The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 1999
Bakit Natin Ginagawa ang Ilang Bagay na Ginagawa Natin

Bakit Natin Ginagawa ang Ilang Bagay na Ginagawa Natin

Pangulong Gordon B. Hinckley

Pinaaalalahanan ko . . . Hindi magaan ang ating layunin, ni isa itong gawaing hindi nangangailangan ng pagsisikap, maging pagpapakasakit. Magpapatuloy tayo sa pagtahak sa landas na minarkahan ng Panginoon para sa atin.

Pangulong Gordon B. Hinckley

Mga minamahal kong mga kapatid, pinupuri ko kayo, saan man kayo naroroon. Tulad ng dati, punung-puno na naman ngayong gabi ang Tabernakulo. Sa susunod na tagsibol ay maaari na naming mabigyan kayong lahat na nagnanais dumalo ng mauupuan at magkakasamang uupo sa mga malaking pagtitipun-tipong ito ng pagkasaserdote sa gabi ng Sabado.

Sa pagtatapos natin sa pulong na ito, nais kong magsalita ng ilang minuto ng tungkol sa paksang "bakit natin ginagawa ang ilang bagay na ginagawa natin."

Ngayon, natitiyak kong tila kakaiba ang pamagat na ito sa pandinig ninyo, subalit sa pulong na ito lamang natin maaaring talakayin ang mga patakaran at usaping may kinalaman sa Simbahan. Ipinananalangin ko na sana'y gabayan ako ng Espiritu Santo.

Ang Simbahan ay isang eklesiyastikal na organisasyon. Ito ay isang pangkawanggawang samahan. Pangunahing layunin nito ay ang pagsamba sa Panginoong Jesucristo. Ang ating dakilang misyon ay ang patotohanan na Siya ay buhay. Hindi tayo dapat masasangkot sa anumang bagay na taliwas sa pangunahing layuning ito. Dapat na nakikibahagi tayo sa anumang bagay na naayon sa layuning ito.

Gumagawa tayo ng maraming bagay na sa tingin natin ay tila hindi kaugnay ng dakilang layuning ito. Babanggit ako ng dalawa o tatlo sa mga ito. Isa na rito ay ang pagpapatakbo ng Brigham Young University. Itinatanong ng mga tao kung bakit tayo nagpapatakbo ng gayong kalaki at kagastos na institusyon na halos pangunahing nakabatay sa edukasyong walang kaugnayan sa relihiyon. Naaangkop ang tanong na ito. Ang pagpapatakbo sa pamantasang ito ay may pinagmulang doktrina.

Iniutos ng Panginoon sa paghahayag:

"Masigasig kayong magturo at ang aking biyaya ay dadalo sa inyo, upang kayo ay lalong ganap na matagubilinan sa teoriya, sa alituntunin, sa doktrina, sa batas ng ebanghelyo, sa lahat ng bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos, na kapaki-pakinabang ninyong maunawaan;

"Ng mga bagay maging sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa; mga bagay na nangyari na, mga bagay na nangyayari, mga bagay na malapit nang mangyari; mga bagay na nasa tahanan, mga bagay na nasa ibang bansa; ang mga digmaan at ang mga bumabagabag sa mga bansa, at ang mga kahatulan na nasa lupa; at kaalaman din tungkol sa mga bansa at sa kaharian--

"Upang kayo ay maging handa sa lahat ng bagay kapag kayo ay muli kong isusugo upang gawin ang tungkulin kung saan ko kayo tinawag at ang misyon na aking iniatas sa inyo" (Doktrina at mga Tipan 88:78­80).

Malinaw na dapat pag-aralan natin hindi lamang ang mga bagay na pangsimbahan, kundi pati na ang mga bagay na walang kaugnayan sa relihiyon. May tradisyon sa Simbahan na may kinalaman sa mga bagay na ito. Nariyan noon ang Paaralan ng mga Propeta sa Kirtland. Ang Bulwagan ng Pitumpu sa Nauvoo ay ginamit para sa mga layuning pang-edukasyon. Binalak magtatag ng isang pamantasan sa Nauvoo.

Nang dumating ang mga Banal sa mga lambak na ito sa kanluran, nagtatag ng mga paaralan para sa pagsasanay ng mga kabataan. Ang University of Utah ay binuo noong 1850 ng ating mga ninunong tagabunsod. Kalaunan ay sumunod na itinatag ang Brigham Young University, na higit na nagtagal kaysa sa ibang paaralan ng Simbahan. Lumaki ito hanggang sa kasalukuyang bilang ng nakalistang mag-aaral na higit sa 27,000. Iyan ay malaking bilang ng mag-aaral subalit napakaliit na bahagi lamang ng mga kabataan sa buong Simbahan na karapat- dapat makapag-aral sa pamantasan. Makatatanggap lamang tayo ng iilan. Kung hindi natin mapagbibigyan ang lahat, bakit natin pagbibigyan ang sinuman? Ang sagot ay kung hindi natin mapagbibigyan ang lahat, pagbigyan natin ang makakaya nating pagbigyan. Ang bilang ng maaaring tanggapin sa kampus ay may hangganan, ngunit ang impluwensiya ng pamantasan ay walang hangganan. Napakalaking pagsisikap ang ginagawa upang mapalawak at maipadama ang impluwensiyang iyon.

Napakapalad ng yaong mga may pagkakataong dumalo. Halos magalit ako kapag nakababalita akong may nagrereklamo sa mga mag-aaral o mga guro. Nagpapasalamat akong banggitin na maliban sa iilan ang mga nagsisipag-aral at nagtuturo roon ay nagpapahalaga at nakababatid sa mga biyayang napasakanila.

Higit pa riyan, marami nang magagandang bagay ang ipinakita ng pamantasan para sa Simbahan. Nalalaman ng karamihan na ang Simbahan ang nagtataguyod sa pamantasang ito. Nakilala ito sa mga pamantayan at mithiin na naisusulat at napag-uusapan noon pa man, at nagbibigay-kaalaman sa mga tao ng mga bagay na pinaniniwalaan natin. Ang mga programang pang-akademya at mga programang pampalakasan ay kapwa nagdala ng karangalan sa pamantasan at sa Simbahan. At habang ang mga henerasyon ng mga mag-aaral ay naglalakad sa mga pasilyo nito hanggang sa kanilang pagtatapos, at pagkaraan ay makikipagsapalaran sa iba't ibang panig ng mundo, sila ay magdadala ng karangalan sa kanilang dakilang institusyong at sa tagapagtaguyod nito, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Patuloy pa rin nating itataguyod ang BYU at ang kampus nito sa Hawaii. Patuloy nating itataguyod ang Ricks College. Malamang na hindi na tayo magtatayo ng iba pang pamantasan. Nais sana nating makapagtayo ng sapat upang matanggap ang lahat ng mga nais dumalo. Ngunit hindi posible. Napakamahal na gawin ang mga ito. Ngunit pananatilihin natin ang mga ito bilang pinakamaiinam na halimbawa na nagpapatotoo sa dakila at marubdob na pangako ng Simbahang ito sa edukasyon, kapwa pang-Simbahan at sekular, at sa pamamagitan nito patunayan sa mundo na ang napakahusay na pagkatuto sa mga sekular na bagay ay maaaring matamo sa isang relihiyosong kapaligiran.

Katulong ng mga institusyong ito ang iba pa nating paaralan, mga institute ng relihiyon na nagkalat sa buong mundo at ang mahalagang programa ng seminary sa Simbahan.

Inaasahang sa pamamagitan ng mga ito ay maranasan ng ating mga kabataan saan man sila naroroon, ang ilang napakagandang bagay na mararanasan sa BYU.

Ngayon, ang sumusunod na tanong: "Bakit nasa pangangalakal ang Simbahan?"

May ilan tayong mga negosyo. Hindi marami. Karamihan dito ay nagsimula pa noong mga unang araw ng Simbahan kung kailan ang Simbahan lamang ang tanging organisasyon na makapaglalaan ng puhunang kailangan upang makapagsimula ng ilang kalakal na maglilingkod sa mga tao sa malayong purok na ito. Inalis na natin sa ating sarili ang responsibilidad na ito mula pa nang maramdaman natin na hindi na kailangan ang mga ito. Kabilang sa mga inihintong kalakal na ito ay ang dating Consolidated Wagon and Machine Company na tumakbo nang mahusay noong panahon ng mga bagon at mga kagamitang pangbukid na hinihila ng kabayo. Nawalan na ng saysay sa ngayon ang kompanya.

Ipinagbili ng Simbahan ang dating mga bangkong hinahawakan nito. Noong magkaroon na ng mahusay na serbisyo ng bangko sa komunidad, hindi na kailangan ang mga bangkong pag-aari ng Simbahan.

Ilan sa mga negosyong ito ay tuwirang nagsisilbi sa mga pangangailangan ng Simbahan. Halimbawa, ang negosyo natin ay komunikasyon. Kailangan nating makausap ang lahat ng tao sa buong mundo. Kailangan nating magsalita sa ating lugar upang maipaalam ang ating pinaninindigan, at sa ibang bansa upang ipabatid sa kanila ang ating gawain. Kaya't nagmamay-ari tayo ng isang pahayagan, ang Deseret News, ang pinakamatagal nang institusyong pang-kalakal sa Utah.

Tayo ay nagmamay-ari rin ng mga istasyon ng telebisyon at radyo. Ito ay nagsisilbing tinig sa mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran. Nais ko ring idagdag na kung minsa'y napapahiya tayo sa mga palabas ng mga istasyon ng telebisyon. Ginagawa ng ating mga tao ang lahat ng kanilang magagawa upang mabawasan ang mga epekto nito.

Mayroon tayong pangasiwaan sa real estate na ang pangunahing layon ay tiyakin ang pagiging mataas na uri at pagiging maganda ng mga ari-ariang nakapalibot sa Temple Square. Ang mga sentro ng maraming lungsod ay pumangit na nang lubos. Hindi nabibilang dito ang Lungsod ng Salt Lake, bagaman marahil ay hindi kayo sasang-ayon kung susubukin ninyong pumunta sa Tabernakulo ngayong mga araw na ito. Sinisikap nating tiyakin na ang bahaging ito ng komunidad ay napananatiling maganda at mataas na uri. Sa magagandang bakuran ng Temple Square at ang karatig na bloke nito pasilangan, pinananatili nating maayos ang mga halamanan na maipapantay sa kagandahan ng anumang halamanan sa buong mundo. Lalo pang magiging maganda ito kapag ang mga pasilidad na itinatayo ngayon sa Main Street ay nakumpleto at ang malaking Conference Center sa hilaga ay natapos na.

Pinatatakbo ba ang mga negosyo na ito upang kumita? Siyempre. Tumatakbo sila sa mundong puno ng kompetisyon. Nagbabayad sila ng buwis. Sila ay mahahalagang bahagi ng komunidad na ito. At sila ay tumutubo, at mula sa tubong iyan nanggagaling ang perang ginagamit ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw upang tumulong sa mga mapagkawanggawa at makabuluhang layunin sa komunidad na ito at sa ibang bansa, at lalung-lalo na, upang tumulong sa malaking pagsisikap na pantao ng Simbahan.

Ang mga institusyong pangkalakal na ito ay nag-aambag ng ikasampung bahagi ng kanilang kita sa Foundation. Hindi ito maibibigay ng Foundation sa kanyang sarili o sa iba pang pag-aari ng Simbahan, ngunit magagamit nito ang kita sa pagtulong sa iba pang layunin, na ginagawa naman nito nang bukas-palad. Milyun-milyong dolyar na ang naipamahagi. Libu-libo na ang napakain. Natustusan sila ng mga gamot. Napagkalooban sila ng mga damit at masisilungan sa mga panahon ng malubhang pangangailangan at matinding paghihirap. Nagpapasalamat ako sa malaking kabutihang nagagawa ng dakilang Foundation na ito na nakakakuha ng kanyang panustos mula sa mga negosyo ng Simbahan.

May panahon pa ako upang talakayin ang isa pang tanong: "Bakit nakikilahok ang Simbahan sa mga isyu na inihahain sa harap ng mga mambabatas at manghahalal?"

Kaagad kong sasabihin na nakikilahok lamang tayo sa mga bagay na inihahain sa batas na may kinalaman lamang sa moralidad, o kaya'y tahasang nakaaapekto sa kapakanan ng Simbahan. Hindi tayo sang-ayon sa sugal at alak at patuloy nating hahadlangan ito. Hindi lang natin itinuturing na karapatan, kundi tungkulin na salungatin ang mga puwersang sa palagay natin ay nagpapahina ng moralidad ng ating lipunan. Karamihan ng ating pagsisikap, ng napakalaking bahagi nito, ay ang pakikipag-ugnayan sa iba pang samahan na may gayunding layunin. Nakipag-ugnayan tayo sa pangkat ng mga Hudyo, sa mga Katoliko, Muslim, Protestante, at sa mga yaong walang partikular na relihiyong kinabibilangan, upang bumuo ng samahan na magtatanggol sa ating mga pinaninindigan hinggil sa mga pangunahing isyu ng moralidad. Ang halimbawa nito ay ang kasalukuyang nangyari sa California kung saan sinisikap nating ipagtanggol ang tradisyonal na kasal mula sa mga puwersa sa ating lipunan na nagtatangkang baguhin ang kahulugan ng sagradong institusyong iyon. Ang kasal na pinagtibay ng Diyos sa pagitan ng lalaki at babae ay ang siyang batayan ng kabihasnan sa nakalipas na libu-libong taon. Walang batayan upang baguhin ang kahulugan ng kasal. Wala tayong karapatang gawin ito, at ang mga nagpupumilit na gawin ito ay masusumpungan ang kanilang sarili na mananagot sa harapan ng Diyos.

Ipinalalabas ng ilan na ang pagiging legal ng tinatawag na kasal ng dalawang taong magkapareho ang kasarian ay isang karapatang sibil. Wala itong kaugnayan sa mga karapatang sibil; ito ay may kinalaman sa moralidad. Pinag-aalinlangan ng iba ang ating legal na karapatan bilang isang simbahan na ipahayag ang ating panig hinggil sa isyung lubhang mahalaga sa kinabukasan ng mag-anak. Naniniwala tayo na ang pagtatanggol sa sagradong institusyong ito sa pamamagitan ng pagpupunyaging ingatan ang tradisyonal na kasal ay malinaw na nakasalig sa ating panrelihiyon at pansaligang-batas na karapatan. Tunay ngang napipilitan tayong magsalita dahil sa ating doktrina.

Gayon pa man, at aking binibigyang-diin nais kong sabihin na ang pagsalungat natin sa mga pagtatangkang gawing legal ang kasal ng dalawang taong magkapareho ang kasarian ay hindi kailanman dapat maging dahilan upang magkaroon ng galit, di pagpaparaya o pag-abuso sa mga homosekswal, bilang indibiduwal o grupo. Tulad ng sinabi ko sa pulpitong ito isang taon na ang nakalipas, ang mga puso natin ay nahahabag sa mga taong tinutukoy ang kanilang sarili bilang bakla at tomboy. Minamahal at iginagalang natin sila bilang mga anak na lalaki at babae ng Diyos. Sila ay malugod na tinatanggap sa Simbahan. Gayon pa man inaasahan na sila rin ay susunod sa gayon ding patakarang mula sa Diyos tungkol sa pag-uugaling naaangkop sa lahat, may-asawa man o wala.

Pinapupurihan ko ang ating mga miyembro na kusang-loob na sumama sa iba pang mga tao na may gayon ding kaisipan upang ipagtanggol ang kabanalan ng tradisyonal na kasal. Bilang bahagi ng koalisyon na ito na sumasakop sa iba pang relihiyon, ibinibigay ninyo ang inyong panahon, at talento sa layunin na marahil sa ibang lugar ay hindi itinuturing na tinatanggap na tama, ngunit, gayon pa man ay nasa sentro ng walang-hanggang plano ng Panginoon para sa Kanyang mga anak tulad ng ginagawa ng maraming simbahan.

Sa aking palagay iyan na lamang ang aking kailangang sabihin sa bagay na iyan at sa iba pang aking binigyang-puna. Sinikap kong ipaliwanag ang dahilan kung bakit ginagawa natin ang ilang bagay na ginagawa natin. Sana ay nakatulong ako.

Ngayon bilang pangwakas, nais kong sabihin na minamahal ko ang pagkasaserdote ng Simbahang ito. Ito ay mahalaga, at ito ay buhay. Ito ang pinakapuso at lakas ng gawaing ito. Ito ang kapangyarihan at karapatan kung paano isinasagawa ng Diyos, ang ating Walang-Hanggang Ama, ang Kanyang gawain sa mundo. Ito ang karapatan kung papaano nakapagsasalita ang tao sa Kanyang pangalan. Ito ang karapatan kung paano nila pinamamahalaan ang Kanyang Simbahan.

Mahal ko ang mga batang lalaking nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Aaron. Bawat kabataang lalaking mayroon nito, na sumusunod sa mga kautusan ng Panginoon, ay makaaasang mapapasakanila ang paggabay ng Espiritu Santo sa kanyang buhay. Babasahan siya ng Espiritung yaon sa kanyang pag-aaral at iba pang gawain at mag-aakay sa kanya sa mga gawain na magbibigay ng pagpapala sa kanya at sa buhay ng iba.

Mga kabataang lalaki, sinasang-ayunan at inuulit ko ang mga sinabi dito ngayong gabi; mamuhay kayong karapat-dapat sa pagkasaserdoteng inyong tinataglay. Huwag kailanman gumawa ng anumang bagay na makapagpaparumi sa inyo. Sumunod sa Salita ng Karunungan. Hindi mahirap ito at magdudulot ito ng mga ipinangakong biyaya. Iwasan ang bawal na gamot. Ang mga ito'y sisira nang lubusan sa inyo. Tatanggalin nito sa inyo ang kontrol at disiplina sa buo ninyong isipan at katawan. Aalipinin kayo nito, at maglalagay ng mahigpit at makamandag na bigkis sa inyo na halos wala na kayong pag-asang makaalpas.

Lumayo kayo sa pornograpiya. Makasisira rin ito sa inyo. Palalabuin nito ang inyong isipan at sisirain ang kakayahan ninyong pahalagahan ang mabuti at maganda.

Iwasan ang alak tulad ng pag-iwas sa isang nakahahawang sakit. Ang magiging epekto ng serbesa sa inyo ay pareho lang ng magiging epekto ng matapang na alak. Bawat isa ay naglalaman sa iba't ibang timpla ng alkohol.

Iwasan ang imoralidad. Wawasakin nito ang inyong buhay kung bibigay kayo rito. Sisirain nito ang paggalang sa iyong sarili. Nanakawan kayo nito ng mga pagkakataon at gagawin kayong hindi karapat-dapat na makasama ang magagandang kabataang babae.

Sa pagtanaw ninyo sa hinaharap at pagpaplano sa buhay, isama ang pagmimisyon. Mayroon kayong obligasyon na gawin iyon. Maaaring maging mahirap ang karanasang ito, ngunit pagyayamanin at magbibigay-timbang ito sa buhay ninyo, at pagpapalain nito ang buhay ng iba sa paraang higit pa sa kaya ninyong unawain.

Napakaraming nakasalalay sa inyo, mga minamahal kong batang kaibigan.

Nawa'y basbasan kayo ng Diyos sa pagsulong ninyo sa buhay, na sumusunod sa Kanyang mga kautusan.

Pinaaalalahanan ko ang bawat lalaki at kabataang narito sa malaking pagtitipong ito ngayong gabi na ito ang Simbahan at kaharian ng Makapangyarihang Diyos. Tulad ng malinaw na ipinakita ng ating kasaysayan, hindi magaan ang ating layunin, ni isa itong gawaing hindi nangangailangan ng pagsisikap, maging pagpapakasakit. Magpapatuloy tayo sa pagtahak sa landas na minarkahan ng Panginoon para sa atin. Pagsisikapan nating maging malakas at hindi manghina sa pagtataguyod sa mga programa at kaugaliang naitatag at pinanatili sa loob ng maraming henerasyon.

Mga kapatid, isang kahanga-hangang samahan ang kinabibilangan nating lahat. Magpapatuloy tayo at kailanman ay hindi manghihina o mahahadlangan sa ating mga pagsisikap na maitatag ang kaharian at kabutihan sa mundo. Nawa'y igawad sa atin ng Diyos ang karunungan, lakas, at pagpapasiya ang mapagkumbaba kong ipinananalangin sa pangalan ng ating Manunubos, ang Panginoong Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy