The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 1999
Sa Pinakadakilang Yugto ng mga Panahon

Sa Pinakadakilang Yugto ng mga Panahon

Pangulong Gordon B. Hinckley

Nawa'y pagpalain tayo ng Diyos ng pang-unawa sa ating kinalalagyan sa kasaysayan at . . . makitang kailangan nating magtaas-noo at lumakad nang may paninindigan sa paraang karapat-dapat sa mga Banal ng Kataas-taasan.

Pangulong Gordon B. Hinckley

Tunay na kapana-panabik at kahanga-hangang karanasan ang paglipat mula sa isang siglo patungo sa isa pa. Hindi magtatagal at mararanasan na natin ito. Higit pang kapana-panabik ang ating pagkakataong makita ang pagtatagpo ng nakaraang isang libong taon sa susunod na isang libong taon. Nag-uumapaw ang aking kaligayahan sa dakila at maringal na bahaging ito ng kasaysayan habang pinagninilay-nilay ko ang panahong ito.

Dalawang libong taon lamang ang nakalilipas mula nang lumakad ang Tagapagligtas sa daigdig. Kagila- gilalas ang pagkilala sa Kanyang kapanahunan sa kasaysayan kung kaya ang kalendaryo na gamit ngayon sa halos lahat ng dako ng daigdig ay itinuturing ang Kanyang pagsilang bilang kalagitnaan ng panahon. Ang lahat ng nangyari bago pa sumapit iyon ay itinalang pabalik batay sa petsang iyon. Ang lahat ng nangyari simula noon ay itinatalang pasulong batay sa petsa ring iyon.

Sa tuwing gagamit ang isang tao ng petsa, nalalaman o maaaring hindi niya nalalaman na kinikilala niya ang pagparito sa lupa ng Anak ng Diyos. Ang Kanyang pagsilang, tulad ng pagkilala ng lahat, ang palatandaan ng pinakasentro ng mga panahon, ang kalagitnaan ng panahon na kinikilala sa buong daigdig. Sa paggamit natin ng mga petsang ito ay hindi natin ito pinag-uukulan ng pansin. Ngunit kung titigil tayo sandali at mag-iisip, kailangan nating kilalanin na Siya ang pinakadakilang tao sa buong kasaysayan ng daigdig kung kanino ibinabatay ang sukatan ng panahon.

Noong nakaraang mga siglo bago Siya pumarito sa lupa ay may propesiya tungkol sa Kanyang pagdating. Ipinahayag ni Isaias: "Sapagka't sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-mangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan" (Isaias 9:6).

Si Haring Benjamin, mahigit sa isang daang taon bago sumapit ang pagsilang ng Tagapagligtas, ay nagsabi sa kanyang mga tao,

"Sapagkat masdan, ang panahon ay darating, at hindi na nalalayo, na taglay ang kapangyarihan, ang Panginoong Makapangyarihan na naghahari, kung sino noon, at ngayon, mula sa lahat ng kawalang- hanggan, hanggang sa kawalang-hanggan, ay bababa mula sa langit sa mga anak ng tao, at mananahan sa isang katawang-lupa, at hahayo sa mga tao, gagawa ng mga makapangyarihang himala, tulad ng pagpapagaling ng may karamdaman, pagbuhay ng patay, pagpapalakad ng pilay, ang bulag nang makatanggap ng kanilang paningin, at ang bingi upang makarinig, at pagpapagaling ng lahat ng uri ng sakit. . . .

"At siya ay tatawaging Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ang Ama ng langit at lupa, ang Lumikha ng lahat ng bagay mula sa simula; at ang kanyang ina ay tatawaging Maria." (Mosias 3:5, 8).

Hindi kataka-taka na ang mga anghel ay umawit sa Kanyang pagsilang at ang mga pantas na lalake ay naglakbay nang malayo upang magbigay-pugay sa Kanya.

Siya ang nag-iisang perpektong tao na lumakad sa lupa. Tinupad Niya ang Batas ni Moises at naghatid ng bagong pamantayan ng pagmamahal sa daigdig.

Ang Kanyang ina ay mortal, at mula sa kanya ay minana Niya ang isang mortal na katawan. Ang Kanyang Ama ay imortal, ang Dakilang Diyos ng Sansinukob, na siyang pinagmulan ng Kanyang banal na katangian.

Ang dakilang pagpapamalas ng Kanyang pagmamahal ay naganap sa Kanyang pagkamatay nang ibigay Niya ang Kanyang buhay bilang sakripisyo para sa lahat ng tao. Ang Pagbabayad-sala, na nagdulot ng hindi mailarawang paghihirap, ang naging pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan, isang pagpapakita ng awa na hindi sinuklian ng mga tao, ngunit nagbigay katiyakan ng Pagkabuhay na Mag-uli sa lahat ng nabuhay at mabubuhay pa sa daigdig.

Wala ng iba pang gawa sa buong kasaysayan ng sangkatauhan ang maihahambing pa rito. Walang anumang pangyayari ang maaaring makapantay nito. Tunay na hindi makasarili at walang hangganang pagmamahal para sa buong sangkatauhan, ito'y walang makapapantay na pagpapakita ng awa para sa buong lahi ng sangkatauhan.

At sa Pagkabuhay na Mag-uli noong unang umaga ng Pasko ng Pagkabuhay ay dumating ang matagumpay na pagpapahayag ng kawalang-kamatayan. Totoo ang salita ni Pablo nang sabihin niyang, "Sapagka't kung paanong kay Adan ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin" (I Cor. 15:22). Hindi lamang Niya ipinagkaloob ang pagpapala ng Pagkabuhay na Mag-uli ng lahat, kundi binuksan Niya ang daan patungo sa buhay na walang hanggan sa lahat ng tutupad sa Kanyang mga aral at kautusan.

Siya noon at Siya pa rin ang dakilang sentro ng kasaysayan ng sangkatauhan, ang pangunahing tao sa kasaysayan ng buong sangkatauhan.

Bago siya mamatay, Siya'y tumawag at nag-ordena ng mga Apostol. Namalagi sila sa loob ng ilang panahon. Ang Kanyang Simbahan ay naitatag.

Lumipas ang mga taon. Ang espirituwal na kamangmangan ay nangibabaw sa buong daigdig. Inilarawan ito ni Isaias: "Sapagka't narito, tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng salimuot na dilim ang mga bayan" (Isaias 60:2).

Panahon ito ng pandarambong at pagdurusa, ng mahaba at madugong digmaan. Si Charlemagne ay hinirang na emperador ng mga taga Roma sa taong 800.

Panahon ito ng kawalang-pag-asa, panahon ng mga panginoon at mga alipin.

Ang unang isang libong taon ay lumipas, at ang ikalawang milenyo ay nagsimula. Ang nangaunang daantaon ay pagpapatuloy ng nakaraan. Iyon ay panahon na puno ng pagkatakot at pagdurusa. Ang laganap at nakamamatay na salot ay nagsimula sa Asya sa ikalabing-apat na siglo. Kumalat ito sa Europa at gayundin sa Inglatera. Sa bawat dakong narating nito ay may dagliang kamatayan. Ganito ang sabi ni Boccacio sa mga naging biktima nito, sila'y "nananghali na kapiling ang kanilang mga kamag-anak at kaibigan, at naghapunang kapiling ang kanilang mga ninuno sa sa kabilang daigdig."1 Ang mga tao'y dumanas ng labis na pagkaligalig at at takot dahil sa salot. Sa loob ng limang taon ay binawian ng buhay ang dalawampu't limang milyong tao, sangkatlo ng populasyon ng Europa.

Paminsan-minsan ay muling sumusulpot ang salot, at ang sinumang maging biktima nito'y dumaranas ng kahindik-hindik at kakila-kilabot na kamatayan. Ngunit panahon din ito ng pagsulong ng kaalaman. Sa pagpapatuloy ng mga taon isang bagong panahon ng inspirasyon ang nagsimulang lumaganap sa buong daigdig. Iyon ang muling pag-usbong ng kaalaman [Renaissance], ang kahanga-hangang pagsulong sa sining, arkitektura, at literatura.

Ang mga tao ay nagsagawa ng pagbabago upang baguhin ang simbahan, mga bantog na taong tulad nina Luther, Melanchthon, Hus, Zwingli, at Tyndale. Sila'y mga taong may matinding katapangan, ang ilan sa kanila ay dumanas ng mapait na kamatayan nang dahil sa kanilang mga paniniwala. Ang Protestantismo ay nalikha sa kahilingan sa pagbabago. Nang hindi magtagumpay ang pagbabagong iyon, ang mga nagsagawa ng pagbabago ay bumuo ng kani-kanilang simbahan. Ginawa nila ito nang walang awtoridad ng pagkasaserdote. Ang tanging mithiin nila ay humanap ng angkop na paraan upang masamba nila ang Diyos sa paraan na inaakala nilang nararapat na pagsamba sa Kanya.

Habang kumikilos ang marubdob na gawaing ito sa daigdig ng mga Kristiyano, ang mga puwersang pampulitika ay kumikilos rin. Pagkatapos ay dumating ang digmaan ng Rebolusyonaryong Amerikano, na nagbunga ng pagsilang ng isang bansa na ang konstitusyon ay nagpahayag na ang pamahalaan ay hindi dapat makialam sa mga usaping ukol sa relihiyon. Isang magandang panahon ang nagsimula, isang maluwalhating panahon. Sa Estados Unidos ay wala nang simbahan na kinikilingan ng estado. Walang isang pananampalataya na mas kinikilingan kaysa sa iba.

Makaraan ang mga daantaon ng kadiliman at kahirapan at pagdurusa ang panahon ay handa na para sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Ang mga sinaunang propeta ay nagbanggit tungkol sa panahong ito na matagal nang hinihintay.

Ang buong kasaysayan noong nakaraan ay nakinita ang araw na ito. Ang mga daantaon kasama na ang lahat ng kanilang pagdurusa at lahat ng kanilang pag-asa ay dumating at lumipas. Ang Makapangyarihang Hukom ng mga bansa, ang Diyos na Buhay, ay nagpasiyang ang panahon na binanggit ng mga propeta ay dumating na. Nakinita ni Daniel ang natibag na isang bato, hindi ng mga kamay at naging malaking bundok, at pinuno ang buong lupa.

"At sa mga kaarawan ng haring yaon ay maglalagay ang Dios sa langit ng isang kaharian, na hindi magigiba kailan man, o ang kapangyarihan man niyao'y iiwan sa ibang bayan; kundi pagpuputol-putulin at lilipulin niya ang lahat na kahariang ito, at yao'y lalagi magpakailan man" (Dan. 2:44).

Sina Isaias at Mikas ay nagsalita na noon pa man nang makita nila ang ating kapanahunan sa pamamagitan ng pangitain ng propeta:

"At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon.

"At maraming bayan ay magsisiyaon at mangagsasabi, Halina kayo, at tayo'y magsiahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Dios ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan, at tayo'y magsisilakad sa kaniyang mga landas: sapagka't mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem" (Isaias 2:2­3; tingnan din sa Mikas 4:2).

Isinulat ni Pablo ang tungkol sa kabuuan ng mga pagdaan ng panahon, ang parada ng mga dekada, na nagsasabing: "Huwag kayong padaya kanino man sa anomang paraan: [sapagka't ito'y hindi darating], maliban nang dumating mula ang pagtaliwakas" (II Mga Taga Tesalonica 2:3).

May sinabi pa siya tungkol sa araw na ito, "Na sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; [maging] sa kaniya" (Mga Taga Efeso 1:10).

Nakini-kinita ni Pedro ang kaayusan ng pagkakasunud-sunod ng mga dekada nang ipahayag niya sa pangitaing taglay ng propeta:

"Kaya nga mangagsisi kayo, at mangagbalik-loob, upang mangapawi ang inyong mga kasalanan, upang kung magkagayon ay magsidating ang mga panahon ng kaginhawahang mula sa harapan ng Panginoon;

"At upang kaniyang suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, na si Jesus:

"Na siya'y kinakailangang tanggapin ng langit hanggang sa mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay, na sinalita ng Dios sa pamamagitan ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang una" (Mga Gawa 3:19­21).

Ang lahat ng ito at ang iba pa ay nakatuon sa maluwalhating panahong ito, ang lubos na kahanga- hangang panahon sa lahat ng mga talaan ng kasaysayan ng sangkatauhan, kung kailan darating ang araw ng pagsasauli sa dati ng tunay na doktrina at tunay na pagsasagawa.

Ang maluwalhating araw na iyon ay nagsimula sa taong 1820 nang ang isang batang lalaki, na tapat at may pananampalataya, ay lumakad sa kakahuyan at siya ay umusal ng panalangin, na hinahangad ang karunungan na nadamang niyang kailangang- kailangan niya.

Bilang tugon ay nagkaroon ng maluwalhating pagpapakita. Ang Diyos Amang Walang Hanggan at ang nabuhay na mag-uling Panginoong Jesucristo ay nagpakita at kinausap siya. Ang paghahayag na itinigil sa loob halos ng dalawang libong taon, ay ipinanumbalik at siyang nagpasimula sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon. Sumunod ang pagpapanumbalik ng banal na pagkasaserdote, una ang Aaronic, at sumunod ang Melquisedec, sa ilalim ng mga kamay ng mga taong nagtaglay nito noong unang panahon. Isa pang tipan, gaya ng tinig na sumisigaw mula sa alabok, ang dumating bilang pangalawang saksi sa katotohanan at kabanalan ng Anak ng Diyos, ang dakilang Manunubos ng daigdig.

Ang mga susi ng banal na awtoridad ay ipinanumbalik, kabilang ang mga susing kailangan upang pagbuklurin ang mga mag-anak para sa panahon at sa kawalang-hanggan sa isang tipan na hindi maaaring wakasan ng kamatayan.

Ang bato ay maliit sa simula. Halos hindi ito mapapansin. Ngunit patuloy ang paglaki nito at kasalukuyang gumugulong upang punuin ang mundo.

Mga kapatid, nauunawaan ba ninyo ang bagay na ito na nasa atin ngayon? Alam ba ninyo ang ating kinalalagyan sa dakilang dula ng kasaysayan ng sangkatauhan? Ito ang pinakasentro ng lahat ng nakalipas. Ito ang panahon ng pagsasauli. Ito ang mga araw ng pagpapanumbalik. Ito ang panahon kung kailan ang mga tao mula sa lahat ng dako ng mundo ay aakyat sa bundok ng bahay ng Panginoon upang magsaliksik at matuto upang tahakin ang Kanyang mga landas at matutuhan ang Kanyang mga paraan. Ito ang pagbubuod ng kabuuan ng mga siglo ng panahon simula sa pagsilang ni Cristo hanggang sa kasalukuyan at kahanga-hangang araw na ito.


Umaga na, anino'y napawi
Ating masdan ang bandila ng Sion.
Sa pagsikat ng umagang maningning,
Sa pagsikat ng umagang maningning,
Dakilang magliliwanag ang mundo ngayon.
("The Morning Breaks," Mga Himno, no. 1)

Maraming siglo na ang lumipas. Ang gawain ng Makapangyarihan sa mga huling araw, na binanggit ng mga naunang tao, na ipinropesiya ng mga propeta at mga apostol noon, ay sumapit na. Narito na ito. Sa ilang dahilan na lingid sa ating kaalaman, ngunit sa karunungan ng Diyos, tayo ay nagkaroon ng pribilehiyo na pumarito sa lupa sa maluwalhating panahon na ito. Nagkaroon ng malaking pagsulong sa siyensiya. Nagkaroon ng malaking oportunidad sa pagkatuto. Ito ang pinakadakila sa buong kasaysayan ng pagsisigasig at tagumpay ng sangkatauhan. At higit sa lahat, ito ang panahon nang ang Diyos ay muling nagsalita, nang ang Kanyang Minamahal na Anak ay nagpakita, nang ang banal na pagkasaserdote ay naipanumbalik, at hawak natin sa ating kamay ang isa pang tipan ng Anak ng Diyos. Tunay na maluwalhati at kahanga-hanga ang panahong ito.

Pasalamatan ang Diyos sa Kanyang bukas-palad na pagkakaloob sa atin. Pinasasalamatan natin Siya para sa Kanyang kagila-gilalas na ebanghelyo na nagtataglay ng kapangyarihan at awtoridad na sumasaklaw maging hanggang sa kabilang buhay.

Dahil sa ibinigay sa atin at sa nalalaman natin, dapat tayong maging higit na mabubuting tao. Dapat tayong maging higit na katulad ni Cristo, higit na mapagpatawad, higit na matulungin at mapagmalasakit sa lahat ng nakapaligid sa atin.

Nabubuhay tayo sa pinakadakilang yugto ng mga panahon, na nanggigilalas sa maringal at banal na kasaysayan. Ito ang kahuli-hulihang dispensasyon na tinukoy ng lahat ng nakaraang dispensasyon. Ibinibigay ko ang aking patotoo at patunay sa katotohanan ng katunayan at katotohanan ng lahat ng mga bagay na ito. Dalangin ko na madama ng bawat isa sa atin ang kagila-gilalas na kababalaghan ng lahat ng ito samantalang inaasam natin ang paglipas ng isang siglo at ang pagwawakas ng isang milenyo.

Palagpasin na ang nagdaang taon. Hayaang dumating ang bagong taon. Palipasin na ang isa pang siglo. Hayaan itong mahalinhan ng panibago. Magpaalam na sa isang milenyo. Salubungin ang pagsisimula ng isa pang libong taon.

Kung kaya susulong tayo sa tuluy-tuloy na landas ng paglaki at pag-unlad at paglaganap, na iniimpluwensiyahan sa kabutihan ang buhay ng mga tao sa lahat ng dako habang ang mundo ay mundo.

Sa isang bahagi ng patuloy na pagsulong na ito, si Jesucristo ay darating upang mamuno nang maluwalhati sa ibabaw ng mundo. Walang nakaaalam kung kailan mangyayari iyon. Maging ang mga anghel sa langit ay hindi makaaalam sa oras ng Kanyang pagbabalik. Ngunit ito ay magiging isang kalugud-lugod na araw.


Halina, O aming Hari!
Ika'y aming hinihintay
Ang kagalingan mong taglay
Dulot ay kalayaan.
Halina, O Panginoon;
Nang Israel ay matipon.
("Come, O Thou King of Kings," Hymns, no. 59)

Nawa'y pagpalain tayo ng Diyos ng pang-unawa sa ating kinalalagyan sa kasaysayan at, sa pagtanggap ng pang-unawang ito, makitang kailangan nating magtaas-noo at lumakad nang may paninindigan, sa paraang karapat-dapat sa mga Banal ng Kataas-taasan, ang mapagkumbaba kong dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. The Decameron ni Giovanni Boccaccio, isinalin ni Richard Aldington (1930), 7.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy