Elder Vaughn J. Featherstone
Ng Pitumpu
Habang palubog nang palubog sa kasalanan ang daigdig, ang kahanga-hangang Simbahang ito ay nakatayong tulad sa isang higanteng tipak ng granite.
Tinukoy ni Alexander Solzhenitsyn ang mga pagpapahinuhod sa kasalanan dahil sa kakulangan sa pag-intindi sa hinaharap bilang: "Isang proseso ng pagsuko at pagsuko at pagsuko at pag-asa at pag-asa at pag-asa na marahil darating ang panahon na mabubusog ang lobo."
Mga kahanga-hanga kong batang kaibigan, ipinapangako ko sa inyo, hindi kailanman mabubusog ang lobo.
Sinabi ni Oliver Wendell Holmes: "Kapag puspos ng espiritu ang puso, kailangan itong sumunod. Sapagkat maging sa karimlan ng gabi, isang dugtungan ng tanikala ang nananatili, isang ilaw na hindi mawawalan ng liwanag."
Hindi ba kayo nakadarama ng malaking pasasalamat na kabilang kayo sa isang simbahang may mga apostol at propetang namumuno--na nakababatid na isang ugnayan ang mananatili, at isang ilaw ang kailanma'y hindi mawawalan ng liwanag? Habang palubog nang palubog sa kasalanan ang daigdig, ang kahanga-hangang Simbahang ito ay nakatayong tulad sa isang higanteng tipak ng granite.
Hindi ba kayo nagagalak na tinuturuan tayo ng katotohanan ng Simbahan? Hindi na natin kailangang alamin ang tungkol sa mga hikaw ng mga batang lalaki at kalalakihan, mga tatoo, mga patulis-tulis na estilo ng buhok, mga malalaswang salita, at kilos. Mayroon tayong mga propeta na huwaran. Itinuturo nila na hindi laos ang Sampung Utos. Ang salita ng Panginoon ay malinaw sa lahat ng salinlahi: "Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos sa walang kabuluhan" (Ex.20:7). Malaking kasalanan sa Espiritu at ang paggawa nito ay paglapastangan sa pangalan ng Diyos at ang gawin ito ay isang mahusay na paraan ni Satanas upang kutyain ang ating Diyos.
Ipinahayag din ni Jehovah, "Huwag kang magnanakaw" (b.15). Isang insulto sa Diyos ang pagnanakaw. Ang kautusang ito ay isa lamang sa 10. Ang pandaraya, pagsisinungaling, pagbibintang ay mga uri lahat ng pagnanakaw.
Mga minamahal na kabataan, hindi ba ninyo ipinagpapasalamat sa Diyos na hindi kailanman nag-alinlangan ang mga apostol at propeta sa pagbibigay payo tungkol sa kasalanan? Kahit gaano pa kalakas ang pagnanais ng lipunan na tanggapin ang mga makasalanang gawain, ang Simbahan ay hindi natitinag. "Iniutos ng Diyos na ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae, na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas."1
Ang mga sumusuporta sa mga maling alituntunin at lihis na gawi ay nabubuhay sa kasalanan. Ang mga batas, kasunduan, nagkakaisang may sapat na gulang na nagtuturo ng labag sa ebanghelyo ay mali kahit na tanggap ito ng karamihan. Ang kasalanan ay kasalanan at iyan ang katotohanan ng Diyos. Ipinahayag ni Apostol Pablo, "Hindi baga ninyo nalalaman na kayo'y templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay nananahan sa inyo?" (1 Corinto 3:16).
Ang pornograpiya ay masama. Gustung-gusto ko ang kuwentong isinalaysay noong libing ng ama ni Henry Eyring. Noong siya ay isang kabataang lalaki habang patawid ng hangganan mula sa mga nasasakupan ng Mexico patungong Estados Unidos, sinabi ng lalaking taga-adwana (custom), "Anak, mayroon ka bang anumang pornograpiya sa iyong maleta o baul?" Sagot niya, "Wala po, wala nga po kami kahit na pornograpo." Kahanga-hanga ang maging ganoon kadalisay at walang-malay. Alam nating nakagugumon at nakasisira ang pornograpiya. Kasama nito ang: pag-inom, paninigarilyo, at bawal na gamot. Ginagamit nito ang ilang uri ng musika, pagsasayaw, ang Internet, at telebisyon. Ang mga nagpapalabas nito ay walang takot sa Diyos at walang konsiyensiya. Alam nila ang mga kahihinatnan, subalit wala silang pakialam. Tulad ng mga nagbebenta ng bawal na gamot, wala sila upang tulungan kayo kapag kayo'y durog na durog na. Subalit narito kami--ang inyong mga magulang, obispo, at mga pinuno.
Mag-ingat sa pagpili ng mga magiging malapit na kaibigan. Dalawang lalaki ang nag-usap, at ang sabi ng isa, "Pareng Joe, nalagpasan ko ang bahay ninyo noong isang araw." At sabi ni Joe, "Salamat." Magpasalamat kayo kung hindi kayo kabilang sa masasamang grupo. Laging may malakas na babalang darating sa inyo.
Sinabi ni Rudyard Kipling:
Ito ngayon ang Batas ng Kagubatan--na kasintanda at kasintotoo ng kalangitan;
At ang Lobo na susunod dito ay magtatagumpay, ngunit ang Lobong magsasawalang-bahala ay mamamatay.
Tulad ng paggapang ng baging sa puno nang paikot-ikot at pabalik-balik--
Sapagkat ang lakas ng Pangkat ay ang Lobo, at ang lakas ng Lobo ay ang Pangkat.2
Ang inyong mga kaibigan ay mga pananggalang.
Isang payo sa mga nasa wastong gulang at mga magulang. Ipinayo ng Ama ni Elder Bruce R. McConkie na kapag lumalabag tayo ng anumang kautusan, gaano man kaliit, maaaring piliin ng ating mga kabataan paglaon sa kanilang buhay na lumabag ng kautusan na maaaring malala nang 10 beses o 100 beses at bigyang katwiran ito batay sa maliit na kautusan na ating nilabag.3
Isa sa pinakamahalagang impluwensiya sa pagiging relihiyoso ng ating mga kabataan ang palagiang pagtalakay sa mga bagay na may kinalaman sa relihiyon sa ating tahanan. Kapag tinatalakay natin ang mga bagay na gustung-gusto natin, hindi dahil sa nakatakda ang mga ito--na tulad halimbawa ng gabing pantahanan ng mag-anak, panalangin, o pag-aaral ng banal na kasulatan--kundi dahil napakahalaga ng mga ito sa atin, napakalaki ng impluwensiya nito sa ating mga anak.
Sinabi ni Grady Bogue, isang propesor sa kolehiyo: "Kapag ginagawa nang tama, isang mahalagang trabaho ang pagtuturo. Gayunman, ito ang isang pagpupunyagi ng tao na may pinakamalalang kahihinatnan kapag isinagawa nang walang pag-iingat at kakayahan. Ang mailigaw ang isang estudyante dahil sa kanilang di-pagkabatid o labis na kapalaluan--dahil sa hindi natin alam o wala tayong pakialam--ay higit na masamang gawa kaysa sa pagkakamali sa isang operasyon. Hindi magdurugo ang ating mga pagkakamali. Sa halip, magtataglay ito ng mga nakatagong pilat na ang mga masama at nakapanlulumong kahihinatnan ay maaaring hindi makita hanggang sa lumipas ang mga taon at kung kailan masakit at hindi na maaari itong lunasan."4
Mga kabataan, huwag mabigatan sa pagsunod. Kahanga-hanga at malaking pribilehiyo ang pagsunod. Isinasaad sa Abraham 4:18, "At minasdan ng mga Diyos ang mga bagay na yaong kanilang inutusan hanggang sa ang mga ito ay sumunod." Paano kung hindi sumunod ang mga elemento? Ang mga ito sana'y isinumpa o binawi. Gayon din sa atin. Ang pagsunod sa Diyos ang tunay na tanging daan upang maging ganap na malaya at upang maisagawa ang ating kalayaang pumili. Kabaligtaran ang itinuturo ni Satanas at, sa bawat maling pagpili ay iginagapos tayo ng mga tanikala. Ipinapangako ko sa inyo na ang pagsunod ay isang kahanga-hangang pribilehiyo.
Noong bata pa ako, kinailangang mamasukan ang aking ina sa Garfield Smelter at magtrabahong tulad sa isang lalaki upang matulungang tustusan ang pitong anak. Hangga't maaari, pumapasok siya nang panghating gabi na ang tiyak kong dahilan ay upang makasama kami sa araw. Hindi ko alam kung kailan natutulog ang kaawa-awang babae. Isang Sabado ng umaga, umuwi siya galing sa trabaho ng mga 7:00 o 8:00 ng umaga. Umidlip siya ng ilang oras at pagkatapos ay bumangon. Inanyayahan niyang maghapunan ang lahat ng kanyang kamag-anak. Maaaring 35 o 40 sila. Nilagyan niya ng palamuti ang mga mesa at isinaayos ang mga upuan at inilabas ang lahat ng pinggan at kubyertos. Buong-araw siyang nagluto at naghurno. Naipon ang maraming maruruming palayok, kawali at pinggan.
Dumalo ang lahat sa hapunan, at pagkatapos ng hapunan lahat ng maruruming pinggan ay dinala sa kusina. Ang mga pagkain ay inalis sa mesa at inilagay sa kusina at paminggalan; pagkatapos ay sumara ang pintuan ng kusina at nagsimulang magkuwentuhan ang magkakamag-anak. Mga 8:00 na ng gabi noon.
Naaalala kong mag-isa akong nakatayo sa kusina. Naisip ko sa mura kong isipan, Magdamag nagtrabaho ang aking ina; maghapon siyang gumawa upang maihanda ang hapunang ito. Pag-alis ng lahat, kailangan niyang hugasan ang mga pinagkainan at itabi ang mga pagkain. Mangangailangan iyon ng dalawa o tatlong oras, at hindi yata tama iyon.
Hinugasan ko ang mga pinggan, mga kubyertos, at mga kagamitang babasagin. Wala kaming dekuryenteng panghugas ng pinggan; kami mismo ang naghuhugas at noong gabing iyon, ako ang naghugas. Kalahating dosenang pamunas ng pinggan ang aking nagamit. Basang-basa ako mula ulo hanggang paa. Itinabi ko ang mga pagkain, nilinis ang mesa at mga paminggalan, pagkatapos ay lumuhod ako at iniskoba ang sahig. Nang ako'y matapos, inisip kong malinis na malinis na ang kusina. Inabot ako ng tatlong oras.
Pagkatapos ay narinig kong kumaluskos ang mga upuan, at umalis na ang lahat. Sumara ang pintuan sa harapan ng bahay, at narinig ko ang aking ina na papunta sa kusina. Natuwa ako at naisip ko na magiging masaya rin siya. Bumukas ang pinto, at maging sa edad na 11, napansin ko na siya'y nagulat. Tiningnan niya ang buong kusina, tumingin siya sa akin, at pagkatapos ay mayroong anyo sa kanyang mukha na hindi ko mawari noong panahong iyon. Alam ko na ngayon. Parang "Salamat. Pagod ako. Sa palagay ko'y nauunawaan mo, at mahal kita." At lumapit siya sa akin at niyakap ako. Mayroong kislap sa kanyang mga mata at kagalakan sa aking puso. Natutuhan kong masarap gumawa ng mga bagay na magpapakislap sa mga mata ng ating mga magulang.
Minsan naman--isang araw ng Linggo bago ang Araw ng Pasasalamat, noong mga 1943--dumalo ako sa pulong ng pagkasaserdote. May isang malaking nakakuwadrong tabla. Nakalagay rito ang mga larawan ng lahat ng mga kabataang lalaking nasa militar. Ang mga saserdoteng ilang buwan pa lamang ang nakararaan na nasa mesang pangsakramento ay nasa digmaan na ngayon. Linggu-linggo itong nilalagyan ng kaukulang bagong impormasyon. Ang mga nasawi habang nakikipaglaban ay may gintong bituin sa tabi ng kanilang larawan; ang mga sugatan, pulang bituin; at ang mga nawawala sa digmaan ay puting bituin. Kada linggo, bilang isang 12 taong gulang na diyakono ay tinitingnan ko kung sino ang mga nasawi o nasugatan.
Sinabi ng miyembro ng obispado noong pulong ng korum noong umagang iyon: "Ngayong Huwebes ay Araw ng Pasasalamat. Dapat tayong magkaroon lahat ng panalangin bilang mag-anak sa ating mga tahanan." Pagkatapos ay sinabi niya, "Isulat natin sa pisara ang lahat ng bagay na pinasasalamatan natin." Ginawa namin iyon at sabi niya, "Isama ang mga bagay na ito sa inyong panalangin ng Pasasalamat." Sumama ang aking tiyan, hindi kami kailanman nagkaroon ng panalangin o pagbabasbas.
Dakong alas 6:30 ng gabing iyon, dumalo kami sa pulong sakramento. Tumayo ang obispo sa pagtatapos ng pulong at naging maramdamin. Nagkuwento siya tungkol sa ating kalayaan, kasarinlan, bandila, at tungkol sa dakilang bansang ito, at sa ating mga pagpapala. Pagkatapos sinabi niya, "Inaasahan kong luluhod ang bawat pamilya at mag-aalay ng panalangin sa Araw ng Pasasalamat at pasasalamatan ang Diyos sa Kanyang mga biyaya."
Kumirot ang aking puso. Inisip ko, Paano kaya kami magkakaroon ng panalangin ng pamilya? Gusto kong maging masunurin. Halos hindi ako nakatulog buong magdamag ng Linggo. Gusto kong magkaroon ng panalangin sa Araw ng Pasasalamat. Inisip ko pa nga na ako ang mananalangin kapag may humiling sa akin, subalit nahiya akong magkusa. Buong araw ng Lunes, Martes, at Miyerkules akong nag-alala sa paaralan.
Hindi umuwi si Itay noong Miyerkules nang umaga. Bumangon kaming lahat noong Huwebes. Lima kaming anak na lalaki at dalawang babae sa pamilya. Hindi kami nag-almusal upang ganahan nang husto sa hapunan ng Araw ng Pasasalamat. Upang maging magana, nagtungo kami sa isang malapit na bukid at humukay ng may anim na talampakang lalim, anim na talampakang lapad na butas. Hinukay namin ito bilang taguan. Naalala ko na sa bawat pagpala ng lupa ay inisip kong, Sana po, Ama sa Langit, magkaroon po kami ng panalangin.
Sa wakas noong alas 2:30 ay tinawag kami ng aking ina upang kumain. Nilinis namin ang aming sarili at umupo sa harap ng lamesa. Kahit paano ay nakapaghanda ng pabo si Inay pati na ang ibang sangkap na kailangan dito. Inilagay niya ang lahat ng pagkain sa mesa, pati na ang pabo. Parang sasabog ang aking dibdib. Wala nang gaanong nalalabing oras. Tumingin ako kay itay, pagkatapos ay kay inay. Inisip ko, Sana naman po, kahit sino, sana naman po magkaroon tayo ng panalangin. Halos hindi na ako mapakali; nang biglang magsimulang kumain ang lahat. Nagtrabaho akong mabuti buong umaga at hapon upang magkaroon ako ng gana, subalit hindi ako nagugutom. Ayaw kong kumain. Nais kong manalangin higit sa anupaman sa mundong ito, at naging huli na.
Mga minamahal na kabataan, magpasalamat sa mga magulang na nag-aalay ng panalangin at nagbabasa ng mga banal na kasulatan. Pahalagahang mabuti ang gabing pantahanan ng mag-anak. Magpasalamat sa mga nagtuturo at nagsasanay sa inyo.
Mga bata kong kaibigan, napakaraming kahanga-hanga at kapaki-pakinabang sa dakilang mundong ito. Gustung-gusto ko ang palagiang pagbanggit ni Pangulong Hinckley sa pagmamahal, pagtitiwala, at kadakilaang nadarama niya sa inyo, aming minamahal na kabataan.
Maghandang pumasok sa templo. Isang kahanga-hangang talata ang naglalarawan dito:
Pumasok sa pintuang ito na tila purong ginto--ang sahig;
At tila puno ng mamahaling bato ang bawat dingding, Na walang katumbas na halaga;
Na tila isang koro ng mga nakasuot ng batang nag-aalab ang umaawit dito;
Walang sigaw, pagmamadali, kundi katahimikan . . . sapagkat malapit ang Diyos.5
At itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith: "Pagkaraan nating gawin ang lahat ng ating magagawa para sa adhikain ng katotohanan, at mapaglabanan ang kasamaang dulot sa atin ng mga tao, at madaig ng kanilang mga maling gawain, tungkulin pa rin nating manindigan. Hindi tayo maaaring sumuko; hindi tayo dapat humiga. Ang mga dakilang adhikain ay hindi napagtatagumpayan sa isang salinlahi."6
Mga kabataang lalaki at kabataang babae, maging mga halimbawa at manguna sa inyong henerasyon. Lubos ang aming tiwala sa inyo.
Nagpapasalamat ako sa Diyos sa isang ugnayang nananatili, sa isang ilaw na hindi mawawalan ng liwanag. Alalahanin kung gaano kayo pinagpala sa pagkakaroon ng panalangin sa inyong mga tahanan. At laging sikaping magbigay ng kislap sa mga mata ng inyong mga ina. Iyan na lamang ang magagawa natin sa kanila.
Mahal namin kayo, mga itinatangi naming kabataan, at kami'y nananalangin sa Diyos na basbasan ang bawat isa sa inyo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. "Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo," Ensign, Nob. 1995, 102.
2. Rudyard Kipling's Verse, (1935), 559.
3. Pakikipag-usap kay Brit McConkie.
4. "A Friend of Mine: Notes on the Gift of Teaching," Vital Speeches, ika-15 ng Hulyo 1988, 615.
5. Tula ni Orson F. Whitney; sinipi sa "The Things of Eternity--Stand We in Jeopardy?" Ensign, Ene. 1977, 7.
6. Teachings of Presidents of the Churh: Joseph F. Smith (1998), 107.