The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2002
Ilaan ang Inyong Gawain

Ilaan ang Inyong Gawain

Elder Neal A. Maxwell
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Sa pagmumuni-muni at pagsunod natin sa paglalaan, hindi kataka-taka na matakot tayo sa maaaring hilingin sa atin. Gayunman sinabi sa atin ng Panginoon, "Ang aking biyaya ay sapat para sa inyo" (D at T 17:8).

Elder Neal A. Maxwell

Ang mga salitang ito'y para sa mga di perpekto ngunit nagsisikap pa rin sa sambahayan ng pananampalataya. Gaya ng dati, ang una at pangunahing tagapakinig ko ay ang aking sarili.

Iniisip natin minsan na ang paglalaan ay pagbibigay ng ating materyal na ari-arian, kapag ito ay ipinag-utos ng Diyos. Ngunit ang tunay na paglalaan ay ang pagpapasailalim natin sa Diyos.Puso, kaluluwa, atisipanang mga bagay na binanggit ni Cristo sa paglalarawan ng unang kautusan, na umiiral sa tuwina at di lamang sa pana-panahon (tingnan sa Mat. 22:37). Kung ito'y tutuparin natin, ang ating mga gawain ay ganap na mailalaan para sa walang hanggang kapakanan ng ating kaluluwa (tingnan sa 2 Ne. 32:9).

Kabilang sa gayong kabuuan ang sama-samang pagpapasailalim ng damdamin, kaisipan, pananalita, at gawa, na taliwas sa pagtalikod: "Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang panginoon na hindi niya pinaglingkuran, at kung sino ay dayuhan sa kanya, at malayo sa pag-iisip at mga hangarin ng kanyang puso?" (Mosias 5:13).

Binabalewala ng marami ang paglalaan dahil waring napakahirap unawain o gawin nito. Ang masisigasig sa atin na nagpapakabuti ay nakadarama ng pagkabagabag dahil sa pagpapaliban nila ng pagtupad dito dahil sa kanilang pag-unlad. Dahil dito, nagbibigay ng mapagmahal na payo lakip ang pagpapatibay sa kautusang ito, nanghihikayat na patuloy na maglakbay, at maaliw habang dumaranas ang bawat isa sa atin ng hirap sa pagtupad.

Hindi kaagad naisasagawa ang espirituwal na pagsunod, kundi sa unti-unti at sunud-sunod na paghakbang. Kailangan din kasing isa-isang akyatin ang baitang ng mga hagdan. Sa huli ang ating kalooban ay "masasakop sa kalooban ng Ama" habang tayo'y "handang pasakop . . . maging katulad ng isang batang napapasakop sa kanyang ama" (tingnan sa Mosias 15:7; 3:19). Kung hindi, bagaman nagsisikap, patuloy nating madarama na nasasayang ang oras natin sa paggawa ng mga bagay na hindi mahalaga.

Makatutulong ang ilang halimbawa ng paglalaan ng materyal na bagay ng ilang tao. Nang ipagbili nina Ananias at Safira ang kanilang ari-arian, "inilingid [nila] ang isang bahagi ng halaga" (tingnan sa Mga Gawa 5:1–11). Marami sa atin ang pilit hawakan ang isang "bahagi," at itinuturing nating sa atin ang pinagnanasaang iyon. Kaya nga kapag tayo'y nagbibigay, ang pagbibigay ng pinakahuling bahagi ang pinakamahirap. Tunay na ang paglalaan ng isang bahagi ay kapuri-puri, ngunit kahawig nito ang katwiran na, "Nagbigay na ako sa opisina" (tingnan sa Santiago 1:7–8).

Halimbawa, maaaring mayroon tayong mga kakayahan na inaakala nating pag-aari natin. Kung patuloy tayong kakapit dito kaysa sa Diyos, uurong tayo at hindi susundin ang paglalaan ng unang kautusan. Dahil Diyos ang nagbigay sa atin ng "hininga . . . sa bawat sandali," hindi ipinapayo na ibuhos natin ang ating panahon sa mga bagay na ito! (Mosias 2:21).

Nagkakaroon ng hadlang kapag bukas-palad tayong nagbibigay ng ating oras at salapi ngunit ipinagkakait naman ang ilang bahagi ng ating sarili, patunay na hindi pa tayo ganap na Kanya!

Ang ilan ay nahihirapan kapag nabigyan ng partikular na gawain sa dapit-hapon ng kanilang buhay. Huwaran natin si Juan Bautista, na nagsabi sa lumalaking kawan ni Jesus, "Siya'y kinakailangang dumakila, ngunit ako'y kinakailangang bumaba" (Juan 3:30). Ang maling pag-aakala na ang tanging sukatan ng pagmamahal sa atin ng Diyos ay ang ating kasalukuyang tungkulin ay nagdaragdag sa ating pag-aatubiling bumitaw. Mga kapatid, noon pa man "dakila" na ang tingin sa atin sa langit, hindi ito pabagu-bagong gaya ng halaga sa stock market.

Hindi natin nagagamit ang iba pang batong-tuntungan dahil, gaya ng mayaman at matapat na binata, hindi natin kayang harapin ang mga pagkukulang natin (tingnan sa Marcos 10:21). Ang nalalabing kasakiman ay kitang-kita.

Ang pag-urong ay nangyayari sa maraming paraan. Ang kahariang terestiyal, halimbawa, ay kabibilangan ng mga "marangal na tao," maliwanag na hindi mga sinungaling. Ngunit hindi pa rin sila "matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus" (D at T 76:75, 79). Ang pinakamainam na paraan upang matatag na makapagpatotoo kay Jesus ay ang maging katulad Niya, at ito ay ang paglalaan na lililok ng huwarang pagkatao (tingnan sa 3 Ne. 27:27).

Sa pagtugon sa mga binanggit na hamong ito, mabuti na lamang at mainam ang espirituwal na pagsunod—minsan tumutulong ito sa atin na "pawalan" ang mga bagay, kahit ang buhay sa mundo, at minsa'y "mangunyapit," at may pagkakataong dapat gamitin ang kasunod na batong tuntungan (tingnan sa 1 Ne. 8:30).

Kung hindi balanse ang ating pananaw, ang susunod na ilang dipa ay waring napakahirap. Bagamat batid ng mga sinaunang Israel kung paano sila pinagpala ng Diyos upang makatakas sa makapangyarihang Faraon at sa kanyang mga hukbo, sina Laman at Lemuel na may makitid na pananaw ay wala pa ring sapat na pananampalataya na tutulungan sila ng Diyos laban kay Laban.

Maaari rin tayong maligaw kung labis tayong abala sa pagbibigay-kasiyahan sa mga taong mataas sa ating propesyon at libangan. Ang pagbibigay kasiyahan sa "ibang diyus-diyosan" sa halip na sa tunay na Diyos ay labag pa rin sa unang kautusan (Ex. 20:3).

Ipinagtatanggol din natin minsan ang ating kakaibang pag-uugali, na tila ba pagpapahayag lamang ito ng ating indibidwalidad. Sabagay, ang pagkadisipulo ay isang "contact sport," tulad ng pinatotohanan ni Propetang Joseph:

"Ako ay tulad ng isang malaki, at magaspang na bato . . . at ang tanging pagpapakinis na natatanggap ko ay kapag may bagay na bumabangga sa akin, na tumatama sa akin nang malakas. . . . Kaya nga ako'y naging makinis at makintab na puluhan sa suksukan ng Pinakamakapangyarihan" (Teachings of the Prophet Joseph Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith [1976], 304).

Dahil mas nauunang sumuko ang tuhod kaysa sa isipan, ang hindi pagbibigay ng bahaging ito ay nagkakait sa gawain ng Diyos sa ilan sa mahuhusay na tao sa sangkatauhan. Mas mabuti pang magpakumbabang gaya ni Moises, na natuto ng mga bagay na "hindi niya inakala" (Moises 1:10). Gayunman, mga kapatid, nakalulungkot na sa tagisan ng kalayaan sa pagpili at identidad ay matindi ang pag-aatubili. Ang pagsuko ng isipan, sa katunayan ay isang tagumpay, dahil ipinakikita nito sa atin ang mas malawak at "mataas" na paraan ng Diyos (tingnan sa Isa. 55:9).

Sa kabaliktaran, ang labis na atensiyon, maging sa mga bagay na mabuti, ay maaaring makabawas sa ating debosyon sa Diyos. Halimbawa, maaaring maging labis na abala ang tao sa isports at sa mga uri ng pagsamba sa katawan na nakikita natin sa mga tao. Maaaring mamitagan ang tao sa kalikasan at kalimutan ang Diyos ng kalikasan. Ang isa nama'y maaaring nakatuon lang sa mabuting musika at gayundin sa kagila-gilalas na propesyon. Sa ganitong mga kalagayan, ang mga "lalong mahalagang bagay" ay madalas malimutan (Mat. 23:23; tingnan din sa 1 Cor. 2:16). Tanging ang Pinakamataas ang ganap na makagagabay sa atin sa mabubuting bagay na magagawa natin.

Mariing sinabi ni Jesus na sa dalawang dakilang kautusan nakasalalay ang lahat ng bagay, at hindi ang kabaliktaran nito (tingnan sa Mat. 22:40). Hindi dapat ipagpaliban ang unang kautusan dahil lang sa abala tayo sa mga bagay na di gaanong mabuti, dahil hindi tayo sumasamba sa mas mababang uri ng diyos.

Bago natin kamtin ang ani ng mabuting gawa, kilalanin muna natin ang tulong ng Diyos. Kung hindi, magkakaroon ng mga pangangatwiran, kabilang na rito ang, "Ang aking kapangyarihan at ang lakas ng aking kamay ang siyang nagbigay sa akin ng kayamanang ito" (Deut. 8:17). O magyayabang tayo, gaya ng gawa ng sinaunang Israel (maliban sa sadyang maliit na hukbo ni Gideon), na nagmamalaking "aking kamay ang nagligtas sa akin" (Huk. 7:2). Ang pagmamalaki sa sarili nating "lakas" ang dahilan kung bakit mahirap nating kilalanin ang tulong ng Diyos sa lahat ng bagay (tingnan sa Alma 14:11; D at T 59:21).

Sa lugar na tinawag na Meriba, ang isa sa pinakadakila, si Moises, ay napagod na sa maingay na panghihingi ng mga tao ng tubig. "Bigla- biglang nagsabi" si Moises, "Ikukuha ba namin kayo ng tubig?" (Awit 106:33, Blg. 20:10, tingnan din sa Deut. 4:21). Pinayuhan ng Panginoon ang magiting na si Moises sa kanyang pagsasalita at muli siyang pinagpala. Makabubuting maging mapagpakumbaba tayo gaya ni Moises (tingnan sa Blg. 12:3).

Kailanma'y di nawala kay Jesus ang kanyang pokus! Bagaman abala Siya sa paggawa ng kabutihan, batid Niyang kailangan pa Niyang gawin ang Pagbabayad-sala, nagsusumamo niyang sinabi, "Ama, iligtas mo ako sa oras na ito. Ngunit dahil sa dito ay naparito ako sa oras na ito" (Juan 12:27; tingnan din sa 5:30; 6:38).

Habang nadaragdagan ang ating pagmamahal, pagtitiyaga, at kababaang-loob, mas higit na kailangan nating magbigay sa Diyos at sa sangkatauhan. Bukod pa rito, walang sinuman sa atin ang maaaring malagay sa katulad na kalagayan sa buhay natin sa mundo.

Tunay na inilalagay tayo ng mga batong tuntungan sa bagong teritoryo na tila atubili nating puntahan. Kaya nga, ang matatagumpay na gumamit ng mga batong tuntungang ito ang lubhang makahihikayat sa atin. Karaniwan ay mas pinakikinggan natin ang mga taong lihim nating hinahangaan. Naalala ng gutom na alibughang anak ang mga pagkain nila sa bahay, gayon din ang tungkol sa ibang bagay, at nagsabi, "Magtitindig ako at paparoon sa aking ama" (Lucas 15:18).

Sa pagsisigasig nating lubos na makasunod, hahangarin ng kalooban natin ang lahat ng kailangan nating ibigay sa Diyos. Ang karaniwang kaloob at ang mga gaya nito na ibinibigay natin sa Kanya ay maaaring sulatan ng "Ibalik sa Nagbigay," malaking titik ang N. At kapag natanggap ng Diyos ang kaloob na ito, mas ganap na makatatanggap ang matatapat ng "lahat ng mayroon [Siya]" (D at T 84:38). Di ba't kay gandang palitan ito?

Samantala, naririyan pa rin ang ilang katotohanan: Ibinigay ng Diyos ang ating buhay, ang ating kalayaan sa pagpili, ating talento, at ating mga oportunidad; ibinigay Niya sa atin ang ating mga ari-arian; ibinigay Niya sa atin ang panahon na ilalagi natin sa lupa at ang kailangan nitong hininga (tingnan sa D at T 64:32). Kapag isinaisip ang mga ito, maiiwasan nating maligaw ang ating pananaw. Ang ilan sa mga ito ay di gaanong katawa-tawa gaya ng mapagkamalang Tabernacle Choir ang kumakanta sa halip na double quartet!

Hindi nakapagtatakang binigyang-diin ni Pangulong Hinckley ang ating pagiging pinagtipanang tao, ang tipan sa sakramento, ikapu, at templo, at binanggit na ang pagsasakripisyo "ang siyang diwa ng Pagbabayad-sala" (Teachings of Gordon B. Hinckley[1997], 147).

Ang kahanga-hangang pagsunod ay ipinakita ng Tagapagligtas nang harapin niya ang hirap at pagdurusa ng Pagbabayad-sala at "nagnais na kung maaari ay hindi [Niya] lagukin ang mapait na saro at manliit" (D at T 19:18). Sa ating maliit at di perpektong timbangan, hinihiling natin na alisin ang kinakaharap nating mga pagsubok.

Isipin ito: Ano ang mangyayari sa ministeryo ni Jesus kung ang ginawa lang Niya ay ang ibang mga himala at hindi ang himala sa Getsemani at sa Kalbaryo? Naghatid ng karagdagang hininga at nakapalis ng paghihirap ang iba pa Niyang mga himala—para sa ilan. Ngunit paano maikukumpara ang mga himalang ito sa pinakadakilang himala ng Pagkabuhay na Mag-uli para sa lahat? (tingnan sa 1 Cor. 15:22). Ang pagpaparami ng tinapay at mga isda ay nagpakain sa maraming nagugutom. Gayunman, ang mga tumanggap nito ay nagutom muli, samantalang ang mga nakibahagi sa Tinapay ng Buhay ay di na muling magugutom (tingnan sa Juan 6:51, 58).

Sa pagmumuni-muni at pagsunod natin sa paglalaan, hindi kataka-taka na matakot tayo sa maaaring hilingin sa atin. Gayunman sinabi sa atin ng Panginoon, "Ang aking biyaya ay sapat para sa inyo" (D at T 17:8). Naniniwala ba tayo talaga sa Kanya? Nangako rin Siya na palalakasin Niya ang mahihinang bagay (tingnan sa Eter 12:27). Handa ba talaga tayong gawin ang prosesong ito? Kung naghahangad tayo ng kaganapan, hindi natin dapat ilingid ang anumang bahagi gaano man kaliit ito!

Ang pagpapasakop sa kalooban ng Ama ay nangangahulugan ng pag-unlad ng pagkatao, paglaki at pagkakaroon ng higit na kakayahang makatanggap ng "lahat ng mayroon [ang Diyos]" (D at T 84:38). Paano ipagkakatiwala sa atin ang "lahat" ng mayroon Siya kung ang ating kalooban ay di tulad ng sa Kanya? At paano ganap na mapahahalagahan ang "lahat" ng sa Kanya kung hindi tayo ganap na napapasailalim sa Kanya.

Ipinagkakanulo natin ang ating sarili sa pamamagitan ng paglilingid ng kahit na maliit na "bahagi." Hindi na kailangan pang itanong, "Ako baga, Panginoon?" (Mat. 26:22). Bagkus, magtanong tayo tungkol sa humahadlang sa atin, "Ito po ba, Panginoon?" Maaaring matagal na nating alam ito at mas kailangan na lang natin itong lutasin sa halip na alamin ang sagot mula sa Kanya.

Ang pinakamatamis na kaligayahan sa plano ng Diyos ay nakalaan sa mga handang gumawa at magbayad ng halaga sa pagtungo sa Kanyang maluwalhating kaharian. Mga kapatid, "halina, tayo'y magpatuloy sa paglalakbay" ("Come, Let Us Anew,"Hymns, blg. 217).

Sa pangalan ng Panginoon na nakaunat ang bisig (tingnan sa D at T 103:17; 136:22), maging si Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy