Pangulong Thomas S. Monson
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan
Kapag tayo ay [nagtiwala sa Panginoon], matatanto natin na tayo ay nagtatrabaho sa Kanyang banal na gawain, nang ang Kanyang mga dakilang layunin ay maisakatuparan, at na tayo ay nakibahagi sa katuparang iyon.
Noong matagal nang panahon, sa isang malayong lugar, ang ating Panginoon at Tagapagligtas, si Jesucristo, ay itinuro sa mga tao at sa Kanyang disipulo "ang daan, ang katotohanan, at ang buhay."
1 Nagbigay siya ng payo sa Kanyang mga banal na salita. Nagpamuhay Siya ng halimbawa para sa atin sa Kanyang kapuri-puring buhay. Paminsan-minsan tinatanong ng Panginoon ito: "Ano ngang anyo ng mga pagkatao ang nararapat sa inyo?"
2
Sa Kanyang ministeryo sa lupalop ng Amerika, nagdagdag Siya ng mahahalagang salita nang sagutin Niya ang gayon ding tanong: "Anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko."3
Sa Kanyang ministeryo sa lupa, ipinaliwanag ng Guro kung paano tayo dapat mamuhay, kung paano tayo dapat magturo, kung paano tayo dapat maglingkod, at ano ang dapat nating gawin nang sa gayon tayo ay maging pinakamabuting sarili natin.
Ang isang gayong aral ay nanggagaling sa aklat ni Juan sa Banal na Biblia: "Nasumpungan ni Felipe si Natanael, at sinabi sa kaniya, Nasumpungan namin yaong isinulat ni Moises sa kautusan, at gayon din ng mga propeta, si Jesus na taga Nazaret, ang anak ni Jose.
"At sinabi, sa kaniya ni Natanael, Mangyayari bagang lumitaw ang anomang magaling na bagay sa Nazaret? Sinabi sa kaniya ni Felipe, Pumarito ka at tingnan mo.
"Nakita ni Jesus si Natanael na lumalapit sa kaniya, at sinabi ang tungkol sa kaniya, Narito ang isang tunay na Israelita, na sa kaniya'y walang daya!"4
Sa ating paglalakbay sa mortalidad, ang payo ni Apostol Pablo ay nagbibigay ng paggabay mula sa langit: "Anomang bagay na katotohanan, anomang bagay na kagalang-galang, anomang bagay na matuwid, anomang bagay na malinis, anomang bagay na kaibigibig, anomang bagay na mabuting ulat; kung may anomang kagalingan, at kung may anomang kapurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito." Pagkaraan ay sumunod ang pangwakas na utos: "Ang mga bagay na inyong natutuhan at tinanggap at narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo: at ang Dios ng kapayapaan ay sasa inyo."5
Sa pagsasaliksik sa pinakamabuti nating sarili, ilang tanong ang gagabay sa ating pag-iisip: Ako ba ay ang nais kong maging? Ako ba ay mas malapit sa Tagapagligtas ngayon kaysa kahapon? Magiging mas malapit ba ako bukas? Mayroon ba akong tapang na magbago para sa mas makabubuti?
Panahon na upang piliin ang landas na mas madalas na nakakalimutan, ang landas na matatawag nating "Ang Pamamaraan ng Mag-anak," nang sa gayon ang ating mga anak at apo ay tunay na umunlad sa kanilang buong potensiyal. Mayroong pambansang--maging pandaigdigang--kalakaran. Dala nito ang di-binabanggit na mensahe, "Bumalik kayo sa inyong pinagmulan, sa inyong mag-anak, sa mga aral na natutuhan, sa mabuting pamumuhay, sa mga halimbawang ipinamalas, maging sa mga pinahahalagahan ng mag-anak." Kadalasan ito ay pangkaraniwang pag-uwi lamang--pagbabalak sa mga sulok ng bahay na matagal nang hindi nahalungkat, sa mga talaarawang bibihira lamang mabasa, sa mga larawang halos nakalimutan na.
Si James Barrie na isang makatang taga-Scotland ay nagsulat: "Binigyan tayo ng Diyos ng mga alaala, upang sa huling mga taon ng ating buhay, ay maalaala natin ang magagandang bagay ng ating kabataan."6 Anu-ano ang alaalang mayroon tayo tungkol sa ating Ina? Ama? Lolo at Lola? Mag-anak? Mga kaibigan?
Anu-anong aral ang natutuhan natin sa ating mga ama? Maraming taon na ang nakararaan, isang ama ang nagtanong kay Elder Elray L. Cristiansen ng pangalang maimumungkahi niya para sa kanyang bagong biling bangka. Iminungkahi ni Kapatid na Cristiansen, "Bakit hindi mo tawagin itong Ang Tagalabag ng Sabbath?" Naniniwala ako na ang magiging manlalayag na ito ay pag-iisipang mabuti kung ang kanyang ipinagmamalaking bangka ay magiging Tagalabag ng Sabbath o Tagasunod ng Sabbath. Anuman ang kanyang pasiya, walang alinlangang mag-iiwan ito ng matagal na impresyon sa kanyang mga anak.
Subalit isa pang ama ang nagturo sa kanyang anak ng hindi malilimutang aral tungkol sa pagsunod at, sa pamamagitan ng halimbawa, ng paggalang sa araw ng Sabbath. Natutuhan ko ito sa serbisyo ng burol ng isang dakilang Pangkalahatang Awtoridad, si H. Verlan Andersen. Isang parangal ang ibinigay sa kanya ng isa sa kanyang mga anak na lalaki. Naaangkop ito nasaan man tayo at anuman ang ating ginagawa. Ito ay ang halimbawa ng pansariling karanasan.
Isinalaysay ng anak ni Elder Andersen na mga ilang taon na ang nakalipas ay nagkaroon siya ng espesyal na pakikipagtipanan isang gabi ng Sabado. Hiniram niya sa kanyang ama ang kotse ng mag-anak. Nang makuha na niya ang susi at papunta na siya sa pinto, sinabi ng kanyang ama: "Kakailanganin pa ng kotse ng gasolina para bukas. Siguruhin mong pakargahan nang puno ang tangke bago ka umuwi."
Napakasayang okasyon ng gabing yaon ayon sa anak ni Elder Andersen. Nagkita-kita ang magkakaibigan, inihain na ang pagkain, at ang lahat ay nagsaya. Ngunit dahil sa sobrang saya niya, nakalimutan niyang sundin ang bilin ng kanyang ama na padagdagan ng gasolina ang tangke ng kotse bago siya umuwi.
Dumating ang umaga ng Linggo. Nakita ni Elder Andersen na walang laman ang tangke. Nakita ng anak ang ama na lumakad pabalik sa bahay at ipinatong ang susi ng kotse sa mesa. Sa tahanan ng mga Andersen, ang araw ng Sabbath ay araw ng pagsamba at pasasalamat, at hindi pamimili.
At sa pagpapatuloy ng mensahe sa burol, isinalaysay ng anak ni Elder Andersen, "Nakita ko ang aking ama na nagsuot ng kanyang amerikana, nagpaalam siya sa amin, at naglakad nang malayo patungong kapilya upang makadalo siya sa maagang pulong." Tumawag ang tungkulin. Ang katotohanan ay hindi naging alipin ng sariling kapakinabangan.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, sinabi niya: "Wala nang iba pang anak ang naturuan nang higit na mabisa ng kanyang ama kaysa sa akin. Hindi lamang nalalaman ng aking ama ang katotohanan--ipinamuhay niya ito."
Sa tahanan natin hinuhubog ang ating pag-uugali, ang mga marubdob nating paniniwala. Sa tahanan natin hinihikayat o sinisira ang pag-asa.
Ang ating mga tahanan ay dapat na hindi lamang kanlungan; ito ay dapat maging mga lugar kung saan makapananahan ang Espiritu ng Panginoon, kung saan ang mga suliranin ng mundo ay hindi pinapapasok, kung saan ang pagmamahal ay naghahari at ang kapayapaan ay nananahan.
Kailan lamang ay sumulat sa akin ang isang batang ina: "Minsan ay iniisip ko kung may nagagawa ba akong kaibahan sa buhay ng aking mga anak. Lalo na bilang nag-iisang ina na may dalawang trabaho para makaraos. Minsan umuuwi akong naguguluhan, pero hindi ako kailanman sumusuko.
"Ang aking mga anak at ako ay nanonood ng pagsasahimpapawid sa telebisyon ng pangkalahatang komperensiya, at nagsasalita kayo tungkol sa pagdarasal. Nagsalita ang aking anak, 'Inay, itinuro na po ninyo sa amin iyan.' Ang sabi ko, 'Ano ang ibig mong sabihin?' At sumagot siya: "Di po ba, tinuruan ninyo kaming magdasal at ipinakita sa amin kung paano, pero noong isang gabi pumunta ako sa kuwarto ninyo at nakita ko kayong nakaluhod na nagdarasal sa Ama sa Langit. Kung mahalaga po Siya sa inyo, magiging mahalaga rin po Siya sa akin." Nagtapos ang sulat sa mga salitang ito, "Palagay ko ay hindi mo malalaman kung paano ka nakaimpluwensiya sa anak mo, hangga't hindi nakikita ng anak mo na ginagawa mo mismo ang sinisikap mong ituro na gawin niya." Isang kahanga-hangang aral na natutuhan ng anak mula sa kanyang ina.
Bilang bata, nakatuklas ako ng isang kagulat-gulat na bagay sa Panlinggong Paaralan noong Araw ng mga Ina na nananatili sa aking alaala sa maraming taon na. Si Melvin, na isang bulag sa purok, isang magaling na mang-aawit, ay tumayo at humarap sa kongregasyon na para bang nakikita niya ang bawat isa. Pagkatapos ay inawit niya ang "That Wonderful Mother of Mine." Ang magagandang alaala ng mga ina ay nanuot sa puso ng tao. Ang mga kalalakihan ay kumuha ng kanilang panyo; at ang mga mata ng kababaihan ay napuno ng luha.
Kaming mga diyakono ay naglibot sa buong kongregasyon na may dala-dalang maliit na bulaklak na nasa paso upang ibigay sa mga ina. Ang ilan sa mga ina ay bata pa, ang iba naman ay nasa katanghaliang-gulang, at ang iba ay halos hindi na makakilos sa katandaan. Napansin ko na ang mga mata ng bawat isa ay nagpapakita ng kabaitan. Ang mga salita ng bawat ina ay "Salamat sa iyo." Nadama ko ang diwa ng pahayag na ito "Kapag ang isang tao ay nagbigay ng bulaklak sa ibang tao, ang halimuyak ng bulaklak ay nagtatagal sa mga kamay ng nagbigay." Hindi ko nalimutan ang aral na natutuhan ko, ni hindi ko ito kalilimutan kailanman.
Ang ilang ina, ilang ama, ilang anak, ilang mag-anak ay tinatawagang magdala ng mabigat na pasanin dito sa mortalidad. Ang gayong mag-anak ay ang mag-anak na Borgstrom sa hilagang Utah. Ang panahon ay Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Nagngangalit ang matitinding digmaan sa iba't ibang panig ng daigdig.
Kalunus-lunos na ang apat na anak na lalaki ng mga Borgstrom na naglilingkod sa hukbong sandatahan ay nangamatay. Sa loob ng anim na buwan, lahat ng apat na anak ay nag-alay ng buhay--bawat isa sa iba't ibang parte ng daigdig.
Pagkatapos ng digmaan, ang lahat ng bangkay ng apat na magkakapatid na Borgstrom ay iniuwi sa Tremonton, at isang naaangkop na serbisyo ang ginanap, na pumuno sa Tabernakulo ng Garland, Utah. Dumalo si Heneral Mark Clark sa serbisyo. Pagkaraan ay binigkas niya nang madamdamin ang mga salitang ito: "Pumunta ako sa Garland noong umaga ng ika-26 ng Hunyo. Nakipagkita sa mag-anak, kabilang doon ang ina, ama, at dalawa pang natitirang anak na lalaki, . . . ang isa ay binatilyo pa lang. Hindi pa ako nakakita nang ganoong katiisin na mag-anak.
"Habang inihehelera sa harapan namin ang apat na kabaong na tinabunan ng bandila, at ako'y nakaupo sa tabi ng magigiting na mga magulang na ito, lubos akong humanga sa kanilang pang-unawa, sa kanilang pananampalataya, at sa kanilang pagmamalaki sa kahanga-hangang mga anak na ito na gumawa ng sukdulang pagpapakasakit para sa mga prinsipyong itinanim sa kanila ng mga dakilang magulang simula pa noong pagkabata.
"Sa oras ng kainan, bumaling si Gng. Borgstrom sa akin at sa mahinang tinig ay sinabi, 'Isasama ninyo rin ba ang aking bunso?' Sumagot ako nang pabulong na hangga't ako ang nananatiling may kapangyarihan sa hukbo sa Kanlurang Baybayin, kung matawag man ang anak niya ay gagawin ko ang lahat ng makakaya ko na madestino siya dito sa Estados Unidos.
"Sa gitna ng mahinang pakikipag-usap na ito sa ina, biglang humilig palapit ang ama at sinabi kay Gng. Borgstrom: 'Inay, naulinigan ko ang pag-uusap ninyo ni heneral tungkol sa ating bunso. Nalalaman natin na kung at kapag kailangan siya ng kanyang bansa, sasama siya.'
"Halos hindi ko mapigil ang damdamin ko. Narito ang mga magulang na may apat na anak na namatay mula sa mga sugat na natamo sa digmaan at ngayon ay handa pa ring gawin ang huling pagpapakasakit kung kailanganin ng kanilang bansa."
Ang ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo ang nakaantig sa tahanan at puso ng lagi nang magugunitang araw na iyon.
Dumating at lumipas ang mga taon, ngunit ang pangangailangan para sa patotoo ng ebanghelyo ay patuloy na siyang pinakamahalaga. Habang tayo'y kumikilos pasulong sa hinaharap, hindi natin dapat kalimutan ang mga aral ng nakaraan. Ibinigay ng ating Ama sa Langit ang Kanyang Anak. Ibinigay ng Anak ng Diyos ang Kanyang buhay. Hinihingi Nila na ibigay natin ang ating buhay, tulad Nila, sa Kanilang dakilang gawain. Gagawin mo ba? Gagawin ko ba? Gagawin ba natin? May mga aral na ituturo, may mga gawain na isasagawa, may mga kaluluwang ililigtas.
Alalahanin natin ang payo ni Haring Benjamin: "Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos."7 Kumilos tayo upang sagipin ang mga nangangailangan ng inyong tulong. Iangat sila sa mas mataas na daan at mabuting landas. Tulad ng inaawit natin sa Primarya, "Akayin at patnubayan sa tamang daan. Turuan ng dapat gawin nang s'ya'y makapiling."8
Ang tunay na pananampalataya ay hindi lamang limitado sa mga bata, kundi naaangkop para sa lahat. Natutuhan natin sa Mga Kawikaan: "Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo. At huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.
"Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kanyang ituturo ang iyong mga landas."9 Kapag ginawa natin ito, matatanto natin na ginagawa natin ang Kanyang banal na gawain, nang ang Kanyang mga dakilang layunin ay maisakatuparan, at na tayo ay nakibahagi sa katuparang iyan.
Maaari bang ilarawan ko ang katotohanang iyan sa isang pansariling karanasan. Maraming taon na ang nakalipas, habang ako'y naglilingkod bilang obispo, nagkaroon ako ng impresyong tawagin si Augusta Schneider, isang biyuda mula sa purok ng Alsace-Lorraine sa Europa na hindi gaanong marunong magsalita ng Ingles, bagaman bihasa naman siya sa wikang Pranses at Aleman. Apat na taon matapos ang impresyong iyon ay dinadalaw-dalaw ko siya tuwing Pasko. Sa isang pagkakataon, sinabi ni Augusta, "Obispo, mayroon akong isang bagay na mahalaga sa akin na nais kong ibigay sa inyo." Pagkatapos ay pumunta siya sa isang natatanging lugar sa kanyang pangkaraniwang apartment at kinuha ang regalo. Isa itong magandang piraso ng piyeltro, mga anim na pulgada ang kitid at walong pulgada ang haba na kung saan isinabit niya ang mga medalya ng kanyang asawa na ibinigay sa kanya para sa paglilingkod bilang miyembro ng mga hukbo ng Pranses sa Unang Digmaang Pandaigdig. Sinabi niya, "Nais kong kunin mo ang pansariling yaman na ito na pinakatatangi ko." Magalang akong tumanggi at iminungkahi ko na marahil ay may mga kamag-anak siya na dapat pagbigyan ng regalo. "Hindi," matatag niyang sagot, "sa iyo ang regalo, dahil nasa iyo ang kaluluwa ng isang Pranses."
Hindi nagtagal matapos na maibigay niya sa akin ang natatanging regalong ito, pumanaw na si Augusta at bumalik sa Diyos na sa kanya ay nagbigay-buhay. Paminsan-minsan pinagtatakhan ko pa rin ang tinuran niya na ako ay may "kaluluwa ng isang Pranses." Wala ako ni kaunting ideya ng ibig sabihin noon. Hanggang sa ngayon ay wala pa rin.
Pagkalipas ng maraming taon, nagkaroon ako ng pribilehiyong samahan si Pangulong Ezra Taft Benson para sa paglalaan ng Templo sa Frankfurt Germany, ang templong maglilingkod para sa mga miyembrong marunong magsalita ng Alemang Pranses at Dutch. Habang nag-eempake ako para sa biyahe, naisipan kong dalhin ang regalong medalya, nang walang binabalak na gawin hinggil dito. Maraming taon nang nasa akin ang mga ito.
Sa sesyon ng paglalaan para sa mga marunong magsalita ng Pranses ay punung-puno ang templo. Ang mga awit at mensaheng ipinahatid ay kalugud-lugod. Ang pasasalamat sa mga biyaya ng Diyos ay nanuot sa bawat puso. Nakita ko mula sa aking tala para sa pangangasiwa na ang sesyon ay kinabibilangan ng mga miyembro mula sa purok ng Alsace-Lorraine.
Sa aking pagsasalita, napansin ko na ang organista ay may apelyidong Schneider. Kung kaya ikinuwento ko ang aking pakikipag-ugnayan kay Augusta Schneider, pagkatapos ay lumapit ako sa organo at ibinigay sa organista ang mga medalya, kaakibat ang tagubilin na dahil ang apelyido niya ay Schneider, nasa kanya ang responsibilidad na itaguyod ang angkan ng Schneider sa kanyang mga gawaing pangtalaangkanan. Pinagtibay ng Espiritu ng Panginoon sa aming mga puso na ito ay natatanging sesyon. Naging mahirap kay Kapatid na Schneider ang paghahanda sa pagtugtog ng pangwakas na bilang ng serbisyo ng paglalaan, labis siyang naantig ng Espiritu na nadama namin na naroon sa templo.
Alam ko na ang pinakanatatanging regalo--maging ang lepta ng isang bao, sapagkat iyon na lamang ang pag-aari ni Augusta Schneider--ay nailagay sa kamay ng isang tao na titiyakin na marami sa mga kaluluwa ng Pranses ang makatatanggap na ngayon ng biyayang inilalaan ng templo, kapwa para sa nabubuhay at para sa mga namatay.
Nagpapatotoo ako na sa Diyos ang lahat ng bagay ay mangyayari. Siya ang ating Ama sa Langit; ang Kanyang Anak ay ang ating Manunubos. Habang sinisikap nating matutuhan ang Kanyang mga katotohanan at pagkatapos ay ipamuhay ito, ang ating buhay at ang buhay ng iba ay mabibiyayaan nang lubos.
Ipinahahayag ko nang buong katiyakan na si Gordon B. Hinckley ay totoong propeta para sa ating panahon at ginagabayan sa dakilang gawaing ito na sumusulong sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Nawa'y lagi nating tandaan na ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ay nagdudulot ng mga ipinangakong biyaya.
Nawa'y bawat isa sa atin ay maging karapat-dapat na matanggap ito, idinadalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Juan 14:6.
2. 2 Pedro 3:11.
3. 3 Nephi 27:27.
4. Juan 1:4547.
5. Mga Taga Filipos 4:89.
6. Pagpapakahulugan sa ibang salita ni James Barrie, sa Peter's Quotations: Ideas for Our Time, tinipon ni Laurence J. Peter (1977), 335.
7. Mosias 2:17.
8. Naomi W. Randall, "Ako ay Anak ng Diyos," Mga Himno.
9. Mga Kawikaan 3:56.