The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 1999
Pagkamakatwiran

Pagkamakatwiran

Elder William R. Bradford
Ng Pitumpu

Wala nang iba pang damdamin sa kaluluwa ng tao ang makapagdudulot ng kagalakan at kaligayahan maliban sa pagkaalam na ginagawa mo ang lahat sa abot ng iyong makakaya upang maging matwid.

Elder William R. Bradford

Nabubuhay tayo sa panahon na kung kailan ang maraming kalalakihan at kababaihan ay hindi itinuturing na ang kanilang mga ikinikilos o pagpili ay may kaugnayan sa moralidad kundi sa temporal na aspeto lamang. Sa ganitong paraan ay itinatatuwa nila ang Diyos, at itinatatwa rin nila na ang mga bagay ay maaaring tama o mali.

Ang bawat isa sa atin, kahit paano ay minsan nang narinig ang pangungusap na ito, "Sige, gawin mo kung ano ang gusto mo," at ganito ang uri ng pamumuhay ng marami sa daigdig.

Pinatototohanan ko sa inyo na may mas mabuting paraan. Ito ay ang pamumuhay nang matwid.

Ang salitang pagkamakatwiran ay napaka kawili-wili at kakaibang salita. Ito ay salitang may malawak na kahulugan at sakop nito ang lahat ng mga katangian ng Diyos. Sa gayon, ang taong matwid, ay maka-Diyos o tulad sa Diyos.

Totoong mayroong tama at mali at magkasalungat ang mga ito. Ang mga ikinikilos ng sangkatauhan ay tunay na may kaugnayan sa moralidad. Ipinaliliwanag sa atin ng ebanghelyo ni Jesucristo ang pagkakaiba ng mabuti at masama. Ang mabuti ay mula sa Diyos. Sinabi ni Cristo: "At anumang bagay na humihikayat sa tao na gumawa ng kabutihan ay sa akin; sapagkat wala nang ibang pinanggagalingan ang kabutihan maliban sa akin. Ako ang siya ring umaakay sa mga tao sa lahat ng kabutihan" (Eter 4:12).

Ang pagkamakatwiran ay binubuo ng lahat ng bagay na mabuti. Saklaw nito ang mga alituntunin ng kapangyarihan at batas na mula sa langit at sa pamamagitan nito ang lahat ng bagay na nauukol sa Diyos ay pinangangasiwaan at napipigil at napamamahalaan.

Sa pagkamakatwiran ay may malaking kaliwanagan. Sa bawat pagpili na nakakaharap natin sa buhay ay may tamang paraan o kaya nama'y maling paraan na maaaring gawin. Kung pipiliin natin ang tamang paraan, tayo ay tinutulungan sa ating mga hakbang sa pamamagitan ng mga alituntunin ng pagkamakatwiran kung saan ay may kapangyarihang nagmumula sa kalangitan. Kung pipiliin natin ang maling paraan at gagawa ng hakbang sa pagpiling iyon, walang pangako o kapangyarihang mula sa langit na tutulong sa atin, at mag-isa lamang tayo at nakatakdang mabigo.

Ang tanong ngayon: Paano natin malalaman kung alin ang tama at alin ang mali? Kung paano ipinadala ng ating Ama sa Langit ang Kanyang Anak, na si Jesucristo, upang likhain ang daigdig na ito at ipatupad at pamahalaan ang lahat ng bagay na nauukol dito, ay gayundin naman na ipinadala Niya ang Espiritu Santo upang ibigay ang liwanag ng Espiritu sa lahat ng tao sa mundo.

Ang liwanag ng Espiritu ay naroroon bilang isang sistema ng komunikasyon upang makapaghatid ng mga konsepto ng katotohanan sa mga isipan ng mga anak ng Diyos. Ang Espiritu Santo, sa pamamagitan ng Espiritu, ay lilinawin sa ating isipan at magbibigay sa atin ng kaliwanagan upang maunawaan ang mga konsepto ng katotohanan kung susundin natin ang mga batas na sumasaklaw sa paggamit ng Espiritu. Ito ang paraan ng ating Ama sa Langit sa pagtuturo sa atin ng tama at mali. Kung handa tayong malaman ang Kanyang mga paraan at sundin ang mga ito, hindi tayo kailanman manghuhula, kundi palagi nating malalaman nang may katiyakan ang pagkakaiba ng tama at mali.

Sa pagkamakatwiran ay may katuparan ang pananampalataya at pag-asa. Ang bawat pagpapala na ipinangako ng Diyos sa Kanyang mga anak ay nakasalalay sa pagsunod sa Kanyang mga batas at kautusan. Ang pagkamasunurin sa Kanyang mga batas at kautusan ang siyang dahilan ng ating pagiging matwid, at ang pagkamakatwiran ang dahilan upang maging karapat-dapat tayo sa mga ipinangakong pagpapala.

Ang bawat isa sa atin ay may kani-kaniyang situwasyon. May mga hamon sa kalusugan, ekonomiya, karunungan sa pagbasa at pagsulat, hindi pagkakaroon ng asawa, kalungkutan, kalupitan, pang-aabuso, paglabag, at walang katapusang listahan ng umiiral na mga kalagayan. Ang kalutasan sa lahat ng mga hamong ito ay pagkamakatwiran.

Kung saan may pagsuway sa mga batas at kautusan ng Diyos, sa kagandahang-loob ay ibinigay Niya sa atin ang batas ng pagsisisi. Kung kikilos tayo ayon sa kahanga-hangang batas na ito, tayo ay patatawarin sa ating pagsuway at magiging higit na matwid; kaya ang pagsisisi ay umaakay sa atin patungo sa pagkamakatwiran. Marami, sa katunayan ay karamihan, sa mga hamon sa atin sa mortalidad ay malulutas sa pamamagitan ng pagsisisi. Ang lahat ng ito sa dakong huli ay malulutas ng pagkamakatwiran.

May malaking kagalakan at kaligayahan sa pagsisikap na mamuhay nang matwid. Sa simpleng salita, ang plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak ay ang mapunta sila sa lupang ito at gawin ang lahat ng maaari nilang gawin upang matuto at mamuhay na sumusunod sa mga batas. At, sa kabila ng lahat ng kanilang magagawa, ang gawain ng pagtubos ng Tagapagligtas na si Jesucristo, ay sapat na upang gawin ang lahat ng hindi nila kayang gawin para sa kanilang sarili.

Ang sinaunang Propetang si Moroni, nang matapos na niya ang kanyang gawa at isara ang pagpapaikli ng tala ng mga pakikitungo ng Diyos sa kanyang mga tao, na walang iba kundi ang Aklat ni Mormon, ay sinabi ang ganito: "Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo; . . ." (Moro. 10:32). Ang paraan ng pagsasabi ni Moroni na gawin ang lahat ng magagawa ninyo ay ang ibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas.

Ang pagsisikap na mamuhay nang matwid ay ang pagtatangkang gawin ang lahat ng ating magagawa sa pamamagitan ng pagsunod. Kaugnay nito ay dumarating ang kapayapaan ng kalooban at kapanatagan na sa pamamagitan ng paggawa ng lahat sa abot ng ating makakaya, ang plano ng ating Diyos ay maisasakatuparan para sa ating kapakanan. Wala nang iba pang damdamin sa kaluluwa ng tao ang makapagdudulot ng kagalakan at kaligayahan maliban sa pagkaalam na ginagawa mo ang lahat sa abot ng iyong makakaya upang maging matwid.

Sa pagkamakatwiran ay may kaligtasan at katiwasayan. Dahil sa ating pagkamasunurin, ang Panginoon ay tutupad sa Kanyang pangako. Sinabi Niya: "Sapagkat ang mga pangalan ng mabubuti ay masusulat sa aklat ng buhay, at sa kanila ay ipagkakaloob ko ang isang mana sa aking kanang kamay. At ngayon, aking mga kapatid, ano ang masasabi ninyo laban dito? Sinasabi ko sa inyo, kung kayo ay magsasalita nang laban dito, ito ay walang halaga, sapagkat ang salita ng Diyos ay tiyak na matutupad" (Alma 5:58).

Sa daigdig na kung saan ang paglabag, katiwalian at terorismo ay naghahasik ng takot sa mga kalalakihan at kababaihan, saan kaya tayo makababaling para sa kaligtasan at katiwasayan? Walang kaligtasan at katiwasayan maliban sa kabutihan. Walang lugar na mapagtataguan. Walang mga harang na makapipigil sa kalaban at sa kanyang pagsisikap na kalabanin ang kabutihan. Walang pananggalang laban sa mga bagay na hindi natin tiyak at hindi natin alam maliban sa kabutihan. Ang takot sa mga puso ng mga kalalakihan at kababaihan ay mapapalitan lamang ng kapayapaan kung papalitan ang takot na iyon ng pang-unawa tungkol sa plano ng kaligayahan ng Diyos at ng kaalaman na ginagawa nila ang lahat sa abot ng kanilang makakaya upang maging matwid at karapat-dapat na magmana ng walang hanggang kaligtasan.

Habang higit na nagiging kapansin-pansin ang pagkakaiba ng mabuti at masama, ang mga taong nag-aakala na ang kanilang mga ikinikilos o pagpili ay walang kaugnayan sa mabuting kaasalan ay magkakaroon ng magulong buhay kung kaya hindi na nila makakayanan ang uri ng kanilang pamumuhay. Sa gayon ay matutupad ang mga propesiya na nagsasabing: "At lahat ng bagay ay magkakagulo; at tiyak, magsisipangalupaypay ang mga puso ng tao; sapagkat ang takot ay mapapasalahat ng tao" (Doktrina at mga Tipan 88:91).

Kapag sumapit ang araw na iyon, ang matwid na mga Banal ng Diyos lamang ang tanging mga taong maayos na napapamahalaan na maaasahan sa daigdig. Doon at tanging doon lamang sila makatatagpo ng katatagan at katapatan. Darating sila, na hindi nalalaman ang doktrina ng mga matwid, ngunit mangyayari ito tulad ng naipropesiya: "Sapagkat, masdan, sinasabi ko sa inyo na ang Sion ay mananagana, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mapapasakanya; At siya ang magiging sagisag sa mga tao, at may paroroon sa kanya na buhat sa bawat bansa sa silong ng langit" (Doktrina at mga Tipan 64:41­42).

Ang pagkamakatwiran ang mas mainam na paraan. Sa dakong huli, ito lamang ang tanging paraan. Sa pagkamakatwiran ay may kapangyarihang makapagbigay ng kagalakan at kaligayahan at ng kaligtasan at katiwasayan na inaasam at sinasaliksik ng mga kalalakihan at kababaihan sa lahat ng salinlahi ng panahon.

Tila simpleng solusyon lamang ito, ngunit ang katotohanan ay "si Satanas ay nagtungo sa lupa, at siya ay naglilibot nililinlang ang mga bansa--" (Doktrina at mga Tipan 52:14). Mayroong kalaban. Tunay na mayroong tama at mali. Ang ating mga hakbang ay talagang may kaugnayan sa moralidad. Walang tamang paraan sa paggawa ng maling bagay.

Bilang isang tinawag na saksi ni Jesucristo at upang ipahayag ang Kanyang ebanghelyo, nagsusumamo ako na huwag ninyong ipagpaliban ang paggawa ng lahat ng bagay sa abot ng inyong makakaya. Na magsisikap kayong malaman ang Kanyang mga batas at kautusan at gawa nang may dagliang pagsunod sa mga ito. Sa pamamagitan nito ay matatahak ninyo ang proseso na magiging dahilan upang maging matwid kayo at karapat-dapat sa mga ipinangakong pagpapala.

Si Jesucristo ang nangunguna sa gawaing ito. Siya ang Diyos ng pagkamakatwiran. Sa Kanyang mapagmahal na awa ay binigyan Niya tayo ng isang matwid na Propeta, na kung ating susundin, gagawin natin kung ano ang tama. Pinatototohahan ko ang katotohanan nito at ng mga salitang sinambit ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy