Elder L. Tom Perry
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Ang Panginoon ay nakatali sa taimtim na tipan na pagpalain ang ating buhay ayon sa ating katapatan. Tanging Siya lang ang magpapangyaring gawin tayong mga taong kinakasihan ng Espiritu ng Diyos, na dili iba't ang Espiritu Santo.
Nais kong iparating ang aking mensahe ngayong gabi sa inyong mga kabataang lalaking maytaglay ng Banal na Aaronic Priesthood. Napakaespesyal na pagpapala ang magtaglay ng pagkasaserdote ng Diyos na magpapalago ng ating kapangyarihan, kakayahan, at pang-unawa. Para mailarawan ang mga pagpapalang natatanggap mula sa pribilehiyong ito, gusto kong magsalita tungkol sa dalawang alagad ng Diyos na kapwa nagngangalang Joseph.
May kakaibang karanasan ang tatay ko noong nasa edad pa siya ng isang priest. Walang hayskul sa lugar na tinitirhan niya, at nais niyang makapag-aral. Pinayagan siya ng kanyang ama na lisanin ang bukid at mag-aral sa ibang lugar, ngunit kailangan niyang tustusan ang sarili. Pagdating sa Salt Lake City, nabalitaan niyang may trabaho sa tahanan ni Pangulong Joseph F. Smith. Napasok siyang tagaalaga ng dalawang baka ng propeta. Sa mga family home evening namin nagpapakuwento kami kay Itay ng mga karanasan ng kabataan niya sa tahanan ng propeta. Naririnig namin siyang nagkukuwento ng ganito:
Ipinaliwanag ni Sister Smith sa tatay ko sa kanyang mga tungkulin na ang mga baka ". . . ay mga aristokrata, at kailangan mo silang alagaang mabuti. Panatilihin mo silang malinis at sanayin sila nang husto para anumang oras na gustuhin kong ilipat sila sa parlor, sapat ang linis nila para makapasok." Sinabi ni Itay na alam niyang gatasan ang mga baka pero hindi ang paglilinis sa mga ito.
Bago gatasan sa gabi at umaga, pinaliliguan silang mabuti ng mainit na tubig at sabon at pinatutuyo sa mga tuwalyang inihanda para doon. Pinakakain sila ng pinakamainam na dayami at ginagatasan sa magkakatulad na oras dalawang beses isang araw.
Bukod sa mga tungkulin niya sa pamilyang Smith at sa "aristokratang" mga baka nito, pinagawa rin ang tatay ng ilang gawaing-bahay paminsan-minsan. Ganito ang mga kuwento niya sa amin: "Isang napakalamig na umaga, binaldehan ko ang daan patungong opisyal na tirahan ng Pangulo ng Simbahan. Muntik na siyang madulas dito, dahil hinayaan kong magyelo ang tubig bago patuyuin. Kinailangan kong tunawin ng mainit na tubig ang yelo at patuyuin ng tuwalya ang semento. Halos malinis na ang daan, pero nagdaanan ang mga kaklase ko patungong paaralan bago natapos ang trabaho. Nakakaaba ang karanasang iyon."
Sa pagkukuwento ng mga ito, ayokong matanim sa isip ninyo na ang tatay ko ay isang lalaking kakambal ni Cinderella. Kinupkop ng pamilyang Smith ang kawawang batang magbubukid na ito na taga-Idaho habang tinapos niya ang hayskul at nag-aral sa University of Utah. Isinali nila ito sa mga aktibidad ng pamilya, sa hapag-kainan, at sa panalangin ng pamilya. Ibinahagi sa amin ng tatay ko ang kanyang patotoo na ang propetang si Joseph F. Smith ay tunay na alagad ng Diyos: "Nang lumuhod ako kasama ng propeta, sa panalangin ng pamilya, at nakinig sa taimtim niyang pagsamo para sa mga pagpapala ng Panginoon sa kanyang pamilya at sa kawan nila ng mga tupa at baka, natanto kong kasama rin ang nakaiinsultong mga bakang ito sa kanyang mga pagpapala, at saka ko ito naunawaan. . . . Karamihan sa mga dakilang taong kilala ko ay nawalan ng kabuluhan dahil pamilyar sila sa mga tao. Di tulad ni Propetang Joseph F. Smith. Bawat karaniwang kilos ay nagdaragdag sa kanyang kadakilaan. Para sa akin isa siyang propeta kahit naghuhugas lang siya ng kamay o naghuhubad ng sapatos."
Ang aral na natutuhan ay nagturo sa atin ng malaking pagpapahalaga at pagmamahal sa propeta ng Diyos.
Ang paglalarawan ng aking ama kay Pangulong Joseph F. Smith ay nagpapaalala sa akin sa pahayag ng Faraon kay Jose ng Egipto: "Makasusumpong kaya tayo ng isang gaya nito, na isang taong kinakasihan ng Espiritu ng Dios?" (Genesis 41:38).
Ikinukuwento ng aking ama si President Smith, ang kanyang pamilya, at ang kanyang mga baka, at inihahayag din nito ang malaking pagbabago ng mga panahon mula noong unang bahagi ng ika-20 Siglo. Palagay ko'y wala sa hinagap ng aking ama ang mga makabagong kompyuter sa ibabaw ng maliliit na mesa na gigahertz ang bilis at gigabytes ang imbakan. Palagay ko'y wala rin sa kanyang hinagap ang mga kasamaang magagawa ni Satanas sa mga kamangha-manghang teknolohiyang ito. Sa kanyang kasamaan, maraming naikalat na bago at nakahahawang virus si Satanas. Malaking pinsala ang gagawin ng mga ito sa ating espiritu kung wala tayong makapangyarihang panlaban sa kanila. Ipinaalala nito sa akin ang pinakamahusay sa lahat na programa laban sa virusang kaloob na Espiritu Santo.
Tungkol sa kaloob na ito, sinabi ni President Joseph F. Smith: " 'Ang kaloob na Espiritu Santo,' ay isang espesyal na pagpapalang ibinuklod sa mga naniniwala kay Jesucristo na nagsisi at nabinyagan, at 'isang palaging saksi.' Maaaring tamasahin ang espiritu ng Diyos bilang pansamantalang impluwensiya na daan upang makarating ang banal na liwanag at kapangyarihan sa sangkatauhan para sa mga espesyal na layunin at okasyon. Ngunit ang kaloob na Espiritu Santo, na tinanggap ng mga apostol sa araw ng Pentecostes, at ipinagkaloob sa pagpapatibay, ay isang permanenteng saksi at mas mataas na kaloob" (saMessages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,tinipon ni James R. Clark, 6 na tomo [196575], 5:4).
Mahalagang maalalayan kayo ng inyong pamilya sa pag-aaral ng ebanghelyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Kaya, lahat tayo ay dapat umasa sa kaloob na Espiritu Santo para gabayan tayo sa pagkilala ng tama at mali. Dito nakakatulong ang halimbawa ni Jose ng Egipto sa pagtuturo sa bawat isa sa atin. Isa siyang taong lubos na umasa sa Espiritu ng Panginoon na kahit isang taong binulag ng pagsamba sa mga idolo, na dili iba't ang Faraon, ay napansin ang kakaiba niyang pagkatao at lakas.
Subukan natin ngayong gabi kung anong mga dakilang mensahe ang matatamo natin sa pag-aaral tungkol sa mga dakilang lider sa mga banal na kasulatan. Tinuruan tayo ni Joseph Fielding Smith sa kanyangAnswers to Gospel Questions:
"Sapat ang katibayan na ang mga batang lalaki ay tinawag at inordenan noong unang panahon. Bago ang malaking pagbaha, noong napakahaba pa ng buhay ng mga tao, ilan ang natawag para maglingkod sa murang edad. Dalawampu't limang taong gulang pa lang si Enoc nang ordenan siya ni Adan; . . . at sampung taong gulang pa lang si Noe nang matanggap ang priesthood [tingnan sa D at T 107:48, 52]. Hindi nakasaad kung ilang taon si Jose, anak ni Israel, nang matanggap niya ang priesthood; ngunit marahil nga'y napakabata pa niya noon. Ipinagbili siya ng kanyang mga kapatid noong labimpitong taon pa lang siya, at taglay na niya marahil ang priesthood bago pa iyon, dahil ginamit niya ito sa lupain ng Egipto [tingnan sa Gen. 37:2; 40:819; 41:1436]" (tinipon ni Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo [195766], 2:9).
Sa aklat ng Genesis sa Lumang Tipan, makikita natin ang kuwento ni Joseph. Miyembro si Joseph ng pamilyang may 11 magkakapatid na lalaki10 rito'y mas matanda sa kanya. Mukhang paborito siya ng kanyang ama kaysa sa iba. Ginawan nito si Jose ng tunikang sari-sari ang kulay, hinayaan siyang mamalagi sa bahay, at inutusan siyang lumabas paminsan-minsan at manmanan ang mga kapatid na nagpapastol ng mga kawan sa bukid. May mga panaginip din si Jose na parang mas nakatataas pa siya sa iba niyang kapatid.
Isang araw nang manmanan ni Jose ang kanyang mga kapatid sa pagpapastol ng mga kawan, nainis na ang mga ito sa kanya at nais nila itong mawala. Dumating ang pagkakataong ipinagbili si Jose bilang alipin sa isang grupo ng mga Ismaelitang naglalakbay patungong Egipto.
Bigla, natagpuan ni Jose ang kanyang sarili sa isang kakaibang lugar na may kakaibang kaugalian, relihiyon, at ang masama pa nito, ang ipagbili siya bilang alipin. Nagpasikat nang husto si Jose, kaya binili siya ni "Potiphar, puno ni Faraon, na kapitan ng bantay" (Gen. 37:36).
"At ang Panginoon ay suma kay Jose, [at ang espiritung taglay niya ay tumulong sa kanya nang siya ay naging] lalaking mapalad; at siya'y nasa bahay ng kaniyang panginoong taga Egipto.
"At nakita ng kaniyang Panginoon, na ang Panginoon ay sumasakaniya, at ang lahat ng kaniyang ginagawa ay pinagpapala ng Panginoon sa kaniyang kamay.
"At nakasumpong si Jose ng biyaya sa kaniyang paningin, at pinaglingkuran niya siya: . . . at sa kaniya'y ipinamahala [ni Potiphar] ang bahay, at ang lahat ng kaniyang tinatangkilik ay isinakaniyang kamay.
"At nangyari, na mula sa panahon na siya'y pamahalain sa kaniyang bahay, at sa lahat ng kaniyang tinatangkilik, ay pinagpala ng Panginoon ang bahay ng taga Egiptong yaon dahil kay Jose; at ang pagpapala ng Panginoon ay sumalahat ng kaniyang tinatangkilik, sa bahay at sa parang.
"At kaniyang ipinamahala ang lahat niyang tinatangkilik sa kamay ni Jose; at hindi siya nakikialam ng anomang kaniya, liban sa tinapay na kanyang kinakain. At si Jose ay may magandang pagmumukha at kahalihalina" (Gen. 39:26).
Isang araw habang nagtatrabaho si Jose sa bahay, natagpuan niya ang sarili sa isang mahirap na katayuan. Tinukso siya ng asawa ni Potiphar. Agad nalaman ni Jose na mali ang kanyang pinasukan. Sinabi niya:
"Walang sinomang dakila kay sa akin sa bahay na ito; walang ipinagkait sa aking anomang bagay, kung di ikaw lamang, sapagka't ikaw ay kaniyang asawa; paano ngang aking magagawa itong malaking kasamaan, at kasalanan laban sa Dios? . . .
"At siya'y pinigilan niya sa kaniyang suot, na sinasabi, Sipingan mo ako; at iniwan niya ang kaniyang suot sa kamay niya at tumakas, at lumabas" (Gen. 39:9, 12).
Malaking aral ang natutuhan natin mula kay Jose. Nang maharap siya sa tukso, agad niyang inilayo ang kanyang sarili maging sa anyo ng kasamaan. Lahat tayo'y nahaharap sa mga hamon ng buhay.
Kapag nahaharap tayo sa masama at nakakababa ng pagkataomaging ito man ay masamang musika, programa sa telebisyon, o Internet, na naglalagay sa atin sa maling kapaligirantunay na magpapalakas ang gunita ng kuwento ni Jose: "At [siya'y] tumakas, at lumabas" (Gen. 39:12).
Inilayo niya ang sarili sa tukso.
Maging ang pagpili ng tama ay hindi nagpalaya kay Jose sa mga hamong dinanas niya sa buhay. Nang umuwi si Potiphar, isinumbong sa kanya ng asawa na kinutya siya ni Jose. Sa labis na galit si Potiphar, "dinala [niya] si Jose, at inilagay sa bilangguan, sa dakong pinagkukulungan ng mga bilanggo ng hari: at siya'y natira roon sa bilangguan.
"[At muli], ang panginoon ay suma kay Jose, at iginawad sa kaniya ang awa, at pinagkalooban ng biyaya sa paningin ng katiwala sa bilangguan.
"[Di nagtagal] At ipinamahala ng katiwala sa bilangguan sa mga kamay ni Jose ang lahat na mga bilanggo na nasa bilangguan: at ang lahat ng ginagawa roon ay siya ang gumagawa" (Gen. 39:2022).
Ngunit ang Panginoon ay suma kay Jose, at isang oportunidad ang muling ibinigay sa kanya sa loob ng bilangguan. Dalawa sa mga katiwala ng Faraon ang nabilanggo rin. Bawat isa'y nanaginip na nabigyang-kahulugan ni Jose. Isa sa kanila ang mamamatay sa bilangguan; ang isa'y muling mababalik sa puwesto bilang punong katiwala ng Faraon. Kapwa natupad ang mga panaginip. Nabalik sa mataas na puwesto ang katiwala para sa Faraon at tuluyang nalimutan si Jose hanggang lumipas ang dalawang taon.
At nanaginip ang Faraon. Walang makapagbigay-kahulugan sa kanyang panaginip. Sa wakas naalala ng katiwala si Jose. Sinabi niya sa Faraon ang kakayahan ni Jose na magbigay-kahulugan sa mga panaginip. "Nang magkagayo'y nagsugo si Faraon at ipinatawag si Jose, at siya'y inilabas na madalian sa bilangguan: siya'y [nag-ahit] at nagbihis ng suot, at naparoon kay Faraon" (Gen. 41:14).
Nabigyang-kahulugan ni Jose ang panaginip ng Faraon. Sa labis na paghanga ng Faraon, ginawa niyang isa sa kanyang mga lingkod si Jose. Ang Panginoon ay muling suma kay Jose. Di nagtagal at nataas ng puwesto si Jose bilang pangalawa sa Faraon sa buong lupain ng Egipto. May espesyal na katangian si Jose na bukod-tangi sa iba pang mga lingkod. Pinansin ng Faraon kung bakit kakaiba si Jose sa iba pang mga lingkod nang sabihin niyang, "Makasusumpong kaya tayo ng isang gaya nito, na taong kinakasihan ng Espiritu ng Dios?" (Gen. 41:38).
Mapapansin ninyo na sa bawat sitwasyong dinanas ni Jose, sumakanya ang Panginoon. Madaling kilalanin ang espesyal na espiritung sumakanya sa paraan ng kanyang pamumuhay at pagdinig sa tinig ng Panginoon na patnubayan siya.
Sasaatin din ang ganoong pagkilala habang tayo'y inaakay at pinapatnubayan ng Kanyang Espiritu Santo. Pakinggan ang marahan at banayad na tinig sa oras ng pagpapasiya. Tiyak na magiging malakas na tinig ng babala ito na magsasabi sa inyong patayin ang maling uri ng musika, lumayo sa nakakababang mga programa sa telebisyon, o isara ang tinutunghayang Web page na magdudulot lang sa inyo ng masasamang isipin. Ipaaalam sa inyo ng Espiritu Santo kapag kayo ay nasa bawal na teritoryo.
Ipinangangako ko, kung didinggin ninyo ang tinig ng babala ng Espiritu Santo at susundin ang Kanyang patnubay, na pagpapalain kayo ng paglilingkod ng mga anghel, na magdaragdag ng dunong, kaalaman, kapangyarihan, at luwalhati sa inyong buhay. Tandaan, ang Panginoon ay nakatali sa taimtim na tipan na pagpalain ang ating buhay ayon sa ating katapatan. Tanging Siya lang ang magpapangyaring gawin tayong mga taong kinakasihan ng Espiritu ng Diyos, na dili iba't ang Espiritu Santo.
Isang malaking pagpapala na mapasaatin ang banal na pagkasaserdote ng Diyos at taglayin ang gayong kapangyarihan at lakas ng loob. Nawa'y bigyang-inspirasyon at patnubayan tayo ng Panginoon sa pag-aaral natin ng mga kuwento ng mga dakilang propetang nabuhay sa lupa. Nawa'y makapulot tayo ng aral sa kanilang buhay na mas maglalapit sa atin sa ating Manlilikha at tutulong sa atin na tamasahin ang mga biyaya at bungang nagmumula sa ebanghelyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Nawa'y sumigla tayo sa pagsunod sa Kanyang mga yapak ang abang dalangin ko sa ngalan ni Jesucristo, amen.