Sharon G. Larsen
Pangalawang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng mga Kabataang Babae
Ang kalayaan ay ang kapangyarihang mag-isip, pumili, at kumilos para sa ating sarili. Kasama nito ang walang katapusang oportunidad na ang kaakibat ay responsibilidad at mga bunga ng ating pagpili.
Nang umalis tayo sa kinaroroonan ng Ama sa Langit at bumaba sa mundong ito, dinala natin ang walang kasing-halaga, sagrado, una pa sa mortalidad, at walang-hanggang kaloob. Ang kaloob na ito, ang kaloob na kalayaang pumili, ay ang nais kong banggitin ngayon.
Ang kalayaan ay ang kapangyarihang mag-isip, pumili at kumilos para sa ating sarili. Kasama nito ang walang katapusang oportunidad, na ang kaakibat ay responsibilidad at mga bunga ng ating pagpili, ito ay isang biyaya at isang pasanin. Ang matalinong paggamit ng kaloob na kalayaang ito ay kailangang-kailangan ngayon dahil kailanma'y hindi pa nangyari sa kasaysayan ng mundo na ang mga anak ng Diyos ay masaganang biniyayaan o kaya'y hayagang naharap sa napakaraming pagpili.
Mas simple ang buhay sa kinalakihan kong lugar sa Canadian Prairie. Ang numero ng telepono namin ay iisang numero--3. Nakapanonood kami ng sine na puti at itim ang kulay na galing sa mas malaking nayon ng Cardston tuwing Huwebes ng gabi: Dumarating ang sulat tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes--maliban na lang kung may niyebe.
Mayroong isang pangunahing daan. Tatlong milya pakanluran ay ang aming bukid, at 20 milya pasilangan mula sa daan ding iyon ay ang Templo sa Cardston, Alberta. Kakaunti lang ang daan na pagpipilian o mga lugar na pupuntahan.
Ngayon ay napakarami na ng mga numero ng telepono, mga sine na iba't ibang klase at iba't ibang kulay, ang liham na pinararating sa pamamagitan ng E-mail ay maaaring makuha sa buong maghapon at magdamag, at marami pang mga doon na walang-hupang humihingi ng ating paghatol. Ang kapaligiran natin ay umaapaw sa mga pagpipilian. Ngunit ang layunin natin sa mundo ay hindi nagbabago.
Sinabi ng Panginoon kay Abraham na ipinadala Niya tayo rito sa lupa upang subukan kung gagawin natin ang iuutos Niya sa atin (tingnan sa Abr. 3:25). Hindi na matatakasan ang pagpili. Ang dalawang magkasalungat na puwersa ng mundo ay naghahangad ng ating matatag na pangako. Sa isang banda, ay ang pagiging totoo ni Satanas, sa kabila naman ay ang higit na makapangyarihang pag-ibig ng Tagapagligtas.
Itinuro ni Lehi na kung walang pagsalungat sa lahat ng bagay, hindi magkakaroon ng kabutihan o kasamaan, ni mabuti o masama. Hindi tayo makapagpapasiya para sa ating sarili kung walang pagpili (tingnan sa 2 Ne. 2:11,16). Upang maging matapat na tagasunod ni Cristo, kailangang mayroon tayong karapatang piliin na tanggihan Siya. Sa gayon mapapahintulutan si Satanas na gamitin ang kanyang kapangyarihan, at ang magpasakop sa kalooban ng Diyos ay mahirap kung minsan. Ngunit sa ganitong pagpapasiya para sa ating sarili kaya tayo umuunlad.
Sinabi ni C. S. Lewis: "Yaon lamang sinusubok na labanan ang tukso ang nakaaalam kung gaano kalakas ito. . . . Malalaman mo ang lakas ng hangin kung susubukan mong lumakad nang pasalungat dito, hindi nang nakahiga. Ang isang taong sumusuko sa tukso pagkaraan ng limang minuto ay malinaw na hindi alam kung ano kaya ang maaaring mangyari kung tumagal pa iyon ng isang oras." Ipinagpatuloy pa ni Lewis, "Si Cristo, sapagkat siya lamang ang tanging tao na hindi kailanman nagpadaig sa tukso, ay siya ring tanging tao na ganap na nakaaalam sa kahulugan ng tukso" (Mere Christianity [1906], 10910).
Naaalala ko na tinanong ko ang aking mga magulang kung maaari ko bang gawin ang ilang bagay. Ang sagot nila kailanman ay hindi nagbago: "Naturuan ka na. Alam mo kung ano ang damdamin namin tungkol diyan, ngunit nasa sa iyo pa rin ang pagpapasiya." Ngunit ang pagpapasiya para sa sarili ay nagdidikta pa rin ng magiging bunga nito, na siyang hindi natin laging gusto. Gusto natin ang kalayaan na walang kapalit na bunga. Kaya, madalas, sinusubukan nating huwag pumanig saanman huwag magpasiya at huwag mangako. Sa ganitong kalagayan tayo madaling matukso sa impluwensiya ni Satanas.
Si Haring Ahab at ang kanyang mga tao sa hilagang Israel ay nagsasabi sa atin ng tungkol sa hindi pagpanig at hindi pagpasiya. Ang kamay ng Panginoon ay pinigil sapagkat ayaw magpasiya ng tao kung sino ang sasambahin--si Jehovah o si Baal. Ang Baal ay iba pang pangalan ni Satanas. Ipinadala ng Panginoon si Elias ang propeta na dala ang malinaw na mensaheng ito: "Hanggang kailan kayo mag-aalinlangan sa dalawang isipan? kung ang Panginoon ay Dios, sumunod kayo sa kaniya: ngunit kung si Baal, sumunod nga kayo sa kaniya." Sinasabi ng banal na kasulatan na, "Ang bayan ay hindi sumagot sa kaniya kahit sa isang salita" (I Mga Hari 18:21). Hindi nila gusto ang responsibilidad ng pangangako. Naaalaala ninyo ang kuwento: hinamon sila ni Elias sa isang pagsubok upang malaman kung sino ang Diyos. Lahat sila ay magdadasal sa kanilang Diyos upang makita kung alin ang makapagsusunog ng handog sa altar. Nang tawagin nang malakas ng mga saserdote ang kanilang idolo, hindi sila pinakinggan at tinulungan nito.
Sa kabaligtaran, ang nag-iisa roong propeta ng totoo at buhay na Diyos ay hindi lamang dininig, hinigitan pa siya sa kanyang pagsisikap. Nang si Elias ay nagsumamo sa Kanyang Diyos ang apoy ng Panginoon ay bumaba, at tinupok ang lahat--ang handog na susunugin at ang kahoy, at ang mga bato, at ang alabok--at dinilaan ang tubig na nasa hukay. Kasunod ng pagpapamalas na ito, sinabi ng mga tao, "Ang Panginoon ay siyang Dios" (I Mga Hari 18:39), at pagkatapos ayon sa banal na kasulatan ang mga saserdote ni Baal ay pinatay. Wala nang natirang buhay na hindi naniniwala sa Hilagang Israel nang araw na iyon! Ang mga pagpili ay hindi sana mahirap kung ang paggawa ng mabuti ay nagagantimpalaan nang kasimbilis at kagila-gilalas tulad ng kay Elias o kung ang paggawa ng masama ay nangangahulugan ng madaling kamatayan. Ngunit hindi ganyan kasimple kapag ang gawain natin ay pag-ibayuhin ang ating pananampalataya.
Ang ating pananampalataya at pangako ay nasusubok kapag ang mundo ay nag-aalok ng nakatutukso at nakapang-aakit na pamimiliang naglalayo sa atin sa kaharian ng Diyos. Ang ilan ay gustong tamasahing lahat ang biyaya ng kaharian ng Diyos, ngunit gusto pa rin na paminsan-minsan ay tamasahin ang makamundong kasiyahan. Kung hindi natin sinisikap at sinasadyang piliin ang kaharian ng Diyos, walang dudang kumikilos tayo nang paurong habang ang kaharian ng Diyos ay kumikilos nang pasulong "nang matapang, marangal, at malaya" (Joseph Smith, "The Wentworth Letter," sa Encyclopedia of Mormonism, patnugot ni Daniel H. Ludlow, 5 tomo [1992], 4:1754). Ang pagpili ng pamamaraan kung paano natin patatakbuhin ang ating buhay ay magtatakda ng ating mga biyaya o ng ating mga pasanin. Inaanyayahan tayo ng Panginoon na ilagay ang ating mga pasanin sa kanya, at aalalayan Niya tayo (tingnan sa Mga Awit 55:22), habang binabalaan naman tayo ni Mormon, "na hindi itataguyod ng diyablo ang kanyang mga anak" (Alma 30:60).
Isang kabataang lalaki na minamahal ko nang buong-puso ang nagsabi sa akin: "Walang makapagsasabi sa akin ng dapat kong gawin. Ako ang bahala sa buhay ko." Mayroon siyang maling palagay na upang maging hindi palaasa at malaya, kailangang salungatin niya ang kalooban ng Diyos. Saan, kung gayon, nanggagaling ang kanyang lakas?
Ani Kapatid na Talmage tungkol kay Jesus: Siya "ang lahat na dapat maging katulad ng isang bata, sapagkat ang kanyang pag-unlad ay hindi napipigilan ng nakahahatak na bigat ng kasalanan. Minahal at sinunod niya ang katotohanan at dahil doon [siya] ay malaya" (Jesus the Christ [1979], 112).
Ang pagpili ng tama ay nagpapalaya at nagpapala sa atin, maging sa pagpili ng mga bagay na tila walang-halaga sa ating buhay. Inakala ng aking kaibigan na masyadong nakikibahagi ang Panginoon sa kanyang buhay. Aniya, "Hindi ko matatanggap ang lahat ng mga pamantayan sa Simbahan na nagsasabi sa akin na dapat kong gawin ito, Hindi ko kaya iyon." Hindi nakikita ng aking kaibigan na ang mga pamantayang iyon ay katibayan ng mapagbantay na pag-aalaga ng Ama.
Hindi ba parang hindi kapani-paniwala? Mayroong anim na bilyong tao sa planetang ito, at iniintindi pa rin ng Ama kung ano ang pinanonood ko para malibang, iniintindi Niya kung ano ang kinakain at iniinom ko. Iniintindi Niya kung paano ako manamit at kung paano ko kinikita at ginagasta ang pera ko. Iniintindi Niya kung ano ang ginagawa ko at hindi. Iniintindi ng Ama sa Langit ang kaligayahan ko.
Ang pag-aalaga ng Ama ay dumarating sa iba't ibang paraan, kailangan lamang nating makinig at umasa dito. May isang nagsabi, "Kung hindi [natin inunang] pinili ang kaharian ng Diyos, sa huli ay wala nang pagkaiba kung anuman ang pinili natin sa halip na piliin ito" (William Law, pastor ng ika-18 Siglo).
Sapagkat ang layunin natin sa mundo ay hindi nagbabago, at hindi kailanman, ang ating Ama ay patuloy at palagiang nagtutustos ng karagdagang kaloob upang gawing ligtas ang ating mundo at palakasin ang matalinong paggamit natin ng kalayaang pumili. Isipin ninyo ang kaloob na panalangin--na nagbibigay sa atin ng pagkakataong madinig at maunawaan. Isipin ninyo ang kaloob na Espiritu Santo, na nagpapakita sa atin ng mga bagay na dapat gawin (tingnan sa 2 Ne. 32:5). Isipin ninyo ang mga sagradong tipan na ginawa natin, ang mga banal na kasulatan, pagkasaserdote at mga basbas ng patriyarka. Isipin ninyo ang pinakapangwakas na kaloob na Pagbabayad-sala at ang pag-aalaala nito sa sakramento na nagbabalot sa atin ng pagmamahal at pag-asa at biyaya. Ang mga kaloob na ito ang tumutulong na gamitin natin ang ating kalayaang pumili nang matalino upang makabalik muli sa ating tahanan sa langit, kung saan naroon ang "mga bagay na hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, anomang mga bagay na inihanda ng Diyos sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya" (1 Cor. 2:9).
Ngayon ay marami ng daan, ngunit tulad sa kinalakhan kong lugar, iisa lang ang pangunahing daan, ang makipot at makitid na landas.
Dahil tinatanggap natin ang ating kahiligang gumala sa di-kilalang daan (tingnan sa 1 Ne. 8:32), nagsusumamo tayo sa Panginoon sa pamamagitan ng himnong ito:
Lagi nang nawawalay, Panginoon 'ya'y dama ko,
Lagi nang iniiwan, ang Diyos kong minamahal;
Kunin at inyong ariin, O puso ko na narito;
Nang doon sa Inyong hukuman, puso ko ay manahan.
("Come, Thou Fount of Every Blessing," Hymns [1948], 70)
Tinatapos ko ito sa panalangin ni Nephi na nagsasalita para sa iyo at para sa akin: "O Panginoon, maaari bang huwag ninyong ipinid ang mga pasukan ng inyong kabutihan sa harapan ko, upang ako ay makalakad sa landas ng mababang lambak, upang ako ay manatili sa patag na daan" (2 Ne. 4:32), sa pangalan ni Jesucristo, amen.