President Gordon B. Hinckley
Walang ibang simbahang sumulpot sa lupaing Amerika na lumago nang ganito ni lumaganap nang husto. . . . Wala pang nangyaring ganito noon.
Minamahal kong mga kapatid, natutuwa akong makasama kayong muli sa isang malaking pandaigdigang kumperensya ng Simbahan.
Sandaan at pitumpu't dalawang taon na ngayon ang nakararaan, nagpulong sina Joseph Smith at mga kasamahan niya sa tagong bahay na yari sa kahoy sa bukirin ni Peter Whitmer sa tahimik na bayan ng Fayette, New York, at itinatag ang Simbahan ni Cristo.
Mula sa maliit na simulaing iyon isang tunay na kamangha-manghang bagay ang nangyari. Naging dakila ang kasaysayan ng gawaing ito. Nagtiis ang ating mga miyembro ng lahat ng uri ng hirap. Di mailarawan ang kanilang mga sakripisyo. Di kapani-paniwala ang kanilang mga pagsisikap. Ngunit mula sa lahat ng matindi at mahirap na mga sakripisyong ito ay naganap ang isang maluwalhating bagay. Ngayo'y nasa kasukdulan tayo ng panahon at natatanaw ang mga bunga nito.
Mula sa orihinal na anim na miyembro ay umusbong ang isang malaking pamilya ng mga sumasampalataya, mahigit 11 milyong matatatag na miyembro. Mula sa tahimik na bayang iyon ay umusbong ang isang simbahan na nakakalat na ngayon sa 160 bansa sa daigdig. Naging panlimang pinakamalaking simbahan ito sa Estados Unidos. Isa iyang pambihirang pag-unlad. Mas maraming miyembro ang naninirahan sa labas kaysa sa loob ng Estados Unidos. Isa pang kamangha-manghang bagay iyan. Walang ibang simbahang sumulpot sa lupaing Amerika na lumago nang ganito ni lumaganap nang husto. Sa malawak na sakop nito ay mga miyembrong mula sa maraming bansa na nagsasalita ng maraming wika. Wala pang nangyaring ganito noon. Mula sa paghahawi ng tabing ng nakaraan ay natanaw ang isang magandang huwaran. Nababanaag ito sa mga buhay ng maligaya at kalugud-lugod na mga tao. Nagbabadya ito ng mga darating pang kagila-gilalas na mga bagay.
Nang unang dumating sa lambak na ito ang ating mga miyembro 155 taon na ang nakalilipas, nakinita nila ang napakagandang hinaharap. Ngunit kung minsa'y naiisip ko kung talagang nadama nila ang lawak ng pangarap na iyon na tulad ng pagbukadkad nito.
Ang punong-himpilan ng Simbahan ay nasa lungsod na ito na kailan lang ay naging punong-abala sa ika-19 na Winter Olympics. Sinadya nating huwag gamitin ang oras o lugar na ito para magturo ng ebanghelyo, ngunit malaki ang tiwala nating magbubunga ng maganda ang malaking kaganapang ito para sa Simbahan. Ang malalaki nating gusaling naritoang Templo, ang Tabernacle, ang kahanga-hangang Conference Center na ito, ang Joseph Smith Memorial Building, ang mga pasilidad ng Family History, ang Church Administration Building, ang Church Office Building, ang mga pasilidad sa welfare, ang Church Administration Building, kasama na ang daan-daang kapilya sa lambak na itoay di makakaligtaan ng mga nagagawi rito at sa mga kalapit na lungsod. Tulad ng sinabi sa akin ni Mike Wallace noong minsan, "Makikita ang tibay sa mga gusaling ito."
Bukod pa riyan, buo ang tiwala natin sa ating mga miyembro, libu-libo sa kanila ang magboboluntaryo sa napakalaking gawaing ito. Maasahan sila, magigiliw, matatalino, at matulungin. Ang kakaiba at kahanga-hangang kakayahan ng ating mga miyembro sa pagsasalita ng mga wika ng daigdig ay magiging napakalaking pakinabang saanman.
Naging matagumpay ang lahat. Nagdagsaan ang daan-daang libong panauhin. Ilan sa kanila ang dumating na may duda at pag-aalinlangan, na nasa isip ang mga luma at maling pag-aakala. Dumating silang nadarama na baka ilagay sila sa alanganin ng mga relihiyosong panatikong ito. Ngunit di nila kailanman inasahan ang kanilang nadatnan. Natuklasan nila hindi lang ang kahanga-hangang mga tanawin dito, kasama ang kamangha-manghang mga bundok at lambak, hindi lang ang kalugud-lugod na diwa ng napakainam na mga pandaigdigang palaro, kundi nakatagpo sila ng ganda sa lungsod na ito. Nadatnan nila ang magigiliw at matulunging mga tagataguyod na masiglang umalalay sa kanila. Hindi ko nais sabihin na mga miyembro lang natin ang may gayong pag-uugali. Buong komunidad ay sama-sama sa malugod na pagtanggap sa mga panauhin. Ngunit napakaganda ng ibinunga nito para sa Simbahan. Ang mga kinatawan ng media, na karaniwa'y matatapang at manhid maliban sa ilan, ay nagsalita at sumulat ng kapuri-puri at akmang-akmang paglalarawan tungkol sa kakaibang kulturang nadatnan nila rito, mga taong nakilala nila at nakasalamuha, at diwa ng malugod na pagtanggap na nadama nila.
Inihatid ng telebisyon ang larawan ng bilyun-bilyong tao sa buong daigdig. Sunud-sunod na kuwento sa mga pahayagan at magasin ang isinulat tungkol dito.
Libu-libong mga tao ang namasyal sa Temple Square, humanga sa maringal na bahay ng Panginoon, naupo sa Tabernacle at nakinig sa walang katulad na musika ng koro. Higit pa rito ang pumuno sa malaking Conference Center upang panoorin ang napakagandang produksyon na patungkol sa Simbahan at sa pandaigdigang misyon nito. Libu-libong iba pa ang bumisita sa Family History Center. Pinakain ang media sa Joseph Smith Memorial Building. Ininterbyu tayo sa telebisyon, radyo, at pahayagan ng mga tagapagbalita mula sa maraming bahagi ng bansang ito at sa lahat ng dako ng mundo. May nagsabi sa akin na sa pahayagan pa lang ng Germany ay halos 4,000 kuwento tungkol sa Simbahan ang inilathala.
Isinulat ni Georgie Anne Geyer, kilalang manunulat sa maraming pahayagan, ang sumusunod: "Paanong nagawa ng isang estadong binubuo halos ng mga Mormon ang malaking responsibilidad na mangasiwa ng pandaigdigang pagtitipun-tipon ng mga kilalang tao? Matutuwa bang magtungo ang mga tao sa isang lugar na ang nangungunang relihiyon ay nag-uutos sa mga miyembro nito na iwasan ang alak, sigarilyo at kahit kape, tatlong kailangang-kailangan sa mga pandaigdigang kumperensya?"
Pagkatapos ay binanggit niya ang sinabi ni Raymond T. Grant, ang direktor sa sining ng Olympic Arts Festival. Nagsalita ito tungkol sa pambungad na seremonya at nagsabi: "'Alam ninyo, 98 porsiyento ng kabuuang tauhan ay mga boluntaryo, at napakarami niyan. Sa katunayan, karamiha'y hindi bayaran. Pambihirang kuwento ito, at tuwiran ko itong iuugnay sa kultura ng mga Mormon. Bilang isang batang Katoliko mula sa New York, natutuwa akong malaman na si Brigham Young, na nagtatag ng paninirahanan ng mga Mormon sa Utah, ay inuna munang itinayo ang sinehan bago ang iba.'
"Nagpatuloy siya sa pagbubuod: Ang estado ay may anim na grupo ng mga mananayaw; mas maraming nabibiling piyano at alpa sa Utah kaysa saanman sa Estados Unidos; ang Mormon Tabernacle Choir ay may [360] mga miyembro; at ang pinakalumang negosyong Steinway sa Utah ay . . . nagsimula noon pang 1862. Sa Utah, ang ginagastos sa bawat ulo ng mga estudyante ay isa sa pinakamababapero ipinagmamalaki nilang matataas ang nakukuha nila sa eksamen. 'Nakakatuwang malaman ko ang tungkol sa kulturang ito.'"
Tinapos ni Bb. Geyer ang kanyang kuwento nang ganito: "Ito ay pinagsama lang na seryoso at matwid na relihiyon, ng mga pamilyang nagtataguyod at nagpipilit makapaglaan ng pinakamataas na antas ng kultura kaalinsabay ng pinakamaunlad na makabagong teknolohiya, at ng karaniwang matalinong pag-oorganisa at pamamahala. Sa madaling salita, ito ay makabagong pagsasama-sama ng lumang Amerika" ("Salt Lake City and State of Utah Reveal Themselves to the World,"Salt Lake Tribune, 15 Peb. 2002, A15).
Kung may oras pa sana, marami pa akong babanggiting sipi mula sa mga beteranong mamamahayag sa daigdig, na sumulat sa kapuri-puring paraan.
Mayroon bang negatibo? Siyempre. Pero kakaunti lang ito. May pribado kaming mga interbyu sa mga pangulo ng bansa, mga embahador, mga nangunguna sa negosyo at iba pang larangan.
Noong 1849, dalawang taon matapos dumating dito ang ating mga miyembro at kasunod ng pagkatuklas ng ginto sa California, maraming nasiraan ng loob. Nagpunyagi silang humanap ng ikabubuhay mula sa tigang na lupa. Nilamon ng mga kuliglig ang kanilang mga tanim. Matindi ang mga taglamig. Marami ang nag-isip magtungo ng California at magpayaman. Hinikayat sila ni President Young na manatili, at nangakong "Papayapain ng Diyos ang panahon, at magtatayo ng lungsod at templo para sa Kataas-taasang Diyos sa lugar na ito. Palalawakin natin ang ating paninirahan sa silangan at kanluran, sa hilaga at timog, at magtatayo ng daan-daang mga kabayanan at lungsod, at magtitipun-tipon ang libu-libong Banal mula sa mga bansa ng mundo. Magiging dakilang daanan ito ng mga bansa. Bibisitahin tayo ng mga hari at emperador at mga maharlika at matatalino sa daigdig" (sa Preston Nibley,Brigham Young: The Man and His Work[1936], 128).
Nasaksihan natin ang katuparan ng propesiyang iyan kamakailan lang. Hindi ko na kailangang sabihin na masaya ako sa nangyari. Natikman ng mga panauhing ito ang naiibang kultura ng komunidad na ito. Naniniwala tayo na sulit ang ingatan ang kulturang ito. Pinupuri at pinasasalamatan ko ang ating mga miyembrong lumahok nang maramihan at bukas-palad, at pinupuri at pinasasalamatan ko ang lahat ng iba pang nagtulungan upang gawing napakaganda at napakahalaga ang kaganapang ito.
Ngayo'y gusto kong magsalitang sumandali tungkol sa isa o dalawang bagay.
Ang pagbanggit kay Brigham Young ay nagpaalala sa akin sa Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon na itinatag natin. Isang taon pa lang ang nagdaan nang una akong magsalita tungkol dito sa ating pangkalahatang kumperensya. Ang mga ambag ng bukas-palad na mga Banal sa mga Huling Araw ay nagdatingan upang tiyakin sa atin na matibay na ang pundasyon ng gawaing ito. Kakailanganin pa natin ng karagdagan, ngunit nakikita nang maganda ang ibubunga ng pagsisikap na ito. Ang mga kabataang nagdarahop sa mundo, mga kabataang karamiha'y nangagsiuwi nang mga misyonero, ay makapag-aaral na upang makaangat sila sa kahirapang nakamulatan ng maraming henerasyon. Mag-aasawa sila at susulong na may mga kasanayan para kumita nang malaki at magkaroon ng lugar sa lipunan kung saan malaki ang kanilang maiaambag. Uunlad din sila sa Simbahan, gaganap ng mga tungkulin at magpapalaki ng pamilya na magpapatuloy sa panampalataya.
May oras pa ako para bumasa ng isang patotoo. Mula ito sa isang kabataang lalaki na nabiyayaan ng programang ito.
Ang sabi niya: "Nakatutuwa na hindi ko na kailangang mangarap lang tungkol sa pag-aaral ko o kinabukasan. Gumawa ng paraan ang Diyos, at ginagampanan ko ito!
"Sa kasalukuya'y dumadalo ako sa malaking technical institute sa aming bansa, kung saan nag-aaral ako para maging computer technician. . . . Sa pag-aaral, natutuklasan ko ang aking mga kakayahan. Nakakatulong sa aking tagumpay ang disiplinang natutuhan ko sa misyon. . . . Kailanma'y di pa nadama ng sinumang kabataang lalaki na labis siyang pinagpala. Pinalakas ng PPP ang pananampalataya ko sa Panginoong Jesucristo. Ngayon, higit kailanman, dama ko ang responsibilidad na inaatang sa akin ng ebanghelyo para ihanda ang aking sarili sa pagiging mas mabuting miyembro, lider, at ama. . . .
"Ang mahal kong ina, na napakaraming sakripisyo, ay napapaiyak kapag nagdarasal siya sa gabi dahil sa pasasalamat sa Diyos. . . .
"Ngayon, nakikinita ko na pagpapalain ang aming bayan dahil sa akin. Nakikinita ko ang Simbahan na may mga lider na matatag sa pananalapi at masusuportahan ang gawain ng Panginoon nang buong sigla, isip, at lakas. Nakikita ko ang pag-unlad ng Simbahan. Nasasabik akong simulan ang sarili kong pamilya at ituro sa kanila na kaya naming itaguyod ang aming sarili. Kaya dapat kong tapusin ang pag-aral ko. Pagkatapos ay agad kong babayaran ang utang ko para matulungan ang aking kapwa. . . . Nagpapasalamat ako sa awa ng Panginoon. Tunay na pinalalakas tayo ng Kanyang pagmamahal."
Ganyan nga ang nangyayari, mga kapatid. Habang kumikilos ang dakilang gawaing ito sa buong mundo, mga 2,400 mga kabataan na ang pinagpapala natin. Pagpapalain din ang iba ba.
Nawa'y pagpalain kayo ng Panginoon, at gayundin ang bawat isa sa atin, habang nagagalak tayo sa oportunidad na maging bahagi ng dakilang adhikaing ito sa napakagandang panahong ito ng gawain ng Panginoon ang aking mapakumbabang dalangin sa ngalan ni Jesucristo, amen.