magiging matatag na gabay para sa inyo.

Pangulong James E. Faust

Minamahal kong mga kapatid, ang responsibilidad na magsalita sa harap ng malaking hukbong ito ng mga nagtataglay ng pagkasaserdote ay napakabigat na tungkulin para sa akin. Mapasaakin nawa ang pagpapala ng Panginoon gayundin ang inyong panalangin sa pagsasalita kong ito.

Nagpapasalamat ako na tinuturuan akong magtanim ng mga binhi noong ako ay bata pa. Sa pamamagitan ng hiwaga ng buhay, itinanim namin ang mga binhi at nagkaroon kami ng masarap at sariwang gisantes, mais, karot, singkamas, at patatas mula sa sarili naming halamanan. Malinaw ko pang naalaala ang isang napakamakabuluhang karanasan nang ipakita sa amin ng aming lolo kung paano magtanim ng mga binhi ng alfalfa sa pamamagitan ng kamay. Inararo at sinuyod niya ang lupa upang ihanda ang punlaan. Pagkatapos kumuha siya ng isang dakot na binhi at sanay na inihahasik niya ang mga binhi sa pagkampay ng nakaunat niyang mga braso habang lumalakad siya nang pahalang na parang may sinusundang sistema ng pagkilos. Bagaman kinain ng mga ibon ang ilan sa binhi ng alfalfa, lumago ang tanim, at ang kapirasong halamanan ng alfalfa ay naging mayabong at malago sa maraming taon.

Ang karanasang ito ay nakatulong sa akin pagkaraan, bilang misyonero, upang maunawaan ang talinghaga ng Tagapagligtas tungkol sa talinghaga ng tagapaghasik, na sa katunayan ay isang talinghaga tungkol sa iba't ibang uri ng lupa. Itinuro niya na "nangahulog ang ilang binhi sa tabi ng daan, at dumating ang mga ibon at kinain sila:

"Ang iba'y nangahulog sa mga batuhan, na doo'y walang sapat na lupa. . . .

"At pagsikat ng araw ay nangainitan; at dahil sa walang ugat ay nangatuyo.

"At ang mga iba'y nangahulog sa mga dawagan, at nagsilaki ang mga dawag, at ininis ang mga yaon:

"At ang mga iba'y nangahulog sa mabuting lupa, at nangagbunga, ang ila'y tigisang daan, at ang ila'y tigaanim na pu, at ang ila'y tigtatlongpu."1

Sa talinghagang ito, iisang uri lang ang binhi ngunit ito'y nahulog sa apat na iba't ibang uri ng lupa. Ipinaliwanag din ng Tagapagligtas ang kahulugan ng talinghaga. Ang binhi na "nahulog sa tabi ng daan" ay kumakatawan sa mga yaong nakarinig ng salita ng Diyos ngunit hindi nakauunawa dito at nahuhulog sa mga kamay ni Satanas. Ang pangalawang binhi na "nahulog sa mga batuhan," ay naglalarawan sa mga yaong nagagalak na nakikinig ng salita at namamahagi hangga't maayos ang lahat. Ngunit kapag dumarating ang mga pagsubok at nakararamdam sila ng pag-uusig mula sa iba dahil sa kanilang mga paniniwala, sila'y nasasaktan at hindi nakapagtitiis. Ang pangatlong binhi, na "nahulog sa mga dawagan," ay kumakatawan sa mga yaong nakikinig ng salita ngunit mas mahalaga sa kanila ang kamunduhan at kayamanan, at sila ay lumalayo sa katotohanan. Ang huling binhi, gayun pa man, na "nahulog sa mabuting lupa," ay kumakatawan sa mga yaong nakikinig ng salita, nauunawaan ito, ipinamumuhay, at umaani ng mga dakila at walang hanggang biyaya.2

Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng maraming halimbawa ng binhing nahulog sa tabi ng daan. Ang isa rito ay nasa tala ng mga Zoramita. Itinatala ni Alma na sa mga Zoramita ay "naipangaral na ang salita ng Diyos.

"Subalit sila ay nahulog sa malalaking kamalian, sapagkat hindi nila ginawang sundin ang mga kautusan ng Diyos."2

Pinamunuan ni Alma ang isang misyon upang bawiin sila. Sa kanyang pagtuturo, inihambing ni Alma ang salita sa isang binhi, at pinangaralan sila:

"Ngayon, kung kayo ay magbibigay-puwang, na ang binhi ay maitanim sa inyong mga puso, masdan, kung iyon ay isang tunay na binhi, o isang mabuting binhi, kung hindi ninyo ito itatapon dahil sa inyong kawalang-paniniwala, na inyong sasalungatin ang Espiritu ng Panginoon, masdan, ito ay magsisimulang lumaki sa loob ng inyong mga dibdib; at kapag nadama ninyo ang ganitong paglaki, kayo ay magsisimulang magsabi sa inyong sarili--Talagang ito ay mabuting binhi, o na ang salita ay mabuti, sapagkat sinisimulan nitong palakihin ang aking kaluluwa; oo, sinisimulan nitong liwanagin ang aking pang-unawa, oo, ito ay nagsisimulang maging masarap para sa akin. . . ." 4

Ang tala ay naghahayag na karamihan sa mahihirap na Zoramita ay nanumbalik at sumama sa mabubuting tao ni Ammon sa lupain ng Jerson matapos na naitanim na muli nina Alma at ng kanyang mga kasama ang binhi.

Ang ilan sa mga binhi ay nahulog sa mga batuhan noong mga unang araw ng Simbahan nang tumawag ang Propetang Joseph Smith ang ilang nagbalik-loob na maglingkod bilang mga misyonero. Ang isa sa kanila ay si Simons Ryder, na inordenan ni Joseph Smith bilang elder noong ika-6 ng Hunyo, 1831. Matapos basahin ang paghahayag tungkol sa kanya at matuklasan na binaybay ang kanyang pangalan na "Rider" sa halip na "Ryder", nagalit siya, marahil hindi niya alam na madalas na idinidikta ni Joseph Smith ang mga paghahayag sa kanyang mga tagasulat. Ang maling pag-aakala niya tungkol sa maling pagkabaybay ng kanyang pangalan ay humantong hindi lamang sa pagtalikod niya sa katotohanan kundi hanggang sa kanyang kabuktutang tumulong sa pagbuhos ng mainit na alkitran at pagkatapos ay paglagay ng balahibo sa katawan ni Propetang Joseph. 5 Tulad ng binhi na nahulog sa mga batuhan, may galak na tinanggap ni Simon Ryder ang salita noong una ngunit siya'y madaling nagalit ng dahil lamang sa maliit na bagay at nawala ang kanyang lugar sa kaharian ng Diyos.

Kung minsan ang mga dawag ay nakasasakal sa punlaan, tulad ng kaso ng isang mayamang binata na nagtanong sa Tagapagligtas kung ano ang kailangan niyang gawin upang makapagmana ng buhay na walang hanggan. Sinabi niya na sinusunod niyang lahat ang Sampung Utos mula pa sa pagkabata at siya ay nagtanong, "Ano pa po ang hindi ko pa nagagawa?" Dahil napansin ni Jesus ang pagkahilig ng binata sa kanyang kayamanan, tinuruan siya ni Jesus ng tungkol sa mas mataas na batas ng ebanghelyo: "Ipagbili mo ang [lahat ng] tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit at pumarito ka, sumunod ka sa akin." Itinala ni Mateo na "Nang narinig ng binata ang ganitong pananalita, ay yumaon siyang namamanglaw; sapagka't siya'y isang may maraming pagaari." 6 Ang binhi ay naitanim sa binatang ito, ngunit dahil sa kanyang kayamanan, nahulog ito sa dawagan at nasakal.

Ngayon, sa paglalakbay namin sa buong mundo, nakikita namin na maraming binhi ang nahuhulog sa matabang lupa. Marami kaming nakikilalang miyembro ng Simbahan na matatapat at may dedikasyon. Ang ilan sa atin na naghasik ng mga binhi bilang mga misyonero ang nakadarama marahil na ang mga binhing iyon ay nahulog sa tigang na lupa. Hindi laging maaaring malaman ang mga kinahihinatnan ng minsang pakikipag-usap. Sa maraming taon sa palagay ni William R. Wagstaff, na naglingkod sa Misyon ng North Central States mula 1928­1930, ay bigo siya dahil kakaunti lamang ang kanyang nabinyagan. Noong tag-araw ng 1929 siya at ang kanyang kasama ay dumalaw sa isang mag-anak na taga-bukid na mga 180 milya ang layo sa kanluran ng Winnipeg.

"Naalala ni Bro. Wagstaff na nagbigay siya ng kopya ng Aklat ni Mormon sa ina ng mag-anak na ito at nagturo ng ebanghelyo sa kanya nang maraming beses mula noon hanggang sa sumunod na tag-araw.

"Naalala niya na tuwing dadalaw sila ay 'tinatanggal niya ang kanyang epron at mauupo kami at tatalakayin ang ebanghelyo. Magbabasa siya at magtatanong nang magtatanong.'

"Ngunit natapos na ang kanyang misyon ay hindi pa rin siya nabibinyagan, at wala na siyang nabalitaan tungkol sa kanya."

Umuwi si Bro. Wagstaff, nag-asawa at nagkaanak. Pagkatapos noong Oktubre 1969 siya at ang kanyang asawa ay dumalo sa reunion nilang mga misyonero. "Isang babae ang lumapit sa kanya at nagtanong, 'Ikaw ba si Elder Wagstaff?'

". . . Nagpakilala siya na siya ang babaing tinuruan niya sa bukid sa labas ng Winnipeg. Hawak niya ang lumang-lumang kopya ng Aklat ni Mormon--na ibinigay niya sa kanya 40 taon na ang nakalipas.

"'Ipinakita niya sa akin ang aklat,' salaysay niya. 'Tiningnan ko ang harap ng aklat at nakasulat doon ang pangalan at tirahan ko.'

"Pagkatapos ay sinabi niya kay Bro. Wagstaff na mga 60 miyembro ng kanyang mag-anak ang miyembro na ng Simbahan, kasama ang isang pangulo ng sangay." 7

Itinanim ni Elder Wagstaff ang binhi sa kanyang misyon subalit umuwi siya nang nasa lupa pa lamang ito. Apatnapung taon ang lumipas bago niya nalaman ang masaganang ani na nangyari at na "lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya." 8

Kailangang pangalagaan ng bawat isa sa atin ang ating mga binhi ng pananampalataya upang magpatuloy itong mag-ugat. Si Pangulong Hinckley ay masigasig na nanghihikayat sa atin na tulungan ang mga bagong miyembro na ihanda ang kanilang kaluluwa nang sa gayon ang mga binhi ng pananampalatayang itinanim ng mga misyonero ay lumago at yumabong.

Ngunit kasabay nito, ang lupa ay tila lalong nagiging tigang at marami ang hindi gaanong tumatalima sa mga bagay na espirituwal. Ang mga himala ng makabagong teknolohiya ay nagbibigay ng kahusayan sa ating buhay sa mga paraang ni sa panaginip ay hindi natin inakalang mangyayari noong nakaraang henerasyon, gayunman dahil sa bagong teknolohiyang ito ay dumating ang pagbaha ng mga bagong hamon sa ating moralidad at pinahahalagahan. Ilan ang tila higit na umaasa sa teknolohiya kaysa sa teolohiya. Nais kong idagdag kaagad na ang kaalamang pang-agham, ang mga kahanga-hangang pagsulong sa komunikasyon, at sa makabagong panggagamot ay nagmula sa Panginoon upang palawakin pa ang Kanyang gawain sa buong mundo. Bilang halimbawa, ang kinalalagyan sa internet na FamilySearch® ng Simbahan ay ginagamit ng mga tao ng makapitong milyong beses sa isang araw. Ngunit siyempre pa, nalalaman ni Satanas ang malaking pag-unlad na ito ng teknolohiya at sinasamantala din niya ito para sa kanyang layuning manira at mang-agaw. Natutuwa siya sa pornograpiya sa internet at ang kahalayan sa karamihan sa ating mga pelikula at programa sa telebisyon. Nakuha niya ring maipasok ang ilan sa kanyang napakasamang mensahe sa ilan sa ating makabagong musika. Upang tumubo ang mga binhi ng pananampalataya sa ating buhay, dapat na iwasan natin na mahulog sa mga kamay ni Satanas.

Kailangan din nating ihanda ang ating sariling punlaan ng binhi ng pananampatalaya. Upang magawa ito kailangan nating araruhin ang lupa sa pamamagitan ng araw-araw na mapagpakumbabang pagdarasal, paghingi ng lakas at kapatawaran. Kailangang suyurin natin ang lupa sa pamamagitan ng paggapi sa ating kapalaluan. Kailangang ihanda natin ang punlaan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan sa abot ng ating kakayahan. Kailangang maging tapat tayo sa Panginoon sa pagbabayad ng ating ikapu at iba pa nating handog ayuno. Kailangang maging karapat-dapat tayo at upang magkaroon ng kakayahang magamit ang mga dakilang kapangyarihan ng pagkasaserdote upang basbasan ang ating sarili, ang ating mag-anak, at iba pang taong nasa pananagutan natin. Wala nang iba pang mas mainam na lugar upang pangalagaan ang mga espirituwal na binhi ng ating pananampalataya maliban sa loob ng mga banal na santuwaryo ng ating templo at sa ating tahanan.

Kayong mga kabataan ng Pagkasaserdoteng Aaron ay nararapat na magsumikap nang lubos upang magkaroon ng kasanayan at sapat na edukasyon hangga't maaari. Kayong mga diyakono at guro ay hindi pa kailangang magtakda ng magiging karera ninyo sa buhay, ngunit kailangan ninyong ihanda ang lahat upang harapin ang mga hamon ng buhay at sa huli ay maitaguyod ang inyong magiging asawa at mag-anak. Sa isang banda, ang mga kabataang hindi kaagad nagising ang malay sa mga talino at posibilidad na ibinibigay ng Diyos ay hindi lubos na iginagalang ang kanilang pagkasaserdote. Alam ko na sa ilang bahagi ng mundo ito ay isang napakahirap na hamon, ngunit ang mga pagkakataon para sa inyo mga kabataang lalaki ay madaragdagan kung pag-aaralan ninyong mabuti ang isang pangunahing kasanayan. Makatutulong sa inyo mga kabataang lalaki kung mag-aaral pa kayo ng ibang wika. Kapag hindi kayo naghanda sa inyong kabataan, magiging huli na ang lahat para sa inyo kung magsisimula kayong maghanda kapag matanda na kayo.

Sa aking pakikisalamuha sa ilan sa ating mga kabataan, madalas na nagtataka ako kung bakit ang mga binhi ay nahulog sa tigang na lupa. Tila madalas na hindi sapat ang naging pagsisikap na ihanda ang lupa sa pagtanggap ng mga binhi ng pananampalataya, na tulad ng ginawa ng lolo ko sa kanyang taniman ng alfalfa.

Naniniwala ako na maraming matatalino at natatangi at matatapang na espiritu ang inilaan para sa mapaghamong panahong ito. Naiisip ko ang tungkol sa isang matalinong batang lalaki na nagngangalang Timmy.

Dadalawang sentimos lang ang nasa bulsa ni Timmy nang lapitan niya ang magsasaka at itinuro ang masarap na kamatis nasa isang sanga.

"Puwede ko po bang bilhin ng dalawang sentimos iyang kamatis," ang alok ng bata.

"Limang sentimos ang halaga niyan," ang sabi ng magsasaka sa kanya.

"Ito po, pwede?" ang tanong ni Timmy, na itinuturo ang mas maliit, mas hilaw, at hindi pa gaanong masarap tingnan na kamatis. Pumayag ang magsasaka. "O, sige po," ang sabi ni Timmy, at sinara niya ang kasunduan sa pamamagitan ng paglalagay ng dalawang sentimos sa kamay ng magsasaka. "Pipitasin ko po iyan sa isang linggo kapag hinog na." 9

Kayong mga kabataan ay may matutuhan kay Timmy, na namuhunan ng dalawang sentimos sa isang kamatis na magkakahalaga ng limang sentimos sa hinaharap. Kung handa kayong mamuhunan ngayon, kayong mga kabataan ay magkakaroon ng mga pagkakataong makapagsagawa ng kasindami ng nagawa ng mga henerasyong nauna sa inyo. Subalit para sa napakarami, ang binhi ng pananampalataya ay nahuhulog sa mga dawagan, at ang binhi'y hindi nagbunga. 10

Marahil kayo, aking mga kapatid, na nagtataglay ng pagkasaserdote ng Diyos ay nagtataka kung bakit labis naming ninanais na ang mga binhi ng pananampalataya ay lumaki sa inyo. Nais namin na kayong mga kabataan ay magkaroon ng malakas na patotoo, na may matitibay na ugat, sapagkat sa ganitong paraan lamang ito maaasahang maging matatag na gabay para sa inyo, upang tulungan kayong matagalan ang malalakas na ihip ng kahirapan. Naniniwala tayo na ang kaligtasan ng daigdig ay iniatang sa pagkasaserdote ng Simbahang ito. Ang responsibilidad na ito ay lubos na nakapatong sa ating mga balikat. Hindi natin maiiwasan ito. Tulad ng sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

"Kung ang daigdig man ay maliligtas, kailangang gawin natin ito. Hindi tayo makatatakas diyan. Walang ibang tao sa kasaysayan ng mundo na nakatanggap ng ganitong uri ng tungkulin maliban sa atin. Tayo ay may pananagutan sa lahat ng taong nabuhay sa mundong ito. Iyan ay nangangailangan ng ating gawain sa kasaysayan ng mag-anak at sa templo. Tayo ay may pananagutan sa lahat ng nabubuhay sa mundong ito, at iyan ay nangangailangan ng ating gawaing misyonero. At tayo ay magkakaroon ng pananagutan sa lahat ng taong mabubuhay pa lang sa mundong ito." 11

Ngayon, mga kapatid, dahil taglay natin ang mahahalagang kapangyarihang ito, naniniwala ako na tayo ay mananagot sa ating mga pagsusumikap na isagawa ang napakalaking responsibilidad na ito. Hindi natin maaaring ikahiya ang doktrina dahil sa ito ay hindi tanyag o madaling tanggapin ng lipunan. Hindi natin kailangang magpaumanhin sa mga inihayag sa ating mga propeta sa ating panahon. Ito ay salita ng Panginoon para sa mundo. Mayroong palaging pagpapakasakit na dapat ibigay kung nais nating magkaroon ng patotoo sa banal na gawaing ito. Laging mayroong pagsubok sa ating pananampalataya.12

Sinabi ni Alma na kapag naramdaman natin ang paglaki ng binhi ng pananampalataya, ito ay magpapalaki sa ating kaluluwa, liliwanag sa ating pang-unawa, at magiging masarap para sa ating panlasa. Nawa'y pagpalain kayo ng Diyos na maranasan ang inilalarawan ng mga salitang ito, ang ipinapanalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Mat. 13:4­8.
2. Tingnan sa Mat. 13:19­23.
3. Alma 31:8­9.
4. Alma 32:28.
5. Tingnan sa The Heavens Resound: A History of the Latter-day Saints in Ohio 1830­1838, (1983), 93­94; ni Milton V. Backman, Jr.; at mga edisyon nina Donald Q. Cannon, at Lyndon W. Cook, The Far West Record: Minutes of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 1830­1844 (1983), 286.
6. Mat. 19:20­22.
7. Julie A. Dockstader, "Missionary Moments: A Lot of Rejoicing," Church News, ika-4 ng Mayo, 1991, 16.
8. Mga Taga Galacia 6:7.
9. Braude's Treasury of Wit and Humor (1964), na tinipon ni Jacob M. Braude, 175.
10. Tingnan sa Mat. 13:22.
11. Seminar ng mga pangulo ng misyon, ika-25 ng Hunyo, 1999; sinipi sa "'Church Is Really Doing Well,'" Church News, ika-3 ng Hulyo, 1999, 3.
12. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 105:19.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy