The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2002
Ang Ganap na Pagbabalik-loob ay Nagdudulot ng Kaligayahan

Ang Ganap na Pagbabalik-loob ay Nagdudulot ng Kaligayahan

Elder Richard G. Scott
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Ang kaligayahan ninyo sa ngayon at magpakailanman ay nakabatay sa antas ng inyong pagbabalik-loob at sa pagbabagong dulot nito sa inyong buhay.

Elder Richard G. Scott

Bawat isa sa atin ay nakapapansin kung paano nabubuhay ang ilang tao nang di pabago-bagong naisasagawa ang tamang mga bagay. Tila maligaya sila at masigasig sa buhay. Kung may mahihirap na pagpapasiyang dapat gawin, tila palagi nilang napipili ang tumpak na mga pasiya, bagamat may nakakaakit na mga alternatibo silang mapagpipilian. Batid nating napapasailaim din sila sa tukso, ngunit tila di nila ito pinapansin. Gayundin, napapansin natin ang iba na magiting sa mga pasiyang kanilang ginawa. Sa napakaespirituwal na kapaligiran, nagpapasiya silang higit na pagbubutihin ang mga ginagawa, babaguhin ang landas ng buhay, isasaisantabi ang nakasisirang mga kaugalian. Matapat sila sa pagpupunyagi nilang magbago, ngunit hindi nagtatagal ay bumabalik sila sa paggawa ng mga bagay na pinagpasiyahan nilang talikuran.

Ano ang dahilan ng pagkakaiba ng dalawang grupong ito? Paano kayo palaging makagagawa ng tamang mga pagpili? Ang banal na kasulatan ay nagbibigay sa atin ng ideya. Tingnan ang masigasig at mapusok na si Pedro. Tatlong taon siyang nagsilbi bilang Apostol sa piling ng Maestro, nasaksihan niya ang mga himala at nadinig ang nakapagpapabagong-buhay na mga turo at sarilinang pagpapaliwanag sa mga talinghaga. Kasama sina Santiago at Juan, naranasan ni Pedro ang maluwalhating Pagbabagong-anyo ni Jesucristo pati ang kaakibat na mga pagdalaw nina Moises at Elijah.1Gayunman, sa kabila ng lahat ng ito, nakita ng Tagapagligtas na si Pedro ay pabago-bago pa rin. Kilalang-kilala siya ng Maestro, gaya ng pagkakakilala Niya sa ating lahat. Sa Biblia, mababasa natin:

"Simon, Simon, narito, hiningi ka ni Satanas. . . . Datapuwa't ikaw ay ipinamanhink ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw kungmakapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid. At sinabi niya sa kaniya, Panginoon, nakatalaga akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan."2Sa pananaw ni Pedro, tiyak na makabuluhan ang mga salitang ito. Taos sa puso ang kanyang sinabi, ngunit kabaligtaran ang ikikilos niya.

Kinalaunan sa Bundok ng Olivo, nagpropesiya si Jesus sa Kanyang mga disipulo, "Kayong lahat ay mangatitisod: sapagka't nasusulat, Sasaktan ko ang pastor, at mangangalat ang mga tupa." Muling tumugon si Pedro, "Bagama't mangatitisod ang lahat, ako'y hindi." At mahinahong nagpropesiya ang Maestro, "Katotohanang sinasabi ko sa iyo, na ngayon, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok nang makalawa, ay ikakaila mo akong maikatlo." At matigas ang naging tugon ni Pedro, "Kahima't kailangang mamatay akong kasama mo, ay hindi kita ikakaila."3

Para sa akin, isa sa matitinding talata sa banal na kasulatan ang nagsasalaysay kung ano ang sumunod na pangyayari. Ito'y seryosong paalala sa atin na ang kaalamang gumawa ng tama, kahit ang matinding pagsisikap na gumawa ng tama, ay hindi sapat. Madalas ay napakahirap gawin ang alam nating nararapat gawin. Mababasa natin:

"At isang alilang babae, [ang] nakakakita [kay Pedro] . . . at sinabi, Ang taong ito ay kasama rin niya. Datapuwa't siya'y nagkaila, na nagsabi, Babae hindi ko siya nakikilala. . . . At nakita siya ng iba, at sinabi, Ikaw man ay isa sa kanila. Datapuwa't sinabi ni Pedro, Lalake, ako'y hindi. . . . Pinatotohanan ng iba pa, na nagsabi, Sa katotohanan ang taong ito'y kasama rin niya: . . . At sinabi ni Pedro, Lalake, hindi mo nalalaman ang sinasabi mo. At pagdaka, samantalang siya'y nagsasalita pa, ay tumilaok ang manok. At lumingon ang Panginoon at tinitigan si Pedro. At naalaala ni Pedro ang salita ng Panginoon, . . . at . . . lumabas, at nanangis nang kapaitpaitan."4

Bagama't napakasaklap para kay Pedro ang katuparan ng propesiya, ang buhay niya'y nag-umpisang magbago sa habampanahon. Siya'y di na matinag, gaya ng matatag na batong tagapaglingkod na kailangan sa plano ng Ama matapos ang Pagpapako sa Krus at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. Nakasaad din sa malungkot na talatang ito kung gaano kamahal ng Tagapagligtas si Pedro. Bagamat siya'y nasa gitna ng napa-kalakas na hamon sa sarili Niyang buhay, at nakaatang sa Kanyang mga balikat ang buong bigat ng kung ano ang magaganap, gayunman ay lumingon Siya kay Pedro at tinitigan ito —ang pagmamahal ng isang guro na ipinaabot sa pinakamamahal na estudyante, na nagbigay ng liwanag at lakas ng loob sa panahon ng pangangailangan. Matapos ito, si Pedro ay naging magiting sa kanyang tungkulin. Nagturo siya nang may kapangyarihan at di-matinag na patotoo sa kabila ng mga pagbabanta, pagkabilanggo, at pambubugbog. Siya'y tunay na napagbalik-loob.

Kung minsan, ang salitangnagbalik-loobay gamit upang ilarawan ang taong nagpasiyang magpabinyag. Subalit, kung angkop ang paggamit, higit pa rito ang ibig sabihin ngpagbabalik-loob, sa mga bagong binyag at sa matagal nang miyembro. Sa malinaw na paliwanag ng doktrina at pagiging tiyak, ipinaliwanag ni President Marion G. Romney ang pagpapabalik-loob:

"Ang pagbabalik-loob ay nangangahulugan ng pagbaling mula sa isang paniniwala o hakbangin tungo sa isa pa. Ito'y moral at espirituwal na pagbabago. Ang pagbalik-loob ay di lamang pagtanggap kay Jesus at sa kanyang mga turo, kundi mapanghikayat na pananampalataya rin sa kanya at sa kanyang ebanghelyo. Pananampalatayang lumilikha ng pagbabago, ng tunay na pagbabago sa pagkakaunawa ng isang tao sa kahulugan ng buhay at sa kanyang katapatan sa Diyos sa hangarin, sa pag-iisip, at sa kilos. Sa tunay na nagbalik-loob, ang paghahangad sa mga bagay na laban sa ebanghelyo ni Jesucristo ay ganap nang namatay. At kapalit nito'y ang pag-ibig sa Diyos, na may matibay at matatag na pagpapasiyang sumunod sa kanyang mga utos."

Upang makapagbalik-loob, dapat mong tandaang masigasig na ipamuhay ang mahahalagang salitang ito, "isang pag-ibig sa Diyos, na may matibay at matatag na pagpapasiyang tumupad sa kanyang mga kautusan." Ang kaligayahan ninyo sa ngayon at magpakailanman ay nakabatay sa antas ng inyong pagbabalik-loob at sa pagbabagong dulot nito sa inyong buhay. Paano kayo tunay na makapagbabalik-loob? Isinalaysay ni Pangulong Romney ang mga hakbang na dapat ninyong sundin:

"Ang pagiging miyembro sa Simbahan at pagbabalik-loob ay hindi palaging iisa ang kahulugan. Ang pagbalik-loob at ang pagkakaroon ng patotoo ay hindi rin magkapareho. Nagkakaroon ng patotoo kapag sumasaksi ang Banal na Espiritu sa taong masigasig na naghahanap ng katotohanan. Ang buhay na patotoo ang nagbibigay buhay sa pananampalataya. Ibig sabihin, hinihikayat nito ang pagsisisi at pagsunod sa mga kautusan. Ang pagbabalik-loob ang bunga o gantimpala para sa pagsisisi at pagsunod."5

Sa payak na paglalahad, ang tunay na pagbabalik-loob ay bunga ngpananampalataya,pagsisisi, atpalagiang pagsunod. Angpananampalatayaay dumarating sa pakikinig sa salita ng Diyos6at pagtugon dito. Makatatanggap kayo mula sa Banal na Espiritu ng pagpapatibay ng mga bagay na inyong tinanggap dahil sapananampalatayaat sa kahandaan ninyong gawin ang mga ito.7Aakayin kayo napagsisihanang mga pagkakamaling dulot ng mga maling bagay na ginawa ninyo o mga tamang bagay na hindi nagawa. Bilang bunga, ang kakayahan ninyongmakasunod palagiay mapapalakas. Ang paulit-ulit napananampalataya,pagsisisi, atpagsunod palagiang magdadala sa inyo sa higit na matibay na pagbabalik-loob kaakibat ang mga pagpapala. Ang tunay na pagbabalik-loob ay magpapalakas sa inyong kakayahang gawin ang batid ninyong dapat ninyong gawin, kung kailan ninyo ito dapat gawin, anuman ang inyong kalagayan.

Ang talinghaga ng manghahasik na itinuro ni Jesus, ay karaniwang naglalarawan kung paano tinatanggap ng iba't-ibang tao ang salita ng Panginoon habang ipinangangaral ito. Pag-isipan ng ilang saglit kung paano ang talinghagang ito umangkop sa inyo sa iba't-ibang yugto ng inyong buhay, habang nahaharap kayo sa mga hamon o napapasailalim sa malalakas na impluwensiya. Ang salita, o mga turo ng Tagapagligtas, ay maaaring dumating sa inyo sa ibaibang paraan: habang minamasdan ninyo ang iba, o kaya'y sa sarili ninyong panalangin o pag-aaral ng banal na kasulatan, o sa pamamagitan ng paggabay ng Banal na Espiritu. Habang inuulit ko ang paliwanag na ibinigay ni Jesus sa Kanyang mga disipulo tungkol sa talinghaga ng manghahasik, pag-isipan ang sarili ninyong buhay. Tingnan kung may mga panahong ang tamang mga turo ay dumating sa inyo kapag di kayo nararapat tumanggap ng mga ito, at dahil dito ang ipinangakong biyaya ng kaligayahan, kapayapaan, at kaunlaran ay nawawala.

"Ang manghahasik ay naghahasik ng salita. [Ang iba ay naihasik] sa tabi ng daan, . . . at nang kanilang mapakinggan, pagdaka'y pinaroonan ni Satanas, at inalis ang salita na inihasik sa kanila."

Maaari bang mangyari sa inyo ang ganito, sa maling kalagayan, sa maling mga pakikipagkaibigan?

"[Ang iba ay] nahasik sa batuhan, na, pagkarinig nila ng salita, pagdaka'y nagsitanggap na may galak; At hindi nangaguugat sa kanilang sarili, kundi sangdaling tumatagal; kaya't [sa] pagkakaroon . . . ng mga paguusig . . . pagdaka'y nangatisod sila."

Naranasan na ba ninyong may nag-alok sa inyo ng isang bagay na di angkop at wala kayong ginawa upang tanggihan ito?

"[Ang iba ay] nangahasik sa dawagan; ang mga ito'y yaong nangakinig ng salita, At ang mga pagsusumakit na ukol sa sanglibutan . . . at ang mga pita sa ibang mga bagay na nagsisipasok, ang nagsisiinis sa salita, at ito'y nagiging walang bunga."

May pagkakataon bang ginusto ninyong mabuti ang isang bagay kung kaya binigyang katuwiran ninyo ang di pagsunod sa inyong mga pamantayan?

"[Ang iba ay] nangahasik sa mabuting lupa; na nangakikinig ng salita, at tinanggap ito, at namumunga ng tigtatatlungpu, at tigaaanim na pu, at tigiisang daan."8

Alam kong ganito ang nais ninyong paraan ng pamumuhay. Kung gaano kabuo ang pagtanggap ninyo sa mga turo ng Tagapagligtas ay gayundin kadami ang bunga, o mga biyaya, na inyong aanihin sa inyong buhay. Inilalarawan ng talinghagang ito na ang antas ng inyong kahandaang sumunod sa mga bagay na alam ninyong dapat ninyong gawin, habang nilalabanan ang pangangatwirang gawin ang kabaligtaran, ang magiging batayan kung gaano kayo tunay na nagbalik-loob, at samakatuwid, kung gaano kayo pagpapalain ng Panginoon.

Ang tunay na pagbabalik-loob ay nagbubunga ng kaligayahang tumatagal na matatamasa kahit naliligalig ang sanlibutan at kahit nalulungkot ang karamihan. Hinggil sa grupo ng mga taong dumaranas ng paghihirap, itinuro ng Aklat ni Mormon: "Sila ay madalas na nag-ayuno at nanalangin, at tumibay nang tumibay sa kanilang pagpapakumbaba, at tumatag nang tumatag sa kanilang pananampalataya kay Cristo, hanggang sa mapuspos ang kanilang kaluluwa ng kagalakan at kasiyahan, oo, maging hanggang sa pagpapadalisay at sa pagpapakabanal ng kanilang mga puso, kung aling pagpapakabanal ay napasakanila dahil sa paghahandog ng kanilang mga puso sa Diyos."9

Ipinahayag ni President Hinckley na ang tunay na pagbabalik-loob ang lumilikha ng kaibahan.10

Upang matanggap ang mga pagpapalang ipinangako dahil sa tunay na pagbabalik-loob, gawin ang mga pagbabago na batid ninyong kinakailangan sa inyong buhay ngayon. Sinabi ng Panginoon: "Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob upang mapagaling ko kayo? . . . Kung lalapit kayo sa akin ay magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan."11

Nagpapatotoo ako na habang dumadalangin kayo ng patnubay, ang Banal na Espiritu ay tutulong upang malaman ninyo ang mga pansariling pagbabagong kailangan ninyong gawin upang magkaroon ng ganap na pagbabalik-loob. Pagpapalain kayo nang sagana ng Panginoon. Ang inyongpananampalatayasa Kanya ay mapapalakas, ang inyong kakayahangmagsisiay madaragdagan, at ang inyong kapangyarihan upangmakasunod palagiay mapatatatag. Buhay ang Tagapagligtas. Mahal Niya kayo. Habang ginagawa niyo ang lahat sa abot-kaya ninyo, tutulungan Niya kayo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Tingnan sa Mat. 17:3; I Mga Hari 17:1; D at T 110:13.
2. Lucas 22:31–32; idinagdag ang pagbibigay-diin.
3. Tingnan sa Marcos 14:27, 29–31.
4. Lucas 22:56–62.
5. Sa Conference Report, Guatemala Area Conference 1977, 8–9.
6. Tingnan sa Mga Taga Roma 10:17; Joseph F. Smith,Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 99.
7. Tingnan sa Eter 12:6.
8. Marcos 4:14–20.
9. Helaman 3:35.
10. Seminar ng mga kinatawan ng rehiyon, ika-6 ng Abril 1984, sinipi ni W. Mack Lawrence, "Conversion and Commitment,"Ensign, Mayo 1996, 75.
11. 3 Ne. 9:13–14.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy