The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2002
Pagsunod sa Pamamagitan ng Pananampalataya

Pagsunod sa Pamamagitan ng Pananampalataya

Elder R. Conrad Schultz
Ng Pitumpu

Ang "pagsunod bunga ng pananampalataya" ay pagtitiwala. Simple lang ang tanong: Nagtitiwala ba tayo sa ating Ama sa Langit? Nagtitiwala ba tayo sa ating mga propeta?

Elder R. Conrad Schultz

Sa daigdig na ating ginagalawan, hindi laging nakikita ang tunay na anyo ng mga bagay. Minsa'y di natin namamalayan ang malakas na puwersang umiimpluwensya sa atin. Maaaring makapanlinlang nang labis ang mga anyo.

Ilang taon pa lang ang nakalilipas, nagkaroon ako ng karanasan hinggil sa mapanlinlang na anyo na muntik nang di magbunga ng di-maganda. Binisita kami ng pinsan ko at ng pamilya niya mula sa Utah. Payapa ang araw na iyon ng tag-init sa Oregon Coast kung saan kami nangingisda. Masaya kaming nanghuhuli ng salmon, nang biglang nakita kong paragasa sa amin ang walong talampakang alon. Ang tanging nagawa ko'y sumigaw bilang babala bago kami lamunin ng alon. Hindi naman tumaob ang bangka, pero tumilapon ang pinsan kong si Gary. Suot ang mga life jacket, hirap naming pinaandar ang bangka na halos puno ng tubig papunta sa pinaglulutangan niya, at iniahon siya.

Tinamaan kami ng tinatawag na dumadaluhong na alon. Hindi laging nangyayari ito at walang nakaaalam kung kailan ito mangyayari. Sa huli'y nalaman namin sa Oregon-Washington, limang tao na ang nalunod nang araw na iyon, sa tatlong magkakahiwalay na aksidente sa dagat. Ang lahat ay dahil sa dumadaluhong na along iyon, na sa di malamang dahilan ay nabubuo sa ibabaw ng karagatan. Panatag ang dagat bago kami umalis ng pampang at walang tanda ng anumang panganib. Ngunit naging labis na mapanlinlang ang dagat na di gaya ng ipinakita nito.

Sa paglalakbay natin sa buhay, dapat na patuloy tayong nag-iingat at nagmamanman sa mga bagay na mapanlinlang, at hindi sa ipinakikitang anyo nito. Kung hindi tayo maingat ang mga dumadaluhong na alon sa buhay ay magiging mapanganib na tulad ng mga nasa karagatan.

Ang isa sa mga mapalinlang na taktika ng kalaban ay ang papaniwalain tayo na ang pagsunod sa mga alituntunin nang walang tanung-tanong ay bulag na pagsunod. Layunin niya na paniwalain tayo na ang dapat na sinusunod natin ay ang ating makamundong pamamaraan at makasariling ambisyon. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pag-uudyok sa atin na ang "bulag" na pagsunod sa mga propeta at mga kautusan ay pagwawalang-bahala sa ating sarili. Itinuturo niya na hindi katalinuhan ang gawin ang isang bagay dahil sinabihan tayong gawin ito ng buhay na propeta o ng mga propeta sa mga banal na kasulatan.

Ang ating pagsunod nang walang pag-aalinlangan sa utos ng Panginoon ay hindi bulag na pagsunod. Iti-nuro sa atin ni President Boyd K. Packer sa Kumperensya noong Abril 1983: "Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi masunurin kapag pinipilit silang maging masunurin. Masunurin sila dahil nalalaman nila ang ilang tiyak na katotohanang espirituwal at nagpasiya, bilang pagpapahayag ng kanilang sariling pagpili, na sundin ang mga utos ng Diyos. . . . Di tayo masunurin dahil sa bulag tayo, masunurin tayo dahil nakakakita tayo" ("Agency and Control,"Ensign, Mayo 1983, 66).

Matatawag natin itong "pagsunod sa pamamagitan ng pananampalataya." Dahil sa pananampalataya, naging masunurin si Abraham nang ihanda niya bilang sakripisyo si Isaac; dahil sa pananampalataya, naging masunurin si Nephi sa pagkuha sa mga tansong lamina; at dahil sa pananampalataya, masunuring tumatalon mula sa mataas na lugar ang isang musmos patungo sa malalakas na bisig ng kanyang ama. Ang "pagsunod bunga ng pananampalataya" ay pagtitiwala. Simple lang ang tanong, nagtitiwala ba tayo sa ating Ama sa Langit? Nagtitiwala ba tayo sa ating mga propeta?

Ang isa pang panlilinlang ng kalaban ay ang paniwalain tayo na ang talino at kaalaman sa mundo ang tanging mapagkukunan ng kaalaman na dapat nating sundin. Naunawaan ni Jacob na kapatid ng propetang si Nephi ang plano ng kalaban at binalaan tayo tungkol dito:

"O yaong tusong plano niyang masama! O ang kahambugan, at mga kahinaan at kahangalan ng mga tao! Kapag sila ay marurunong, inaakala nila na sila ay matatalino, at sila ay hindi nakikinig sa payo ng Diyos, sapagkat isinasaisang-tabi nila ito, inaakala nilang alam nila sa kanilang sarili, kaya nga, ang kanilang karunungan ay kahangalan at wala silang pakinabang dito. At sila ay masasawi" (2 Ne. 9:28).

Hindi sinabi ni Jacob na hindi tayo dapat mag-aral. Idinagdag niya na mabuti ang maging marunong kung tayo ay makikinig sa mga payo ng Diyos.

Naniniwala ang iba na puwede nilang piliin kung alin sa mga utos ng Diyos ang gusto nilang sundin. Napakadali nilang ituring na maliit na bagay lang ang ibang kautusan na maaaring isantabi dahil di naman gaanong mahalaga ang mga ito, tulad ng pagdarasal, paggalang sa Sabbath, pagsasabi sa ating mga anak na mahal natin sila, pagbabasa ng banal na kasulatan, pagbabayad ng ayuno, pagdalo sa mga pulong, at iba pa.

Napakalinaw ng mensahe ng ating Ama sa Langit sa Kanyang mga anak. Sa mga turo ng ebanghelyo ay malinaw ang sinabi ni Apostol Pablo (tingnan sa I Cor. 14:8). Walang duda sa kahulugan ng sinasabi o sa damdaming dulot ng Espiritu. Hindi tayo iniiwan nang mag-isa. Nasa atin ang mga banal na kasulatan, propeta, mapagmahal na mga magulang, at mga pinuno.

Bakit minsan ay naliligaw tayo ng landas? Bakit hinahayaan nating impluwensyahan tayo ng panlilinlang ng kalaban? Minsan madali lang sabihin ang solusyon sa kanyang panlilinlang ngunit minsan mahirap isagawa ito. Sa kumperensya noong Oktubre 1970, nagsalita si President Harold B. Lee tungkol sa Panginoon, sa kalaban at sa solusyon sa kapangyarihan ng kalaban na manlinlang:

"May ilan tayong mahirap na daranasin bago matapos ang Panginoon sa simbahang ito at sa daigdig sa dispensasyong ito. . . . Lalakas pa ang kapangyarihan ni Satanas; nakikita natin ito kahit saan. . . . Dapat tayong matutong makinig sa mga salita at utos na ibibigay ng Panginoon sa Kanyang propeta. . . . May mga bagay na mangangailangan ng tiyaga at pananampalataya" (sa Conference Report, Okt. 1970, 152).

Nagbigay pa ng babala si President Lee nang sabihin niya na marahil hindi natin laging gusto ang sinasabi ng awtoridad ng simbahan dahil maaaring di ito akma sa personal nating pananaw o nanghihimasok na sa ilan nating pakikihalubilo. Gayunman, kung pakikinggan at gagawin natin ang mga bagay na ito na parang sinabi ito ng Panginoon mismo, hindi tayo malilinlang at mapapasaatin ang mga pagpapala.

Balikan natin ang pagsunod, na siyang laging dapat gawin. Bahagi ito ng plano ng walang hanggang kaligayahan. Wala akong alam na ibang doktrina na mas kailangan sa ating kapakanan sa buhay na ito at sa buhay na darating. Itinuturo ng lahat ng banal na kasulatan ang pagsunod at walang apostol o propeta ang nabuhay nang hindi itinuro ang alituntunin ng pagsunod.

Minsan kailangang maging masunurin tayo kahit hindi natin nauunawaan ang dahilan kung bakit may gayong batas. Kailangan ng pananampalataya para makasunod. Sinabi ng Propetang Joseph Smith, sa pagtuturo niya ng pagsunod na anumang hingin ng Diyos ay tama, bagama't sa huli na natin malalaman ang dahilan nito (tingnan saTeachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith [1976], 256).

Salamat at nakasuot kami ng life jacket nang araw na iyon sa karagatan. Salamat at naiwasan namin ang trahedyang idinulot sa iba ng dumaluhong na along iyon. Dalangin ko na patuloy nating isusuot ang nakapagliligtas na impluwensya ng pagsunod upang maiwasan natin ang trahedya na tiyak na darating kung tayo ay nalinlang at sumunod sa mga pang-uudyok ng kalaban.

Pinatototohanan ko sa inyo na buhay ang ating Ama sa Langit, mahal Niya tayo, at kung susunod tayo nang walang pag-aalinlangan sa Kanyang mga utos, makakapiling natin Siyang muli at ang Kanyang Anak si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy