Elder L. Tom Perry
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Bigyan natin ng mas mataas na priyoridad ang panalanging pang- mag-anak, pag-aaral ng banal na kasulatan bilang mag-anak, at mga gabing pantahanan ng mag-anak, at tanggalin ang mga gawaing nagdudulot ng kamunduhan at kasamaan sa ating buhay.
|
|
Natitiyak ko na lagi kong maaalaala ang pagiging unang tagapagsalita sa huling sesyon ng makasaysayang pangkalahatang komperensiyang ito. Hindi lamang ito huling sesyon sa komperensiya, ito ang huling sesyon ng dekadang ito. Ito ang huling sesyon na ang petsa ay magtataglay ng 1900. Karapat-dapat na maisulat ang sesyong ito sa talaarawan. Lubhang nakatatawag sa ating pansin ang mga makasaysayang pangyayari kapag naaalaala natin ang nakaraan at inaantabayanan ang hinaharap. Sa huling mga linggo ng taong ito, ang mga radyo at telebisyon ay mapupuno ng mga pinakatampok na bahagi ng mga pangunahing kaganapan ng ika-20 siglo. Tatangkaing ituon ng mga manghuhula ang ating pansin sa mga maaaring maganap sa Ika-21 siglo. Bilang mga mananampalataya na yumakap sa ebanghelyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas, ito ay dapat na isang natatanging araw upang alalahanin ang Kanyang mga pagpapala sa Kanyang mga sumasampalatayang anak at ang mga pangako ng higit pang pagpapala sa hinaharap.
Ang Panginoon, sa lahat ng panahon, ay nagpapaalaala sa Kanyang mga anak ng kanilang tungkulin sa Kanya. Ako ay palaging interesado sa paraan ng pagtuturo at pangangalaga ng Panginoon sa mga Israelita sa 40 taong paglalakbay nila sa ilang. Sa aklat ng Levitico, na pinangalanan nang gayon dahil ito ay kaugnay ng mga tungkulin at turo ng mga Levita, ang mga tagubilin ay ibinigay para sa taon ng jubileo at ang pagdaraos nito. Naniniwala ako na may mensahe sa atin ang paraan ng pagdiriwang ng Israel sa natatanging taong iyon. Mababasa natin sa ika-25 kabanata ng Levitico:
"At sinalita ng Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai na sinasabi,
"Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, pagpasok ninyo sa lupain na ibibigay ko sa inyo, ay mangingilin ng isang sabbath sa Panginoon ang lupain.
"Anim na taong hahasikan mo ang iyong bukid, at anim na taong kakapunin mo ang iyong mga ubasan, at titipunin mo ang bunga ng mga iyan;
"Datapuwa't sa ikapitong taon ay magiging Sabbath na takdang kapahingahan sa lupain, sabbath sa Panginoon: huwag mong hahasikan ang iyong bukid, ni kakapunin ang iyong ubasan. . . .
"At bibilang ka ng pitong sabbath ng taon, makapitong pitong taon, at magiging sa iyo'y mga araw ng pitong sabbath ng mga taon sa makatuwid baga'y apat na pu't siyam na taon.
"Kung magkagayo'y maguutos ka na lumibot sa bayan ang pakakak ng jubileo na matunog sa ikasangpung araw ng ika pitong buwan; sa araw ng pagtubos patutunugin ninyo ang pakakak sa buong lupain ninyo.
"At ipangingilin ninyo ang ikalimang pung taon, at ihahayag ninyo sa buong lupain ang kalayaan sa lahat na tumatahan sa lupain: iya'y magiging kapistahan ng jubileo sa inyo; at bawa't isa sa inyo ay babalik sa kanyang pagaari, at bawat isa'y babalik sa kaniyang sangbahayan" (Lev. 25:14, 810).
Ang mga batas na may kaugnayan sa taon ng jubileo ay kinabibilangan ng tatlong tagubilin. Una, dapat pagpahingahin ng mga tao ang lupain nang ito ay muling mapataba at higit na mapakinabangan sa mga susunod na taon. Ngayon, sa ating abala at masalimuot na buhay, ang taon ng jubileo ay nagbibigay ng napakagandang panahon upang suriin ang ating direksiyon at alamin kung ang mga priyoridad ba natin ay nasa ayos. Iniuna ba natin ang mga oportunidad para sa walang hanggang biyaya kaysa sa ating mga makamundong ambisyon? May mga bahagi ba sa buhay natin na maaaring ipahinga pansamantala sa pagsisikap na muling pasiglahin ang ating kaluluwa nang sa gayon ay mas marami tayong magawa, lalo na sa mga bagay na pinakamahalaga sa Panginoon?
Noong nakalipas na siglo nagkaroon ng malaking pagbabago sa ekonomiya dulot ng mga makinang pinaaandar ng kuryente. Ang malikhaing isip ng mga tao ay bumubuo ng iba't-ibang bagong kasangkapan upang mapaginhawa ang ating buhay. Isipin nang huling baguhin ninyo ang pagkakayari ng anumang bahagi ng inyong bahay, at alamin kung ilang karagdagang saksakan ng kuryente ang inilagay ninyo sa bawat silid. Pagkatapos ay isipin kung saan kayo nagdagdag ng kurdon ng kuryente sa apat o anim pang saksakan upang mapaandar ang mga bagong kagamitang de-kuryente. Sa kabila ng lahat ng mga bagong kagamitang iyon na nagpapagaan ng trabaho, nahihinuha ko na ang buhay ninyo ay lalong naging komplikado kaysa noon.
Sa pagpasok natin sa ika-21 Siglo, tayo ay nasa gitna ng malaking pagbabago sa pagpapalitan at paggamit ng impormasyon ang tinatawag na panahon ng impormasyon, kaakibat ang lahat ng bagong hamon at oportunidad na dulot nito. Ngayon ay binabaha tayo ng impormasyon. Marami sa atin ang naaagawan ng telebisyon ng mahahalagang oras para sa mag-anak. Ang Internet ay bagong pinagmumulan ng impormasyon na nag-aalok ng maraming oportunidad at posibleng problema--dahil sa pagkahumaling dito. Sa kasamaang-palad, kaakibat ng mga biyaya ng panahong ito ng bagong impormasyon ang mga hamon ng masasamang impluwensiya dahil may bagong paraan ito ng pagpapakalat at paglason sa ating isipan. Pinapasok ng mga makamundong impluwensiya ang ating tahanan sa pamamagitan ng iba't ibang hugis at anyo upang subukan ang matibay na paninindigan nating gamitin nang mabuti ang ating oras para sa mga layunin ng Panginoon.
Marahil matututo tayo mula sa batas ng sinaunang Israel at "magpapahinga sandali." Gumawa tayo ng listahan ng mga pangunahing gawain na nagdaragdag sa kawalang-hanggang kahalagahan ng lalaki at babae at pagpasiyahan na sa ating taon ng jubileo ay hindi na natin ipagpapatuloy ang mga gawaing walang katuturan at halaga na maaari pang maglagay sa panganib sa ating walang hanggang kapakanan. Bigyan natin ng mas mataas na priyoridad ang panalanging pang-mag-anak, pag-aaral ng banal na kasulatan bilang mag-anak at mga gabing pantahanan ng mag-anak, at tanggalin ang mga gawaing nagdudulot ng kamunduhan at kasamaan sa ating buhay.
Simula pa noong Setyembre ng 1995 itinataguyod na natin ang leadership training emphasis na humihimok sa atin na itatag muli ang mahalagang katayuan ng mag-anak bilang pangunahing yunit na pangsamahan ng Simbahan, na humihimok sa bawat miyembro ng mag-anak na gawing priyoridad ang panahong nauukol sa mag-anak. Maaari bang ang ating taon ng jubileo ay maging panahon ng pagbabalik-tanaw sa mga nakalipas na pag-uugali at pag-aalis sa ating sarili ng mga bagay na humahadlang sa ating walang hanggang pag-unlad? Pagkatapos ay maaari bang ilaan nating muli ang ating sarili sa mga bagay na magbibigay sa atin ng walang hanggang kaligayahan?
Ang pangalawang batas na may kaugnayan sa taon ng jubileo ay ang pagsasauli ng ari-arian sa dating may-ari o sa kanyang mga tagapagmana. Kung ginagawa natin ang kaugaliang iyan ngayon, sa ika-isa ng Enero, maaari na akong pumunta pahilaga sa Perry, Utah, at paalisin ang mga naninirahan sa lupaing dating pag-aari ng aking lolo sa tuhod upang muli itong mabawi ng aking mag-anak. Nakatutuwang kasunduan na nilayon upang mailaan ang lupain sa bawat susunod na henerasyon nang sa gayo'y matamasa nila ito bilang mana. Siyempre, ang gayong kaugalian sa pagmamay-ari ng lupa ay hindi na umiiral ngayon--kaya hindi na kailangang mabahala ang mga mamamayan ng Perry, Utah--ngunit ang kaugalian ng pag-iingat ng ibang uri ng mana, gaya ng ating pamana, ay dapat na hikayatin.
Naisalaysay ba natin para sa ating mga anak ang mga dakilang kuwento kung paano napunta at tinanggap ng mga unang miyembro ng ating mag-anak ang ebanghelyo? Ang kanilang pag-aaral at pagtanggap ng ebanghelyo ay nagbigay sa atin ng malaking pagkakataon upang matanggap ang mga walang hanggang biyaya.
Sa gulang na 17, iniwan ng aking lolo ang kanyang tahanan sa Denmark upang humanap ng panibagong buhay sa Amerika. Sinikap niyang marating ang Mendon, Utah, kung saan nakatira ang kanyang tiyo. Inupahan siya nito upang katulungin sa kanyang pagsasaka. Pagkalipas ng ilang panahon, lumapit siya sa tiyo niya at sinabi: "Nakatatawa kayong mga Mormon. Ilang buwan na akong nagtatrabaho sa inyo at ni isang beses ay hindi ninyo sinubukang sabihin sa akin ang kahit anuman tungkol sa inyong relihiyon o anyayahan ako sa simbahan." Tinanong siya ng kanyang tiyo kung gusto ba niyang malaman ang ilang bagay tungkol dito, at sumagot siya ng oo. Kaya ikinuwento sa kanya nito ang tungkol sa Propetang si Joseph Smith at ang paglabas ng Aklat ni Mormon. Binigyan siya nito ng kopya ng Aklat ni Mormon upang basahin. Matapos mabasa ang ilan sa aklat, isinauli niya ito sa kanyang tiyo at sinabi: "Wala akong anumang makita sa aklat na iyan na mahalaga sa akin." Nang sumunod na araw habang nag-aararo siya sa bukid, naalaala niya ang kuwento ng kanyang tiyo tungkol sa paglabas ng Aklat ni Mormon. Inisip niya na walang kabataang lalaki na walang sapat na edukasyon ang makagagawa ng gayong aklat. Marahil kailangang basahin niya ito muli. Tinanong niya sa kanyang tiyo kung maaari niyang hiraming muli ang aklat. Sa pagkakataong iyon ay ayaw na niyang huminto sa pagbabasa. Ipinadama sa kanya ng Espiritu na ang aklat ay totoo. Nagpabinyag siya at nanatiling aktibo sa buong buhay niya.
Ang mga karanasang ito ukol sa pagbabalik-loob ng mga miyembro ng aming mag-anak, na nagpakita ng matinding katapatan at pananampalataya sa buong buhay nila, ay nagbibigay sa atin ng mga tinatamasa natin ngayon dahil sa mga bunga ng ebanghelyo. Tunay na ang pagkakaroon ng kaalaman sa pananampalataya at katapatang iyon ay dapat na maisalin sa bawat henerasyon upang mapasidhi ang ating naisin na mamuhay nang may gayunding pananalig na ipinakita nila sa kanilang buhay. Tunay ngang ang kanilang mga patotoo ay nagpapaibayo at nagpapalakas sa ating mga patotoo.
Si Helaman ay may naiibang paraan ng pagsasalin ng pamana sa kanyang mga anak na lalaki: Ipinangalan niya ang kanyang mga anak sa kanyang mga dakilang ninuno upang tulungan ang kanyang mga anak na maalaala sila at ang kanilang mga ginawa. Itinatala ng mga banal na kasulatan si Helaman na nagsasabing: "Masdan, mga anak na lalaki, hinihiling kong pakatandaan ninyong sundin ang mga kautusan ng Diyos; at nais kong ipahayag ninyo ang mga salitang ito sa mga tao. Masdan, ibinigay ko sa inyo ang mga pangalan ng ating mga naunang magulang na lumisan sa lupain ng Jerusalem; at ginawa ko ito nang sa gayon kapag naalaala ninyo ang inyong mga pangalan ay maalaala ninyo sila; at kapag naalaala ninyo sila ay maalaala ninyo ang kanilang mga gawa; at kapag maalaala ninyo ang kanilang mga gawa ay malaman ninyo kung paanong nasabi, at nasulat din, na sila'y mabubuti" (Hel. 5:6).
Sa katapusan, sa taon ng jubileo, ang mga Israelita na naging alipin sa anumang dahilan ay binibigyan ng kalayaan. Siyempre, ang kaugaliang pang-aalipin ay binigyang-wakas na sa halos lahat ng dako ng mundo. Gayon pa man, kung hindi tayo mag-iingat, kahit sino sa atin ay maaaring madaya, pagkatapos ay maging alipin, ng diyablo.
Bawat isa sa atin ay binigyan ng kalayaang pumili. Ito ay biyayang ibinigay sa tao sa simula pa lamang. Ipinahayag ng Panginoon kay Adan, "At ibinigay sa kanila na malaman ang mabuti sa masama; anupa't sila ay malayang makapipili sa kanilang sarili, at ako ay nagbigay sa iyo ng isa pang batas at kautusan" (Moises 6:56).
Dahil diyan kinakailangan na may pagsalungat sa lahat ng bagay (tingnan sa 2 Ne. 2:11), kasama ng kalayaang pumili ang pagpili ng mabuti sa masama. Dagdag pa riyan, ang kalayaan sa pagpili ay nagbibigay-daan din sa posibilidad na magkasala, at dahil diyan ay kailangang magsisi. Sinabi ni Pangulong Kimball: Ang kasalanan ay sadyang nakahuhumaling at minsan ay dinadala nito ang tao sa kalunus-lunos na katayuang hindi niya matakasan. Kung walang pagsisisi ay hindi magkakaroon ng pagpapatawad, at kung walang pagpapatawad ang lahat ng mga pagpapala ng kawalang-hanggan ay malamang na hindi maibigay. Habang palubog nang palubog ang nagkasala sa kanyang kasalanan, at palala nang palala ang pagkakamali ang kagustuhang magbago ay humihina, nag-iibayo ang kawalang-pag-asa at siya ay unti-unting sumasadsad pababa at ayaw na niyang umakyat pang muli o dili kaya'y nawalan na siya ng lakas na gawin ito" (The Teachings of Spencer W. Kimball, pinamatnugutan ni Edward L. Kimball [1982], 83).
Pagkatapos ay pinayuhan niya tayo:
Palitan ang mga nakagawian, baguhin ang kapaligiran. Ang pagbabago ay dumarating sa pamamagitan ng pagpapalit ng bagong pag-uugali. Hinuhubog mo ang iyong asal at hinaharap sa pamamagitan ng mga iniisip at ikinikilos mo.
Magagawa mong magbago sa pamamagitan ng pagbabago ng iyong kapaligiran. Pabayaan mo na ang mabababaw na bagay, at maghangad ng mataas. Paligiran ang iyong sarili ng pinakamabubuting aklat, musika, sining, at tao" (The Teachings of Spencer W. Kimball, 172).
Habang papalapit tayo sa bagong siglo, tunay nga na ito ang panahon upang suriin ang mga nakaugalian natin noong nakaraan. Ito na ba ang panahon upang pagtibayin ang lahat ng kaugaliang aakay sa atin tungo sa kabutihan at kaunlaran? Ito ba ang panahon ng pagwawalang-bahala sa mga ugali at gawaing bumitag at umalipin sa atin sa mga pain ng kalaban at nakapigil sa ating walang hanggang pag-unlad?
Isinulat ni Harry Emerson Fosdick: "Ang ilang Kristiyano ay pumapasan sa kanilang relihiyon. Isa itong balutan ng mga paniniwala at kaugaliang dapat nilang dalhin. Kung minsa'y bumibigat ito at agad nilang inilalapag ito, ngunit nangangahulugan iyan ng paglabag sa isang lumang tradisyon, kaya't pinapasan nila itong muli. Ngunit ang totoong mga Kristiyano ay hindi pumapasan sa kanilang relihiyon, ang relihiyon nila ang pumapasan sa kanila. Hindi ito mabigat, ito ay magaan. Iniaangat sila nito, tinutulungan sa mahihirap na pagsubok, ginagawa nitong tila kaibigan ang sansinukob, makabuluhan ang buhay, tunay ang pag-asa, may katuturan ang pagpapakasakit. Pinalalaya sila nito mula sa takot, kabiguan, kahinaan ng loob, at kasalanan--ang mga bagay na umaalipin sa kaluluwa ng tao. Makikilala mo ang isang tunay na Kristiyano, kapag nakita mo siya, sa kanyang kapansin-pansing kagalakan" (Twelve Tests of Character, [1923], 8788).
Nawa'y malinaw na malinaw na kapag tinitingnan tayo ng mundo ay makikilala nila tayo sa ating kapansin-pansing kagalakan--na ipinamumuhay, pinaniniwalaan, at ginagawa natin ang mga tunay na maka-Kristiyanong ideya at doktrina. Nawa'y basbasan tayo ng Diyos upang tayo ay umasam sa bagong siglo nang may pananampalataya, patotoo, pananalig, at pagpapasiyang ihanda nang mas mabuti ang ating sarili para sa walang hanggang buhay na ninanais nating lahat. Nawa ang bagong taon ay magsimula sa tunog ng mga pakakak at mga sigaw ng kagalakan sa paggawa natin ng pinakamainam sa taong ito ng jubileo ang aking mapagpakumbabang panalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.