Elder L. Aldin Porter
Ng Panguluhan ng Pitumpu
Ang sentro ng plano ay ang Panginoong Jesucristo. Tanggihan man ninyo o ipagwalang-bahala Siya, at ang dakilang plano ng kaligayahan ay hindi maipatutupad sa inyo.
Ilang buwan na ang nakalilipas matapos ang sesyon ng komperensiya ng istaka, isang magandang dalaga na malapit nang magbeinte anyos ang nakipag-usap sa akin tungkol sa kanyang katanungan hinggil sa ilang aspeto ng pagpapahayag ng mag-anak. Ang layon niya ay hindi upang tanggihan ito kundi taimtim na maunawaan. Pinag-isipan kong mabuti ang kanyang katanungan.
Ang Diyos ng paglikha ay nakipag-usap kay Moises sa pagsisikap na tulungan siyang maunawaan ang tadhana ng mundong ito. "At mga daigdig na di mabilang ay aking nilalang; at aking nilalang ang mga ito para sa sarili kong layunin; at sa pamamagitan ng Anak, aking nilalang ang mga ito, na siyang aking Bugtong na Anak" (Moises 1:33).
Pansinin ang mga salita ng Panginoon: "Aking nilalang ang mga ito para sa aking layunin." Ang Panginoon ay may layunin sa pagtatatag ng mga daigdig at ipinaliwanag Niya kung ano ito: "Sapagka't masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian--ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao" (Moises 1:39).
Maliwanag na ang Panginoon ay may inihandang plano para sa pagsasakatuparan ng kanyang mga layunin. Mababasa natin sa mga banal na kasulatan ang maraming pangalan ng plano: ang "dakilang plano ng kaligayahan," "ang plano ng pagtubos," "ang maawaing plano ng dakilang Lumikha," "ang plano ng kaligtasan," "ang plano ng katarungan," at "ang dakilang plano ng Walang Hanggang Diyos."
Ang bawat pangalan ay nagbibigay-diin sa isang aspeto o iba pang plano. Ngunit sa katotohanan mayroon lamang isang plano na tinatawag sa maraming pangalan na sa pamamagitan nito'y nais ng Diyos na isakatuparan ang kawalang- kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.
Isipin ninyo ang isang eroplano na papaalis ng paliparan na may mapa sa paglalakbay na iplinano nang ganap. Alam na alam ng mga piloto at mga tauhan kung saan sila pupunta, at hindi sila maliligaw at mabibigong makarating sa kanilang destinasyon nang minsan sa 50 paglipad maliban na lang kung sasama ang panahon o magkakaproblema sa makina. Ngayon isipin naman ninyo ang isa pang eroplano na may piloto at tauhan ngunit walang plano sa paglalakbay. Umandar na ang makina, at ang eroplano ay papunta na sa patakbuhan. Subalit nang magsimula na itong umangat, hindi malaman ng tauhan kung papasilangan ba sila o papakanluran. Kung ikaw ay nakasakay sa eroplanong iyon, halos wala ka nang pagkakataon na makarating sa iyong pupuntahan. Malinaw sa bawat isa sa atin na ang tauhan ng eroplano ay kailangan ng plano sa paglalakbay.
Ganoon din sa ating buhay. Hindi makagagawa ng matalino at pangmatagalang pagpapasiya ang isang tao maliban na lang kung nauunawaan niya na may layunin dito at sumasang-ayon na dapat niyang maunawaan, ang ilang aspeto ng maawaing plano ng dakilang Lumikha.
Binigyan tayo ng Panginoon ng mga tagubilin at kautusan upang tulungan tayong maisakatuparan ang tadhanang pinapangarap Niya para sa atin. Ang mga kautusan ay pinakamadaling mauunawaan kapag may alam ang isang tao tungkol sa plano. Itinuro ni Alma ang alituntuning ito nang sinabi niyang, "Anupa't ang Diyos ay nagbigay sa kanila ng mga kautusan, matapos maipaalam sa kanila ang plano ng pagtubos, upang hindi sila gumawa ng masama, ang parusa niyon ay ikalawang kamatayan, na isang walang hanggang kamatayan, sa mga bagay na nauukol sa kabutihan; sapagkat sa mga gayon ang plano ng pagtubos ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan, sapagkat ang mga gawa ng katarungan ay hindi mawawala, alinsunod sa dakilang kabutihan ng Diyos" (Alma 12:32, idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang pinakamahalagang bahagi ng plano ay ang karapatan ng pansariling pagpili. Ang tawag ng Panginoon dito ay moral na kalayaan. Maaari tayong pumili ayon sa gusto natin ngunit maaaring hindi natin maiwasan ang mga bunga ng ating pagpili. Pag-isipan ninyo iyan. Pinahihintulutan tayong pumili sa buhay na ito, ngunit hindi natin dapat ipalagay na hindi makatarungan ang plano sapagkat dapat lang na tanggapin natin ang mga bunga ng ating pagpili.
Ang sentro ng plano ay ang Panginoong Jesucristo. Tanggihan o ipagwalang-bahala ninyo Siya, at ang dakilang plano ng kaligayahan ay hindi maipatutupad sa inyo. Ang Kanyang buhay ay inilaan sa buhay Niya bago pa siya isilang sa mundo, sa mortalidad, at maging sa mga walang hanggang daigdig upang itatag ang plano ng Ama para sa ating biyaya at kapakinabangan. Ang kabayaran nito para Guro ay napakalaki. Isipin ninyo ang Getsemani at ang Kanyang paghihirap sa Kalbaryo. Ito ay dapat na magbigay sa atin ng ilang konsepto ng malaking kahalagahan ng plano ng pagtubos.
Ang kapalaluan, paghahangad ng walang kabuluhang bagay ng daigdig, kawalan ng kalinisang-puri, maling pag-aakala sa papel ng lalaki at babae, at pagbabalewala sa kasagraduhan ng buhay ng tao ay ilan lamang sa mga balakid sa mortalidad. Mahahadlangan o mapipigilan nila tayo na marating ang ating pupuntahan. Pinahihintulutan ng plano ang pagsisisi ngunit hindi nito pinahihintulutan ang pagtanggap ng pag-uugaling nakapangwasak ng sarili.
"Sapagkat ako, ang Panginoon ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang;
"Gayunman, siya na nagsisisi at sumusunod sa mga kautusan ng Panginoon ay patatawarin" (Doktrina at mga Tipan 1:3132).
Ang pag-unawa sa plano ay magbibigay sa atin ng malaking kaaliwan sa matitinding pagsubok na dumarating sa sangkatauhan. Dagdag pa riyan, ang pag-unawang iyon ay magpapalakas ng ating pananampalataya. Isa sa pinakamahihirap na pagsubok ay ang mahiwalay sa mga minamahal nang dahil sa kamatayan. Ang plano ay isang malaking kaaliwan kung nauunawaan natin ang sumusunod na mga salita sa banal na kasulatan:
"Sapagkat kung paanong ang kamatayan ay napasalahat ng tao, upang matupad ang maawaing plano ng dakilang Lumikha, talagang kinakailangang magkaroon ng kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli, at ang pagkabuhay na mag-uli ay tiyak na mapapasa-tao dahil sa pagkahulog; at ang pagkahulog ay dumating dahil sa kasalanan; at dahil ang tao ay nahulog, sila ay nahiwalay mula sa harapan ng Panginoon" (2 Ne. 9:6).
Tayo ay mga literal na anak na lalaki at babae ng Diyos. Ang kaisipang iyan ay dapat na manuot sa bawat hibla ng ating pagkatao. Ang malaman ang katotohanang ito ay makaiimpluwensiya nang malaki sa mga pagpapasiya sa buhay na magdudulot sa atin ng dakilang kagalakan o mapait na pagsisisi.
Marami sa mga nagbubuo ng mga pilosopiya ng tao ang kakaunti o walang kaalaman sa mga layunin ng Diyos. Ang kanilang mga makamundong konsepto ay kadalasang nakalulungkot ang kakulangan sa mga pangwalang-hanggang layunin. Kung, halimbawa, ang isang tao ay naniniwala na ang pagsilang ng tao sa mundo ay hindi sinasadya ng kalikasan--magkakamali siya sa kanyang pagpapasiya. Hindi alam ng mga makabagong pilosopong ito ang tungkol sa buhay ng sangkatauhan bago sila dumating sa mundo, at wala rin silang kamalayan sa walang-hanggang tadhana ng tao. Paano pa sila makapagbubuo ng mga prinsipyong makatatagal sa mga pagsubok ng mga siglo?
Ipinaalam ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang pagpapahayag tungkol sa mag-aanak sa pagsasabing: "Dahil sa napakaraming mapanlinlang na katwiran na ipinagpapalagay na katotohanan, dahil sa panlilinlang hinggil sa mga pamantayan at pinahahalagahan, dahil sa dami ng pang-aakit at pag-uudyok na unti-unting tanggapin ang kasalanan ng mundo, nadama namin ang pangangailangang magbabala. Upang itaguyod ang babalang ito kami sa Unang Panguluhan at sa Kapulungan ng Labindalawang Apostol ay nagbibigay ngayon ng pagpapahayag sa Simbahan at sa daigdig bilang deklarasyon at muling pagpapatibay ng mga pamantayan, doktrina, at mga gawain na may kaugnayan sa mag-anak na paulit-ulit na ipinahahayag ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ng Simbahang ito sa buong kasaysayan nito" ("Stand Strong against the Wiles of the World," Ensign, Nobyembre 1995, p. 100).
Nagrereklamo ang ilan na kapag ang mga propeta ay nagsasalita nang may kalinawan at katatagan ay inaalisan nila tayo ng kalayaang pumili. Malaya pa rin tayong pumili. Ngunit kailangan nating tanggapin ang mga ibubunga ng mga pagpapasiyang iyon. Hindi tayo inaalisan ng mga propeta ng kalayaang pumili. Binabalaan lamang nila tayo sa mga ibubunga ng mga gagawin nating pagpili. Napakalaking kahangalan ang sisihin ang mga propeta sa kanilang mga babala.
Magkaroon ng tiwala sa mga propeta at mga paalala nila. Hanapin ang pagpapatibay ng Espiritu na sila ay binigyang-inspirasyon. Pagkaraan ay makatatagpo kayo ng kaaliwan, kapayapaan, at maging kagalakan kapag sila ay nagsasalita at tumatalima kayo sa kanilang payo.
Si Alma, isang sinaunang propeta, ay nakadama ng masidhing pag-aalala para sa kanyang kapwa nang sabihin niya: "Oo, ipahahayag ko sa lahat ng kaluluwa, tulad ng tinig ng kulog, ang pagsisisi at ang plano ng pagtubos, na nararapat silang magsisi at magsilapit sa ating Diyos, upang hindi na magkaroon pa ng kalungkutan sa balat ng lupa" (Alma 29:2).
Kapag nauunawaan natin ang dakilang plano ng Walang-hanggang Diyos, ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak ay nagdudulot ng kapayapaan at katiyakan. Ang plano mismo ang nagpapatunay sa sarili nito, sapagkat ang Espiritu ng Diyos ang dumadalo dito.
Ang mensahe ng pagpapahayag ay makaaaliw sa mga magulang na maaaring nag-aalinlangan sa kanilang mga ginagampanan sa tahanan. Magdudulot ito ng kapanatagan sa mga bata sapagkat sila ay inaaruga ng mga magulang na nagmamahal at nakauunawa sa kanilang walang-hanggang tadhana. At magbibigay ito ng walang-katapusang kaligayahan sa kabataang babaeng nakipag-usap sa akin kapag nauunawaan at tinutupad niya ang papel na nilayon para sa kanya ng isang napakatalino at mapagmahal na Ama sa Langit. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.