President Thomas S. Monson
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan
Bilang isang malakas na grupo ng mga maytaglay ng priesthood, maging mga tagatupad tayo ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang. Magdasal tayo, at pagkatapos ay humayo at gumawa.
Mga kapatid, karangalan kong makapagsalita sa inyo ngayong gabi. Nakatutuwang makita ang kahanga-hangang Conference Center na ito na punung-puno ng bata at matatandang maytaglay ng pagkasaserdote ng Diyos. Ang malamang may ganito ring mga grupong natitipon sa buong mundo ay nagpapadama sa akin ng napakalaking responsibilidad. Dalangin ko na magabayan ng inspirasyon ng Panginoon ang aking isipan at pananalita.
Maraming taon na ang nakalipas, nang madestino ako sa Tahiti, kinausap ko ang aming mission president na si President Raymond Baudin tungkol mga katutubong Tahitian. Kilala sila bilang ilan sa pinakamagagaling na manlalayag sa buong mundo. Si Brother Baudin, na marunong ng Pranses at Tahitian pero kaunting Ingles lang ang alam, ay tinatangkang ilarawan sa akin ang lihim ng tagumpay ng mga Tahitian na kapitan ng barko. Sabi niya, "Kahanga-hanga sila. Maaaring sumungit ang panahon, mabutas ang barko, walang gamit sa paglalayag maliban sa kanilang niloloob at mga bituin sa kalangitan, pero nagdarasal sila at humahayo." Tatlong beses niyang inulit ang mga katagang ito. May aral sa pahayag na ito. Kailangan nating magdasal at pagkatapos ay kumilos. Kapwa ito mahalaga.
Ang pangako sa aklat ng Mga Kawikaan ay nagbibigay sa atin ng tapang:
"Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo; at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas."1
Kailangan lang nating bumaling sa kuwentong nasa I Mga Hari upang muling gunitain ang alituntunin na kapag sinusunod natin ang payo ng Panginoon, kapag nagdarasal tayo at humahayo, lahat ay nakikinabang sa ibubunga nito. Doo'y nababasa natin na dumating ang matinding tagtuyot sa lupain. Sumunod ang taggutom. Natanggap ng propetang si Elijah mula sa Panginoon ang para sa kanya'y kamangha-manghang tagubilin: "Paroon ka sa Sarepta . . . : narito, aking inutusan ang isang baong babae roon na pakanin ka." Nang makita niya ang balo, sinabi ni Elijah na, "Isinasamo ko sa iyo na dalhan mo ako ng kaunting tubig sa inuman, upang aking mainom.
"At nang siya'y yumayaon upang kumuha, tinawag niya siya, at sinabi, Dalhan mo ako, isinasamo ko sa iyo, ng isang subong tinapay sa iyong kamay."
Inilarawan ng kanyang sagot ang kahabag-habag niyang katayuan nang ipaliwanag niya na inihahanda niya ang huli at kakaunting pagkain nila ng kanyang anak na lalaki, bago sila mamatay.
Marahil ay di kapani-paniwala sa kanya ang naging sagot ni Elijah: "Huwag kang matakot; yumaon ka, at gawin mo ang iyong sinabi, nguni't igawa mo muna ako ng munting tinapay, at ilabas mo sa akin, at pagkatapos ay gumawa ka para sa iyo at para sa iyong anak.
"Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ang gusi ng harina ay hindi makukulangan, o ang banga ng langis man ay mababawasan hanggang sa araw na magpaulan ang Panginoon sa ibabaw ng lupa.
"At siya'y yumaon, at ginawa ang ayon sa sabi ni [Elijah]: at kumain ang babae, at siya, at ang kaniyang sangbahayan na maraming araw.
"Ang gusi ng harina ay hindi nakulangan, o ang banga ng langis man ay nabawasan."2
Kung tatanungin ko kayo kung alin sa mga talata sa Aklat ni Mormon ang pinakamadalas basahin, palagay ko'y ang kuwentong nasa 1 Nephi hinggil kay Nephi, sa kanyang mga kapatid, sa kanyang ama, at sa utos na kunin ang mga laminang tanso kay Laban. Marahil ito ay dahil marami sa atin ang paminsan-minsa'y nangangakong babasahing muli ang Aklat ni Mormon. Karaniwa'y nagsisimula tayo sa 1 Nephi. Ang totoo, maganda ang pagsasalarawan sa mga talata roon ng pangangailangang magdasal at pagkatapos ay humayo at gumawa. Wika ni Nephi, "Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila."3
Tanda natin ang kautusan. Tanda natin ang sagot ni Nephi. Tanda natin ang ibinunga.
Sa ating panahon, maraming halimbawa ng mga karanasan ng mga taong nagdasal at pagkatapos ay humayo at gumawa. Ibabahagi ko sa inyo ang nakaaantig na kuwento ng isang mabuting pamilyang nanirahan sa magandang lungsod ng Perth, Australia. Noong 1957, apat na buwan bago ilaan ang New Zealand Temple, si Donald Cummings, ang ama, ang pangulo ng distrito ng misyon sa Perth. Siya at ang kanyang asawa at pamilya ay buo ang pasiyang dumalo sa paglalaan ng templo, bagama't mahirap lang sila. Nagsimula silang magdasal, magtrabaho, at mag-impok. Ipinagbili nila ang kaisa-isa nilang kotse at tinipon ang bawat sentimong maitatabi, ngunit isang linggo bago sumapit ang kanilang takdang pag-alis, kulang pa sila ng 200 pounds. Sa pamamagitan ng dalawang di-inaasahang regalo na tig-100 pounds, nakamit nila ang kanilang mithiin sa oras. Dahil hindi makaliban sa trabaho si Brother Cummings para sa paglalakbay, nagpasiya siyang magbitiw sa trabaho.
Sumakay sila ng tren patawid sa malawak na kontinente ng Australia, dumating sa Sydney, kung saan nakasama nila ang iba pang mga miyembrong patungong New Zealand. Si Brother Cummings at ang kanyang pamilya ay kabilang sa mga unang Australyanong nabinyagan para sa mga patay sa templo sa New Zealand. Kabilang sila sa mga unang naendow sa templo sa New Zealand mula sa napakalayong Perth, Australia. Nagdasal sila, naghanda, at pagkatapos ay humayo.
Nang bumalik ang pamilyang Cummings sa Perth, nagkaroon si Brother Cummings ng bago at mas mainam na trabaho. Siya pa rin ang district president siyam na taon makalipas iyon nang magkapribilehiyo akong tawagin siya bilang unang pangulo ng Perth Australia Stake.4Palagay ko'y mahalaga na siya ngayon ang unang pangulo ng Perth Australia Temple.
Sa pelikulangShenandoahnagmula ang binigkas na mga salitang nagbigay-inspirasyon: "Kung di tayo magsisikap, di tayo gagawa; at kung di tayo gagawa, bakit pa tayo narito?"
Mayroon na ngayong 60,000 full-time na misyonerong naglilingkod sa Panginoon sa buong mundo. Marami sa kanila ang nakikinig at nanonood sa sesyon na ito ng priesthood ng pangkalahatang kumperensya. Nagdarasal sila at pagkatapos ay humahayo, na tiwala sa Panginoon saan man sila ipadala at tiwala sa kanilang mission president kung saan man sila paglingkurin sa kanilang misyon. Kabilang sa maraming paghahayag hinggil sa kanilang mga sagradong tungkulin ang dalawang talatang paborito ko. Kapwa ito mula sa Doktrina at mga Tipan.
Ang una'y mula sa bahagi 100. Maaalala ninyo na ilang panahong nalayo sa kanilang pamilya sina Joseph Smith at Sidney Rigdon at nag-alala ang mga ito sa kanila. Inihayag sa kanila ng Panginoon ang katiyakang ito, na nakaaalo sa mga misyonero sa buong Simbahan: "Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa inyo, aking mga kaibigan . . . , ang inyong mga mag-anak ay nasa mabuting kalagayan; sila ay nasa aking mga kamay, at aking gagawin sa kanila kung ano ang inaakala kong mabuti; sapagkat sa akin naroon ang lahat ng kapangyarihan."5
Ang ikalawa'y mula sa ika-84 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan: "Sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo."6
Nagbibigay-inspirasyon ang pagmimisyon ni Walter Krause, na naninirahan sa Prenzlau, Germany. Si Brother Krause, na bantog ang katapatan sa Panginoon, ay 92 taong gulang na ngayon. Bilang patriarch, nakapagbigay na siya ng mahigit sanlibong pagbabasbas ng patriarch sa mga miyembrong naninirahan sa maraming lugar sa Europa.
Walang matirhang gaya ng marami noon kasunod ng Ika-II Digmaang Pandaigdig, tumira si Brother Krause at ang kanyang pamilya sa isang refugee camp sa Cottbus at nagsimulang dumalo sa simbahan doon. Agad siyang tinawag na mamuno sa Cottbus branch. Makalipas ang apat na buwan, noong Nobyembre ng 1945, puro guho pa ang bansa noon, lumapit ang district president na si Richard Ranglack kay Brother Krause at tinanong siya kung ano ang masasabi niya tungkol sa pagmimisyon. Ang sagot ni Brother Krause ay nagpapamalas ng kanyang katapatan sa Simbahan. Wika niya, "Hindi ko na kailangang pag-isipan iyan. Kung kailangan ako ng Panginoon, hahayo ako."
Umalis siya noong Disyembre 1, 1945, na may dalawampung German mark sa bulsa at isang pirasong tuyong tinapay. Isa sa mga miyembro ng branch ang nagbigay sa kanya ng makapal na amerikanang naiwan ng anak na nasawi sa digmaan. Isa pang miyembrong sapatero ang nagbigay sa kanya ng isang pares ng sapatos. Dala ang mga ito kasama ang dalawang polo, dalawang panyo, at dalawang pares ng medyas, lumisan siya at nagmisyon.
Minsan sa kalagitnaan ng taglamig, naglakad siya mula Prenzlau hanggang Kammin, isang munting nayon sa Mecklenburg, kung saan 46 ang dumadalo sa idinaraos na mga miting. Gabing-gabi na siyang dumating matapos maglakad nang anim-na-oras sa mga lansangan, landas, at sa huli'y patawid ng inararong mga bukirin. Bago sapitin ang nayon, nadaan siya sa isang malawak, puti, at patag na lugar na madaling lakaran, at di nagtagal ay nakarating siya sa tahanan ng isang miyembro para palipasin ang magdamag.
Kinabukasan kumatok ang game warden sa pinto ng bahay ng miyembro, at nagtanong, "May bisita ba kayo?"
"Oho," ang sagot.
Nagpatuloy ang game warden, "Kung gayo'y sumama kayong tingnan ang mga bakas niya." Ang malawak na patag na lugar na nilakaran ni Brother Krause ay isa palang nagyeyelong lawa, at bago iyo'y binutasan ng warden ang gitna ng lawa para mangisda. Itinaboy ng hangin ang niyebe patungo sa butas at natakpan ito kaya maaaring di nakita ni Brother Krause ang panganib. Ang mga bakas niya ay nasa gilid mismo ng butas at diretso sa bahay ng miyembro, nang walang kamalay-malay tungkol doon. Sa bigat ng kanyang backpack at bota, isang hakbang na lang at nalunod na sana siya sa butas na di niya makita. Sinabi niya na ang nangyaring iyo'y naging usap-usapan sa nayon noong panahong iyon.7
Ang buong buhay ni Brother Krause ay ginugol sa pagdarasal at pagkatapos ay paghayo.
Sakaling makadama ng kakulangan ang sinuman sa atin o kaya'y mag-alinlangan sa kakayahang tumugon sa tawag sa priesthood para maglingkod sa Panginoon, alalahanin ang banal na katotohanang ito: "Sa Dios ang lahat ng mga bagay ay mangyayari."8
Kamakailan lang ay nabatid kong pumanaw na si James Womack, ang patriarch ng Shreveport Louisiana Stake. Matagal siyang naglingkod at nagpala nang husto sa buhay ng marami. Maraming taon na ang nakararaan, ibinahagi ni President Spencer W. Kimball sa amin nina President Gordon B. Hinckley at Elder Bruce R. McConkie ang naging karanasan niya sa pagtatalaga sa patriarch ng Shreveport Louisiana Stake ng Simbahan. Inilarawan ni President Kimball kung paano siya nag-interbyu, nagsaliksik, at nagdasal, upang alamin ang kalooban ng Panginoon hinggil sa pagpili. Sa di-malamang dahilan, walang sinumang iminungkahing kandidato ang naging marapat sa tungkuling ito noong panahong iyon.
Lumipas ang maghapon; nagsimula na ang mga miting sa gabi. Walang anu-ano'y bumaling si President Kimball sa stake president at hiniling na sabihin sa kanya kung sino ang taong nakaupo sa may malapit sa likuran ng kapilya. Sinabi ng stake president na ito ay si James Womack, at noo'y sinabi ni President Kimball, "Siya ang taong pinili ng Panginoon para maging stake patriarch ninyo. Pakisabi sa kanyang makipagkita sa akin sa silid ng high council pagkatapos ng miting."
Natigilan ang stake president na si Charles Cagle, dahil si James Womack ay di pangkaraniwang lalaki. Napinsala siya nang husto sa pakiki- paglaban noong Ika-II Digmaang Pandaigdig. Putol ang kanyang mga kamay at bahagi ng isang bisig, at halos nabulag at nabingi. Walang paaralang pang-abogasyang tumanggap sa kanya nang siya'y makabalik, subalit pumangatlo pa rin siya sa kanyang klase sa Louisiana State University.
Nang kausapin ni President Kimball si Brother Womack noong gabing iyon at ipaalam ditong siya ang napili ng Panginoon na maging patriarch, tumahimik ang buong silid. Pagkatapos ay sinabi ni Brother Womack, "Brother Kimball, nauunawaan kong dapat ipatong ng patriarch ang kanyang mga kamay sa ulo ng taong binabasbasan niya. Nakikita mo namang wala akong mga kamay na ipapatong sa ulo ninuman."
Mabait at mapagpasensiyang inaya ni Brother Kimball si Brother Womack na tumayo sa likod ng bangkong kinauupuan niya. Pagkatapos ay nagsabing, "Ngayon, Brother Womack, dumukwang ka at tingnan mo kung maaabot ng dulo ng iyong mga braso ang tuktok ng ulo ko." Sa galak si Brother Womack, naabot ng mga ito ang ulo ni Brother Kimball, at napabulalas siya ng, "Naaabot kita! Naaabot kita!"
"Siyempre naman," tugon ni Brother Kimball. "At kung naaabot mo ako, maaabot mo rin ang sinumang babasbasan mo. Marahil ay ako na ang pinakapandak na taong uupo sa harap mo."
Iniulat sa amin ni President Kimball na nang ilahad ang pangalan ni James Womack sa kumperensya ng stake, "nagtaasan ang mga kamay ng mga miyembro sa masiglang pagsang-ayon."
Lagi nang nagugunita ang mga salita ng Panginoon kay Propetang Samuel noong piliin si David na maging hari ng Israel balang-araw: "Ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni't ang Panginoon ay tumitingin sa puso."9
Mga kapatid, anuman ang ating katungkulan, anuman ang ating kinatatakutan o ikinababalisa, magdasal tayo at pagkatapos ay humayo at gumawa, na tinatandaan ang mga salita ng Guro, maging ng Panginoong Jesucristo, na nangakong, "Ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan."10
Sa Liham ni Santiago pinayuhan tayo na, "Maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na inyong dinadaya ang inyong sarili."11
Bilang isang malakas na grupo ng mga maytaglay ng priesthood, maging mga tagatupad tayo ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang. Magdasal tayo, at pagkatapos ay humayo at gumawa.
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Mga Kawikaan 3:56.
2. I Mga Hari 17:911, 1316; tingnan din sa t. 12.
3. 1 Ne. 3:7.
4. Tingnan sa "Saga of Sacrifice," ni Richard J. Marshall,Ensign, Ago. 1974, 6667.
5. D at T 100:1.
6. D at T 84:88.
7. Tingnan sa "Behind the Iron Curtain: Recollections of Latter-day Saints in East Germany, 19451989," ni Garold N. Davis at Norma S. Davis,Brigham Young University Studies35, blg. 1 (1995): 5455.
8. Mat. 19:26.
9. 1 Sam. 16:7.
10. Mat. 28:20.
11. Santiago 1:22.