The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 1999
Kapayapaan, Pag-asa, at Paggabay

Kapayapaan, Pag-asa, at Paggabay

Sister Patricia P. Pinegar
Nahalinhan Kamakailan Bilang Pangkalahatang Pangulo ng Primarya

Tayo nang magalak sa mga biyaya ng kapayapaan, pag-asa, at patnubay, mga biyayang hindi tinatamasa ng marami sa mga anak ng ating Ama.

Sister Patricia P. Pinegar

Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo: at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.

"Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas" (Mga Kawikaan 3:5­6).

Mga kapatid, minamahal ko ang Panginoon at nagtitiwala ako sa kanya nang buong puso. Alam kong nabubuhay Siya at minamahal ang bawat isa sa atin. Alam kong ang ating Ama sa Langit ay may perpektong plano para sa atin. Sa pagsunod natin sa planong ito at sa halimbawa ng ating Tagapagligtas, makatatagpo tayo ng kapayapaan sa maligalig na mundong ito, ang ating mga puso ay mapupuno ng pag-asa, at matatanggap natin ang patnubay na kailangan natin.

Habang kami ay naglilingkod sa misyon sa England, ang aming 17 taong gulang na anak na lalaki, si Cory, ay namatay sa isang aksidente sa kotse. Nakauwi kami sa Utah para sa kanyang burol, at pagkatapos ay kaagad kaming bumalik sa Inglatera upang tapusin ang aming misyon. Tunay na madamdaming sandali iyon para sa aming buong mag-anak.

Isang araw, noong kababalik pa lang namin sa England, naglalakad ako sa kalsada at isang kakilala na nakabalita ng kamatayan ng aming anak ang nagsabi sa akin: "O, ano ang palagay mo ngayon sa Diyos mo? Naglilingkod ka sa misyon para sa Kanya, tapos kinuha Niya ang anak mo." Nabigla ako at nasaktan. Labis akong nalungkot para sa taong ito na hindi nakauunawa sa plano ng Ama sa Langit.

Ang mahirap na karanasang bunga ng pagkamatay ng aking anak ay nakatulong sa aking makilala at magalak sa mga biyaya ng kapayapaan, pag-asa, at patnubay--mga biyayang maaaring matamasa ng lahat na tunay na tumatanggap at ipinamumuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Mapatototohanan ko ang mga salita ni Elder Richard G. Scott: "Sana'y matutuhan ninyo na habang kayo ay nakikipagbuno sa isang pagsubok at nalulungkot dahil doon, kasabay nito ay magkakaroon kayo ng kapayapaan at kagalakan" (sa Conference Report, Okt. 1995; o Ensign, Nob. 1995, 17).

Anu-ano ang ilang tiyak na bagay na magagawa natin upang magkaroon ng mga biyaya ng kapayapaan, pag-asa, at patnubay sa ating buhay? Hayaan ninyong ibahagi ko ang tatlong bagay na nakatulong sa akin.

Una, dapat mayroon tayong ganap na pagtitiwala sa plano ng kaligayahan ng ating Ama. Ang pagtitiwala sa Kanyang plano ay nagbigay sa akin ng kapayapaan sa panahong kamamatay pa lang ng aming anak. Alam ko kung nasaan ang aming anak, at alam kong mahal siya ng Ama sa Langit. May ganap na pag-asa ako na dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas si Cory ay buhay at kami ay magkakasamang muli bilang walang hanggang mag-anak. Mayroon din akong patnubay. Alam ko kung ano ang kailangan kong gawin at kung ano ang kailangang gawin ng aming mag-anak upang magkasama-sama kami magpakailanman.

Ang pangalawang bagay na nakatulong sa aking matanggap ang mga biyayang ito ay ang alituntunin ng matapang na pagsunod. Nagpapasalamat ako sa mga kaloob na batas at mga kautusan ng Diyos. Ang kapayapaan, pag-asa, at patnubay ay mga bunga ng pagsusumikap na ipamuhay ang mga turo ni Jesus at pagsunod sa Kanyang mga batas at kautusan. Itinuturo ng mga banal na kasulatan, "Dakilang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig ng iyong kautusan" (Mga Awit 119:165). Itinuturo din nila na "siya na gumagawa ng mga gawa ng kabutihan ay makatatanggap ng kanyang gantimpala, maging kapayapaan sa daigdig na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating" (Doktrina at mga Tipan 59:23).

Noong si Kapatid na Pinegar ay naglilingkod bilang pangulo ng Sentro ng Pagsasanay ng Misyonero sa Provo, gaya nang naiisip ninyo, madalas na nagsasalita kami sa mga misyonero ng tungkol sa mga damdamin ng kaligayahan at kapayapaan na kaakibat ng matapang na pagsunod sa mga totoong alituntunin. Nagsalita kami tungkol sa impluwensiya ng Espiritu Santo na dumarating sa mga masunurin. Hinikayat namin ang mga misyonero na laging pagsikapan ang pagsunod. Natuwa ako nang ibahagi sa kanila ang kuwento ng isang batang lalaki na nagpunta sa parke kasama ng kanyang ama upang magpalipad ng saranggola.

Musmos na musmos pa ang bata. Iyon ang unang karanasan niya sa pagpapalipad ng saranggola. Tinulungan siya ng kanyang ama, at pagkatapos ng ilang pagtatangka, napalipad niya ang saranggola. Tumakbo ang bata at hinabaan pang lalo ang pisi at hindi nagtagal mataas na ang lipad ng saranggola. Sa huli ay wala nang natirang pisi upang mapataas pa ang saranggola. Sinabi ng bata sa kanyang ama, "Itay, putulin na natin ang pisi at pakawalan na ang saranggola, gusto kong makita na pataas ito nang pataas."

Sinabi ng kanyang ama, "Anak, hindi na tataas pa ang saranggola kung puputulin natin ang pili."

"Tataas iyon," ang sagot ng paslit. "Hinihilang pababa ng pisi ang saranggola; nararamdaman ko ito." Iniabot ng ama ang kutsilyo sa kanyang anak. Pinutol ng bata ang pisi. Sa loob ng ilang sandali ay nawalan na ng kontrol ang saranggola. Mabilis na mabilis itong nagpagewang-gewang hanggang sa bumagsak ito sa isang sirang tambakan. Mahirap para sa bata na maunawaan iyon. Natitiyak niya na ang pisi ang humihilang pababa sa saranggola.

Ang mga kautusan at batas ng Diyos ay tulad ng pisi ng saranggola. Inaakay tayo nito at ginagabayan pataas. Ang pagsunod sa mga batas na ito ay nagbibigay sa atin ng kapayapaan, pag-asa, at patnubay.

Ang pangatlong bagay na magagawa natin upang matanggap ang mga biyaya ng kapayapaan, pag-asa, at patnubay ay ang matutuhang tumugon sa mga udyok ng Espiritu Santo at ipaalam sa Panginoon ang pasasalamat natin sa dakilang kaloob na ito.

Tumulong ako sa pag-aalaga kay Lola Pinegar noong mga nakaraang Linggo. Si Lola ay 99 at mahinang-mahina na. Bulag siya at medyo bingi na, at nitong mga huling araw mahirap na rin para sa kanya ang magsalita maski na pabulong. Baluktot na ang kanyang likod kaya hindi na siya gaanong makahinga.

Medyo lumapit ako sa kanya at nagtanong, "Lola, sabihin n'yo nga po sa akin kung paano pinagpala ng ebanghelyo ang inyong buhay." Bumulong siya at ibinahagi ang kanyang pasasalamat sa mga udyok at patnubay na natanggap niya mula sa Espiritu Santo.

Nang ang kanyang pangalawang anak, si James, ay 18 buwan pa lamang, siya at ang kanyang nakatatandang kapatid ay naglalaro sa labas at tinitingnan niya sila mula sa bintana. Biglang-bigla na lang silang nawala sa kanyang paningin kaya tumakbo siyang palabas ng bahay na tarantang-tarantang tinatawag at hinahanap sila. May laman ang patubig na hindi sinadyang itinayo roon. Naghanap siya sa gilid nito at wala siyang nakita. Humingi siya ng tulong sa mga inuupahang magbubukid at patakbong bumalik sa mahabang kanal na daluyan ng tubig. Nang tumakbo siya sa kabilang dulo ng kanal, nakakita siya ng dalawang maliit na sapatos at hinila niya ang mga ito. Nang makuha na niya ang kanyang anak, tila may nag-udyok sa kanya na pagdaupin ang kanyang mga kamay at ilagay niya ang mga ito sa ilalim ng sikmura ng anak at kalungin niya ito sa ganitong paraan, na gamit ang kanyang tuhod upang doon mapunta ang ibang bigat nito. Tumakbo siya sa daan at humingi ng tulong. Ang pang-uudyok na narinig niya na kalungin ang kanyang anak sa hindi pangkaraniwang pamamaraan na ito ay nakapagligtas sa buhay ng bata.

Mga kapatid, ako ay personal na nagpapasalamat sa mga udyok na natanggap namin bilang miyembro ng panguluhan ng Primarya. Noong pangkalahatang komperensiya kung kailan kami ay sinang-ayunan, inilarawan ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang ilan sa kakila-kilabot na kalupitang dinaranas ng mga bata sa buong mundo. Mababasa natin sa mga pahayagan at magasin ang masasamang impluwensiyang sumasalakay sa ating mga tahanan.

Bilang bago at lubos na nagmamalasakit na panguluhan ng Primarya, nanalangin kami at sinaliksik namin ang mga banal na kasulatan at kami'y itinuro sa isang talata sa Isaias na naglalarawan sa mga kondisyon sa Milenyo: "Hindi sila magsisipanakit o magsisipanira man sa aking buong banal na bundok: sapagka't ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng Panginoon" (Isa. 11:9). Iyon mismo ang gusto nating mangyari. Ayaw nating masaktan o mapinsala ang sinumang bata, ngunit hindi natin gustong maghintay pa ng Milenyo. Gusto nating mangyari ito ngayon. Kung ang ating mga Primarya ay puno ng kaalaman tungkol sa Panginoon, kung ang ating mga tahanan ay puno ng kaalaman tungkol sa Panginoon, magkakaroon ng kapayapaan at kabutihan at ang mga bata ay hindi masasaktan sa anumang paraan. Nanalangin kami kung paano namin ito maisasagawa at kami ay itinuro sa 2 Ne. 25:26. Ang ating mga tahanan at mga Primarya ay mapupuno ng kaalaman tungkol sa Panginoon kapag "nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo."

Kami ay nagpapasalamat sa kapayapaan at pag-asa na ibinigay sa amin ng mga banal na kasulatang ito at sa patnubay na natanggap namin sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang hikayatin ang mga pinuno ng Primarya na magkaroon ng mga Primaryang nakasentro kay Cristo.

Mga kapatid, tayo nang magalak sa mga biyaya ng kapayapaan, pag-asa, at patnubay, mga biyayang hindi tinatamasa ng marami sa mga anak ng ating Ama. Kapag nararanasan natin ang mga dakilang biyayang ito sa ating buhay, tulungan natin ang iba na maranasan din ang mga ito, lalo na ang mga bata. Sa pagpapakahulugan sa mga salita ng Tagapagligtas, "Kung makapagbalik ka nang muli ay papagtibayin mo ang iyong mga [anak]" (Luc. 22:32).

Ang tema ng Primarya mula sa banal na kasulatan ay, "Lahat ng iyong mga anak ay tuturuan ng Panginoon; at malaki ang magiging kapayapaan ng iyong mga anak" (3 Ne. 22:13). Ang mundo ay hindi isang ligtas na lugar. Hindi ito ligtas na lugar kung saan ang mga bata ay makadarama ng kapayapaan, pag-asa, at patnubay maliban kung sila ay tuturuang magmahal at sumunod sa Tagapagligtas. Sana ay tulungan ninyo silang malaman na ang mga dakilang biyayang ito ay maaaring mapasakanila, at ipakita sa kanila ang kailangan nilang gawin upang matanggap ang mga biyayang ito.

Ako ay lubos na nagpapasalamat sa pagkakataong ibinigay sa akin upang maglingkod sa Primarya. Mahal ko ang aking mga tagapayo, sina Sister Wirthlin at Sister Warner. Nagkakaisa kami sa aming naising mapaglingkuran at mapagpala ang mga anak ng Simbahan. Naniniwala kami na ang mga Primaryang nakasentro kay Cristo ay makatutulong sa mga magulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak ng ebanghelyo ni Jesucristo, na siyang tanging kaalaman na makapagbibigay sa ating mga anak ng kapayapaan, pag-asa, at patnubay. Ako ay nagpapasalamat sa ating matatapat, at dedikadong mga miyembro ng kapulungan at maaasahang kawani ng tanggapan at sa mga pinuno ng pagkasaserdote na nagturo at nagbigay ng inspirasyon sa amin. Nagpapasalamat ako sa bagong panguluhan ng Primarya na sinang-ayunan sa komperensiyang ito. Inihahandog ko sa kanila ang aking pagmamahal at sa aking itinatanging mag-anak lalo na sa aking mahal na kabiyak sa kanyang walang-maliw na pagmamahal at pagsuporta.

Kinikilala ko ang kabutihan at kabaitan ng Tagapagligtas sa bawat bahagi ng aking buhay. Ang mga biyaya ng kapayapaan, pag-asa, at patnubay ay tatlo lamang sa maraming paraan na nagbigay ng pagpapala sa buhay ko dahil sa ebanghelyo ni Jesucristo. Tulad ng ipinahahayag sa mga titik ng isang awit sa Primarya, nais kong malaman ng Tagapagligtas na aking nadarama.


Na S'ya'y magbibiyaya.
Puso ko ay alay;
S'ya ang aking gabay.
S'ya ay aking susundin.
Buhay ko'y alay din.
Aking nadarama,
Pag-ibig Niya sa akin
("I Feel My Savior's Love," Aklat ng mga Awit Pambata, 74­75)

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy