Elder Ben B. Banks
Ng Panguluhan ng Pitumpu
Habang kayo ay nakatahak sa tamang landas, sulit na sulit ang mga hirap na inyong pinagdaraanan sa gantimpalang naghihintay sa dulo ng landas.
Mga kapatid, natutuwa akong makasama kayo ngayong gabi. Nais ko ring magsalita lalo na sa mga kabataang lalaki sa Aaronic Priesthood. Mahal ko kayo at labis ko kayong inaalala.
Sa bagong buklet naPara sa Lakas ng Kabataan, sinasabi sa inyo ng Unang Panguluhan: "Mahal naming mga kabataan . . . malaki ang tiwala namin sa inyo. Kayo'y mga piling espiritung isinilang sa panahong ito kung kailan ang mga responsibilidad at oportunidad, at maging ang mga tukso, ay napakatindi. Nasa simula kayo ng inyong paglalakbay sa buhay na ito. Nais ng inyong Ama sa Langit na maging masaya ang inyong buhay at akayin kayo pabalik sa Kanyang piling. Ang mga pagpapasiya ninyo ngayon ang magpapasiya ng kahihinatnan ninyo sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan" ([polyeto, 2001], 2).
Umaasa ako sa gabing ito na kahit paano'y matuto kayo mula sa halos 70 taon kong paglalakbay sa landas na ito na tinatawag nating buhay. Maaaring nasabi na ito sa inyo ng inyong mga magulang at mga lolo at lola: "Habang tumatanda kayo, parang lalong bumibilis ang oras." Tila ba sa isang sandali labindalawang taong gulang ka at nahaharap sa isang mahabang buhay, at sumunod na sandali'y halos 70 taong gulang ka na at malaki ang tiyan!
Mahirap paniwalaang halos 13 taon na ang nakalilipas nang huli akong magsalita sa miting ng pangkalahatang priesthood. Noo'y ikinuwento ko sa mga kapatid ang tungkol sa isa kong paglalakbay sakay ng bisikleta kasama ang mga anak kong lalaki at natutuhan ko sa karanasang iyon ang kahalagahan ng paghahanda nang husto sa pagtahak sa landas ng buhay.
Ngayo'y nais kong isalaysay sa inyo ang iba ko pang mga paglalakbay at ang mga aral na natutuhan ko mula sa mga ito.
Kamakailan, nagkatuwaang mamasyal sakay ng bisikleta ang ilang miyembro ng aking pamilya mula sa Bozeman, Montana, hanggang Jackson Hole, Wyoming, sa Estados Unidos. Ang 225-milyang paglalakbay na ito ay tatagal nang tatlong araw, at tatlong ulit naming tatawirin ang Continental Divide. Natiyak namin na ang paglalakbay sa pagitan ng mga bundok kung maganda ang panahon ay magiging napakagandang karanasang tutulong sa amin na pahalagahan ang mga nilikha ng Diyos.
Matapos ang maingat na pagpaplano at paghahanda, sinimulan namin ng dalawa kong anak na lalaki at kaisa-isa kong anak na babae ang unang araw ng pagbibisikleta patungo sa pagpapahingahan namin sa magdamag sa Big Sky, Montana. Napakaganda ng umaga, at umasa kaming masiyahan sa paglalakbay. Gayunman, sa biyahe namin, natipon ang maiitim na ulap at bumagsak ang ulan, na nang malaon ay naging siliska at niyebe at kami ay gininaw, nabasa, at nalungkot. Nang matapos ang unang araw ng aming paglalakbay at marating ang destinasyon para sa magdamag na iyon, ipinaalala sa akin na ang buhay ay maaaring matulad sa araw na iyon. Mabuti na lang at naghanda kami para sa lahat ng klase ng panahon; kung hindi, nahirapan sana kaming makatapos sa aming paglalakbay sa unang araw na iyon. Sa bawat yugto sa landas ng buhay, dapat tayong magsimula na puspos ng pag-asa at pag-asam, ngunit dapat din tayong maging handang harapin ang mga hadlang o hirap na darating.
Ang mga huwarang binuo ninyo sa inyong kabataan ay tataglayin ninyo habambuhay. Sa paggawa ng mga wastong pagpili ngayon, matatahak ninyo ang landas na tutulong sa inyo na tiisin ang mga pinakamahirap at pinakamabigat na sandali pagdating ng araw.
Halimbawa, kung nakagawian ninyong magmura, habang ginagamit ninyo ito, nagiging mas mahirap itong baguhin at itigil. Mas mainam na pumili ng ibang landas, iyong maghahatid ng malinis na isipan at salita at gawa upang matamasa ninyo ang pagpiling ng Espiritu Santo. Isipin ninyo ang hirap ng paglilingkod sa misyon at pagpasok ng masamang lengguahe sa inyong isipan samantalang kailangan ninyong palaging makapiling ang Espiritu. Kung problema ninyo ang pagmumura, ngayon ang panahon para magbago.
Sa ikalawang araw ng aming paglalakbay, nagtungo kami sa West Yellowstone. Lahat ng bagay ay nasa ayostumatakbo nang maayos ang bisikleta, nakapahinga ang aming mga binti, habang papalapit kami sa ikalawa naming destinasyon. Noon ko natanto na kung hindi tayo maingat kapag maayos ang mga bagay-bagay sa buhay, matutukso tayong kalimutan ang ating Ama sa Langit at purihin ang sarili sa kaligayahang ating tinatamasa. Huwag tayong magkakamali.
Itinuro ng Propetang Joseph Smith, "Kaligayahan ang layunin at dahilan ng ating buhay; at siyang magiging wakas nito, kung tatahakin natin ang landas patungo rito; at ang landas na ito ay kabaitan, pagkamatuwid, katapatan, kabanalan, at pagtupad sa lahat ng kautusan ng Diyos" (Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith [1976], 25556).
Tadtad ng mga kuwento ang Aklat ni Mormon tungkol sa mga pinagpala ng Panginoon na pagkaraa'y naging mapagmalaki sa mga nagawa nila. Kalauna'y iniwan nila ang tamang landas dahil sa kanilang kayabangan at nawala ang lahat ng bagay na taglay nila sa pagtalikod nila sa katotohanan. Tiyaking hindi kayo maging tulad ng mga Nephita noong unang panahon; laging tandaan ang tunay na pinagmumulan ng inyong mga pagpapala.
Sa ikatlong araw ng aming paglalakbay, natutuhan ko na bagama't may mga hirap tayong daranasin sa buhay, ugali natin ang magpapasiya kung paano natin haharapin ang mga ito. Sa araw na iyon tatlong ulit naming tinawid ang Continental Divide, na paakyat mula sa taas na 4,800 talampakan hanggang 8,300 talampakan. Ang pag-akyat sa matatarik na daanan sa bundok na nakabisikleta ay nangangailangan ng tamang pag-uugali para marating ang tamang taas. Gayon din sa buhay. Sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga makabuluhang adhikain at maging desidido sa mga ito, madidisiplina ninyo ang inyong sarili at marami kayong magagawa. Oo, may mga pagkakataong ang pag-akyat sa matatarik na daanan sa bundok ay halos di ko makayanan, ngunit hindi ako sumuko dahil desidido ako.
Mga kabataang lalaki sa Aaronic Priesthood, hinihimok ko kayong magtakda ng mga adhikain para sa inyong sarili, tulad ng pagkumpleto ng seminary, marangal na pagmimisyon, pagtatapos sa kolehiyo, at pagiging marapat na makasal sa templo. Sa edad ninyo maaaring parang napakatayog ng mga adhikaing ito, ngunit kung sisimulan ninyong akyatin ito ngayon mas magiging handa kayo sa pagsasakatuparan ng mga ito.
Dalawang taon na ang nakalilipas nagkaroon kami ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ng pagkakataong mamangka patungong ilang ng Quiteco sa Ontario, Canada, at nagpalipat-lipat kami ng lawa. Nang marating namin ang kalagitnaan ng isa sa malalaking lawa, naging napakasungit ng panahon, at ang dating banayad na tubig ay naging maalon at mapanganib, at siniklut-siklot ang aming bangka.
Kinailangan naming magpasiya. Dapat ba kaming magpatuloy sa aming destinasyon o magtungo sa pinakamalapit na pulo at hintaying lumipas ang unos? Tila malinaw na ngayon ang sagot, ngunit sa sandaling iyo'y hindi naging madaling magpasiya. Kung magpapatuloy kami, maaari naming marating ang pook na balak naming pagkampuhan. Kung aantalahin namin ang aming paglalakbay, gagabihin kaming masyado at aabutan kami ng dilim sa daan. Habang pinag-iisipan namin ang gagawin, nadama naming dapat kaming magtungo sa pinakamalapit na pulo sa lalong madaling panahon. Nang gawin namin ito, isang unos na mas matindi sa inaasahan namin ang dumaan. Kung nagpatuloy kami sa pamamangka, malamang na nanganib nang husto ang aming buhay.
Dito sa mortalidad kinakailangan nating gumawa ng mabibigat na pasiya, na ang magiging bunga ay maaaring magkaroon ng pangmatagalang epekto sa ating espirituwal na hinaharap. Hinihikayat ko kayong laging maging marapat na hangarin ang Espiritu upang tulungan kayong laging piliin ang tama.
Sa Aklat ni Mormon, sinasabi sa atin ni Nephi: "At pagkatapos, kayo ay nasa makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan; oo, kayo ay nakapasok na sa pasukan; nagawa na ninyo ang alinsunod sa mga kautusan ng Ama at ng Anak; at inyong tinanggap ang Espiritu Santo" (2 Ne. 31:18).
Nang makatapos ang aking pamilya sa 225-milyang paglalakbay sa bisikleta, natutuhan namin na gaano man kahirap ang mga bagay sa landas ito na tinatawag nating buhay, malaking kaligayahan ang naghihintay sa mga sumusunod sa mga kautusan at nagtitiis hanggang sa wakas.
Mga kabataang lalaki sa Aaronic Priesthood, kayo ay may pananagutang manatiling nakatuon sa inyong walang-hanggang destinasyon. Oo, ang landas ng buhay ay maraming ligaya at lungkot. Oo, may mga araw na madarama ninyong napakahirap magpatuloy. Ngunit habang kayo ay nakatahak sa tamang landas, sulit na sulit ang mga hirap na inyong pinagdaraanan sa gantimpalang naghihintay sa dulo ng landas.
Muli, mula sa buklet naPara sa Lakas ng Kabataan, sumulat ang Unang Panguluhan: "Nawa'y mapanatili ninyong malinis ang inyong isipan at katawan mula sa mga kasalanan ng mundo upang magawa ninyo ang dakilang gawain para sa inyong kinabukasan. Dalangin naming maging marapat kayo upang ipagpatuloy ang mga responsibilidad sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos at paghahanda sa daigdig para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas" (pahina 3).
Mga kaibigan kong kabataan, mangyaring alamin ang kahalagahan ng pagiging matalino sa pamamagitan ng pagsunod sa mga payo ng ating mga Propeta, at mapapasainyo ang kaligayahan habambuhay.
Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.