The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 1999
Magalak, mga Anak na Babae ng Sion

Magalak, mga Anak na Babae ng Sion

Mary Ellen Smoot
Pangkalahatang Pangulo ng Samahang Damayan

Ang mga kababaihan sa buong daigdig ay malalapit sa Simbahan habang ginagawa nating sakdal ang ating buhay at ipinamumuhay ang mahahalagang katotohanan na tatanglaw sa daanan upang sumunod ang iba.

Mary Ellen Smoot

Mga minamahal kong kapatid sa Samahang Damayan, buong kapakumbabaan akong nakatayo sa inyong harapan ngayong araw na ito na may nag-uumapaw na pasasalamat sa aking puso. Pinatototohanan ko sa inyo na nitong mga huling buwan ang espiritu ng Panginoon ang pumatnubay sa mga organisasyon ng Simbahang ito. Nadama namin ang impluwensiya ng Kanyang patnubay habang gumagawa akong kasama ang aking mga tagapayo na puno ng kakayahan, matatapat naming tagapayo sa pagkasaserdote, mga miyembro ng lupon at aming mapagtaguyod na tauhan na taimtim na nananalangin para sa patnubay habang isinusulong natin ang gawaing ito. Buong sigasig naming sinaliksik at tinimbang kung paano mapasisigla ang ating mga kapatid na babae, saanman kayo naglilingkod, sa pagsisikap na malaman kung paano magkakaroon ang bawat isa sa atin ng pananaw ukol sa malaking potensiyal ng organisasyon ng Samahang Damayan.

Idinadalangin ko na basbasan kayo ng diwa ng Banal na Espiritu ng mas dakilang pananaw tungkol sa kung sino kayo, bakit kayo naririto at ang mga kakaibang kaloob na dadalhin ninyo sa organisasyon ng Samahang Damayan. Umaasa ako na habang pinag-iisipan ninyong mabuti ang tagubilin na matatanggap ninyo ngayong gabi mula sa Unang Panguluhan, at sa inyong pangkalahatang panguluhan ng Samahang Damayan, tatanggap kayo ng patotoo na ito ay tunay na patnubay na nagmumula sa Panginoon. Ito ay isang dakilang sandali, na malaki ang kahalagahan habang naghahanda tayo para sa hinaharap.

Sa Zacarias 2:10­11 ay mababasa natin:

"Magalak, Oh anak na babae ng Sion; sapagka't narito, ako'y naparirito, at ako'y tatahan sa gitna mo, sabi ng Panginoon.

"At maraming bansa ay magpipisan sa Panginoon sa araw na yaon, at magiging aking bayan; at ako'y tatahan sa gitna mo, at iyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang nagsugo sa akin sa iyo."

Nagtitipon tayo bilang mga kapatid ng pandaigdigang simbahan nang may kagalakan sa mga biyayang dulot ng ebanghelyo. Tunay na araw ito upang pasiglahin ang ating mga puso! Higit sa lahat tayo ay nagagalak sa ating kaalaman na mahal ng ating Ama sa Langit ang bawat isa sa atin. Nagagalak tayo sa ating mga patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang pagbabayad-salang hain. Nagagalak tayo sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo at sa dakilang gawaing isinagawa ni Propetang Joseph Smith. Nagagalak tayong mabuhay sa araw na kung saan ang buhay na propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley, ay buong tapang na isinusulong ang dakilang gawain ng Panginoon. Nagagalak tayo sa bilang ng mga templong itinatayo, sa makabagong teknolohiya ng kompyuter upang masaliksik ang ating mga ninuno, at sa kasabikang maglingkod. Nagagalak tayo sa bilang ng mga misyonerong ipinadadala sa lahat ng lupain ng daigdig upang tipunin ang may matatapat na puso. Nagagalak tayo sa sarili nating buhay at sa pagkakataong ibinigay sa bawat isa sa atin upang maging bahagi ng dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos. Nagagalak tayo sa organisasyon ng Samahang Damayan, at alam nating ang mga kababaihan sa buong daigdig ay malalapit sa Simbahan habang ginagawa nating sakdal ang ating buhay at ipinamumuhay ang mahahalagang katotohanan na tatanglaw sa daanan upang sumunod ang iba.

Sa mga salita ni Wordsworth ay magugunita nating:


Ang ating pagsilang ay waring pagtulog lamang at pagkalimot:
Ang Kaluluwa na ating taglay, ang Tala ng ating buhay,
Ay may pinagmulan,
At mula sa malayong lugar:
Hindi sa lubusang pagkalimot,
At hindi sa ganap na kawalang- malay,
Kundi sa mga ulap ng kaluwalhatian
Tayo nagmula sa Diyos, na ating tahanan.
(Ode: Intimations of Immortality from Recollections of Early Childhood)

Sa nakaraang dalawa at kalahating taon ng aming paglilingkod sa pangkalahatang panguluhan ng Samahang Damayan, batid namin na ang mga tao sa daigdig ay naghahangad na malaman ang tungkol sa Samahang Damayan.

Sa pagsisikap na masagot ang mga katanungan mula sa labas ng Simbahan, at upang ipaalaala sa atin ang mga dakilang pagpalala ng kababaihan, kami bilang pangkalahatang panguluhan ng Samahang Damayan ay inilalahad ang sumusunod:

Kami ay mga minamahal na espiritung anak na babae ng Diyos, at may kabuluhan, layunin, at direksiyon ang aming buhay.
Bilang isang pandaigdigang kapatiran ng mga kababaihan, nagkakaisa kami sa aming pagmamahal kay Jesucristo, ang aming Tagapagligtas at Halimbawa.
Kababaihan kaming may pananampalataya, kabutihan, pangarap, at pagmamahal sa kapwa na:
Napag-iibayo ang aming patotoo kay Jesucristo sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Naghahangad ng espirituwal na lakas sa pamamagitan ng pagsunod sa mga pag-uudyok ng Espiritu Santo.
Naglalaan sa aming sarili sa pagpapatibay ng mga samahan ng mag-asawa, mag-anak, at tahanan.
Nakatatagpo ng karangalan sa pagiging ina at kagalakan sa pagiging babae.
Nakasusumpong ng kasiyahan sa paglilingkod at paggawa ng mabuti.
Nagmamahal sa buhay at pagkatuto.
Naninindigan sa katotohanan at kabutihan.
Sumusuporta sa pagkasaserdote bilang awtoridad ng Diyos sa mundo.
Nagagalak dahil sa mga biyaya ng templo, at nauunawaan ang aming makalangit na tadhana, at nagsisikap na makamtan ang kadakilaan.
 
Kami, bilang panguluhan, ay nagagalak sa pagpapahayag na ito, na inaprubahan at iminungkahi ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa, na malinaw na nagtatakda ng mga alituntunin ng pag-uugali at pagkilos na aakay sa bawat isa sa atin pabalik sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit. Habang isinasagawa ng bawat isa sa atin ang mga turo na ito tayo, tulad ng inasam ni Amang Lehi, ay makarating sa punungkahoy ng buhay. Sa 1 Nephi 8:12 ay mababasa natin, "At nang kinain ko ang bunga niyon ay pinuspos nito ang aking kaluluwa ng labis na kagalakan; anupa't nagsimula akong magkaroon ng pagnanais na makakain din nito ang aking mag-anak; sapagkat alam ko na ito ay higit na kanais-nais sa lahat ng iba pang bunga."

Tayo, tulad ni Amang Lehi, ay umaasa na habang naglalakbay tayo sa landas ng buhay ay makakain ng bunga na matatagpuan sa ebanghelyo ni Jesucristo sa personal na paraan at makadama ng kagalakan na pupuspos sa ating mga kaluluwa ng higit na pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa tao. Magkasama nating suriin ang ilan sa mga katangiang ito at kung paano makaaapekto ang mga ito sa ating buhay.

Bilang isang pandaigdigang kapatiran ng mga kababaihan, nagkakaisa kami sa aming pagmamahal kay Jesucristo, ang aming Tagapagligtas at Halimbawa.

Ipinahahayag natin sa daigdig na hindi nagkataon lamang na niyakap natin ang ebanghelyo ni Jesucristo; ito ay totoo! Ang dakilang planong ito, kapag pinag-isipan nang mabuti ay nagbibigay ng tamang pang-unawa tungkol sa buhay na ito.

Alam natin na tayo ay nabuhay na at patuloy na mabubuhay. Alam nating ipinadala tayo sa lupa upang magkaroon ng karanasan at patunayan ang ating sarili. Ang mga desisyon na ating ginagawa ay mahalaga upang magkamit tayo ng buhay na walang hanggan at kadakilaan. Alam nating ang kalagayang ito ay mahalaga at ang pang-unawang ito ay nagbibigay ng kahulugan, layunin, at direksiyon sa ating buhay. Sa bandang huli lahat tayo ay nagnanais na matutuhang mabuti ang ating mga aral at makauwi sa ating mapagmahal na Ama sa Langit.

Tinatanggap natin ang Tagapagligtas bilang Bugtong na Anak ng ating Ama sa Langit. Alam natin na sa pamamagitan Niya tayo ay matutubos at mabubuhay na mag-uli. Samakatwid, "nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo" (2 Ne. 25:26).

Kami ay may pananampalataya, kabutihan, pangarap, at pagmamahal sa kapwa.

Sa pagdalaw namin sa iba't ibang bahagi ng daigdig, nakikita namin ang maraming kapatid sa Samahang Damayan na mahigpit na humahawak sa gabay na bakal. May pananampalataya tayo kapag dumarating ang mga unos ng buhay, at pinipili nating panatilihing malinis at dalisay ang ating sarili kapag dumarating ang mga tukso.

Nakita namin ang pagsibol ng pag-ibig sa kapwa tao sa bawat puso habang hinahangad ng isang kapatid na babae ang "dalisay na pag-ibig ni Cristo" (Moro. 10:47).

Inilalaan namtin ang aming sarili sa pagpapatibay ng mga samahan ng mag-asawa, mag-anak, at tahanan at nakatatagpo ng karangalan sa pagiging ina at kagalakan sa pagiging babae.

Nauunawaan natin na ang tahanan ang pangunahing yunit na nilikha ng Diyos para sa ating paglilingkod at pagkatuto. Mula sa pang-unawang ito ay umuusbong ang pangakong bigyan ng mataas na priyoridad ang oras na inuukol natin sa mag-anak at suriin ang sarili upang malaman kung paano maging higit na mabuting kabiyak. Mula sa mga pagbubulay-bulay na ito ay magmumula ang mga gawang mabuti at magiliw at mapagpatawad sa ating mga kabiyak. Nakikita natin ang mga kapatid na babae na tunay na nagnanais na makakain ang kanilang mga anak ng bunga ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagpunta sa misyon at pagpapakasal sa templo at sa gayon ay gumugugol sila ng panahon sa pagdaraos ng makabuluhang mga gabing pantahanan ng mag-anak, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at panalangin ng mag-anak at sa palagiang pagtungo sa templo. Ang pagpapahayag ay magiging patuloy na paalaala na pagtuunan ng pansin ang ating pinakamahahalagang responsibilidad.

Ngunit hindi lahat ng kababaihan ay siyang nagsisilang sa kanilang mga inaaruga at kinakalinga.

Si Pangulong Joseph F. Smith ay naulila sa murang edad na 13. Pagkaraan siya ay pinagmisyon sa Hawaiian Islands. Sa isla ng Molokai siya ay nagkaroon ng matinding lagnat at naging malala ang karamdaman sa loob ng tatlong buwan. Isang kahanga-hangang kapatid na babaeng Hawaiiana ang nagpatuloy kay Joseph sa kanyang tahanan at inalagaan siya nang buong pagmamahal na wari bang siya ay tunay niyang anak.

Pagkaraan ng maraming taon, si Pangulong Smith ay dumalaw sa mga isla bilang Pangulo ng Simbahan. Magiliw na inilarawan ni Charles Nibley ang pangyayari:

"Hindi malilimot ang tanawing iyon na makita ang napakatinding pagmamahal, maging ang luha ng pagmamahal, na ipinakita ng mga taong ito sa kanya. Sa gitna ng lahat ng ito ay napansin ko ang isang maralita, matanda, at bulag na babae, na napapahapay sa paglalakad at tila mga nobenta anyos na, na inaakay papasok. May dala-dala siyang maiinam na saging. Ito lamang ang mayroon siya--ang kanyang handog. Sinasambit niya ang, 'Iosepa, Iosepa.' Kaagad-agad, nang makita ni Joseph ang matanda, siya'y tumakbo papalapit dito at hinawakan nang mahigpit ang kanyang mga kamay, niyakap siya, at hinagkan, . . . na hinahaplus-haplos ang kanyang ulo na nagsasabing 'Mama, Mama, ang mahal kong Mama.'

"At may luhang dumadaloy sa kanyang mga pisngi ay bumaling siya sa akin at nagsabing, 'Charlie, inaruga niya ako noong bata pa ako, maysakit ako noon at walang sinumang nag-aalaga sa akin. Kinuha niya ako at siya'y naging ina sa akin'" (Teachings of Presidents of the Church, Joseph F. Smith, [1998], xvi, 192).

Maiuunat nating lahat ang ating mga bisig nang may pagmamahal sa iba at makapagbibigay ng mga kaloob na pagkahabag at pagiging magiliw na sumisibol lamang mula sa puso ng isang babae.

Nakasusumpong kami ng kasiyahan sa mga paglilingkod at paggawa ng mabuti.

Ilang linggo na ang nakararaan nang dumaan sa Lungsod ng Salt Lake ang isang buhawi na nag-iwan sa landas nito ng pagkasira at pagkawasak. Kinaumagahan isang pangulo ng Samahang Damayan ng istaka, na ang sariling tahanan ay napinsala, ay may nakahandang ulat na nagbibigay ng impormasyon sa kanyang mga pinuno ng pagkasaserdote para sa mga pagdalaw at pagtatasa sa hinaharap.

Ang kaalaman sa pagbasa at pagsulat ay isa pang paraan upang matulungan ang iba at mabago ang kanilang buhay sa habampanahon. Isang tagapayo sa edukasyon ang naging bukas ang kamalayan tungkol dito. Inanyayahan niya ang dalawang kaibigan at magkasama silang dumalo sa mga klase ng pag-aaral sa pagtuturo ng Ingles bilang pangalawang wika. Ngayon ay nagtuturo sila ng Ingles sa isang kahanga-hangang mag-anak na binubuo ng 13 katao na taga Kosovo. Ang kaalaman sa pagbasa at pagsulat ay naging pagpapala kapwa sa mga guro at estudyante.

Naninindigan kami sa katotohanan at kabutihan.

Naninindigan tayo upang itigil ang patuloy na paglaganap ng kasamaan at kabulukan na salot ngayon sa ating lipunan. Ang mga kapatid na babae na alam ang tama sa mali ay matatag na naninindigan sa panig ng Panginoon, na gumagawa ng mga pagpili na naghihiwalay sa kanila mula sa iba pang tao ng daigdig habang maingat nilang sinusubaybayan ang mga mag-anak sa paggamit ng mga programa sa telebisyon, mayumi sa pananamit, at umiiwas sa panonood ng anumang pelikula na humihikayat ng karahasan at mahalay na pag-uugali.

Sumusuporta kami sa pagkasaserdote bilang awtoridad ng Diyos sa mundo.

Nakikita namin ang mga kapatid na babae sa dakilang Simbahan na ito na kumikilala sa mga pagpapala ng ipinanumbalik na pagkasaserdote. Nagagalak tayo kapag nababasbasan ang bawat sanggol, nabibinyagan ang bawat bata, kapag tumatanggap tayo ng sakramento at itinatalaga sa mga katungkulan sa Simbahan at pinagmamasdan ang ating mga asawa na nagbibigay ng mga basbas ng ama. Nagpapasalamat tayo sa mga biyaya ng pagkasaserdote na tumatanglaw sa ating daan at nagbibigay sa atin ng direksiyon at pag-asa. Ikinagagalak at itinataguyod natin ang mga karapat-dapat na nagtataglay ng pagkasaserdote.

Nagagalak kami sa mga biyaya ng templo, at nauunawaan ang aming makalangit na tadhana, at nagsisikap na makamtan ang kadakilaan.

Nakikita namin ang mga kapatid na babae na nagagalak sa mga pagpapala ng templo--mga kapatid na naghahangad na gawin at tuparin ang kanilang mga tipan, na gumagawa ng gawain para sa kanilang mga patay na kamag-anak, at sa proseso ay natatagpuan ang kanilang sariling mga pasanin na gumagaan at ang kanilang kapangyarihan upang mapaglabanan ang tukso ay lumalakas, mga anak na babae ng Diyos na nauunawaan ang kanilang banal na patutunguhan, nakikita ang kanilang potensiyal, at nakatuon sa paglupig sa mga kahinaan.

Pinatototohanan namin na ang bawat isa sa atin ay may mahalagang papel, isang sagradong misyon upang kumilos bilang anak na babae sa Sion. Ito ay bagong araw, ang pagbubukang-liwayway ng isang bagong panahon. Ito ang ating panahon, at tadhana natin ang magalak habang pinupuno natin ang daigdig ng higit na kabaitan at kahinahunan, higit na pagmamahal at pagkahabag, higit na pakikiramay at pang-unawa na hindi kailanman nagawa noon. Panahon ito upang ibigay ang ating sarili sa Guro at hayaang Siya ang umakay sa atin tungo sa mabungang bukirin kung saan ay malilinang natin ang mundong puno ng kadiliman at kapighatian. Ang bawat isa sa atin, maging sinuman tayo, maging saan man tayo naglilingkod, ay kailangang magbangon at gawin ang pinakamainam sa mga pagkakataong dumarating. Kailangan nating sundin ang payong ibinigay ng Panginoon at ng Kanyang mga tagapaglingkod at gawin ang ating mga tahanan na mga bahay ng dalanginan at kublihan ng katiwasayan at kaligtasan. Magagawa natin at kailangan nating patatagin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng higit nating pagsunod at pagsasakripisyo. Sa indibiduwal na prosesong ito ay isang himala ang mangyayari. Ang Samahang Damayan ay magsisimulang umunlad at mararating nito ang milyun-milyong nangangailangan. Patuloy itong magiging organisasyon na nagdudulot ng ginhawa at kagalakan. Ito'y mangyayari nang isa-isa sa mga kapatid na babae. Magkakaisa tayo sa ating kabutihan at tunay na makakakain ng bunga ng punungkahoy ng buhay nang sama-sama. Ang mga bunga ng ating pagpapagal ay makapagpapagaling sa daigdig at, mga kapatid, sa proseso ay mapagagaling din tayo nito!

Mapagpakumbaba kong dalangin na ang bawat isa sa atin ay humayo sa pulong na ito na buo ang kalooban na italaga ang ating buhay kay Cristo. Ipinapangako ko sa inyo na kapag ginawa ninyo ito, ay mapapasainyo ang lahat ng dahilan upang magalak, dahil ang Panginoon "ay tatahan sa gitna mo" (Zac. 2:11). At ito'y pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy