Elder Henry B. Eyring
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Lahat tayo'y susubukin. At kailangan nating lahat ng mga tunay na kaibigang magmamahal, makikinig, magpapakita ng halimbawa, at sasaksi sa katotohanan.
Bawat taon, daan-daang libong anak ng ating Ama sa Langit ang sumasapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo sa mga Banal sa mga Huling Araw. Para sa karamihan, kailangan ng malaking pagbabago sa kanilang buhay. Lahat sila'y nakagawa ng sagradong tipan at nangakong mananatiling tapat. Napakahalaga ng tipang iyan kung kaya inilarawan ng ating Ama sa Langit ang pagpapala at hamon kay propetang Nephi:
"At narinig ko ang isang tinig mula sa Ama, nagsasabing: Oo, ang mga salita ng aking Sinisinta ay tunay at tapat. Siya ay nakapagtiis hanggang siya rin ay maliligtas.
"At ngayon, mga minamahal kong kapatid, nalalaman ko sa pamamagitan nito na maliban sa ang tao ay magtiis hanggang wakas sa pagsunod sa halimbawa ng Anak ng Diyos na buhay, siya ay hindi maaaring maligtas."1
Nagbabala ang Tagapagligtas na kung magsimula na tayong tumahak sa tamang landas at susunod sa kautusan at tapos ay manghihinawa at itatatwa siya, mas mabuti pang hindi na tayo nagsimula.2
Naiisip ko iyan sa tuwing nakakausap ko ang mga bagong miyembro ng Simbahan sa paglalakbay ko sa buong mundo. Nakikita ko ang pananalig sa kanilang mukha at madalas nilang sinasabi sa akin ang ilan sa mga pagsubok sa kanilang pananampalataya, at tapos ay kagyat na bubulong, "Ipagdasal n'yo ho ako." Sa gayong mga pagkakataon, nadarama ko ulit ang utos sa bawat isa mula sa buhay na propeta ng Panginoon. Ito'y upang tuparin ang pangakong ginawa natin sa mga tubig ng binyag na "magpasan ng pasanin ng isa't isa."3Ito ay ang pagiging kaibigan.
Nagpapasigla sa akin ang mga salitang ito ni President Hinckley: "Umaasa ako, dumadalangin, nakikiusap sa inyo, sa bawat isa, na lubusang tanggapin ang bawat bagong miyembro ng Simbahan. Kaibiganin sila. Tulungan sila."4
Hindi magagawang kaibiganin mismo ni President Hinckley ang bawat bagong miyembro. Pero maaari kayong maging kaibigan ng kahit isa lang. Kailangan lang na maramdaman ang nadarama nila at ng Tagapagligtas para sa kanila. Subukang damhin ang nadarama ng isang binata, si Nkosiyabo Eddie Lupahla, na nasa Africa at nagsulat tungkol sa kanyang kaibigan.
"Dalawa't kalahating taon bago ako sumapi sa Simbahan noong 1999, hinanap ako ng kaibigan kong si Mbuti Yona. Magkaibigan kami mula grade 5 hanggang grade 12. Nagkahiwalay lang kami nang magkolehiyo.
"Nabinyagan si Mbuti noong Abril 1999, at makaraan ang apat na linggo ay dinalaw niya ako sa bahay at ipinakilala ang ebanghelyo. Sa kabila ng mga usap-usapan tungkol sa Simbahan, humanga ako sa 'mga miyembro' na malugod na tumanggap sa akin sa unang pagdalaw ko. Nang Linggo ding iyon, ipinakilala ako ng kaibigan ko sa mga misyonero. Itinakda ang petsa ng pagtuturo sa akin. Naroon ang kaibigan ko sa bawat talakayan, at lagi akong inaanyayahan sa mga aktibitidad. Talagang natutuwa ako na makahalubilo ang mga taong tulad ko ang pinahahalagahan, interes, pamantayan, at adhikain. Noon ring panahong ito ako nagsimulang dumalo ng institute [of religion]. Parang normal lang ang lahat. Mga gabi ng Huwebes: [5:30] talakayan ng misyonero, kasunod ang institute.
"Marami akong natutuhan sa Institute lalo na sa klase namin ng kung paano magkakaroon ng selestiyal na kasal. Sayang at sa unang semestre ng Mayo ito natapos samantalang kasisimula ko lang sa pagdalo noon. Buti na lang at nakaabot ako sa pangalawang semestre na Teachings of The Living Prophets. Habang nasa Institute, bumili ako ng apat na pamantayang aklat at lalo akong natuto at umunlad sa Simbahan nang taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon. Nabinyagan ako noong Setyembre 17, 1999 ng isang naging kaibigan ko sa Institute.
"Nagpapasalamat ako sa programa ng Institute. Hindi lang ako hinubog nito kundi tinulungan din akong maging marapat na misyonero, na pinaghandaan ko limang buwan matapos akong mabinyagan. Nabiyayaan ako ng maraming oportunidad na maglingkod at magturo bago ako magmisyon.
"Nagpapasalamat ako sa aking kaibigan. Sana matanto niya ang nagawa niya para sa akin. Pareho kaming nagmisyon, ako sa South Africa Durban, siya, sa South Africa Cape Town. Isang kaibigan lang ang kailangan para magdulot ng malaking pagbabago sa buhay ng isang tao."5
Tila wala namang kahimahimala sa kwentong iyan. Ngunit may himala ng karunungan na hindi kayang arukin ng tao.
Marahil dahil sa tinahak mismo ni Mbuti ang landas na iyon o marahil dahil sa paghahayag, nalaman niya ang dapat gawin ng kaibigan niya para manatili sa Simbahan. Kaya alam niya kung paano manghikayat at tumulong.
Ipinakilala niya ang kanyang kaibigan sa mga misyonero. Nakita niyang nabinyagan ang kaibigan niya at natanggap ang kaloob na Espiritu Santo. Bago pa man mabinyagan, isinama niya ang kaibigan sa lugar kung saan mapag-aaralan niya ang mga banal na kasulatan at [mapangangalagaan] ng mabuting salita ng Diyos. Tinulungan siyang matuklasan ang pangakong ito: "Sapagkat sinabi ko sa inyo, magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ay magsasabi sa inyong lahat ng bagay na dapat ninyong gawin."6Marahil ang mga salitang iyon ang nagsabi sa kanyang bumili ng mga banal na kasulatan, na ginawa naman niya.
Nang mabinyagan, natanggap ni Brother Lupahla ang kaloob na Espiritu Santo bilang kanyang palagiang kasama basta't inaanyayahan niya ito at namumuhay na marapat dito. Iyon ang nagbibigay katiyakan sa kanya sa isa pang pangako, "Sapagkat masdan, muli kong sinasabi sa inyo na kung kayo ay papasok sa daan at tatanggapin ang Espiritu Santo, iyon ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin."7Marahil ang Espiritu Santo ang nagsabi sa kanya na magmisyon, na ginawa naman niya.
Di natin alam kung sinong mga kaibigan ang nagsama sa kanya sa sakrament miting bago at matapos siyang mabinyagan, ngunit tiyak na malugod na binati siya ng ilan tulad ng ginawa nila noong una siyang pumunta. Doon, sinariwa niya ang tipan na laging aalalahanin ang Tagapagligtas, sundin ang Kanyang mga utos, at tanggaping muli ang pangakong pagsama ng Espiritu Santo. Di natin alam kung ano ang naging bahagi ng mga kaibigan niya sa mga tawag sa kanya na maglingkod at magsalita. Ngunit tiyak na pinasalamatan nila siya at sinabi sa kanya nang madama nila ang Espiritu sa kanyang paglilingkod at pagtuturo.
May malalaman tayo sa kanyang pribadong buhay. Isinulat niya na patuloy siyang natuto; na umunlad siya "sa Simbahan nang taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon." Sabi niya'y hinubog siya ng mga karanasan niya sa Sistemang Pang-Edukasyon ng Simbahan. Mula sa banal na kasulatan, alam natin kung ano ang sanhi ng pagbabagong iyon sa kanya. Siguro nagdarasal siya nang may pananampalataya sa Tagapagligtas. Nakatatanggap siya ng patotoo at tagubilin dahil sa Espiritu. At di lang niya ginagawa ang sinasabi sa kanyang gawin kundi hinihiling rin niya sa Diyos na umepekto ang Pagbabayad-sala sa kanyang buhay.
Ipinaliwanag ni Nephi ang himalang iyon ng pagbabago at ang dulot nito:
"At ngayon, mga minamahal kong kapatid, nadarama kong nagbubulay-bulay pa kayo sa inyong mga puso; at nakalulungkot iyon sa akin na ako ay kinailangang magsalita hinggil sa bagay na ito. Sapagkat kung kayo ay makikinig sa Espiritung nagtuturo sa tao na manalangin, malalaman ninyong kinakailangan ninyong manalangin; sapagkat ang masamang espiritu ay hindi nagtuturo sa tao na manalangin, sa halip nagtuturo sa kanya na huwag siyang manalangin.
"Ngunit masdan, sinasabi ko sa inyo na kinakailangan kayong laging manalangin, at huwag manghina; na huwag ninyong isagawa ang anumang bagay sa Panginoon maliban sa kayo ay mananalangin muna sa Ama sa pangalan ni Cristo, upang kanyang ilaan ang inyong mga pagganap sa kanya, nang ang inyong pagganap ay maging para sa kapakanan ng inyong mga kaluluwa."8
Ang Espiritu Santo ay Mang-aaliw at gabay. Tagalinis rin Siya ng ating mga kasalanan. Kaya nga napakahalaga ng paglilingkod para manatili sa kaharian. Kapag tinawag tayong maglingkod, mahihiling natin na makasama ang Espiritu Santo, at tiyak na darating ito. Kapag nanalangin tayo nang may pananampalataya, magkakaroon ng pagbabago sa atin para sa kapakanan ng ating kaluluwa at para palakasin tayo sa mga pagsubok na haharapin natin.
May hangganan ang magagawa ng mga kaibigan sa pagtulong sa mga taong kailangang magbata. Ang bagong miyembro ang dapat manalangin. Sila ang dapat umasa sa lakas na tatanggapin nila bilang sagot sa kanilang mga dalangin. Kailangang sila ang pumili, nang may pananampalataya, kung papabinyag sila, na nagtitiwala sa kanilang perpektong kaibigan, ang Tagapagligtas. Kailangan nilang piliing magsisi at magpakumbaba, nang may pananampalataya sa Kanya.
Dapat nilang piliing tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo. Ang mga salita sa kumpirmasyon sa Simbahan ay isang paanyaya: "Tanggapin ang Espiritu Santo." At hindi lang minsan gagawin ang pagpiling iyon, kundi araw-araw, oras-oras, minu-minuto. Kahit na sinasabi ng Espiritu Santo ang dapat nilang gawin, ang pagsunod o di-pagsunod rito ay pagpili rin. Kahit palaging binabasa ang banal na kasulatan, kailangan ang pagpili para "magpakabusog sa mga salita ni Cristo." At walang halaga ang pagpapakabusog kung hindi pipiliing gawin ang mga sinasabi ni Cristo. Kapag lagi ang pagsampalataya at pagsunod, nagiging palagiang kasama na ang Espiritu Santo, nagbabago ang ating pagkatao, tiyak na makapagtitiis tayo.
Ang miyembro ang kailangang pumili, bagamat mahalaga ang mabuting kaibigan. May ilang mahahalagang paraan para matulungan nating gumaan ang pasanin ng bagong miyembro. Maaari tayong magmahal, makinig, magpakita ng halimbawa, at magpatotoo.
Una, dapat natin silang mahalin. Ganyan ang ginagawa ng Tagapagligtas. Magagawa natin ito kasama Nya at para sa Kanya. Ipinakita Niya sa atin ang paraan noong Kanyang ministeryo sa lupa. Nagturo siya sa pamamagitan ng tuntunin at halimbawa na dapat nating mahalin ang Kanyang mga alagad.
"Ito ang aking utos, na kayo'y mangag-ibigan sa isa't isa, na gayong pagibig ko sa inyo.
"Walang may lalong dakilang pagibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan.
"Kayo'y aking mga kaibigan, kung gawin ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo.
"Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin; sapagkat hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon: ngunit tinatawag ko kayong mga kaibigan; sapagkat ang lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay mga ipinakilala ko sa inyo."9
Itinuturing ng Tagapagligtas na kaibigan ang nagsisikap na miyembro. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa ating lahat. Mahal Niya tayo at ipagkakaloob sa atin, kung tayo'y tapat, ang kaloob na madama ang bahagi ng Kanyang pagmamahal sa kanila. Maraming beses na akong pinagpala ng Espiritu Santo na madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa nagsisikap na bagong miyembro. Alam kong posible iyon.
Pangalawa, dapat nating pakinggan nang may pag-unawa ang bagong miyembro. Kailangan rin dito ang mga espirituwal na kaloob, dahil mahirap magkatulad ang karanasan natin at kanila. Hindi sapat na sabihing, "Alam ko ang nadarama mo," maliban kung totoo nga. Ngunit alam ng Tagapagligtas. Handa Siyang tulungan kang maging kaibigan na nakauunawa kahit sa mga bagong kakilala, kung hihiling kayo nang may pananampalataya. Bago Siya isilang, alam na ng mga propeta ang mga gagawin Niya para matulungan kayong maging isang kaibigan para sa Kanya:
"At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng mga kanyang mga tao.
"At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan."10
Pangatlo, dapat tayong maging halimbawa sa bagong miyembro. Maaari tayong magpakabusog sa salita ng Diyos, hilingin at mamuhay nang marapat sa pagsama ng Espiritu Santo. Maaari tayong sumunod bunga ng pananampalataya natin kay Jesucristo. At maaari tayong maging halimbawa ng alagad na naisilang muli dahil sa Pagbabayad-sala. Maaaring unti-unti ito. Maaaring mahirapan tayo na malaman ito sa ating sarili. Ngunit mangyayari ito, at magbibigay ito ng pag-asa sa bagong miyembro at sa lahat ng kinakaibigan natin sa landas patungo sa buhay na walang hanggan.
Pang-apat, dapat tayong magbigay saksi sa katotohanan sa bagong miyembro. Dapat ito'y taimtim at mainam kung simple. Mas makatutulong kung tungkol ito sa pagmamahal ng ating Ama sa Langit, at sa mga kaloob at pagsama ng Espiritu Santo. At mahalagang magpatotoo na nagpakita ang Ama at ang Anak sa batang si Joseph Smith at ang kabuuan ng Ebanghelyo at totoong Simbahan ay naipanumbalik ng mga sugo mula sa langit. Papagtitibayin ng Espiritu Santo ang mga simpleng pahayag bilang katotohanan.
Kakailanganin ng bagong miyembro ang patibay na iyan nang paulit-ulit, kahit wala tayo roon para magpatotoo. Kung piliin man nilang tanggihan ang pagsama ng Espiritu Santo, hindi sila makapagbabata. At totoo iyan sa ating lahat, saanman tayo naroon at gaano man tayo katapat. Lahat tayo'y susubukin. At kailangan nating lahat ng mga tunay na kaibigang magmamahal, makikinig, magpapakita ng halimbawa, at sasaksi sa katotohanan nang sa gayo'y mapanatili natin ang pagsama ng Espiritu Santo. Dapat ay ganoong uri kayo ng kaibigan.
Naaalala ko pa hanggang ngayon ang mga kaibigang nakaimpluwensiya nang mabuti sa buhay ko. Pumanaw na sila, ngunit inspirasyon pa rin sa akin ang alaala ng kanilang pagmamahal, halimbawa, pananampalataya at patotoo. Ang pakikipagkaibigan ninyo kahit sa isang bagong miyembro lang ay maaaring magbunga ng pagpapahalaga sa inyo ng kanilang daan-daan o libu-libung ninuno at inapo, sa buhay na ito at sa darating pa.
Ito ang totoong Simbahan ni Jesucristo. Buhay siya. Mahal Niya kayo, at mahal Niya ang mga taong paglilingkuran ninyo at magiging tunay ninyong mga kaibigan magpakailanman.
Sa banal na ngalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. 2 Ne. 31:1516.
2. Tingnan sa 2 Ne. 31:14; D at T 40:13; 41:56.
3. Mosias 18:8.
4. Pulong, Edmonton, Alberta, Canada, Ago. 2, 1998.
5. Personal na liham.
6. 2 Ne. 32:3.
7. 2 Ne. 32:5.
8. 2 Ne. 32:89.
9. Juan 15:1215.
10. Alma 7:1112.