President Gordon B. Hinckley
Ang asal natin sa publiko ay di dapat mapintasan. Mas mahalaga pa riyan ang asal natin sa pribado. Dapat mamalas dito ang pamantayang itinakda ng Panginoon.
Minamahal kong mga kapatid, nais kong tuwirang magsalita ngayong gabi tungkol sa isang bagay na labis kong inaalala. Malaking kasiyahan at nakakakaba ang hamong magsalita sa inyo. Napakainam ng ating kapatiran bilang mga maytaglay ng walang-katumbas at kamangha-manghang priesthood na ito. Nagmula ito sa ating Diyos Amang Walang Hanggan, na sa maluwalhating dispensasyong ito, kasama ng Kanyang Mahal na Anak, ay muling nagsalita mula sa kalangitan. Isinugo Nila ang Kanilang mga awtorisadong alagad upang igawad ang banal na awtoridad na ito sa mga tao.
Ang personal na pagkamarapat ang nagiging pamantayan para matanggap at magamit ang sagradong kapangyarihang ito. Ito ang nais kong talakayin ngayong gabi.
Magsisimula ako sa pagbasa sa inyo mula sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 121:
"Ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit, at . . . ang kapangyarihan ng langit ay hindi mapamamahalaan ni mahahawakan tanging alinsunod lamang sa mga alituntunin ng kabutihan.
"Na ito ay maaaring igawad sa atin, ito ay totoo; subalit kung ating tatangkaing pagtakpan ang ating mga kasalanan, o bigyang-kasiyahan ang ating kapalaluan, ang ating walang kabuluhang adhikain, o gumamit ng lakas o kapangyarihan o pamimilit sa mga kaluluwa ng mga anak ng tao, sa alinmang antas ng kasamaan, masdan, ang kalangitan ay lalayo; ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati; at kapag ito ay lumayo, Amen sa pagkasaserdote o sa kapangyarihan ng taong iyon" (D at T 121:3637).
Ito ang malinaw na sinabi ng Panginoon hinggil sa Kanyang banal na awtoridad. Napakalaking obligasyon nito para sa bawat isa sa atin. Tayong mga maytaglay ng pagkasaserdote ng Diyos ay kailangang magkaroon ng mas mataas na pamantayan kaysa sa daigdig. Kailangan nating disiplinahin ang ating sarili. Di maaaring lagi na lang tayo ang nasa katwiran, ngunit magagawa at kailangan nating maging disente at marangal.
Ang asal natin sa publiko ay di dapat mapintasan. Mas mahalaga pa riyan ang asal natin sa pribado. Dapat mamalas dito ang pamantayang itinakda ng Panginoon. Di tayo dapat maglunoy sa pagkakasala, ni pagtakpan ang mga ito. Di natin dapat bigyang-kasiyahan ang ating kapalaluan. Di tayo dapat makibahagi sa kayabangan ng di-makatwirang ambisyon. Di tayo dapat gumamit ng lakas, o kapangyarihan, o pamimilit sa ating asawa o mga anak, o sinuman sa alinmang antas ng kasamaan.
Kung gagawin natin ang alinman sa mga bagay na ito, ang kapangyarihan ng kalangitan ay lalayo. Ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati. Mismong kapangyarihan ng ating priesthood ay mawawalan ng bisa. Mawawala ang awtoridad nito.
Ang uri ng ating pamumuhay, ang mga salitang ating binibitiwan, at ang inaasal natin araw-araw ay may kinalaman sa pagiging epektibo natin bilang mga kalalakihang maytaglay ng priesthood.
Isinasaad sa ating ikalimang saligan ng pananampalataya na: "Naniniwala kami na ang tao ay kinakailangang tawagin ng Diyos, sa pamamagitan ng propesiya, at ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan, upang ipangaral ang Ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa niyon."
Kahit ipatong ng mga may awtoridad ang kanilang mga kamay sa ating ulo at ordenan tayo, maaaring dahil sa asal natin ay mawalan ng bisa at anumang karapatang gamitin ang banal na awtoridad na ito.
Ganito pa ang sabi ng bahagi 121: "Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig;
"Sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman, na siyang lubos na magpapalaki ng kaluluwa nang walang pagkukunwari, at walang pandayara" (D at T 121:4142).
Ngayon, mga kapatid, ito ang mga hangganang paggagamitan ng priesthood na ito. Hindi ito tulad ng balabal na isinusuot natin at inihuhubad kung kailan natin gusto. Ito, kapag ginamit sa kabutihan, tulad ng mismong himaymay ng ating katawan, ay bahagi natin sa lahat ng oras at pagkakataon.
Kaya, sa inyong mga kabataang maytaglay ng Aaronic Priesthood, iginawad sa inyo ang kapangyarihang iyon na naghahawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel. Isipin ninyo iyan sandali.
Hindi kayo dapat gumawa ng anuman na hahadlang sa pagitan ninyo at ng paglilingkod ng mga anghel para sa inyo.
Hindi kayo dapat maging imoral sa anumang paraan. Di kayo dapat manloko. Di kayo dapat mandaya o magsinungaling, o gamitin ang pangalan ng Diyos sa walang-kabuluhan o magsalita ng masama at manatiling marapat sa paglilingkod ng mga anghel.
Di ko nais na isipin ninyong laging kayo ang nasa katwiran kaysa iba. Nais ko kayong maging tunay na lalaki, puno ng buhay at malakas at maligaya. Sa mahihilig sa palakasan, nais ko kayong maging magagaling na atleta at magsikap na maging kampeon. Ngunit huwag ninyong idahilan ito para umasal nang di-angkop o maging lapastangan o masama sa pagsasalita.
Sa inyong mga kabataang umaasam na makapagmisyon, huwag ninyong lambungan ang inyong buhay ng anumang magbibigay-alinlangan sa inyong pagkamarapat na humayo bilang mga alagad ng buhay na Diyos.
Hindi ninyo dapat, hindi ninyo maaaring isapalaran kailanman ang banal na kapangyarihang taglay ninyo bilang mga inordenang tagapagpalaganap ng ebanghelyo.
Bilang babala, ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay itinakda ang sumusunod na pahayag para sa inyo:
"Bilang mga misyonero, inaasahang pananatilihin ninyo ang pinakamataas na pamantayan ng pag-uugali, kabilang na ang mahigpit na pagsunod sa batas ng kalinisang-puri, . . .
". . . Hindi kayo dapat mapag-isa na kasama ang sinuman, lalaki man o babae, matanda o bata [liban sa itinakdang kompanyon ninyo].
"Kahit mga maling paratang laban sa isang inosenteng misyonero ay maaaring gumugol ng maraming buwan para imbestigahan at maaaring maging dahilan ng pagkaputol o pagwawakas ng paglilingkod ng misyonero. Protektahan ang inyong sarili sa gayong mga paratang sa pamamagitan ng di paghiwalay sa inyong kompanyon, kahit sa mga tahanang inyong dinadalaw" (pahayag ng Unang Panguluhan tungkol sa pag-uugali ng misyonero, 22 Mar. 2002).
Hindi ninyo kailangang alalahanin ang mga bagay na ito kung sa lahat ng oras ay susundin ninyo ang mga patakaran sa paglilingkod ng misyonero. Kung magkagayo'y gaganda ang karanasan ninyo, at makababalik kayo nang may dangal sa mga mahal ninyo sa buhay nang walang bahid-dungis o paghihinala o panghihinayang.
Kapag nakauwi na kayo, huwag kailanman kalilimutan na kayo ay isang elder sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Maghahanap kayo ng makakasama sa kawalang-hanggan. Aasamin ninyong makasal sa bahay ng Panginoon. Para sa inyo, wala nang dapat pang piliing iba. Mag-ingat, at baka masira ang inyong pagkamarapat na makasal nang gayon. Magpakaligaya kayo. Ngunit higpitan ang disiplina sa sarili sa pakikipagligawan. Ang Panginoon ay nag-utos at nangako. Sinabi Niya, "Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay." Kasunod nito'y ang pangako na "ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at . . . ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina" (D at T 121:4546).
Ang kabiyak na inyong pipiliin ay magiging kapantay ninyo. Ipinahayag ni Pablo, "Ang babae ay di maaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon" (I Mga Taga Cor. 11:11).
Sa pagsasama ng mag-asawa ay walang mas mababa o mas mataas. Hindi nauuna sa paglakad ang babae sa lalaki; ni ang lalaki sa babae. Magkatabi silang naglalakad bilang mga anak ng Diyos sa paglalakbay sa kawalang-hanggan.
Ang babae ay di ninyo alipin, pag-aari, o anumang katulad noon.
Nakalulunos at kamuhi-muhi ang pang-aabuso sa maybahay. Sinumang lalaki sa Simbahang ito na umaabuso sa kanyang asawa, nagmamalupit sa kanya, nang-iinsulto, o di-makatwiran ang pakikisama sa kanya ay di karapat-dapat na magtaglay ng priesthood. Bagama't maaaring naordenan siya, ang kalangitan ay lalayo, ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati, at wakas na ito ng kapangyarihan ng pagkasaserdote ng taong iyon.
Sinumang lalaking gagawa nito ay di-nararapat humawak ng rekomend sa templo.
Ikinalulungkot kong sabihin na marami akong nakikitang ganito kasamang gawain. May mga lalaking sinasaktan kapwa ang damdamin at katawan ng asawa. Nakalulunos kapag inaalimura ng lalaki ang ina ng kanyang mga anak.
Totoong may ilang mga babaeng inaabuso ang kanilang asawa. Ngunit hindi sila ang kausap ko ngayong gabi. Ang kalalakihan ng Simbahan ang kinakausap ko, mga lalaking ginawaran ng Makapangyarihan ng Kanyang banal na priesthood.
Mga kapatid, kung mayroon mang nakikinig sa akin ngayong gabi na gumagawa ng gayon, mangagsisi na kayo. Lumuhod kayo at hilingin sa Panginoon na patawarin kayo. Idalangin sa Kanya na bigyan kayo ng kapangyarihang pigilin ang inyong dila at ang bigat ng inyong kamay. Humingi ng tawad sa inyong asawa at mga anak. Nakagawian nang sabihin ni President McKay na, "Walang ibang tagumpay ang makapupuno sa pagkukulang sa tahanan" (sinipi kay J. E. McCulloch,Home: The Savior of Civilization[1924], 42; sa Conference Report, Abr. 1935, 116). At wika ni President Lee, "Ang pinakamahalagang bahagi ng gawain ng Panginoon na gagawin ninyo ay ang ginagawa ninyo sa apat na sulok ng inyong sariling tahanan" (Harold B. Lee,Doing the Right Things for the RightReasons, Brigham Young University Speeches of the Year [19 Abr. 1961], 5).
Tiwala ako na kapag humarap tayo sa hukuman ng Diyos, di halos babanggitin kung gaano tayo kariwasa sa buhay o kung may karangalan tayong nakamtan. Ngunit may mga tanong hinggil sa ating mga ugnayan sa tahanan. At naniniwala ako na tanging ang mga namuhay lang nang may pagmamahal at paggalang at pagpapahalaga sa kanilang kabiyak at mga anak ang tatanggap mula sa ating walang hanggang hukom ng mga salitang, "Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: . . . pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon" (Mateo 25:21).
Babanggitin ko ang isa pang uri ng pang-aabuso. Ito'y sa matatanda. Palagay ko'y di karaniwan ito sa atin. Sana nga'y hindi. Dalangin kong hindi sana.
Naniniwala ako na ang ating mga miyembro, halos lahat sila, ay sumusunod sa sinaunang utos: "Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios" (Exodo 20:12).
Ngunit nakalulunos, talagang nakahihimagsik ang pang-aabuso sa matatanda.
Habang tumatagal humahaba pa ang ating buhay, salamat sa himala ng makabagong siyensya at medisina. Ngunit kaakibat ng pagtanda ang pagbagsak ng pisikal na kakayahan at kung minsan ay ng isipan. Nasabi ko na noon na natuklasan kong napakaraming magagandang pangyayari sa mga ginintuang taon ng katandaan. Labis ang pasasalamat ko sa pagmamahal at pagmamalasakit ng ating mga anak sa kanilang ina at ama. Napakagandang tingnan ng isang anak na gumagawa ng paraan upang tulungan nang buong kabaitan at kabutihan at pagmamahal ang isang magulang na matanda na.
Ngayo'y nais kong banggitin ang isa pang uri ng pang-aabuso na nalathala nang husto sa media. Ito'y ang nakapandidiri at masamang pang-aabuso sa mga bata ng matatanda, na karaniwan ay mga lalaki. Hindi na bago ang pang-aabusong ito. May katibayang nagsasabi na noon pa ma'y nangyayari na ito. Kasuklam-suklam at kalunus-lunos at kakila-kilabot ang bagay na ito. Ikinalulungkot kong sabihing may mangilan-ngilang kadimonyohang ganito sa paligid natin. Ito'y isang bagay na hindi matatanggap o mapahihintulutan. Sinabi Mismo ng Panginoon: "Datapuwa't sinomang magbigay ng ikatitisod sa isa sa maliliit na ito na nagsisisampalataya sa akin, ay may pakikinabangin pa siya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y ilubog sa kalaliman ng dagat" (Mateo 18:6).
Napakatalim na pananalita mula sa Prinsipe ng Kapayapaan, ang Anak ng Diyos.
Sisipiin ko mula sa ating Hanbuk ng mga Tagubilin: "Ang paninindigan ng Simbahan ay hindi nito mapahihintulutan ang anumang uri ng pang-aabuso. Ang mga nang-aabuso. . .ay isinasailalim sa pagdidisiplina ng Simbahan. Hindi sila dapat bigyan ng mga katungkulan sa Simbahan at hindi dapat magkaroon ng rekomendasyon sa templo. Kahit na ang taong seksuwal o pisikal na umabuso sa isang bata ay nakatanggap ng pagdisiplina ng Simbahan at pagkaraan ay naipanumbalik sa buong kapatiran o tinanggap na muli sa pamamagitan ng pagbibinyag, hindi dapat tawagin ng mga pinuno ang taong ito sa anumang tungkulin kung saan ay gagawa siyang kasama ang mga bata o kabataan maliban kung ang Unang Panguluhan ay nagbibigay ng pahintulot na alisin ang anotasyon sa talaan ng pagiging miyembro ng tao.
"Sa mga pangyayari ng pang-aabuso, ang unang responsibilidad ng Simbahan ay tulungan ang mga naabuso at protektahan ang mga maaaring mabiktima ng pang-aabuso" (Aklat 1:Mga Panguluhan ng Istaka at Obispado, p. 200201).
Matagal na naming inaasikaso ang problemang ito. Hinimok na namin ang mga bishop, stake president, at iba pa na tulungan ang mga biktima, aluin sila, palakasin sila, ipaalam sa kanila na mali ang nangyari, na ang karanasan ay di nila kasalanan, at na di na ito kailangang mangyaring muli.
Nagpalabas kami ng mga lathalain, nagpakabit ng linya ng telepono kung saan ang mga pinuno ng Simbahan ay maaaring tumanggap ng payo sa pag-aasikaso ng mga kaso, at nag-alok ng propesyonal na tulong sa pamamagitan ng LDS Family Services.
Ang mga gawaing ito ay karaniwang likas na usaping kriminal. May parusa dito ang batas. May mga propesyonal na tagapayo, pati na mga abogado at social worker, sa linya ng telepono upang payuhan ang mga bishop at stake president hinggil sa kanilang mga obligasyon sa ganitong mga kalagayan. Ang mga taga-ibang bansa ay dapat tumawag sa kani-kanilang Area President.
Ngayon ang gawain ng Simbahan ay gawain ng kaligtasan. Nais ko itong bigyang-diin. Gawain ito ng pagliligtas ng mga kaluluwa. Nais nating tulungan kapwa ang biktima at ang maysala. Naaawa tayo sa biktima, at dapat tayong kumilos para tulungan siya. Naaawa tayo sa maysala, ngunit di natin mapalalampas ang kasalanang maaari ngang ginawa niya. Bawat kasalanan ay may kaparusahan. Gagana ang proseso ng batas na sibil. Gagana ang proseso ng simbahan, na kadalasa'y humahantong sa pagtitiwalag. Kapwa ito maselan at malubhang bagay.
Gayunman, kinikilala natin, at dapat nating kilalaning lagi, na kapag pinagdusahan na ang parusa at natugunan na ang hiling ng katarungan, may tutulong at mabait na aalalay. Maaaring marami pa ring ipagbabawal, ngunit may kaakibat itong kabaitan.
Ngayon mga kapatid, marahil ako'y naging negatibo sa pagsasalita ko sa inyo ngayong gabi. Hindi ko sadya iyon. Ngunit nais kong magbabala sa priesthood ng Simbahang ito sa buong mundo.
Pinagkalooban tayo ng Diyos ng isang regalong napakahalaga at kahanga-hanga. Taglay nito ang awtoridad na pamahalaan ang Simbahan, pangasiwaan ang mga gawain nito, magsalita nang may awtoridad sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, kumilos bilang tapat Niyang mga alagad, basbasan ang mga maysakit, pagpalain ang ating mga pamilya at ang iba pa. Nagsisilbi itong panuntunan sa ating pamumuhay. Sa kaganapan nito, ang awtoridad nito'y umaabot hanggang sa kabilang buhay tungo sa mga kawalang-hanggang naghihintay.
Walang katulad ito sa buong mundo. Ingatan ito, pangalagaan ito, mahalin ito, maging marapat para dito.
"Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit" (Mat. 5:16), ang aba kong dalangin sa pag-iwan ko ng aking basbas at pagpapaabot ng aking pagmamahal sa inyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.