The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 1999
Mga Aral mula kina Laman at Lemuel

Mga Aral mula kina Laman at Lemuel

Elder Neal A. Maxwell
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Sina Laman at Lemuel ay naging manghihimagsik sa halip na mga pinuno, mapaghinanakit sa halip na mabuti--ang lahat ay dahil sa kanilang kabiguang maunawaan ang katangian o mga layunin ng Diyos.

Elder Neal A. Maxwell

Tulad ng ipinakita ng kanyang mga salita bilang propeta, napakapalad natin na maging Pangulo si Pangulong Hinckley!

Mga kapatid, sa maninipis na pahina na puno ng kahulugan, ay halos mga nakatagong banal na kasulatan. Kaya't hinihikayat tayong magsaliksik, magpakabusog, at magbulay-bulay (tingnan sa Juan 5:39; Alma 14:1; Alma 33:2; Moroni 10:3; 2 Nephi 9:51). Kung gayon, lalo nating higit na dapat gawin ang ginawa ni Nephi, tulad ng "ihalintulad sa [atin] ang lahat ng banal na kasulatan" (1 Ne. 19:23).

Bilang halimbawa, ang mga salitang nararapat na "ihalintulad" na may kaugnayan kina Laman at Lemuel ay dalawang beses lumitaw, na itinuturing ng ilan na pawang "mga karikatura" lamang. Samakatuwid ay isaalang-alang natin kung paano ang pagsasagawa ng mga susunod na salitang ito ay hindi lamang patungkol sa dalawang iyon: "At sa gayon sina Laman at Lemuel, . . . ay bumulung-bulong . . . sapagkat hindi nila nalalaman ang mga pakikitungo ng Diyos na siyang lumikha sa kanila" (1 Ne. 2:12; tingnan din sa Mosias 10:14).

Ang hindi pagkaunawa sa mga "pakikipag-ugnayan" ng Panginoon sa Kanyang mga anak--ibig sabihin ay ang Kanyang ugnayan at pakikitungo sa Kanyang mga anak--ay napakahalaga. Ang pagbulung- bulong ay isa lamang sa mga palatandaan at hindi ang tanging bunga nito; sa katunayan, mga kapatid, ang pagkukulang na maunawaan ito ay nakaapekto sa lahat ng iba pang bagay!

Ang maling pag-unawa sa isang bagay na mahalaga ay nagdaragdag sa kakulangang makilala ang Diyos, na humahantong sa maling pag-aakala na Siya ay isang hindi maabot, walang malasakit, walang pagmamalasakit, at walang magagawa--isang Diyos na walang kakayahan at walang sapat na kapangyarihan--at dahil sa tila mga limitasyong ito ay kakatuwang ang ilan ay kaagad nagrereklamo.

Sa simula pa lang, tinanggihan na ni Laman ang papel na dapat niyang gampanan, at sa halip ay "gahamang" naghangad na siya ay maging tagapamahala; at naghihinakit noon pa man sa pamumuno ni Nephi. Si Lemuel ay hindi lamang masunuring alalay ni Laman, siya rin ang kanyang tagaudyok dahil hinayaan niyang "mapukaw" siya ni Laman (tingnan sa 1 Ne. 16:37­38). Kung, sa halip, si Laman ay ganap na inilayo, ang ilan sa mga kinalabasan ay maaaring ibang-iba. May mga tagaudyok din tayo sa ating lipunan. Hinahayaan nilang mapukaw sila na magalit laban sa bagay na mabuti. Hindi sila maituturing na walang kasalanan tulad ni Lemuel. Tulad niya, hindi sila gaanong napapansin na hindi tulad ng kanilang pinuno, ngunit ang kanilang pagbabalatkayo ay matindi!

Ang mga payo na ibinigay kina Laman at Lemuel "ay mahirap maunawaan maliban lamang kung ang isang tao ay magtatanong sa Panginoon; at sila sapagkat matitigas ang mga puso, samakatuwid hindi sila lumapit sa Panginoon na siyang nararapat" (1 Ne. 15:3).

Ang hindi paniniwala sa isang Diyos na naghahayag ay isang napakalaking kamalian. Ang ilang modernong tao na nagnanais na ilayo ang kanilang sarili sa Diyos ay iginigiit na Siya ay nabibilang lamang sa nakaraan. Sa paniniwala sa gayong Diyos na walang kakayahan, gagawin ng tao ang higit na makasisiya sa kanila. Hindi na malayong sabihin nila na dahil walang Diyos, samakatuwid ay walang batas, at walang kasalanan! (tingnan sa 2 Ne. 2:13; tingnan din sa Alma 30:28).

Gaya nina Laman at Lemuel, marami sa ngayon ay iniuugnay lamang ang Diyos sa nakaraan: Siya, kung gayon ay hindi na ang hindi nagbabagong Diyos ng kahapon, ngayon, at bukas (tingnan sa 2 Ne. 27:23). Sa katunayan, ang nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ay nasa harapan ng Diyos, na binubuo ng "walang-hanggang 'ngayon'" (Teachings of the Prophet Joseph Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith [1976], 220; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 130:7).

Sa madaling salita, ang kawalan ng sariling katangian nina Laman at Lemuel ang humahadlang sa kanila na maunawaan ang ganap na katangian ng Diyos! Hindi nakapagtatakang nasabi ni Propetang Joseph Smith ito, "Kung hindi nauunawaan ng tao ang katangian ng Diyos, hindi nila nauunawaan ang kanilang sarili" (Teachings, 343).

Hindi rin napagtanto nina Laman at Lemuel na ang isang mapagmahal na Diyos ay walang pasubaling magiging tagapagturong Ama, na nagnanais na ang Kanyang mga anak ay maging tunay na masaya at umuwi. Dahil hindi nila nauunawaan nang sapat ang "pakikipag-ugnayan" ng Diyos, hindi nakita nina Laman at Lemuel ang pinakamahalagang katangian ng Diyos--ang Kanyang pagmamahal! Sa gayon ang kanilang pagbulung-bulong ay tanda ng malungkot na sakit sa espirituwal.

Gayundin hindi rin nalalaman nina Laman at Lemuel na ang "pakikipag-ugnayan" ng Diyos ay kinabibilangan ng paggamit sa kanyang mga propeta upang balaan ang mga tao. Tinawag nga ng Diyos si Lehi, ngunit sina Laman at Lemuel ay tila naasiwa sa di-karaniwang papel ng kanilang ama at ang kanyang mahigpit na paghamon sa Jerusalem na noon ay may nananaig na paniniwala.

Sina Laman at Lemuel na manhid sa espirituwal ay nadama na ang mga tao sa Jerusalem ay hindi karapat-dapat sa ganitong mga pagpuna ng propeta na iniukol sa kanila (tingnan sa 1 Ne. 2:13). Gayunman ang malaganap na pagbaba ng espirituwal ay talagang paparating na, na nagaganap, nang madalas, "sa loob ng hindi maraming taon" (Helaman 4:26). Ang gayunding mapangwasak na pagbaba ay hindi rin napapansin ng marami sa ngayon. Kakatwa na ang mga taong sumusunod sa pagkawasak ng iba, tulad ng mga lemming na sabay-sabay na pumupunta sa dagat upang mamatay, ay ipinagmamalaki ang kaibahan ng sarili sa iba! Itinuturing nila na insulto at pagbawas sa kalayaan ang anumang payo.

Malaking kamalian din, kina Laman at Lemuel ang maling pag-unawa na ang nagtuturong Diyos ay humihingi ng mahihirap na bagay sa Kanyang mga anak. Ang papel ng kaaway ay mapapansin sa mahigpit ngunit nagbibigay-inspirasyong kabatirang ito: "Gayon pa man, minarapat ng Panginoon na pahirapan ang kanyang mga tao; oo, sinusubukan niya ang kanilang tiyaga at kanilang pananampalataya" (Mosias 23:21). Ang malungkot na pagkakaalam nila sa kaginhawahan ay kitang-kita sa pagkainis nila sa pagkuha ng mga gintong lamina mula kay Laban, sa pagtitiis sa masukal na ilang, pagtatayo ng sasakyang-dagat, at pagtawid sa malawak na karagatan (tingnan sa 1 Ne. 3­4). Dahil hindi makaintindi at walang pakialam, malinaw na hindi sumang-ayon sina Laman at Lemuel sa paniniwala ni Nephi na hindi kailanman mag-uutos ang Panginoon sa Kanyang mga anak ng mahihirap na bagay maliban na ihahanda muna ng Panginoon ang paraan (tingnan sa 1 Ne. 3:7).

Ang kanilang malaking pagkakamali ay humantong sa halos katawa-tawang palagay gaya ng paniniwala nina Laman at Lemuel na magagawa iyon ng Diyos sa makapangyarihang Faraon at sa malakas na hukbo ng Egipto sa Pulang Dagat, ngunit hindi sa tulad ni Laban na simpleng pinuno lang! Ilan ba sa atin ang kakatwang ipinaiilalim ang kanilang sarili, at nagpipilit na mapabilang sa mga taong mapanakot?

Sa huling pagkakahati ng mga Lamanita at mga Nephita, pansinin ang pagkakaiba sa espirituwal na pagkakahati na nauna sa heograpikal na pagkakahati ng nasasakupan: "Ako, si Nephi, ay ipinagsama ang aking mag-anak, . . . at ang lahat ng may nais sumama sa akin . . . yaong mga naniniwala sa mga babala at paghahayag ng Diyos; anupa't sila ay nakinig sa aking mga salita" (2 Ne. 5:6).

Sina Laman at Lemuel ay hindi kumain ng bunga ng punungkahoy ng buhay, na siyang pag-ibig ng Diyos (tingnan sa 1 Ne. 11:25). Ang pag-ibig ng Diyos para sa Kanyang mga anak ay malalim na naipahayag sa Kanyang pagkakaloob kay Jesus bilang ating Manunubos: "Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay ang kaniyang bugtong na Anak" (Juan 3:16). Ang pagtanggap sa pag-ibig ni Jesus ay ang pakikibahagi sa Pagbabayad-sala ni Jesus at sa kalayaan at kagalakang maidudulot nito. Maliwanag na walang gayong pananampalataya sina Laman at Lemuel--lalo na sa isang Cristo na paparito pa lamang! (tingnan sa Jarom 1:11).

Sa kabilang banda, si Nephi ay may "malaking kaalaman tungkol sa kabutihan . . . ng Diyos," dahil doon ipinahayag ni Nephi: "Alam kong mahal [ng Diyos] ang Kanyang mga anak; gayon pa man, hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay" (1 Ne. 1:1; 11:17). Kung mayroon tayong pag-ibig sa Diyos at nalalaman ang Kanyang kabutihan, magtitiwala tayo sa Kanya, kahit na tayo ay nalilito o naliligalig.

Dahil dito ay hindi naunawaan nina Laman at Lemuel ang kaugnayan ng mga tao sa Diyos at, ang mas masama pa, hindi nila talaga gustong makaunawa. Hinangad nilang manatiling malayo sa Diyos. Higit pa riyan, dahil sa pagiging tamad na mag-isip, hindi nila napagmuni-muni ang kanilang mga biyaya, disin sana'y nabawasan ang pagkakalayo nila kung nagpasalamat lamang sila. Ngunit hindi pinagtuunan ng pansin nina Laman at Lemuel ang bagay na ito.

Hindi rin nagpakita ng sapat na kuryusidad sina Laman at Lemuel pagdating sa anumang may kinalaman sa espirituwal. Minsan ay totoong nagtanong sila ng deretsahang tungkol sa kahulugan ng pangitain hinggil sa puno, ilog, at sa gabay na bakal. Ngunit ang kanilang mga katanungan ay upang makaunawa lamang ng ilang punto sa doktrina sa halip na upang iugnay ang kanilang sarili sa Diyos at sa Kanyang layunin para sa kanila. Tunay ngang hindi nila "inihalintulad" ang mga kasagutan sa kanilang sarili" (tingnan sa 1 Ne. 19:23).

Ang kanilang pagsisisi ay hindi nagtagal, tulad ng nangyayari sa pagitan ng pagpapakita ng anghel at ng pagbabalik sa pagbulung-bulong nina Laman at Lemuel (tingnan sa 1 Ne. 3:31). Minsan napilitan lamang silang kilalanin na "alam nilang ang Panginoon ay na kay [Nephi]," ngunit hindi nagtagal ay nagpakita ng labis na "kagaspangan" sa pag-uugali noong nasa sasakyang-dagat na (1 Ne. 17:55; tingnan din sa 1 Ne. 18:8, 9). Ang pasumpung-sumpong nilang karahasan ay nagpapahiwatig hindi lamang ng kanilang hinanakit at pagkakaiba ng kaisipan.

Sina Laman at Lemuel ay natakot sa kapangyarihan ni Laban, ngunit ang pagkatakot nila sa kapangyarihan ni Laban ay nagpakita lamang ng kapangyarihan ng takot. Sapagkat ang "ganap na pagmamahal ay nagwawakas ng lahat ng takot," kitang-kita kung gayon ang kakulangan ng kakayahan nilang magmahal (tingnan sa Moroni 8:16; tingnan din sa 1 Juan 4:18). Bagaman walang prinsipyo, ang pinakanakalulungkot pa, sila ay hindi mapagmahal!

Sa gayon, dahil sa katigasan ng loob ay halos hindi maantig sina Laman at Lemuel sa pagmamahal ng iba. Wala silang alam sa pagmamalasakit sa damdamin ng iba, na isang walang-hanggang katangian. Nang sila'y payuhan ni Lehi na lakip ang lahat ng damdamin ng isang nagmamahal na magulang, ang naging resulta ay higit pang paghihinanakit, na nagpasidhi pa ng malupit na pagtugon sa mga magulang at kapatid (tingnan sa 1 Ne. 8:37). Nang magpakita ng kalungkutan si Nephi sa kanilang inasal, sina Laman at Lemuel ay "nagsaya" pa dahil siya ay nalungkot (tingnan sa 1 Ne. 17;19). Mahirap na para sa kanila ang makarinig ng pagpapaalala lalo pa kung manggagaling ito kay Nephi!

Dahil sa madaling mabugnot at mabilis magmaktol, hindi sila handa sa susunod na pagsubok sapagkat mabilis nilang kinalimutan kung paano sila iniligtas ng Diyos sa huli nilang paghihirap. Sa halip, dahil sa kakulangan ng pananaw sa ebanghelyo, ang pang-araw-araw na suliranin na kaugnay ng kanilang kalagayan, gaya ng pagkakabali ng busog ni Nephi, na mas binigyang-pansin kaysa sa mga bagay na may kaugnayan sa kawalang-hanggan. Sa panahon din natin ang bawat tao ay nagmamalasakit lamang sa kanyang sarili na para bang ang Sampung Utos ay mula lamang sa isang grupong nakatuon dito!

Sa pagdating nila sa parehong lupain ng Masagana, talaga bang inisip nina Laman at Lemuel na ang maayos na paglalakbay na iyon ay hindi sinasadya? Marahil ay "tama ang hula" ni Nephi (tingnan sa Hel. 16:16). Ang kawalang-utang-na-loob nila sa kagila-gilalas na Liahona ay pumukaw sa tanong na: Ano talaga ang palagay nina Laman at Lemuel sa kagi-gilalas na instrumentong iyon? Ito ba ay isa lamang nakatutulong na kasangkapan o isa lamang karaniwang gamit sa kahit anong barko?

Isang kabaligtaran, na maraming tulad nina Laman at Lemuel na nangunguna sa paghingi ng mga palatandaan ay sila naman ang unang nagpapawalang-halaga dito. Ang ilan ay humihingi pa ng mga himala samantalang tumatanggap ng pang-araw-araw na pagkain ng mana at kinalilimutan ang dakilang Pinagmumulan niyon.

Samakatuwid mga kapatid, ang "makasama sa tuwina" ang Espiritu Santo ay higit pa kaysa sa pagkakaroon ng pana-panahong himala (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:46). Lagi nating tandaan, gayon pa man, na ang Espiritu Santo, bilang Tagaaliw, ay hindi mapanghimasok!

Ang pagtanggi nina Laman at Lemuel sa mga propeta at sa mga banal na kasulatan ay nangangahulugan na hindi nila maihahalintulad ang mga banal na kasulatan sa kanilang sarili at hindi magkakaroon ng bagong kaalaman sa pamamagitan ng pansariling paghahayag sa kanila para sa kanilang panahon. Hindi nila naunawaan na ang mga paraan ng Diyos ay mas mataas kaysa sa mga paraan ng tao (Isa. 55:9). Hinayaan nila ang kanilang isipan na mapababa dahil sa kanilang kapalaluan, na katumbas ng "malaki at maluwang na gusali" (tingnan sa 1 Ne. 8: 26, 31).

Sa gayon sila Laman at Lemuel ay naging manghihimagsik sa halip na mga pinuno, mapaghihinanakit sa halip na mabubuti--lahat ay dahil sa kanilang kabiguang maunawaan ang katangian o mga layunin ng Diyos at ang Kanyang pakikitungo sa Kanyang mga anak.

Nakalulungkot na sina Laman at Lemuel ay walang espirituwal na kabuluhan. Totoo, makaaalam pa tayo ng mga katotohanan tungkol sa kanila, ngunit hindi ito makapagpapabago sa "pinakahuling pagsusuri" ng kung ano sila. Kung, sa ilang aspeto man, ay tila hindi sila nagsiunlad na mga tao, ito ay dahil sa sila ay may di-malimutang kahungkagan, na maaari sanang napunuan ng "pag-ibig ng Diyos." Sa pangitain, naroon ang kaawa-awang tagpo kung kailan nasasabik na ibinaling ni Lehi ang kanyang mga mata, hinahanap sina Laman at Lemuel na "nagbabakasakaling makita [niya] sila." Sa huli, "nakita sila ni Lehi, subalit ayaw nilang . . . kumain ng bunga" (1 Ne. 8:17­18; tingnan din sa 1 Ne. 11:25; 8:35; 2 Ne. 5:20). Sa lahat ng pagpaparusa sa sarili, ang walong-salitang lapidang ito ang naglalarawan ng pinakakila-kilabot at kabunga-bunga!

Mabuti na lamang, mga kapatid, na ang masaganang Pagpapanumbalik ay nagbigay sa atin ng karagdagang paraan upang maunawaan ang mga pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga anak, kabilang na ang sa bawat isa sa atin. Makababahagi tayo ng Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng pag-aangkop ng ating buhay sa maluwalhating Pagbabayad-sala ni Jesus upang sa gayon tayo ay higit na maging tulad Niya. Sa pamamagitan ng paghahalintulad ng mga banal na kasulatan sa ating sarili ay mapabibilis natin ang mahalagang prosesong iyon! Nawa'y magawa natin ito; sa pangalan ni Jesucristo, amen!

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy