President Boyd K. Packer
Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol
May mga payo, mga kautusan, maging mga babala sa ating mga pinaniniwalaan at itinuturo na dapat nating pangalagaan, mahalin, kalingain, at "turuan [ang mga bata] na lumakad sa mga daan ng katotohanan."
Sa Cuzco maraming taon na ang nakalipas, sa tuktok ng Andes Mountains sa Peru, nagdaos kami ni Elder A. Theodore Tuttle ng sakrament miting sa mahaba at makitid na silid na ang pintua'y paharap sa kalye. Gabi noon at napakalamig.
Habang nagsasalita si Brother Tuttle, isang batang lalaki, na siguro'y mga anim na taong gulang, ang lumitaw sa may pintuan. Hubad siya maliban sa gula-gulanit na damit na hanggang tuhod niya ang haba.
Sa kaliwa namin ay isang lamesitang may plato ng tinapay para sa sakrament. Nakita ng gusgusing ulilang ito ang tinapay at unti-unti'y dahan-dahang gumabay sa dingding palapit doon. Malapit na siya sa mesa nang makita siya ng isang babae sa pasilyo. Sa isang mabagsik na senyas ng ulo, naitaboy niya ito sa kalaliman ng gabi. Nabagbag ang loob ko.
Bumalik ang bata maya-maya. Gumabay siya sa dingding palapit, na pasulyap-sulyap sa tinapay at sa akin. Malapit na siya kung saan makikita siyang muli ng babae. Iniabot ko ang aking mga kamay, at tumakbo siyang patungo sa akin. Kinandong ko siya.
Pagkatapos, bilang simbolo, iniupo ko siya sa silya ni Elder Tuttle. Pagkatapos ng pangwakas na panalangin, sa aking kalungkutan, tumalilis siya sa kadiliman.
Nang makauwi ako, ikinuwento ko siya kay President Spencer W. Kimball. Labis siyang naantig at binanggit ito sa isang talumpati sa kumperensya. Sinabi niya ito sa iba at muli't muling sinabi sa akin, "Mas malalim ang kahulugan ng karanasang iyon kaysa sa nalalaman mo ngayon."
Hindi ko nalimutan kailanman ang ulilang iyon. Maraming beses ko siyang hinanap sa South America sa mga mukha ng maraming tao. Kapag sumasagi siya sa isipan ko, naiisip ko rin ang iba.
Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig isang malamig na gabi sa loob ng isang istasyon ng tren sa katimugang Japan, nakarinig ako ng katok sa bintana ng tren. Nakatayo roon ang isang batang gayundin ang suot na gulanit na damit, isang basahang nakatali sa namamagang panga, ang kanyang ulo ay puno ng galis-aso.May hawak siyang kinakalawang na lata at kutsara, ang simbolo ng ulilang pulubi. Habang pilit kong binubuksan ang pinto para abutan siya ng pera, umusad ang tren. Hindi ko malilimutan ang gutom na batang iyon na nakatayo sa gitna ng lamig, na hawak-hawak ang kanyang latang walang laman.
May isang batang nasa unang baitang ng paaralan na nilalagnat at sinisipon sa ospital ng paaralan ng mga Indian na pag-aari ng gobyerno. Binuksan ko ang paketeng galing sa kanyang inang daan-daang milya ang layo sa reserbasyon. Nakabalot sa kahong pinaglagyan ng mga piyesa ng kotse, na walang dudang nakuha niya sa tindahang malapit sa reserbasyon, ang ilang tinapay at ilang pirasong karneng tupa ng Navajoisang pamasko para sa kanyang anak.
Sa balita kamakailan, napanood ko ang mahaba at pamilyar na linyang iyon ng mga refugee. Kasama nila, tulad ng dati, ang mga batang may karga-kargang mga bata. Isang bata ang nakaupo sa ibabaw ng malaking balutan na buhat ng kanyang ina. Habang dahan-dahan at tahimik silang dumadaan, tumingin siya sa kamera. Ang malungkot na mukha at malalaking itim na mata ay parang nais magtanong ng, "Bakit?"
Ang mga bata ay pinagsama-samang nakaraan, kasalakuyan, at hinaharap. Wala silang kapantay. Tuwing may isisilang na sanggol, napapanibago sa kawalang-malay ang daigdig.
Lagi kong iniisip at ipinagdarasal ang mga bata at kabataan at kanilang mga magulang.
Kamakaila'y dumalo ako sa sakrament miting na isinagawa ng mga batang may mga kapansanan. Bawat isa'y mahina ang pandinig o paningin o isip. Bawat isa ay may tinedyer na katabi bilang kompanyon. Umawit sila at tumugtog para sa amin. Kaharap namin sa unang hanay ang isang batang babaeng nakatayo at nagsesenyas para sa mga nasa likuran namin na walang pandinig.
Nagbigay ng maikling patotoo si Jenny. Sinundan siya ng kanyang mga magulang. Binanggit nila ang matinding pagdurusa nila nang nalamang di na magiging normal ang buhay ng kanilang anak kahit kailan, gayundin ang walang katapusang araw-araw na pagsubok na kasunod nito. Kapag may tumititig o nagtatawa, niyayakap nang mahigpit ng kanyang mga kapatid na lalaki si Jenny. Pagkatapos ay isinalaysay ng ina ang pagmamahal at lubos na galak na idinulot ni Jenny sa pamilya.
Natutuhan ng mga magulang na iyon na "pagkaraan ng maraming paghihirap, . . . darating ang pagpapala" (D at T 103:12). Nakita kong binigkis sila ng hirap at pininong parang purong gintomga tunay na Banal sa mga Huling Araw.
Sinabi nila sa akin na napakukupkop sa mga tatay si Jenny. Kaya nang kamayan ko siya, sinabi ko, "Lolo na ako."
Tumingala siya at sinabi, "Halata naman po, eh!"
Walang nakasaad sa mga banal na kasulatan, sa mga lathala natin, sa mga pinaniniwalaan o itinuturo natin na nagpapahintulot sa mga magulang o sinuman na pabayaan o abusuhin o halayin ang sarili nating anak o kaninuman.
Nakasaad sa mga banal na kasulatan, mga lathala natin, mga pinaniniwalaan at itinuturo natin ang payo, mga kautusan, maging mga babala na dapat nating pangalagaan, mahalin, kalingain, at "turuan [ang mga bata] na lumakad sa mga daan ng katotohanan" (Mosias 4:15). Ang ipagkanulo sila ay napakahirap tanggapin.
Kasama sa pinakamahihigpit na babala at malulubhang parusang binanggit sa mga paghahayag ay yaong may kinalaman sa mga batang musmos. Sinabi ni Jesus, "Datapwa't sinomang magbigay ng ikatitisod sa isa sa maliliit na ito na nagsisisampalataya sa akin, ay may pakikina-bangin pa siya kung bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking batong gilingan at siya'y ilubog sa kailaliman ng dagat" (Mat. 18:6).
Sa panahon ng propetang si Moroni, ang ilang di nakaunawa na ang mga bata ay "walang-sala sa harapan ng Diyos" (Mosias 3:21) at "buhay kay Cristo" (Moro. 8:12) ay nais binyagan ang mga batang musmos. Sinabi ni Moroni na kanilang "[itinatwa] ang mga awa ni Cristo, at pinawawalang-kabuluhan ang kanyang pagbabayad-sala at ang kapangyarihan ng kanyang pagtubos" (Moro. 8:20).
Mahigpit silang pinagsabihan ni Moroni at sinabi: "Siya na nag-aakala na ang maliliit na bata ay nangangailangan ng binyag ay nasa sukdulan ng kapaitan at nasa mga gapos ng kasamaan; sapagkat siya ay wala ni pananampalataya, pag-asa, o pag-ibig sa kapwa-tao; anupat kung siya ay mahihiwalay habang nasa ganoong pag-iisip, siya ay kinakailangang bumaba sa impiyerno. . . .
"Masdan, ako ay nangungusap nang buong tapang, sapagkat may karapatan mula sa Diyos" (Moro. 8:14, 16).
Tanging kapag umabot lang ang bata sa edad na may pananagutan, na itinakda ng Panginoon sa walong taong gulang (tingnan sa D at T 68:27), kakailanganin siyang binyagan. Bago nila sapitin iyon, sila ay walang bahid-dungis.
Ang mga bata ay di dapat balewalain o pabayaan. Hindi sila talaga dapat abusuhin o halayin. Hindi sila dapat layasan o papaghiwalayin dahil sa diborsyo. Responsibilidad ng mga magulang na itaguyod ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak.
Sinabi ng Panginoon, "Lahat ng anak ay may karapatan sa kanilang mga magulang para sa kanilang ikabubuhay hanggang sa sila ay sumapit sa hustong gulang" (D at T 83:4).
Dapat nating pangalagaan ang kanilang mga pisikal, espirituwal, at emosyonal na pangangailangan. Itinuturo ng Aklat ni Mormon, "Hindi ninyo pahihintulutan ang inyong mga anak na sila ay magutom, o maging hubad; ni hindi ninyo ipahihintulot na sila ay lumabag sa mga batas ng Diyos, at makipaglaban at makipag-away sa isa't isa, at magsilbi sa diyablo, na siyang panginoon ng kasalanan, o siyang masamang espiritu na sinabi ng ating mga ama, siya na isang kaaway ng lahat ng kabutihan" (Mosias 4:14).
Walang katumbas ang isang responsableng ama na nagtuturong maging responsable ang kanyang mga anak. Walang katumbas ang isang ina na kapiling nila para aliwin at bigyan sila ng kapanatagan. Ang pagmamahal, pangangalaga, at paggiliw ay walang kapantay.
Sinabi ng Panginoon, "Ipinag-utos ko sa inyo na palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan" (D at T 93:40).
Kadalasan, iisang magulang ang nagpapalaki sa mga anak. May paraan ang Panginoon sa pagpapalakas sa magulang na iyon na mag-isang harapin ang dapat sana'y responsibilidad ng dalawang magulang. Ang pag-iwan ng isa sa sinumang magulang sa kanilang mga anak ay isang napakalaking pagkakamali.
Madalas kong maisip ang isa pang batang lalaki. Nakilala namin siya sa pagtatapos ng seminary sa isang liblib na lugar sa Argentina. Maayos ang kanyang kasuotan at malusog.
Lumakad ang mga estudyante patungo sa pulpito. May tatlong baytang na may kataasan. Hindi niya maakyat ang unang baytang dahil maikli ang kanyang mga binti. Isa siyang unano.
Noon namin napansin ang dalawang makikisig na kabataang lalaking nagmamartsa sa kanyang likuran na marahan siyang binuhat sa magkabila paakyat sa podyum. Nang matapos ang serbisyo, ibinaba nila itong muli at nagmartsang kasama siya. Sila'y mga kaibigan niya at inalagaan siya ng mga ito. Hindi makakaakyat sa unang baitang ang batang ito kung hindi sa tulong ng kanyang mga kaibigan.
Yaong mga sumasapi sa Simbahan ay dumarating na parang mga bata sa espirituwalidad. Kailangan nila ng isang taoilang kaibiganna mag-aangat sa kanila.
Kung iaakma lang natin ang mga baitang matapos ang binyag sa may mahahaba at malalakas na binti, binabalewala natin ang sinabi ng Panginoon sa mga paghahayag. Sinabi ng mga propeta na tayo ay "nangararapat nang maging mga guro, [at ituro ang] mga unang simulain ng aral ng Dios [sapagkat sila ay] tulad sa mga nangangailangan ng gatas, at hindi ng pagkaing matigas. . . .
". . . Ang pagkaing matigas ay sa mga may gulang, sa makatuwid ay doon sa mga sa pamamagitan ng pamimihasa ay nangasanay ang kanilang mga pakiramdam upang makilala ang mabuti at ang masama" (Sa Mga Hebreo 5:12, 14).
Isinulat ni Apostol Pablo, "Kinandili ko kayo ng gatas, at hindi ng lamang-kati; sapagka't kayo'y wala pang kaya noon: wala, na ngayon pa man ay wala kayong kaya" (I Mga Taga Cor. 3:2).
Sa paghahayag na ibinigay noong 1830, bago pa itatag ang Simbahan, nagbabala ang Panginoon, "Hindi nila makakaya ang karne sa ngayon, kundi gatas ang kanilang kailangang matanggap; dahil dito hindi nila kailangang malaman ang mga bagay na ito, upang hindi sila masawi" (D at T 19:22).
Kailangan nating mag-ingat at baka masyadong mataas ang pagkakagawa natin sa unang baitang o maiakma ito sa may malalakas at mahahabang binti at makaligtaan ang iba nang walang mag-aangat sa kanila.
Nang pagalitan ng ilang alagad ang mga nagdala ng maliliit na bata, "Sinabi ni Jesus, Pabayaan ninyo ang maliliit na bata, [ang ibig sabihin ngpabayaanay pahintulutan] at huwag ninyong pagbawalan silang magsilapit sa akin; sapagka't sa mga ganito ang kaharian ng langit" (Mat. 19:14).
Nang tanungin ng Kanyang mga disipulo kung anong uri ng mga tao sila nararapat na maging, ipinagitna ni Jesus sa kanila ang isang batang musmos (tingnan sa Mat. 18:23). Maliban kung tayo'y "maging katulad ng isang maliit na bata, hindi [tayo] magmamana ng kaharian ng Diyos sa anumang paraan" (3 Ne. 11:38).
Ang masidhing malasakit sa mga bata at sa kanilang mga magulang ay nasa aking isipan at puso at kaluluwa.
Sa loob ng maraming taon, pinag-isipan ko ang ibig sabihin ni President Kimball nang paalalahanan niya ako tungkol sa ulilang batang kalye sa Cuzco at muling sinabing, "Mas malalim ang kahulugan ng karanasang iyon kaysa sa nalalaman mo ngayon." Idinagdag pa niya isang araw, "Nasa kandungan mo ang isang bansa."
Ngayon sa edad kong 78, nauunawaan ko ang nakita noon ni President Kimball; alam ko ang ibig niyang sabihin. Labis na naiimpluwensyahan ng batang iyon sa Cuzco at ng isa pang nasa Japan at ng iba pang mga bata sa buong daigdig ang iniisip at nadarama at ang ipinagdarasal ko nang taimtim. Lagi kong iniisip ang mga bata at ang mga magulang nila na nagpupunyaging palakihin sila sa mas mapanganib na panahon.
Tulad ng aking mga Kapatid, nakapaglakbay na ako sa buong daigdig. Tulad nila, pinagkatiwalaan na ako ng mga posisyon sa edukasyon, negosyo, gobyerno, at Simbahan. Nakasulat na ako ng mga aklat, at tulad nila'y nakatanggap ng mga parangal, digri, sertipiko, at plake. Iginagawad ang mga parangal na iyon kaakibat ng mga posisyon at di dahil nararapat.
Sa pagsusuri ko sa halaga ng mga bagay na iyon, ang isang bagay na pinahahalagahan ko nang higit sa anuman ditoo pagsama-samahin man silang lahatang pinakamahalaga sa akin ay ang pakikitungo ng aming mga anak at mga manugang sa kanilang maliliit na anak, sa kabilang dako'y ang pakikitungo ng aming mga apo sa kanilang maliliit na anak.
Pagdating sa pag-unawa sa kaugnayan natin sa ating Ama sa langit, ang mga bagay na natutuhan naming mag-asawa bilang mga magulang at lolo at lola na pinakamahalagang malaman, ay natutuhan namin sa aming mga anak.
Ang biyayang ito ay napasaakin bilang regalo ng aking asawa. Sinabi ng Panginoon sa gayong uri ng mga kababaihan: "[Ang isang kabiyak ay ibinigay sa lalaki] upang magpakarami at kalatan ang lupa, alinsunod sa aking kautusan, at upang tuparin ang pangakong ibinigay ng aking Ama bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, at para sa kanilang kadakilaan sa walang hanggang mga daigdig, upang sila ay magsilang ng mga kaluluwa ng tao; sapagkat dito ang gawa ng aking Ama ay nagpatuloy, upang siya luwalhatiin" (D at T 132:63).
Sa mga kababaihang tulad nito na magiging ina ng mga bata, nakikita natin kung bakit inihayag ng Panginoon "na ang mga dakilang bagay ay maaaring kailanganin sa kamay ng kanilang mga ama" (D at T 29:48).
Pinatototohanan ko na ang ebanghelyo ay totoo, at ang kapangyarihan nito ay ang basbasan ang maliliit na bata. Taimtim kong dalangin na matanggap ng mga bata at kabataan at ng kanilang mga magulang ang kaloob na Espiritu Santo, na ito ay kanilang maging gabay at kaligtasan, na taglayin nila sa kanilang mga puso ang patotoo na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, ang Bugtong na Anak ng Ama. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.