President James E. Faust
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan
Bawat isa sa atin ay may mga problema na di natin malulutas at kahinaang di natin magagapi kung di tayo lalapit sa mas mataas na pinagmumulan ng lakas sa pamamagitan ng panalangin.
Pinatototohanan ko ngayong umaga ang kahalagahan ng panalangin. Ang daan tungo sa ating Tagapaglikha sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas ay tunay na isa sa pinakadakilang mga pribilehiyo at biyaya sa ating buhay. Nalaman ko sa di mabilang na mga karanasan ko na sadyang mabisa ang panalangin. Walang awtoridad sa mundo na makapaghihiwalay sa atin mula sa paglapit sa ating Tagapaglikha. Hindi kailanman magkakaroon ng problemang mekanikal o elektronik kapag tayo ay nanalangin. Walang limitasyon sa dami ng beses o haba ng panalangin natin sa bawat araw. Walang kota ang dami ng mga pangangailangang nais nating hingin sa bawat panalangin. Hindi tayo kailangang dumaan sa mga sekretarya o magpaiskedyul para marating ang luklukan ng biyaya. Siya ay mararating anumang oras at saanmang lugar.
Nang ilagay ng Diyos ang tao sa mundo, panalangin ang naging linya ng komunikasyon sa pagitan ng sangkatauhan at ng Diyos. Kaya sa henerasyon ni Adan, ang tao ay nagsimula sa "pagtawag sa pangalan ng Panginoon."1Sa lahat ng henerasyon magmula noon natugon ng panalangin ang napakahalagang pangangailangan ng tao. Bawat isa sa atin ay may mga problema na di natin malulutas at kahinaang di natin magagapi kung di tayo lalapit sa mas mataas na pinagmumulan ng lakas sa pamamagitan ng panalangin. Iyon ay ang Diyos ng langit na ating dinarasalan sa pangalan ni Jesucristo.2Habang nagdarasal tayo dapat nating isipin ang ating Ama sa Langit na nagtataglay ng lahat ng kaalaman, pang-unawa, pagmamahal, at habag.
Ano ang panalangin? Binigyan tayo ng Tagapagligtas ng halimbawa mula sa Panalangin ng Panginoon nang Siya'y manalangin: "Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo.
"Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayondin naman sa lupa.
"Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw.
"At ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin.
"At huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama. Sapagka't iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailan man. Siya nawa."3
Una, ang panalangin ay mapagpakumbabang pagkilala na ang Diyos ang ating Ama at ang Panginoong Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Pangalawa, ito'y taimtim na pagkumpisal ng kasalanan at paglabag at pagsamo ng patawad. Pangatlo, ito'y pag-amin na kailangan natin ng tulong nang higit sa ating kakayahan. Pang-apat, pagkakataon ito para makapagpasalamat at tumanaw ng utang-na-loob sa ating Tagapaglikha. Mahalaga na lagi nating sabihing: "Salamat po sa Inyo . . ." "Alam po namin na Kayo . . ." "Utang-na-loob namin sa Inyo . . ." Panglima, isang pribilehiyo ang humingi sa Diyos ng mga biyaya.
Maraming panalangin ang sinasambit habang tayo'y nakaluhod. Ang Tagapagligtas ay lumuhod noong manalangin Siya sa Ama sa Halamanan ng Getsemani.4Ang tahimik na dalangin ng puso ay umaabot din sa langit. Inaawit natin ang, "Panalangi'y mithiing tunay ng ating kaluluwa."5Ang taimtim na mga panalangin ay mula sa puso. Tunay na sa kataimtiman ay kailangang ang marubdob na damdamin ng ating puso ang sambitin natin sa panalangin sa halip na gumamit ng walang kabuluhang paulit-ulit o mga paimbabaw na damdamin gaya ng hindi nais ng Tagapagligtas sa talinghaga ng Fariseo at ng publikano.6Ang ating mga dalangin ay tunay na nagiging "awit ng puso" at "isang panalangin,"7na di lang nakararating sa Diyos kundi umaantig din sa puso ng iba.
Ipinayo sa atin ni Jeremias na manalangin tayo ng buong puso at kaluluwa.8Isinalaysay ni Enos kung paano nagutom ang kanyang kaluluwa at siya'y nanalangin buong maghapon.9Iba-iba ang antas ng mga panalangin. Maging ang Tagapagligtas ay "nanalangin ng lalong mataimtim" sa oras ng Kanyang paghihirap.10Ang ilan ay simpleng pahiwatig ng pasasalamat at kahilingan para sa patuloy na pagpapala sa atin at sa mga mahal natin sa buhay. Gayunman, sa oras ng matinding sakit ng kalooban o pangangailangan, higit pa sa paghingi ang kakailanganin. Wika ng Panginoon, "Inakala mo na aking ibibigay ito sa iyo, gayong wala kang inisip maliban sa ito ay itanong sa akin."11Kung minsan ang mga biyayang hinahangad sa pamamagitan ng panalangin ay nangangailangan ng ating paggawa, pagsisikap, at pagtitiyaga.
Halimbawa, kung minsan ay angkop ang pag-aayuno bilang malakas na patunay ng ating katapatan. Gaya ng patotoo ni Alma sa mga tao ng Zarahemla, "Ako ay nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw upang aking malaman ang mga bagay na ito sa aking sarili. At ngayon nalalaman ko sa aking sarili na ang mga yaon ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbigay-alam nito sa akin sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu."12Kapag nag-aayuno tayo ay pinagdadalamhati natin ang ating mga kaluluwa,13na lalong naglalapit sa atin sa Diyos at sa Kanyang banal na mga layunin.
May pribilehiyo tayong manalangin araw-araw para sa maliliit at malalaking problema sa ating buhay. Tingnan ang mga salita ni Amulek, na humikayat sa ating manalangin sa ating mga bukid para sa ating mga kawan; sa ating mga tahanan para sa ating sambahayan, umaga, tanghali, at gabi; manalangin laban sa kapangyarihan ng ating mga kaaway at diyablo; tumawag tayo sa Kanya para sa ating mga pananim; ibuhos ang ating mga kaluluwa sa lihim na lugar at sa mga ilang. Kapag hindi tayo tumatawag nang direkta sa Diyos, hayaan natin ang ating mga puso na patuloy na lumapit sa panalangin sa Kanya.14
Maaaring ang payo ni Amulek sa ating panahon ay ang marubdob na dalangin ng isang asawa: "Basbasan N'yo po at iligtas si Jason habang naglilingkod siya sa aming bansa sa oras na ito ng digmaan." Ang dalangin ng isang ina: "Basbasan N'yo po ang mahal kong si Jane na piliin niya ang tama." Ang dalangin ng isang ama: "Ama sa Langit, basbasan N'yo po si Johnny sa kanyang misyon, na mabuksan ang mga pintuan para sa kanya, at matagpuan niya ang matatapat ang puso." Ang utal na dalangin ng isang bata, "hindi na po ako magkukulit" o "may marami po sanang pagkain ang mga tao," o "gumaling na po sana si Inay." Ito'y mga banal na dalangin na naririnig sa walang hanggang tahanan sa kaitaasan. Mas alam ng Diyos ang ating mga kailangan kahit di natin sabihin ang mga ito,15ngunit nais Niyang lumapit tayo sa Kanya nang may pananampalataya sa paghiling ng mga biyaya, kaligtasan, at kaginhawaan.
Nabanggit ko noon ang naging karanasan ko sa militar noong Ika-II Digmaang Pandaigdig. Gusto kong malaman ninyong di naman ako bayani. Pero ginawa ko ang tungkulin ko. Nagtiis ako at nakaligtas. Nadestino ako sa isang British liberty ship na naglakbay mula San Francisco patungong Suez. Nasa loob ako ng barkong iyon sa buong 83 araw maliban noong tumigil kami sandali sa Auckland, New Zealand. Ako lang ang miyembro ng Simbahan na sakay ng barko. Tuwing Linggo ay mag-isa akong nagtutungo sa gawing unahan ng barko dala ang maliit na kopya ko ng banal na kasulatan at himno. Sa gitna ng malakas na ihip ng hangin, ako'y nagbabasa ng banal na kasulatan, nagdarasal, at umaawit nang mag-isa. Hindi naman ako nakipagtawaran sa Panginoon, pero taimtim akong nanalangin na kung makakaligtas ako sa digmaan at makauuwi sa aking asawa at pamilya, sisikapin kong manatiling tapat sa mga sagradong tipan na ginawa ko sa pagbibinyag, sa sumpa at tipan ng pagkasaserdote, at sa aking mga tipan sa templo.
Bilang bahagi ng aming tungkulin, ang maliit naming cargo ship ay inutusang humila sa nasirang malaking barko (tanker) patungong Auckland, New Zealand. Sira ang tanker at paikot-ikot lang sa karagatan. Bagamat hindi namin nakikita, alam naming ang mga submarinong kaaway ay nakatago malapit lang sa amin. Habang hila namin ang barkong iyon kami ay inabot ng malakas na bagyo, na sa huli'y nalaman naming nagpalubog ng maraming barko. Dahil sa bigat na aming hila, wala kaming sapat na lakas para sagupain ang malalaking alon, at ang aming barko ay siniklot-siklot ng malalaking alon ng nag-aalimpuyong karagatan. Lumalangitngit at dumadagundong ito at hinahampas ng alon sa magkabila, halos parang tataob sa bawat paghagis nito. Siyempre nanalangin ako, at naisip kong ganon din ang ginagawa ng iba. Di nagtagal ang bagyo ay umalis na papalayo sa amin. Nagpapasalamat ako sa malakas na impluwensiya at ginhawang dulot ng aking mga panalangin noon at sa iba pang mga sandali ng panganib simula noon.
Sinabi sa atin ng Tagapagligtas, "Manalangin kayo sa inyong mag-anak sa Ama, lagi sa aking pangalan, nang ang inyong mga asawa at inyong mga anak ay pagpalain."16Ngayo'y hinihimok tayo ng Simbahan na magdaos ng pangmag-anak na panalangin sa gabi at umaga.
Minsa'y narinig ko ang isang guro sa Primary na nagtanong sa maliit na batang lalaki kung siya ay nananalangin gabi-gabi.
"Opo," sagot ng bata.
"At nagdarasal ka rin ba tuwing umaga?" tanong ng guro sa Primary.
"Hindi po," sagot ng bata. "Di po kasi ako takot sa umaga."17
Hindi lang takot sa dilim ang dapat nating maging motibo sa pagdarasalumaga o gabi.
Ang pangmag-anak na panalangin ay mabisa at malakas na impluwensiya. Noong panahon ng Ika-II Digmaang Pandaigdig, isang 500- libra na bomba ang nahulog sa labas ng dampa ni Brother Patey, isang bata pang ama sa Liverpool, England, ngunit ang bomba ay hindi sumabog. Namatay ang kanyang asawa, kaya mag-isa siyang nagpalaki sa kanyang limang anak. Tinipon niya sila sa nakababagabag na panahong ito para sa pangmag-anak na panalangin. Silang "lahat ay nanalangin . . . nang taimtim at matapos manalangin, sinabi ng mga bata: 'Tay, ligtas po tayong lahat dito. Alam po naming ligtas tayong lahat dito sa bahay natin ngayong gabi.'
"At sila'y nagsitulog, isipin na lang ninyo, nasa labas lamang ng pinto ng kanilang bahay ang bomba at kalahati nito'y nakabaon sa lupa. Kung sumabog ito marahil ay nawasak ang may apatnapu o limampung kabahayan at namatay ang may dalawangdaan o tatlongdaan katao. . . .
"Kinabukasan ang . . . buong magkakalapit-bahay ay inilipat sa loob ng apatnaput-walong oras hanggang sa tuluyang maialis ang bomba. . . .
"Nang siya ay pabalik na tinanong ni Brother Patey ang foreman ng A.R.P. Squad: 'O, may nakita ba kayo?'
"Ginoong Patey, nakita namin sa labas ng pinto 'nyo ang isang bombang handa nang sumabog anumang oras. Wala naman itong diperensya. Nagtataka kami kung bakit hindi ito sumabog."'18Maraming himalang nagaganap kapag sama-sama ang mag-anak sa panalangin.
Pinayuhan tayo ng Tagapagligtas na dapat nating ipanalangin ang mga taong umuusig sa atin.19Ang alituntuning ito'y madalas nalilimutan sa ating mga panalangin. Naunawaan itong mabuti ni Propetang Joseph Smith. Patuloy ang kanyang mga pagsamo, ang kanyang motibo ay malinis, at laging nariyan ang mga biyaya ng langit.
Naalala ni Daniel Tyler, kasa-kasama ng Propeta, ang isang mahalagang okasyon: "Noong nagrerebelde sina William Smith at iba pa laban sa Propeta [sa Kirtland], dumalo ako sa pulong . . . na pinamunuan ni 'Joseph.' Sa pagpasok ko sa bahay-aralan mga ilang sandali bago magsimula ang pulong at habang tinitingnan ang tao ng Diyos, nabanaag ko ang kalungkutan sa kanyang mukha at luhang dumadaloy sa kanyang mga pisngi. . . . Ilang sandali pa'y inawit ang himno at binuksan niya ang pulong sa panalangin. Gayunman, sa halip na humarap sa mga naroroon, tumalikod siya at lumuhod na nakayuko ang ulo, nakaharap sa dinding. Ginawa n'ya ito, sa palagay ko, para itago ang kanyang kalungkutan at mga luha.
"Narinig ko nang manalangin ang mga lalaki at babaelalo na ang mga lalakimula sa mga hindi edukado at hindi katalinuhan, hanggang sa mga pinakamatalino at pinakamahusay, pero di ako kailanman nakarinig ng taong tulad niya na kinausap ang kanyang Manlilikha na tila ba Siya'y naroroon na nakikinig gaya ng isang mabuting ama na nakikinig sa mga pighati ng masunuring anak. Si Joseph ay hindi pa edukado nang sandaling iyon, ngunit ang panalanging iyon, na sa kabuuan ay para sa mga taong nagpaparatang sa kanya na siya ay naliligaw at nagkakasala, ay upang mapatawad sila ng Panginoon at buksan ang kanilang mga mata at makita nila ang tama. Ang panalanging iyon, para sa akin, ay tumanggap ng karunungan at kagalingan ng langit. Walang pagmamagaling, walang pagtataas ng tinig, kundi simpleng tono ng pakikipag-usap, tulad ng pakikipag-usap ng tao sa kanyang kaibigan. Para sa akin ay tila ba kung sakaling aalisin ang tabing, makikita kong nakatayo ang Panginoon sa harap ng Kanyang tagapaglingkod na pinakamapagpakumbaba sa lahat, na noon ko lamang nakita. . . . Iyon ang pinakadakila . . . sa lahat ng panalanging narinig ko na."20
Habang papalapit ang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas, inalay Niya ang Kanyang dakilang panalangin. Matapos ihabilin ang Kanyang mga Apostol sa Ama at nanalangin para sa kanila, nanalangin naman siya para sa lahat ng maniniwala sa Kanya sa pamamagitan ng kanilang salita, at nagsumamo sa Ama para sa ating lahat. Nanalangin Siya na tayo ay magkaisa gaya ng pagkakaisa Niya at ng Ama, at na maniwala ang daigdig na Siya ay isinugo ng Ama.21
Wala ng iba pang mas nakaaantig na panalangin na sinambit maliban sa inalay mismo ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani. Lumayo Siya sa Kanyang mga apostol, lumuhod at nanalangin, "Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma'y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo."22Mahalagang elemento ng lahat ng ating mga panalangin ang sundan ang huwaran ng panalanging iyon sa Getsemani: "huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo." Sa gayong paraan, kinikilala natin ang ating katapatan at pagsunod sa mga pangunahing layunin ng Panginoon sa ating buhay. Gaya ng sabi Niya, "Kung kayo'y magsipanatili sa akin, at ang mga salita ko'y magsipanatili sa inyo, ay hingin ninyo ang anomang inyong ibigin, at gagawin sa inyo."23Napakaluwalhating araw para sa bawat isa sa atin kapag nanalangin tayo nang may pagtitiwala na, "kung tayo'y humingi ng anomang bagay na ayon sa kaniyang kalooban, ay dinidinig tayo niya."24
Taos-puso akong umaasa na sa mga pananalangin natin sa araw-araw ay maalala nating hingin sa Panginoon na patuloy na basbasan ang ating minamahal na pinuno, si President Gordon B. Hinckley. Walang sinuman ang nakakaalam, ni maging ang kanyang mga tagapayo, kung gaano kabigat ang kanyang mga pasanin at ang kanyang pananagutan. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Gen. 4:26.
2. Tingnan sa 2 Ne. 32:9; 3 Ne. 20:31.
3. Mat. 6:913.
4. Tingnan sa Lucas 22:41.
5. Mga Himno, blg. 81.
6. Tingnan sa Lucas 18:1014.
7. D at T 25:12.
8. Tingnan sa Jer. 29:13.
9. Tingnan sa Enos 1:4.
10. Lucas 22:44.
11. D at T 9:7.
12. Alma 5:46.
13. Tingnan sa Mga Awit 35:13.
14. Tingnan sa Alma 34:2027.
15. Tingnan sa Mat. 6:8.
16. 3 Ne. 18:21.
17. Hango mula sa "The Treasury of Clean Church Jokes," ni Tal D. Bonham, na sinipi sa mga edisyongHoly Humor, nina Cal at Rose Samra, (1997), 23.
18. Andre K. Anastasiou, sa Conference Report, Okt 1946, 26.
19. Mat. 5:44.
20. Juvenile Instructor, Peb. 1892, 12728.
21. Juan 17:21.
22. Lucas 22:42.
23. Juan 15:7.
24. I Juan 5:14.