The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 1999
Kapangyarihan ng Pagkasaserdote

Kapangyarihan ng Pagkasaserdote

Pangulong Thomas S. Monson
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan

Ang pagkasaserdote ay higit na isang matapat na pangakong maglingkod, isang pribilehiyong manghikayat, at isang pagkakataong basbasan ang buhay ng iba kaysa sa ito ay isang kaloob.

Pangulong Thomas S. Monson

Mga kapatid sa pagkasaserdote, na nagkatipun-tipon dito at sa buong mundo, ako ay nagpapakumbaba sa responsibilidad na nasa akin ngayon na magbigay ng ilang pangungusap sa inyo. Ipinananalangin ko na mapasaakin ang Espiritu ng Panginoon habang ginagawa ko ito.

Ang ilan sa inyo ay mga diyakono; ang ilan ay mga guro o saserdote--lahat ng tungkulin sa Pagkasaserdoteng Aaron. Marami sa inyo ay mga elder, pitumpu o mataas na saserdote. Napakalaki ng inaasahan sa atin.

Sa isang pagpapahayag ng Unang Panguluhan at ng Kapulungan ng Labindalawang Apostol na inilabas noong ika-6 ng Abril, 1980, ang pagpapahayag ng patotoo at katotohanang ito ay ipinaalam:

"Kami ay taimtim na nagpapatibay na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa katunayan ay isang pagpapanumbalik ng Simbahang itinatag ng Anak ng Diyos, na noong nasa lupa ay itinatag ang kanyang gawain sa mundo, na tinataglay nito ang kanyang sagradong pangalan, maging ang pangalan ni Jesucristo; na ito ay itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at propeta, na siya ang pangulong panulukang bato; na ang pagkasaserdote nito, kapwa sa orden nina Aaron at Melquisedec, ay naipanumbalik sa ilalim ng mga kamay ng mga yaong mga sinaunang nagtaglay nito: si Juan Bautista, sa kaso ng Aaron; at sina Pedro, Santiago, at Juan sa kaso ng Melquisedec."1

Noong Oktubre 6, 1889, ipinahayag ni Pangulong George Q. Cannon ang panawagang ito:

"Nais kong makita ang kapangyarihan ng pagkasaserdote na napalalakas. . . . Nais kong makita ang lakas at kapangyarihang ito na lumalaganap sa buong kabuuan ng Pagkasaserdote, umaabot mula sa pangulo hanggang pababa sa pinakamaliit at pinakamababang diyakono sa Simbahan. Bawat lalaki ay dapat na magnais at magtamasa ng mga paghahayag ng Diyos, ginagabayan ng inspirasyong mula sa Diyos ang kanyang mga damdamin at nagbibigay ng kaalaman hinggil sa kanyang mga tungkulin, hinggil sa bahaging iyon ng gawain ng Diyos na ibinigay sa kanya bilang tungkulin ng Pagkasaserdote."2

Ipinahayag mismo ng Panginoon sa ilang salita ang ating responsibilidad nang sa paghahayag tungkol sa pagkasaserdote ay hinikayat Niya, "Dahil dito, ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya nang buong sigasig."3

Mga kapatid sa Pagkasaserdoteng Aaron, maging diyakono, guro, o saserdote man, pag-aralan ang inyong tungkulin. Mga kapatid sa Pagkasaserdoteng Melquisedec, pag-aralan ang inyong tungkulin.

Ilang taon na ang nakalipas, nang ang aming bunsong anak ay papalapit na sa kanyang ikalabindalawang kaarawan, siya at ako ay paalis na sa Gusali ng Pangasiwaan ng Simbahan nang batiin kami ni Pangulong Harold B. Lee. Nabanggit ko kay Pangulong Lee na maglalabing-dalawang taon na si Clark, sa gayon ay tinanong siya ni Pangulong Lee, "Ano ang mangyayari sa iyo pagdating mo ng labindalawang taon?" Isa ito sa mga sandali na ang isang ama ay nagdarasal na ang kanyang anak ay mabigyan ng inspirasyong sumagot nang wasto. Walang atubiling sumagot si Clark kay Pangulong Lee, "Ako po ay oordenan bilang diyakono."

Yaon ang sagot na hinahanap ni Pangulong Lee. Pagkaraan ay pinayuhan niya ang aming anak, "Tandaan mo, isang malaking biyaya ang magtaglay ng pagkasaserdote."

Umaasa ako nang buong puso at kaluluwa na ang bawat kabataang lalaki na tumatanggap ng pagkasaserdote ay igagalang ang pagkasaserdoteng iyan at magiging tapat sa pagtitiwalang ipinababatid kapag ito ay iginagawad.

Apatnapu't apat na taon na ang nakaraan nang narinig ko si William J. Critchlow Jr. na noon ay pangulo ng Istaka ng South Ogden, na nagsalita sa mga kapatid sa pangkalahatang sesyon ng pagkasaserdote ng komperensiya at isinasalaysay muli ang kuwento hinggil sa pagtitiwala, karangalan, at tungkulin. Hayaan ninyong ibahagi ko ang kuwento sa inyo. Ang simpleng aral nito ay naaangkop sa atin ngayon, tulad noon.

"Nakatayo si Rupert sa tabi ng daan na pinanonood ang di-karaniwang dami ng tao na humahangos. Hindi nagtagal nakilala niya ang isang kaibigan. 'Saan ba kayo pupunta lahat at nagmamadali kayo?' itinanong niya.

"Huminto ang kaibigan. 'Hindi mo ba narinig?' aniya.

"'Wala akong narinig,' ang sagot ni Rupert.

"'Aba,' pagpatuloy ng kaibigan, 'nawawala ang maharlikang esmeralda ng Hari. Kahapon ay dumalo siya sa kasal ng isang mataas na tao at isinuot ang esmeralda na nakasabit sa manipis na gintong tanikala sa kanyang leeg. Habang nasa daan lumuwag ang pagkakakabit ng esmeralda sa kadena. Ang lahat ay naghahanap, dahil nag-alok ang Hari ng gantimpala . . . sa sinumang makakikita noon. Halika na, kailangan nating magmadali.'

"'Pero hindi ako puwedeng umalis nang hindi nagpapaalam kay lola,' ang nag-aalinlangang tugon ni Rupert.

"'Kung gayo'y hindi na ako makapaghihintay. Gusto kong makita ang esmeralda,' ang sagot ng kanyang kaibigan.

Nagmamadaling bumalik si Rupert sa kubo sa kakahuyan upang humingi ng pahintulot sa kanyang lola. 'Kung matatagpuan ko iyon maaari na tayong umalis sa kubong ito na laging maputik at makabibili ng kapirasong lupa sa itaas ng burol,' ang pagsusumamo niya sa kanyang Lola.

"Ngunit umiling ang lola niya. 'Anong mangyayari sa mga tupa?' ang tanong niya. 'Hindi na sila mapakali sa kural, naghihintay na maipastol at mangyari sanang huwag mong kalimutang dalhin sila sa tubig kapag tirik na ang araw.'

"Nalulungkot, ipinastol ni Rupert ang mga tupa, at sa tanghali ay dinala niya ang mga ito sa sapa sa kakahuyan. Doon ay umupo siya sa malaking bato sa pampang. 'Kung nagkaroon lang sana ako ng pagkakataong hanapin ang esmeralda ng Hari,' inisip niya. Nang dumukwang siya upang tingnan ang mabuhanging ilalim ng sapa, bigla siyang napatitig sa tubig. Ano ito? Hindi ito maaari! Tumalon siya sa tubig, at ang nakasunggab niyang mga daliri ay nakadakma ng isang bagay na kulay berde na may manipis na piraso ng tanikalang ginto. 'Ang esmeralda ng Hari!' ang sigaw niya. 'Maaaring napahagis ito mula sa tanikala nang ang Hari, na nakasakay sa kabayo, ay lumundag sa tulay na bumabagtas sa sapa, at tinangay ito ng agos patungo rito.'

"Nangingislap ang mga matang tumakbo si Rupert pabalik sa kubo ng kanyang lola upang ibalita ang mahalagang natagpuan niya. 'Pagpalain ka, apo ko,' aniya, 'ngunit hindi mo sana nakita iyan kung hindi mo ginagawa ang tungkulin mo, ang pagpapastol ng mga tupa.' At nalaman ni Rupert na iyon ang katotohanan."4

Ang aral na matututuhan sa kasaysayang ito ay makikita sa isang bantog na dalawahang-linya: "Gawin ang iyong tungkulin; iyan ang pinakamainam. Ang iba ay sa Panginoon mo iwan."

Kung mayroong sinuman ang nakadarama ng lubos na kahinaang baguhin ang patuloy at pababang landas ng kanyang buhay, o kung mayroong sinumang nabibigong magpasiya na gumawa ng mas mabuti dahil sa napakalaking pagkatakot--ang pagkatakot na mabigo--wala nang iba pang mas makaaaliw kaysa sa mga salitang ito ng Panginoon: "Ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na magiging malalakas sa kanila."5

Ang mga himala ay matatagpuan saan man kapag ang mga tungkulin sa pagkasaserdote ay ginagampanan. Kapag pinapalitan ng pananampalataya ang pag-aalinlangan, kapag inaalis ng mapagparayang paglilingkod ang sakim na paghahangad, ang kapangyarihan ng Diyos ay magsasakatuparan ng Kanyang mga layunin.

Ang pagkasaserdote ay higit na isang matapat na pangakong maglingkod, isang pribilehiyong manghikayat, at isang pagkakataong basbasan ang buhay ng iba kaysa sa ito ay isang kaloob.

Mga kapatid, tayo bilang may responsibilidad sa mga kabataang lalaki ng Pagkasaserdoteng Aaron ay hindi lamang dapat magbigay sa kanila ng mga oportunidad na matuto kundi magpakita rin sa kanila ng mga halimbawang karapat-dapat na gayahin.

Para sa ating nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, ang pribilehiyo nating gawin ang ating tungkulin ay laging nariyan. Tayo ay mga pastol na nagbabantay sa Israel. Ang mga gutom na tupa ay tumitingala, laging handang mapakain ng tinapay ng buhay. Handa ba tayong pakainin ang kawan ng Diyos? Mahalagang makilala natin ang kahalagahan ng isang kaluluwa, na hindi tayo magpapabaya sa isa sa Kanyang minamahal na anak.

Maaari bang ibahagi ko sa inyo ang sulat mula sa isang kabataang lalaki na nagpapahiwatig ng diwa ng pagmamahal at tumulong upang mapatatag ang patotoo sa ebanghelyo.

"Minamahal kong Pangulong Monson:

"Salamat sa pagsasalita ninyo sa amin sa Pambansang Jamboree ng mga Iskawt (National Scouting Jamboree) na idinaos sa Fort A. P. Hill, Virginia. Sa isang pamamasyal na ginawa namin nakita namin ang mga tanyag na lugar tulad ng Niagara Falls, ang Statue of Liberty, ang Liberty Bell, at maraming iba pang lugar. Ang isa na pinakagusto ko sa lahat ay ang Sagradong Kakahuyan. Sinulatan kami ng aming mga magulang ng liham na babasahin namin habang nasa kakahuyan. Matapos kong mabasa ang liham na ibinigay sa akin ng mga magulang ko, lumuhod ako at nagdasal. Itinanong ko kung talaga bang totoo ang Simbahan at kung nakakita ba talaga ng pangitain si Joseph Smith at siya ba ay totoong propeta ng Diyos, at kung si Pangulong Hinckley ay totoo rin bang propeta ng Diyos. Pagkatapos na pagkatapos kong magdasal nadama ko ang pagpaparamdam ng Espiritu na ang mga bagay na ito ay talagang totoo. Nagdasal na ako tungkol dito noon pa man ngunit hindi ako nakatanggap ng gayong makapangyarihang sagot. Wala nang dahilan pa para itatatuwa ko na ang Simbahang ito ay totoo o na si Pangulong Hinckley ay propeta ng Diyos.

"Napakapalad ko na maging miyembro ng Simbahang ito. Maraming salamat muli sa pagdalo sa Jamboree.

"Tapat na sumasainyo,

"Chad D. Olson

"P.S. Binigyan namin ang tour guide at tsuper ng bus ng kopya ng Aklat ni Mormon na nakasulat ang mga patotoo namin dito. Ang babait nila! Nais kong maging misyonero."

Tulad ni Joseph Smith, ang kabataang lalaking ito ay nagtungo sa isang sagradong kakahuyan at nagsumamo ng mga kasagutan sa mga katanungang nabuo sa kanyang nag-uusisang isipan. Minsan pa isang panalangin ang sinagot at ang pagpapatibay sa katotohanan ay nakamtan.

Napakaraming di-gaanong aktibong miyembro ang pinahihirapan ng pag-aalinlangan o nagpupumilit na paglabanan ang mga bunga ng kasalanan. Isang gayong miyembro ang sumulat sa akin:

"Natatakot akong mag-isa. Hindi kailanman iniwan ng ebanghelyo ang puso ko, kahit na iniwan nito ang buhay ko. Hinihiling ko ang inyong mga panalangin. Masisiyahan na akong makamtan ang kahit na pinakamaliit na bahagi ng biyayang tinatamasa ng pinakamababang miyembro ng Simbahan sapagkat alam kong mas pinagpala siya kaysa sa akin ngayon. Dati ay inisip ko na ang posisyon at responsibilidad ay mahalaga sa Simbahan, ngunit ngayon ay alam ko nang nagkakamali pala ako. Ang mahalaga ay ang pagkamiyembro, kapangyarihan ng pagkasaserdote, pagiging ama at paglilingkod. Alam ko kung paano makababalik sa Simbahan ngunit minsan naiisip kong kailangan ko pa ng taong magpapakita sa akin ng daan, manghihikayat sa akin, mag-aalis ng takot ko at magpapatotoo sa akin. Akala ko ay ang Simbahan ang nawala, iyon pala'y walang iba kundi ako."

Ang tawag ng tungkulin ay darating nang dahan-dahan habang tayo na nagtataglay ng pagkasaserdote ay tumutugon sa mga tungkulin ibinibigay sa atin. Si Pangulong George Albert Smith, ang mahinahon ngunit epektibong pinuno ay nagpahayag, "Tungkulin muna ninyo na pag-aralan ang nais ng Panginoon at pagkatapos sa pamamagitan ng kapangyarihan at lakas ng [inyong] banal na Pagkasaserdote, gawin ang inyong tungkulin sa harap ng inyong kapwa sa paraang ang mga tao ay magagalak na sumunod sa inyo."6

Ano ang ibig sabihin ng gampanang mabuti ang inyong tungkulin? Ang ibig sabihin nito ay gampanan ang tungkulin nang may dignidad at pagpapahalaga, upang ito ay maging marangal at kapuri-puri sa mga mata ng lahat ng tao, upang palawakin at palakasin ito upang ang liwanag sa kalangitan ay maipakita sa paningin ng ibang tao. At paanong magagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin? Sa pamamagitan lamang ng paglilingkod ng kaugnay nito. Ginagawa ng isang elder ang inordenang tungkulin ng elder sa pamamagitan ng pag-aaral ng kanyang mga tungkulin bilang elder at pagkatapos, ay isasakatuparan ang mga ito. Tulad ng sa isang elder, gayundin sa isang diyakono, guro, saserdote, obispo, at bawat isang nagtataglay ng tungkulin ng pagkasaserdote.

Gaya nang naaalala natin, si Pablo, na dating kilala bilang Saulo, ay papunta sa Damascus upang usigin ang mga Kristiyano roon. Nang papalapit na siya sa lungsod ng Damascus, isang maliwanag na ilaw ang pumalibot sa kanya, at siya'y sindak na sumubsob sa lupa, at nakarinig ng isang tinig na nagsasabi, "Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig?" At itinanong ni Saulo, "Sino ka baga, Panginoon?" At sinabi ng tinig, "Ako'y si Jesus."

Ang nagsisising si Saulo ay nagtanong, "Panginoon, ano ang nais ninyong gawin ko?" Sa isinagot ng Panginoon, si Saulo na taga-usig ay naging si Pablo na mangangaral at sinimulan ang kanyang mga dakilang pagpupunyagi bilang misyonero.7

Mga kapatid, nasa paggawa--hindi lang sa pangangarap--na ang mga buhay ay pinagpapala, ang iba'y ginagabayan, at ang mga kaluluwa'y naililigtas. "Datapuwa't maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang na inyong dinadaya ang inyong sarili," idinagdag ni Santiago.8

Nawa lahat tayong nagkatipun- tipon ngayong gabi sa pulong ng pagkasaserdoteng ito ay gagawa ng panibagong pagsisikap na maging marapat sa paggabay ng Panginoon sa ating buhay. Napakarami ng naroong nagsusumamo at nananalangin ng tulong. Naroon ang mga pinanghihinaan ng loob, yaong mga nililigalig ng masamang karamdaman at mga pagsubok ng buhay na nagdudulot sa kanila ng kawalang-pag-asa.

Lagi kong pinaniniwalaan ang katotohanan ng mga salitang: "Ang pinakamatatamis na biyaya ng Diyos ay laging pinadaraan sa mga kamay ng mga naglilingkod sa Kanya dito sa lupa."9 Magkaroon tayo ng mga kamay na laging handa, malinis, at malugod na sumasang-ayon upang tayo ay makabahagi sa pagbibigay ng anumang nais ng Ama sa Langit na matanggap ng iba mula sa Kanya.

Tinatapos ko ito sa isang sarili kong karanasan sa buhay. Minsan ay may isa akong pinakamamahal na kaibigan na tila nakaranas na ng suliranin at kabiguan nang higit pa sa matitiis niya. Sa huli ay naratay siya sa ospital. Hindi ko alam na naroon siya.

Si Kapatid na Monson at ako ay nagpunta sa isang ospital upang dalawin ang ibang tao na malala ang karamdaman. Nang papalabas na kami sa ospital at papunta na sa paradahan ng sasakyan, nadama ko ang kakaibang damdaming bumalik at magtanong na baka may Hyrum Adams na pasyente roon. Maraming taon na ang nakalipas na natutuhan ko na huwag na huwag kailanman ipagpaliban ang pag-uudyok mula sa Panginoon. Gabi na, subalit napag-alaman ko sa klerk ng ospital na pasyente nga roon si Hyrum.

Pumunta kami sa kanyang silid, kumatok sa pinto at binuksan iyon. Hindi kami nakahanda sa tanawing naghihintay sa amin. Napaliligiran ang silid ng pumpon ng mga lobo. Kitang-kitang nakatanghal sa dingding ang isang karatula na may nakasulat na mga salitang "Maligayang Kaarawan." Nakaupo si Hyrum sa kanyang kama, at sa tabi niya ay ang mga miyembro ng kanyang mag-anak. Nang makita niya kami, aniya, "Bakit, Kapatid na Monson, paano mo nalamang kaarawan ko ngayon?" Ngumiti ako ngunit hindi ko sinagot ang tanong.

Pinalibutan ang lahat ng nasa silid na nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec ang kanilang ama at aking kaibigan, at ang basbas ng pagkasaserdote ay ibinigay.

Matapos tumulo ang mga luha, ang pagpapalitan ng ngiti, at ang magiliw na pagyayakapan ay natanggap at naibigay, humilig ako kay Hyrum at mahinang nagsalita sa kanya: "Hyrum, tandaan mo ang mga salita ng Panginoon, sapagkat aalalayan ka ng mga ito. Ipinangako Niya, 'Hindi ko kayo iiwang magisa: Ako'y paparito sa inyo.'"10

Sana ang bawat isa sa atin ay laging nasa paglilingkod ng Panginoon at sa gayon ay magkaroon ng karapatan sa tulong ng Panginoon, ang aking panalangin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. "Proclamation," Ensign, Mayo 1980, 52.
2. Deseret Weekly, ika-2 ng Nob. 1889, 598.
3. Doktrina at mga Tipan 107:99.
4. Sa Conference Report, Okt. 1955, 86; binago ang mga talata, pagkakasulat ng malalaking titik at tanda.
5. Eter 12:27.
6. Sa Conference Report, Abr. 1942, 14.
7. Mga Gawa 9:3­6.
8. Santiago 1:22.
9. Whitney Montgomery, "Revelation," sa Best-Loved Poems of the LDS People, pinamatnugutan ni Jack M. Lyon at iba pa (1996), 283.
10. Juan 14:18.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy