Elder Ben B. Banks
Ng Panguluhan ng Pitumpu
Naniniwala ako na ang bawat aktibong miyembro ng Simbahan ay may kakilalang nawawalang tupa na nangangailangan ng pansin at pagmamahal ng mapag-alagang pastol.
|
|
Ilang taon na ang nakalilipas ang aking asawa, si Susan, at ako ay nagkaroon ng pagkakataong libutin ang Christchurch Mission ng New Zealand kasama sina Pangulo at Kapatid na Melvin Tagg. Iminungkahi ni Pangulong Tagg, bilang bahagi ng paglibot sa misyon na isama na rin namin ang araw ng paghahanda at sumakay ng bus upang makita ang magandang Milford Sound. Bahagi ng paglalakbay ang paghinto sa ilang magagandang tanawin na madaraanan. Sa isa sa mga paghintong iyon habang pabalik na kami sa bus, nagtaka ako nang makita ang grupo ng mga pasahero na nakatayong paikot sa daan at kumukuha ng litrato. Nang dumungaw ako sa mga tao, nakita ko ang isang natatakot na maliit na batang tupa na nangangalog ang mga paa. Mukhang iilang oras pa lang itong ipinanganak. Marami akong nakitang tupa sa buhay ko dahil ang biyenan kong lalaki ay nasa negosyo ng pagtutupa. Dahil diyan, wala na akong interes pa na kunan ng litrato ang nag-iisang kordero kung kaya sumakay na ako sa bus at naghintay.
Matapos na makasakay na ang lahat ng pasahero, pinulot ng tsuper ang natatakot na kordero, at magiliw na inilapat ito sa kanyang dibdib, at dinala sa bus. Umupo siya, isinara ang pinto, dinampot ang kanyang mikropono, at sinabi sa amin: "Walang duda na isang kawan ng mga tupa ang nanggaling dito kaninang umaga at ang batang tupang ito ay napahiwalay. Marahil kung isinama natin ito baka makita natin ang kawan ng mga tupa sa banda roon at maibalik ang sanggol na tupang ito sa kanyang ina."
Dinaanan namin ang ilang kilometro ng magagandang kagubatan at sa wakas ay nakarating sa isang magandang parang ng matataas at malalagong damo. Inihinto ng tsuper ang bus at nagpaalam sandali. Inisip naming lahat na ibababa lamang niya ang tupa sa tabi ng kalsada at babalik na, ngunit hindi. Karga-karga ang tupa, maingat at tahimik siyang lumakad sa damuhan patungo sa kawan ng mga tupa. Nang makalapit na siya nang hindi sila nabubulabog, dahan-dahan niyang ibinaba ang tupa, at nanatili sa bukid upang matiyak na nakabalik na ang kordero sa kawan.
Nang bumalik siya sa bus, dinampot niyang muli ang mikropono at sinabi, "O hindi ba ninyo naririnig ang nanay ng tupa na nagsasabing, 'O salamat, salamat, salamat sa inyo sa pagbabalik sa akin ng nawawala kong kordero!' "
Habang iniisip ko ang napakagandang sandali na iyon ng pagtuturo na ibinigay ng tsuper ng bus, bumaling ang isip ko sa talinghaga na ibinigay sa atin ang Panginoon tungkol sa tupa:
"Nagsilapit nga sa kanya ang lahat ng mga maniningil ng buwis at makasalanan upang makinig sa kanya.
"At ang mga Fariseo at gayon din ang mga eskriba ay nangagbubulung-bulungan na nangagsabi tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan, at sumasalo sa kanila.
"At sinalita niya sa kanila ang talinghagang ito, na sinasabi,
"Aling tao sa inyo, na kung mayroong isang daang tupa, at nawala ang isa sa mga yaon ay hindi iiwan ang siyamnapu't siyam sa ilang, at hahanapin ang nawala, hanggang sa ito'y kaniyang masumpungan?
"At pagka nasumpungan niya, ay pinapasan niya sa kaniyang balikat, na natutuwa.
"At pag-uwi niya sa tahanan, ay titipunin niya ang kaniyang mga kaibigan at ang kaniyang mga kapitbahay na sasabihin sa kanila, Makipagkatuwa kayo sa akin, sapagka't nasumpungan ko ang aking tupang nawala.
"Sinasabi ko sa inyo, na gayon din magkakatuwa sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kay sa siyam na pu't siyam na taong matutuwid na di nangagkakailangang magsipagsisi" (Lucas 15:17).
Ang ating propeta ngayon, si Pangulong Gordon B. Hinckley, ay nagbahagi rin sa atin ng kanyang alalahanin ukol sa mga nawawalang tupa:
"Napakaraming kabataan ang lumalakad nang walang tiyak na patutunguhan at nasasangkot sa paggamit ng bawal na gamot, masamang barkada, imoralidad, at ang lahat ng kasamaang kaakibat nito. May mga balo na nagnanais na marinig ang tinig ng mga kaibigan at minamahal na nagpapahayag ng pagmamahal at pagmamalasakit sa kanila. Mayroong mga aktibo at matatapat na miyembro na ngayon ay nanlalamig na ang pananampalataya. Marami sa kanila ang nagnanais bumalik ngunit lubhang hindi alam kung papaano. Kailangan nila ng mga kamay na mapagkaibigang aabutin sila. Sa kaunting pagsusumigasig, marami sa kanila ang mapababalik upang magpakabusog mula sa hapag ng Panginoon.
"Mga kapatid, umaasa ako, ipagdarasal ko, na ang bawat isa sa atin . . . ay magpapasiyang hanapin ang mga nangangailangan ng tulong, na nawawalan ng pag-asa at nasa mahihirap na kalagayan at hikayatin sila sa diwa ng pagmamahal patungo sa mainit na pagtanggap ng Simbahan kung saan ang malalakas na bisig at mapagmahal na puso ay malugod na tatanggapin sila, aaliwin sila, aalalayan sila, at tutulungan silang mamuhay nang masaya at makabuluhan" ("Reach with a Rescuing Hand," Ensign, Nob. 1996, 86).
Ngayong narinig natin ang alalahanin ng propeta marahil ay itinatanong natin sa ating sarili, "Bakit ang ilan na dati ay malakas ang pananampalataya ay nanlamig na?"
Kung nais nating magtagumpay sa utos ng propeta na gawing ganap ang mga banal, nararapat lang na magtagumpay tayo sa ating pagsisikap na palakasin ang mga nanlalamig sa kanilang pananampalataya. Upang simulan ang pagsisikap na ito, makabubuti para sa atin na malaman ang mga damdamin at dahilan kung bakit hindi sila dumadalo ng mga pulong at nakikibahagi sa pakikisama sa mga Banal.
Karamihan sa aktibong miyembro ay naniniwala na ang di- gaanong aktibong miyembro ay naiiba ang pag-uugali dahil hindi sila naniniwala sa doktrina ng Simbahan. Ang isang pag-aaral na ginawa ng Church's Research Information Division ay hindi sumusuporta sa pagpapalagay na ito. Ipinakikita rito na ang halos lahat ng di-gaanong aktibong miyembro na kinapanayam ay naniniwala na buhay ang Diyos, na si Jesus ang Cristo, na si Joseph Smith ay propeta, at na ang Simbahan ay totoo.
Bilang bahagi ng isa pang pag-aaral, isang pangkat ng mga aktibong miyembro na dati ay di-gaanong aktibo ang tinanong kung bakit hindi sila dumadalo sa Simbahan. Ang mga pinakapangkaraniwang sagot ay:
Ipinapalagay na sila ay hindi karapat-dapat.
Mga problemang pansarili o pangmag-anak.
ang mga magulang o asawa ay di-gaanong aktibo.
Paghihimagsik o katamaran ng mga kabataan.
Problema sa iskedyul ng trabaho.
Masyadong malayo ang Simbahan, walang sasakyan.
Pagkatapos ay tinanong sila kung ano ang nakaimpluwensiya sa kanila upang bumalik sa pagiging aktibo sa Simbahan. Ang mga pinakapangkaraniwang sagot ay:
Naharap sa krisis sa buhay.
Napagtagumpayan ang mga pansariling problema.
Ang halimbawa ng asawa/kasintahan.
Impluwensiya ng mga miyembro ng mag-anak.
Ninais ang impluwensiya ng ebanghelyo para sa mag-anak.
Pakikipagkaibigan ng mga miyembro ng purok, lumipat ng purok kung saan may taong nagmalasakit sa kanila.
(Tingnan sa Research Information Division comparison, Set. 1999.)
Naniniwala ako na ang bawat aktibong miyembro ng simbahan ay may kilalang nawawalang tupa na nangangailangan ng pansin at pagmamahal ng mapag-alagang pastol.
Sinabi ni Pangulong Hinckley sa atin ang kailangan ng bawat bagong nagbalik-loob upang manatiling aktibo sa Simbahan: kaibigan, tungkulin, at patuloy na mapangalagaan sa mabuting salita ng Diyos. Ang mga nawawalang tupa ay nangangailangan din ng ganoong-ganoong pangangalaga at pagmamalasakit upang tulungan silang makabalik sa kawan.
Kilala ko ang mag-anak na nawalan ng anak na lalaki sa isang kamping. Nang ang mga naunang pagsisikap na hanapin siya ay nabigo, tumawag na ng tulong at daan-daan ang tumugon sa panawagang iyon hanggang sa ang bata ay ligtas na naibalik sa piling ng kanyang ina at ama. Nagsusumamo ako ngayong umaga na nawa'y magkaroon din tayo ng gayong taimtim na pagmamalasakit at pagmamahal na gawin ang lahat ng ating makakaya upang maibalik ang mga itinatanging anak na lalaki at babae na nangawala sa pagiging aktibo sa Simbahan.
Ang hamon sa atin ay malaki. Kakailanganin nating magkaroon ng ibayong pananampalataya, lakas, at matatag na pangangako kung nais nating matulungan ang mga kapatid na ito. Ngunit kailangan nating gawin iyon. Umaasa ang Panginoon na gagawin natin ito.
Dapat nating alalahanin na matagal dumating ang pagbabago. Kailangan nating lahat na magkaroon ng tiyaga, makisama at makipagkaibigan, mag-aral na makinig at magmahal, at ingatang huwag humusga.
Sa bawat purok at sangay ay may mabubuti, matatapat na kalalakihan at kababaihan. Marami ang hindi nakaaalam kung paano makabalik sa simbahan. Marami ang may isang pagkakatulad: hindi sila ang mga espirituwal na pinuno sa kanilang tahanan. Kapag ang matatapat na kalalakihan at kababaihang ito ay dadalaw sa mga indibiduwal na ito at kakaibiganin sila at mamahalin sila at tuturuan sila ng ebanghelyo, naniniwala ako na sila at ang kanilang mag-anak ay magbabalik.
Sa mga susunod na sandali nais kong magsalita sa mga yaong lumakad palayo sa kawan. Umaasa ako nang lubos na marahil ang ilan sa inyo na hindi ganap na aktibo sa Simbahan ay nakikinig sa sesyong ito ng komperensiya. Marami sa inyo ang may mga iba ng kasamahan at hindi sumusunod sa mga pamantayan ng simbahan. Marami sa inyong mga anak ang sumusunod sa inyong mga yapak at halimbawa. Hindi lamang umaasa ang mga anak sa kanilang mga magulang sa pisikal at emosyonal na pagtataguyod kundi pati rin sa espirituwal.
Isang kordero hindi tupa ang nawalay
Sa talinghaga ni Jesus,
Isang matanda at di-musmos
Mula sa siyamnapu't siyam.
Bakit nga ba kailangan pang
Itong tupa ay hanapin
Pagkat ang tupa 'pag nawalay
Kordero ay natatangay.
Kapag ang tupa'y naliligaw
Kordero ay nadaramay
Magkamali itong tupa
Kordero ay nahahawa.
Kaya't sa mga tupang narito
Kami'y nagsusumamo sa inyo
Sa bawat tupang nawawalay, ang laking kabayaran
Na sa kordero'y ipapasan!
["The Echo," C. C. Miller, sinipi sa The Abundant Life [1965], 16667, ni Hugh B. Brown]
Sinabi ng Panginoon, "Nakikilala ng aking mga tupa ang aking tinig" (Juan 10:27). Gayundin ang inyong mga anak ay tumutugon sa inyong tinig. Walang iba na mabisang makapalit sa inyo bilang ama at ina. May isang kuwento tungkol sa "isang anim na taong gulang na batang lalaki na nawalay sa kanyang ina sa isang malaking pamilihan. Balisang-balisang sumigaw ito, 'Martha, Martha.' Nang makita na ang ina at sila'y nagkasamang muli, sinabi ng ina, 'Anak, hindi mo ako dapat tawaging Martha; Ako ay iyong "Nanay" na sinagot naman ng paslit, 'Opo, alam ko, pero punong-puno ng mga nanay ang tindahan at ang gusto ko ay ang sa akin'" (Spencer W. Kimball, Faith Precedes the Miracle, [1972], 117).
Napakalaking biyaya para sa inyong mag-anak kung mamumuhay kayo alinsunod sa mga turo ng ebanghelyo. Ang pagpapasiyang baguhin ang inyong buhay at bumalik sa pagiging aktibo at lumapit kay Cristo ay ang pinakamahalagang desisyon na magagawa ninyo sa buhay na ito.
Sa pagtatapos, huling salita sa mga nagpapastol ng kawan. Ang Tagapagligtas mismo sa isang paghahayag sa Propetang Joseph Smith ay nagsabi sa atin sa napakapersonal na pananalita kung gaano kahalaga ang bawat kaluluwa:
"Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos ;
"Sapagkat, masdan, ang Panginoon na inyong Manunubos ay nakaranas ng kamatayan sa laman; dahil dito kanyang tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay magsisi at lumapit sa kanya.
"At siya ay nabuhay na muli mula sa patay, upang kanyang madala ang lahat ng tao sa kanya, kung sila ay magsisisi.
"At o anong laki ng kanyang kagalakan sa kaluluwang nagsisisi!
"At dahil dito, kayo ay tinawag upang ipangaral ang pagsisisi sa mga ito.
"At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at madala kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!" (Doktrina at mga Tipan 18:1015).
Ang Mabuting Pastor ay handang ibigay ang Kanyang buhay para sa kanyang mga tupa, para sa inyo at sa akin, oo, para sa ating lahat, upang tayo ay mabuhay nang walang hanggan kasama ng ating Ama sa Langit. Ipinagdarasal ko na susundin natin ang lahat ng pagpapalang ibinigay ng Tagapagligtas kay Pedro nang tatlong ulit: "Pakainin mo ang aking mga kordero. . . . Alagaan mo ang aking mga tupa. . . . Pakainin mo ang aking mga tupa" (Juan 21:1517). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.