Elder Dallin H. Oaks
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Ibinigay Niya sa atin ang Kanyang Pagbabayad-sala, Kanyang ebanghelyo, at Kanyang Simbahan, ang kombinasyon na nagbibigay sa atin ng katiyakan ng imortalidad at oportunidad para sa buhay na walang hanggan.
Ilang taon na ang nakararaan, natuwa ako sa isang komiks sa pahayagan. Tungkol ito sa pag-uusap ng mag-asawang hippie na nakasakay sa motorsiklo at ng isang pari. "Sumisimba kami," sabi ng isang hippy sa pari. "Matagal na rin naman . . . kaya lang di pa namin nararating iyon."1
Marami rin sa ating mga kamag-anak at kaibigan ang di pa nakararating sa simbahan. Nakadadalo sila paminsan-minsan, ngunit hindi nila natatamasa ang buong pagpapala ng pagdalo at paglilingkod sa Simbahan. Ang iba'y regular na dumadalo ngunit umiiwas sa mga tungkulin at sa pag-aalay ng buo nilang puso sa Diyos upang sila'y espirituwal na maisilang muli. Kapwa sila nawawalan ng ilang kakaibang pagpapala sa buhay na ito. At kapwa sila nanganganib na mawalan ng pinakamaluwalhating mga pagpapala sa buhay na darating.
Itinuro ni Pablo na nagbigay ang Panginoon ng mga propeta at apostol para "sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo" (Efe. 4:12). Ang mga taong hindi lubos ang partisipasyon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na naghahangad din na magkaroon ng espirituwal na pagbabalik-loob ay hindi magkakaroon ng mga karanasang kinakailangan sa banal at dakilang plano ng kaligtasan. Kailangan ang mga turo at gawain ng Simbahan upang maisakatuparan ang buhay na walang hanggan ng tao (tingnan sa Moises 1:39).
Dalangin ko na marami sa mga makaririnig sa aking tinig ang magkaroon ng espirituwal na patotoo sa kahalagahan ng misyon ng Simbahan upang pagtibayin at dakilain ang mga anak ng Diyos. Dalangin ko lalo na ang mga hindi pa gaanong nagtatamo ng mga pagpapala ng ganap na partisipasyon at pangangako sa Simbahan ay maghangad at magkaroon ng patotoo at kumilos ayon dito.
Mga sampung taon na ang nakararaan, habang ako'y nasa isang stake conference sa Estados Unidos, ipinakilala ako sa isang miyembro na hindi gaanong aktibo sa Simbahan sa loob nang maraming taon. "Bakit ako babalik sa Simbahan?" tanong sa akin ng miyembrong ito. Kung titingnan ang lahat ng ginawa para sa atin ng Tagapagligtas, sagot ko, ay madali lamang na mag-alay ng serbisyo sa Kanya at sa ating kapwa. Sandaling pinag-isipan ng taong nagtanong ang ideyang ito at pagkatapos ay binigkas ang nakakagulat na sagot: "Ano naman ang ginawa Niya para sa akin?"
Dahil sa nakakagulat na sagot na ito inisip kong mabuti kung ano kaya ang inaasahan ng mga tao na matatanggap nila mula kay Jesucristo, sa Kanyang ebanghelyo, at sa partisipasyon sa Kanyang Simbahan. Naisip ko ang ilang miyembrong nagsabing tumigil sila sa pagdalo sa Simbahan dahil hindi na "natutugunan ng Simbahan ang kanilang mga pangangailangan." Anu-anong pangangailangan ang inaasahan nilang tutugunan ng Simbahan? Kung ang hangad lang ng mga tao ay magkaroon ng interaksiyon sa kanilang kapwa, baka mabigo sila sa isang partikular na ward o branch at maghanap ng ibang makakasama. Maraming kasiya-siyang interaksiyon sa kapwa na matatagpuan sa maraming organisasyon. Kung ang nais lang nila'y matulungan upang matutuhan ang ebanghelyo, makakamit nila ito sa pamamagitan ng mga makukuhang babasahin. Ngunit ito ba ang mga pangunahing layunin ng Simbahan? Ito lang ba ang matatanggap natin mula sa ebanghelyo ni Jesucristo?
May nagsabi na anuman ang tinatanggap natin ay batay sa anumang ibinibigay natin. Ang mga taong dumadalo sa Simbahan upangmakakuhalamang ng mga temporal na bagay ay maaaring mabigo. Minaliit ni Apostol Pablo ang mga taong "hindi nagsisipaglingkod sa Cristong Panginoon, kundi sa kanilang sariling tiyan" (Rom. 16:18). Ang mga taong dumadalo sa Simbahan upangmagbigaysa kanilang kapwa atmaglingkodsa Panginoon ay bihirang nabibigo. Ipinangako ng Tagapagligtas na "ang nawalan ng buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon" (Mat. 10:39).
Binibigyan tayo ng Simbahan ng pagkakataon na paglingkuran ang Panginoon at ang ating kapwa. Kung ibinigay sa tamang paraan at sa mga tamang dahilan, gagantimpalaan ang serbisyong ito ng mga pagpapalang higit pa sa ibinigay natin. Milyun- milyon ang walang pag-iimbot at mabisang naglilingkod bilang mga pinuno o guro sa mga organisasyon sa Simbahan, at ang gumagawa nito ay dumaranas ng pagbabalik-loob na inilarawan ng propeta na nagsumamo sa atin na "lumapit kay Cristo at maging ganap sa kanya" (Moro. 10:32).
Sa buong buhay ko, pinagpala ako dahil sa aking pagiging miyembro at ng partisipasyon ko sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Imposibleng mailarawan ko ang lahat ng paraang pinagpala ang buhay ko ng Simbahan at ang buhay ng mga mahal ko. Ngunit magbibigay ako ng ilang halimbawa sa pag-asang makapagbibigay-diin ito sa mga alituntuning inilarawan.
Ang pagdalo sa Simbahan tuwing Linggo ay nagbibigay ng oportunidad upang makibahagi tayo ng sakramento, gaya ng iniutos ng Panginoon sa atin (tingnan sa D at T 59:9). Kung ginagawa natin ito nang may tamang paghahanda at pag-uugali, pinaninibago ng pagbahagi ng sakramento ang paglilinis na ginawa nito sa ating pagbibinyag at binibigyan tayo nito ng pagkakataon na laging mapasaatin ang Kanyang Espiritu. Ang misyon ng Espiritung ito, ang Espiritu Santo, ay magpatotoo sa Ama at sa Anak at akayin tayo sa katotohanan (tingnan sa Juan 14:26; 2 Ne. 31:18). Ang patotoo at katotohanan, na mahalaga sa ating pagbabalik-loob, ay ang piling bunga ng lingguhang pagpapanibago ng ating mga tipan. Sa araw-araw na desisyon ko sa buhay at sa aking personal na pag-unlad, tinamasa ko ang katuparan ng pangakong ito.
Nanghihinayang ako sa sinumang Banal sa mga Huling Araw na hindi nakauunawa sa mahalagang pagpapala na natatamo ng mga nag-aalay ng kanilang sakramento tuwing araw ng Sabbath. Ano ba ang maibibigay ng buhaysa mga lawa o sapa, sa mga libangang lugar, o sa pagbabasa ng pahayagan kapag Linggona makapapantay sa mga biyayang ito? Walang kasiyahang dulot ng paglilibang ang makapapantay sa panibagong paglilinis at espiritwal na patnubay at pag-unlad na ipinangako ng Diyos sa matatapat na nakikibahagi ng sakramento at gumagalang sa Kanya tuwing araw ng Sabbath. Salamat sa katuparan ng mga pangakong ito sa aking buhay at pinatototohanan ko na maaaring makamit ito ng lahat.
Nang tumuntong ako sa edad ng pagkakaroon ng pananagutan at naunawaan at dinanas ang bunga ng personal na pagkakasala, binigyan ako ng mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo ng kapayapaan at tapang na magpatuloy sa kaalamang mapatatawad ang aking mga kasalanan at laging may pag-asa at awa sa mga taong nagkakamali.
Sa pagkamatay ng mga mahal ko sa buhay, kabilang na rito ang aking ama, ina at asawa, ang nakaaaliw na paghahayag ng Espiritu Santo ang nagbigay sa akin ng lakas na magpatuloy. Pinatotohanan sa akin ng Espiritu na may layunin ang mga paghihirap natin sa lupa at tiniyak nitong may pagkabuhay na mag-uli at totoong may ugnayan ang pamilyang ibinuklod sa kawalang hanggan.
Buong buhay akong biniyayaan ng doktrina at mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo. Gaya ng itinuro sa mga banal na kasulatan at ng mga lider at guro sa Simbahang ito, naging ilaw sa aking landas ang ebanghelyo at ang puwersa sa temporal at espirituwal kong pag-unlad. Sabi nga ni Brigham Young ang batas ng ebanghelyo ay "nagtuturo sa mga tao na maging matapat, malinis, mahinahon, masipag, matipid at mahalin at gawin ang lahat ng mabuti. Ang trabaho, . . . ay nag-aangat at nagpapadakila sa tao, [at] kung susunding lubos, [ito] ay magdudulot ng kalusugan at kalakasan ng katawan, linaw ng pag-unawa, kapangyarihan sa pag-iisip at gayon din ng kaligtasan ng kaluluwa."2
Kabilang sa maraming biyayang tinanggap ko mula sa ebanghelyo ay ang ipinangako sa pagtupad sa Salita ng Karunungan. Para sa akin kabilang dito ang kalusugan at kaalaman at kakayahang "[tumakbo] at hindi mapapagod, at [lumakad] at hindi manghihina," at ang kaganapan ng pangakong "ang mapangwasak na anghel ay lalampasan sila, gaya ng mga anak ni Israel, at hindi sila papatayin" (D at T 89:1821).
Tinuturuan tayo ng ebanghelyo na magbayad ng ating mga ikapu at handog at tinitiyak na pagpapalain tayo kung gagawin ito. Nagpapatotoo ako sa katuparan nito sa buhay ko. Nakita ko na bumukas ang mga bintana ng langit para sa akin at nagkaloob ng di mabilang na pagpapala. Kabilang dito ang kakayahang makita na hindi gaanong mahalaga ang mga ari-arian, karangalan, katanyagan, at kapangyarihan sa mundong ito, sa konteksto ng kawalang hanggan. Lubos ang pasalamat ko sa pokus at kapayapaan na nagmumula sa pang-unawa sa layunin ng buhay na nakabatay sa ebanghelyo at sa kaugnayan nito sa kawalang hanggan!
Mula sa aking pagkabata at habang nag-aaral, pag-aasawa at katanghaliang-gulang at sa darating pang mga taon, nagkaloob sa akin ang Simbahan ng pagkakataon na personal na makaugnay ang pinakamabubuting tao sa mundo. Ang mga guro at kaklase sa Sunday School at Primary, sa iskawting at iba pang mga aktibiti ng kabataan, sa mga aktibiti ng mga korum, ward at stake ay nagkaloob sa akin ng pinakamabubuting huwaran at kaibigan. Siyempre di lang sa Simbahan matatagpuan ang mabubuting tao, ngunit mayroon tayong kahanga-hangang dami ng mga ito. Ang mga pakikihalubilo ko sa mga organisasyon ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagbigay sa akin ng batayan upang makilala, mapahalagahan, at mapalawak ang mga paghahalubilo ko sa mga de kalidad na tao sa ibang simbahan at samahan.
Dahil pumanaw ang ama ko bago pa ako magwalong taong gulang, maaga pa lamang ay pinag-isipan ko na ang layunin ng Panginoon sa pagkakait sa akin ng kaugnayan sa isang ama na tinatamasa ngunit binabale-wala naman ng ibang bata. Tulad ng marami pang hamon sa mundo, pinunan ng ebanghelyo ni Jesucristo ang kakulangang ito. Labis ang pasalamat ko na pinalaki kaming magkakapatid ng isang balong ina na sa kanyang pananampalataya at sa pamamagitan ng kasal na mga magulang ko sa templo ay nadama naming kapiling pa rin namin ang aming ama sa araw-araw. Walang dahilan para maramdaman naming wala kaming ama. May ama kami, ngunit pansamantala siyang umalis. May ilang bagay sa buhay na ito na mas mahalaga kaysa kaalaman tungkol sa ating kalagayan sa mortalidad at sa ating potensiyal sa kawalang hanggan. Ang mga kasal na binuklod para sa kawalang hanggan sa templo ng Panginoon ang nagkakaloob ng pagkakataong ito para sa lahat ng bata at mga nasa hustong gulang.
Sa paglipas ng mga taon, ang aktibo kong partisipasyon sa Simbahan ang naging daan para matanggap ko ang mga payo at inspirasyon mula sa mga lider ng Simbahan tungkol sa mga bagay na dapat kong gawin bilang asawa, ama at lider ng pamilya. Tuwina sa mga kumperensya sa stake at sa pangkalahatan, sa mga korum ng priesthood, at sa mga klase sa Sunday School, naturuan ako at nabigyang-inspirasyon ng mga kahanga-hanga at may karanasang mga ama, ina, at lolo at lola. Sinikap kong sundin ang mga turong ito upang pagbutihin ang partisipasyon ko sa mga ugnayang ito na tatagal hanggang sa kawalang hanggan. Halimbawa, itinuro sa akin ang kapangyarihan ng basbas ng priesthoodhindi lang ang basbas ng pagpapagaling, kundi pati na basbas ng pag-aliw at paggabay ng amang maytaglay ng Melchizedek Priesthood na maaari niyang ibigay sa mga miyembro ng kanyang pamilya. Kinasihan ako at ang mga mahal ko sa buhay ng pagkatuto at paggamit ng alituntuning ito ng magiliw at malapit na pagsasamahan na tanging nagmumula sa kaalaman ng kahalagahan ng priesthood ng Diyos sa isang walang hanggang pamilya.
Salamat din sa mga babala ng banal na kasulatan at mga lider ng Simbahan tungkol sa mga bagay na dapat iwasan. Sa pagsunod sa mga payong ito naiwasan ko ang mga patibong na maaaring sumilo o umalipin sa akin. Ang alkohol, tabako, droga, pornograpiya, at sugal ay ilan lamang sa halimbawa ng mapanganib na mga bagay at nakasusugapang gawain na ibinabalang iwasan natin. Nananawagan ako sa lahatlalo na sa mga kabataanmakinig at sundin ang mga salita ng kalalakihan at kababaihan na tinawag ng Diyos na maging mga lider at guro. Pagpapalain kayo kung iiwasan ninyong gamitin ang inyong sariling karunungan o hangarin at sa halip ay unahin ang mga kautusan ng inyong Manlilikha at ang babala ng Kanyang mga tagapaglingkod.
Sinabi sa atin ng mga banal na kasulatan na gamitin ang "buong baluti" ng Diyos upang ating "mapaglabanan ang araw ng kasamaan." Ipinangangako nila na sa "baluti sa dibdib ng kabutihan" at "kalasag ng pananampalataya" ay "masusubuhan ninyo ang lahat ng nag-aapoy na sibat ng masama" (D at T 27:1517). Hinihimok ko kayong sumunod sa mga turong ito at kamtin ang mga biyayang ito. Kabilang dito ang espirituwal na pagbabalik-loobang malaking pagbabago. . .sa ating puso" (Mosias 5:2)na tumutulong sa ating maging gaya ng hangad ng ating Ama sa Langit para sa atin.
Sinasabi ng mga lider ng Simbahang ito, tulad din ng Tagapagligtas: "Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin. Kung sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito'y sa Dios, o kung ako'y nagsasalita na mula sa aking sarili" (Juan 7:1617).
Sinasabi rin ng inyong mga lider, tulad ni Haring Benjamin: "Ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, tatanggapin sila sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan" (Mosias 2:41).
Sinabi ng Panginoon sa makabagong paghahayag, "Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako" (D at T 82:10).
Ano ang ginawa ng Tagapagligtas para sa atin? Ibinigay Niya sa atin ang Kanyang Pagbabayad-sala, Kanyang ebanghelyo, at Kanyang Simbahan, ang kombinasyon ng mga bagay na ito na nagbibigay katiyakan sa atin ng imortalidad at oportunidad para sa buhay na walang hanggan. Nagpapatotoo ako na tunay ito, at nagpapatotoo ako sa Diyos Ama, ang may-akda ng plano, at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, ang Nagbayad-sala at ginawa Niyang posible ang lahat ng bagay, sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Calvin Grondahl, [Ogden, Utah]Standard-Examiner,
ika-26 ng Mayo, 1990.
2. Liham sa patnugot ngReligio- Philosophical Journal, ika-7 ng Ene. 1869, sinipi sa Jed Woodworth, "Brigham Young and the Mission of Mormonism,"Brigham Young University Studies40, blg. 2 (2001):11.