The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2002
Pagiging Malaking Pakinabang sa ating Kapwa

Pagiging Malaking Pakinabang sa ating Kapwa

Elder Spencer J. Condie
Ng Pitumpu

Dalangin ko na kayong mabubuting kabataang lalaki ay hindi lang magiging marapat na tanggapin ang paglilingkod ng mga anghel, kundi kayo . . . ay magiging anghel na tagapaglingkod sa buhay ng iba.

Elder Spencer J. Condie

Bilang isang binatang 27 taong gulang, inordenan bilang priest si Wilford Woodruff noong Nobyembre 5, 1834. Makalipas ang walong araw sinimulan niya ang dalawang-taong pagmimisyon sa southern states.1Isang gabi nakakita sila ng kanyang kompanyon ng matutuluyan sa pamilyang naglaan sa kanila ng sahig na tutulugan na walang sapin, na sinabi niyang "napakatigas matapos naming lakarin ang animnapung milya nang walang kinakain."2

Kinabukasan labindalawang milya ang nilakad nila sa gitna ng ulan hanggang sa marating nila ang bahay ng isang lalaking miyembro ng mga mandurumog sa Missouri. Sinabi ni Brother Woodruff, "Paupo na ang pamilya para mag-agahan nang pumasok kami. Noong mga panahong iyon ugali na ng mga taga-Missouri na magyayang kumain kahit galit sila sa inyo; kaya niyaya niya kaming mag-agahan, at tuwang-tuwa kami sa paanyaya. Batid niyang mga Mormon kami; at nang magsimula kaming kumain, sinimulan niyang murahin ang mga Mormon. May malaki siyang plato ng bacon at itlog, at maraming tinapay sa mesa, at hindi naging sagabal sa pagkain namin ang kanyang pagmumura, dahil mas matindi ang pagmumura niya mas lalo kaming ganadong kumain, hanggang sa mabusog kami; tapos ay tumayo kami, kinuha ang aming mga sumbrero, at nagpasalamat sa kanya sa agahan. Ang huling narinig namin tungkol sa kanya ay nagmumura pa rin siya. Nananalig akong gagantimpalaan ng Panginoon ang pagpapakain niya sa amin."3

Sa pagtatapos ng unang taon ng misyong iyon isinalaysay niya na siya ay "naglakbay nang tatlong libo dalawang daan at apatnapu't walong milya, nagdaos ng isang daan at pitumpung miting, [at] nagbinyag ng apatnapu't tatlong tao."4

Ang unang misyon niya sa mga estado sa katimugan ay nasundan ng dalawang maiikling misyon sa Fox Islands sa may baybayin ng Maine,5at dalawang magkasunod na misyon sa England.6Sa huling misyon niya sa England, noong 1840, kinilala niya na, "sa pamamagitan ng mga pagpapala ng Diyos," naging kasangkapan siya sa pagdadala ng mahigit 1,800 kaluluwa sa Simbahan sa loob ng walong buwan.7

Napatunayan ni Wilford Woodruff ang pangako sa Aklat ni Mormon na "ang Diyos ay nagbigay ng paraan upang ang tao, sa pamamagitan ng pananampalataya, ay makagawa ng mga makapangyarihang himala; anupa't siya ay naging malaking kapakinabangan sa kanyang kapwa."8Mga kapatid kong kabataan sa Aaronic Priesthood, paaalalahanan ko kayo na hindi lang nais ng Ama sa Langit na maging mabuti kayo, kundi ang makagawa kayo ng mabuti, ang makapaglingkod at magpala sa buhay ng iba, at maging kapaki-pakinabang sa inyong kapwa.

Mababasa natin sa Ebanghelyo ni Lucas na "[Lumaki] si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao."9Dahil sangkot ang pagiging mas katulad ng Tagapagligtas sa paghahanap natin ng kaganapan sa mundo, dapat din tayong umunlad sa karunungan at pangangatawan, at magbigay-lugod sa Diyos at sa tao.

Ang mga aktibidad sa korum ng priesthood at sa Mutwal ng mga kabataang babae, kapag maingat at mapanalanging naiplano at natalakay sa bishopric youth committee,10ay makakatulong sa bawat kabataan na umunlad sa karunungan habang lumalaki ang kanilang pagpapahalaga sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta at lumalahok sa mga aktibidad sa Mutwal na kinapapalooban ng "anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri."11

Ang pagsasanggunian sa bishopric youth committee ay naglalaan din ng mahalagang pagsasanay para sa buong henerasyon ng mga lider sa hinaharap na nagsisikap na epektibong magtulungan sa mga konseho.

Kayong mga kabataan ay lalaki at lalakas ang katawan sa pagsali sa mga katutubong sayaw, isports, at kaaya-aya at makaibigang kompetisyon ng mga maginoong atleta. Uunlad kayo sa pagbibigay-lugod sa Diyos sa paggawa ng family history research, mga pagbibinyag sa templo para sa mga namatay na ninuno, pagiging matapat na home teacher, madalas na paglilinis ng kapilya, pagbisita sa mga bahay-kalinga, at pagtulong sa pagpapaganda ng inyong komunidad. Sa gayon, magiging halimbawa kayo ng payo ni Haring Benjamin na "kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos."12Ang isang matalinong lider ng mga kabataan ay di-gaanong bibigyang-diin ang pangangalap ng pondo at mas pagtutuunan ng pansin ang di-makasariling paglilingkod sa iba.

Kayong mga kabataan ay lalaki sa pagbibigay-lugod sa tao at magiging mas handa para magmisyon, mag-asawa at magtrabaho sa hinaharap sa pagkatuto pa ninyo tungkol sa iba't ibang karera at magkakaroon ng higit na tiwala sa sarili sa tulong ng pagtatalumpati, paglahok sa mga orihinal na dula-dulaan, at mga pagtatanghal ng talino.

Dapat makita sa mga aktibidad ng ating mga kabataan ang ating paniniwala na "ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan,"13at dapat tayong magkusang ibahagi ang kagalakang iyon sa iba. Di pa nagtatagal nakilala ko ang isang babae mula sa Silangan na nakatira na ngayon sa Salt Lake Valley. Isa siyang tapat na miyembro ng ibang Simbahang Kristiyano, at tinanong ko kung nagagalak siyang manirahan sa paligid ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sabi niya, "Nagkakasundo kami ng asawa ko, pero nag-aalala ako sa aming dalagita. Dakong ikapito ng gabi tuwing Miyerkoles ilang babae sa aming kapitbahayan ang sama-samang dumaraan sa harap mismo ng aming tahanan patungo sa kung saan, at ni minsa'y di tumigil para yayaing sumama ang aming 14-na-taong-gulang na anak."

Sabi ko, "Masuwerte kayo; nasa posisyon ako para lutasin yan." Agad niyang ibinigay sa akin ang pangalan at tirahan ng kanyang anak, at nakipag-ugnayan kami kapwa sa stake president at sa prinsipal ng seminary.

Ang ating mga kaibigan at kapitbahay ay mga anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit na nais silang makabalik sa Kanya. Makokontento ba tayo kapag di lahat ng miyembro ng ating korum ang naroon tuwing Linggo ng umaga? Tiyak na tayo mismo ay makakatulong sa mga di-gaanong aktibo at mga di kapanalig at magiliw silang maaanyayahan sa mga aktibidad natin sa Mutwal sa Young Men at Young Women, Seminary, mga klase sa Sunday School, at sakrament miting.

Nang matanggap nina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang Aaronic Priesthood sa kamay ng nabuhay na mag-uling si Juan Bautista, natanggap nila "ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel,"14at kayo man nang kayo ay maordenan. Dalangin ko na kayong mabubuting kabataan ay hindi lang maging marapat natanggapinang paglilingkod ng mga anghel, kundi kayo, gaya ng batang si Wilford Woodruff, aymagingisang anghel na naglilingkod sa buhay ng iba sa inyong pananampalataya sa paggawa ng "malalaking himala," nang sa gayon ay maging isang "malaking pakinabang" kayo sa inyong kapwa.

Babawasan ni Satanas ang inyong pananampalataya at kapangyarihan ng priesthood para makagawa ng mga himala, ngunit lalaanan kayo ng mapagmahal na Ama sa Langit ng banal na proteksyon—ang Kaloob na Espiritu Santo. Sa unang kabanata ng Aklat ni Mormon nalaman natin na habang nagbabasa si Lehi ng mga banal na kasulatan "siya ay napuspos ng Espiritu ng Panginoon."15Nang malaon ay pinangakuan tayo ni Nephi na habang "[n]agpapakabusog [tayo] sa mga salita ni Cristo . . . ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa [atin] ng lahat ng bagay na dapat [nating] gawin."16

Maaaring kailanganin ninyong magpasiya tungkol sa pagmimisyon, magiging trabaho, at, sa huli'y pag-aasawa. Sa pagbabasa ninyo ng mga banal na kasulatan at pagdarasal para sa patnubay, maaaring di ninyo makita ang kasagutan sa mga nakasulat sa pahina, ngunit habang nagbabasa tatanggap kayo ng kakaibang damdamin, at paghihikayat, at, tulad ng ipinangako, ang Espiritu Santo "ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin."17

Nais ni Satanas na isuko ninyo ang inyong moralidad sa iba't ibang uri ng pagkalulong, ngunit nangako sa inyo ang mapagmahal na Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang propetang si Isaias na sa tulong ng taos na pag-aayuno, habang sinisikil ninyo ang inyong mga pagnanasa, tutulungan Niya kayong "[pa]layain ang napipighati," at "alisin ang lahat na atang."18Tamuhin ang pangakong iyan sa pag-aayuno. Bibigyang-puwang ng gutom na nadarama natin ang pagtanggap sa kaganapan ng ebanghelyo. Dapat tayong mag-ayuno bago maging malinis.

Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pag-aayuno, na sinimulan at sinundan ng panalangin, ay tunay na "ginhawa sa mga nagdurusa."19Ang buong buhay ni Propetang Joseph Smith ay nagpapamalas ng kapangyarihan ng panalangin at katuparan ng pangako ng Panginoon na "Kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag."20Ang isang mahalagang pahayag na matatanggap ninyo ay ang payo kung paano ninyo maaantig nang husto ang buhay ng mga ibang naliligaw ng landas. Sa gayon, makabubuting tandaan ang matalinong payo ni President Hinckley: "Ang Espiritu Santo ay isang Tagapagpatunay ng katotohanan, na makapagtuturo sa tao ng mga bagay na di nila maituro sa isa't isa."21

Itinuturing ni President Gordon B. Hinckley ang mabubuting kaibigan na isa sa mga pangunahing sangkap sa pananatiling aktibo ng mga bagong binyag at pagbabalik ng mga di-gaanong aktibo, at mahusay na inilarawan ni Robert Browning kung paano ito nagkaganito:

. . . Kung ako ' y piniling katulad mo,
Palilibutan ng pag-ibig ang sarili ko,
Mga kaibigang ipagtatanggol ako;
Pananampalataya ' t layuni ' y aming matatamo,
At titiyakin nilang ako ' y di mabibigo.22

Sa katandaan, bilang Pangulo ng Simbahan, ipinahayag ni Wilford Woodruff: "Walang pagkakaiba kung ang isang tao ay isang Priest o isang Apostol, kung tutuparin niya nang buong husay ang kanyang tungkulin. Hawak ng Priest ang susi ng paglilingkod ng mga anghel. Kailanman sa aking buhay, bilang Alagad, Pitumpu, o Elder, hindi ako nagkaroon ng higit na pagkalinga ng Panginoon kundi noong nasa katungkulan ako ng Priest. Inihayag sa akin ng Panginoon ang maraming bagay sa harapan ko sa pamamagitan ng pangitain, mga paghahayag, at Espiritu Santo."23

Mga kapatid kong kabataan, dalangin ko na bawat isa sa atin, sa tulong ng ating pananampalataya, ay gagamitin ang kapangyarihan ng ating priesthood sa paggawa ng mga himala sa pagbabahagi ng ebanghelyo at paglilingkod sa iba, upang maging kapaki-pakinabang sa ating kapwa, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Tingnan saWilford Woodruff: History of His Life and Labors(1909), ni Matthias F. Cowley, 47.
2. Sinipi sa Cowley,Wilford Woodruff, 50.
3. Sinipi sa Cowley,Wilford Woodruff, 50.
4. Sinipi sa Cowley,Wilford Woodruff, 58.
5. Sinipi sa Cowley,Wilford Woodruff, 70–86.
6. Sinipi sa Cowley,Wilford Woodruff, 99–113; 114–28; 129–46.
7. Sinipi sa Cowley,Wilford Woodruff, 119.
8. Mosias 8:18.
9. Lucas 2:52.
10. Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan, Aklat 2: Mga Pinuno ng Pagkasaserdote at Pantulong na Samahan(1998), 318–19.
11. Saligan ng Pananampalataya 1:13.
12. Mosias 2:17.
13. 2 Ne. 2:25.
14. D at T 31:1.
15. 1 Ne. 1:8–12.
16. 2 Ne. 32:3.
17. 2 Ne. 32:5.
18. Isaias 58:6.
19. "Naisip Bang Manalangin?"Mga Himno, blg. 82.
20. D at T 42:61.
21. Gordon B. Hinckley, "The Father, Son, and Holy Ghost,Liahona, Mar. 1998, 8.
22. "Paracelsus," saThe Poetical Works of Robert Browning, 2 tomo (1902), 1:25.
23. "Discourse,"Millennial Star,5 Okt. 1891, 628–629.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy