The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2002
Ang Isa Pang Alibugha

Ang Isa Pang Alibugha

Elder Jeffrey R. Holland
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Walang isa man sa atin na di gaanong mahal o itinatangi ng Diyos kaysa iba. Pinatototohanan ko na mahal Niya ang bawat isa sa atin—ang kawalan ng katatagan, pag-aalala, reputasyon, at lahat na.

Elder Jeffrey R. Holland

Isa sa di-malilimutang talinghagang ikinuwento ng Tagapagligtas ay ang tungkol sa isang hangal na nakababatang kapatid na lumapit sa kanyang ama, hiningi ang kanyang mana, at lumayas para waldasin ang minana sa "palunging pamumuhay."1Naglaho ang kanyang pera at mga kaibigan nang mas mabilis kaysa kanyang inakala—lagi namang ganoon–at dumating ang araw ng pagtutuos matapos iyon—na laging nangyayari. Bunga ng lahat ng ito naging tagaalaga siya ng mga baboy, naging patay-gutom, nawalan ng sustento at dangal na "ibig sana niyang mabusog ang kaniyang tiyan ng mga ipa (darak) na kinakain ng mga baboy." Ngunit kahit na ang kasiyahang iyon ay di napasakanya.

At mapanghikayat na nakasaad sa banal na kasulatan na "Siya'y [nakapag-isip]." Ipinasiya niyang umuwi, umaasang tatanggapin kahit man lang bilang alipin sa sambahayan ng kanyang ama. Ang magiliw na larawan ng sabik at tapat na ama ng batang ito na patakbong sumalubong sa kanya at pinupog siya ng halik ay isa sa mga nakaaantig at kahabag-habag na mga tagpo sa buong banal na kasulatan. Ipinakikita nito sa bawat anak ng Diyos, suwail man o hindi, kung gaano ninanais ng Diyos na makabalik tayo sa ligtas Niyang mga bisig.

Ngunit kapag masyado tayong natuon sa kuwentong ito ng nakababatang kapatid, kung di tayo maingat, malalampasan natin ang kuwento ng kuya nito, dahil mababasa sa pambungad na pahayag ng Tagapagligtas, "May isang tao na maydalawanganak na lalake"—at nais niya sigurong idagdag, "na kapwa naligaw at kapwa kailangang makauwi."

Nakabalik na ang nakababatang kapatid at inihahanda na ang malaking pagdiriwang nang pumasok sa eksena ang kuya nito. Masipag at matapat siyang nagtatrabaho sa bukid at ngayo'y pauwi na siya. Ang ideya ng magkatulad na paglalakbay pauwi, bagama't mula sa lubos na magkaibang lugar, ang pinakasentro sa kuwentong ito.

Habang papalapit siya sa bahay, narinig niya ang tugtugan at tawanan.

"At pinalapit niya sa kaniya ang isa sa mga alipin, [tandaan na may mga alipin siya] at itinanong kung ano kaya ang mga bagay na yaon.

"At sinabi [ng alipin] sa kaniya, Dumating ang kapatid mo; at pinatay ng iyong ama ang pinatabang guya, dahil sa siya'y tinanggap niya na ligtas at magaling.

"Datapuwa't nagalit [ang nakatatandang kapatid], at ayaw pumasok: at lumabas ang kaniyang ama, at siya'y namanhik sa kanya."

Alam na ninyo ang sumunod na usapan nila. Walang alinlangang para sa amang ito, naragdagan pa ang sakit na dulot ng suwail na anak na lumayas at naglublob na kasama ng mga baboy nang malaman niya na ang nakatatanda, mas matalinong kapatid na idolo ng nakababatang kapatid nito na lagi namang nangyayari, ay nagagalit sa pag-uwi ng kanyang kapatid.

Hindi. Itatama ko ang sarili ko. Hindi pag-uwi ng kapatid ang ikinagalit ng anak na ito kundi ang katuwaan ng kanyang mga magulang tungkol dito. Damang di siya pinahalagahan at marahil sa higit na pagkaawa sa sarili, ang masunuring anak na ito—na talagangkalugod-lugodnaman—ay saglit na nalimutang di siya kailanman madurumihan o mawawalan ng pag-asa, matatakot o mamumuhi sa sarili. Nalimutan niyang bawat alagang hayop sa rantso ay kanya na at gayundin ang mga damit sa lalagyan at ang bawat singsing na nakatago. Saglit niyang nalimutan na ang kanyang katapatan ay lagi nang gagantimpalaan.

Hindi, siya na halos angkin na ang lahat dahil sa kanyang kasipagan at nakalulugod na paraan, ay kulang pa ng isang bagay na sana'y naging dahilan ng pagiging ganap niyang alagad ng Panginoon na halos ay naabot na niya. Kailangan pa niyang masumpungan ang pagkahabag, at pagkaawa, ang mapagkawanggawang pananaw para makitanghindi karibal itong bumabalik.Ito ay kapatid niya. Tulad ng samo ng ama na makita niya, na ito ay patay na at muling nabuhay. Ito ay nawala at muling nasumpungan.

Tiyak na ang nakababatang kapatid na ito ay naging bilanggo—bilanggo ng kasalanan, kahangalan, at ng kural ng baboy. Ngunit ang kuya ay bilanggo rin. Alipin siya ng sariling pag-uugali at opinyon na nakasisira sa kanya. Binabagabag siya ng matinding inggit.2Damdam niya siya'y walang halaga sa kanyang ama at inagawan ng karapatan ng kanyang kapatid, gayong parehong hindi totoo iyon. Naging biktima siya ng maling akalang ininsulto siya. Sa gayon, naging tulad niya si Tantalus ng Griyegong alamat—lubog siya sa tubig hanggang baba ngunit uhaw pa rin siya. Samakatwid ang isang ito na dati'y mukhang napakasaya sa buhay at kuntento sa maganda niyang kapalaran, ay biglang nalungkot nang husto dahil lang sa naging mapalad din ang ibang tao.

Sino ba ang pabulong na lumilinlang sa atin na ang kaloob na bigay sa iba ay bumabawas sa mga biyaya natin? Sino ang nagpapadama sa atin na kung ngumingiti ang Diyos sa iba marahil ay nakasimangot Siya sa atin? Batid nating lahat kung sino ang gumagawa nito—ang ama ng lahat ng kasinungalingan.3Ito si Lucifer, ang kalaban nating lahat, na noon pa mang una ay lagi nang sinasabi sa lahat na, "Ibigay ninyo sa akin ang inyong karangalan."4

Sabi nila ang inggit ay kasalanang di agad aaminin ninuman, ngunit ang tendensiya ng paglaganap nito ay ipinahihiwatig sa lumang kawikaan sa Denmark, "Kung naging lagnat ang inggit, buong mundo'y magkakasakit." Ang pari saCanterbury Talesni Chaucer ay itinatangis ito dahil lubhang laganap nito—ikagagalit nito ang anuman, pati na ang bawat buti at talino, at sasama ang loob nito sa anumang bagay, pati na sa bawat kabutihan at galak.5Habang tila lumalaki sa tingin natin ang iba, iniisip nating paliit tayo nang paliit. Kaya sa kasamaang palad, gayon ang kilos natin kung minsan.

Paano ito nangyayari, lalo na kapag inaasam nating huwag itong magkagayon? Palagay ko isa sa mga dahilan ay araw-araw tayong nakakakita ng mga tukso na nagsasabing di sapat ang anumang nasa atin. May isang tao o bagay na palaging nagsasabi sa atin na kailangan tayong maging mas guwapo o magpayaman pa, mas purihin o hangaan pa kaysa sa kung ano tayo ngayon. Sinasabihan tayo na kulang pa ang ating mga ari-arian o pagliliwaliw. Dinadagsa tayo ng mensahe na sinukat tayo ayon sa pamantayan ngdaigdigat tayo'y salat pa rin.6May mga araw na tila nakakulong tayo sa maliit na silid ng isang malaki at maluwang na gusali na ang mapapanood mo lang sa telebisyon ay walang-katapusang telenobela na may pamagat naMga Walang- kabuluhang Guniguni.7

Ngunit hindi ito ang paraan ng Diyos. Hindi inuuto ng ama sa kuwentong ito ang kanyang mga anak. Hindi niya sila ikinukumpara nang walang pakundangan sa kanilang mga kapitbahay. Ni hindi niya sila ikinukumpara sa isa't isa. Ang pagkahabag niya sa isa ay di nag-aalis o nagkakait ng pagmamahal sa isa pa. Mapagbigay siya sa kanyang dalawang anak. Naniniwala akong kapiling natin ang Diyos na tulad ng kapiling ko ang pinakamamahal kong maybahay na si Pat sa aking pag-awit. Magaling siya sa musika, napakagaling, samantalang ako'y di makaawit nang kahit isang nota. Gayunman alam kong mahal niya ako sa espesyal na paraan kapag nagpipilit akong kumanta. Alam ko 'yon dahil nakikita ko sa kanyang mga matang nagmamahal.

Isinulat ng isang nagmamasid, "Sa daigdig na lagi nang ikinukumpara ang mga tao, na inuuri sila ayon sa talino, ganda, tagumpay, hindi madaling maniwala nang lubos sa [banal] na pagmamahal na di ganito ang ginagawa. Kapag naririnig kong pinupuri ang isang tao," aniya, "hindi ko maiwasang isiping di ako gaanong kapuri-puri; kapag nababasa ko ang tungkol sa kabutihan at kabaitan ng iba, hindi ko maiwasang isipin kung ako'y kasimbuti o kasimbait nila; at kapag nakakakita ako ng mga tropeo, parangal, at gantimpalang ibinibigay sa mga espesyal na tao, di ko maiwasang itanong sa sarili ko kung bakit di nangyari sa akin iyon."8Kung hindi ito ititigil makikita natin sa bandang huli kung paanong ang pagkiling na ito ng mundo ay hahantong sa pagkamuhi, at mababang pagtingin sa Diyos at sa ating sarili. Karamihan sa mga kautusang "huwag kang" ay nilayon upang hindi natin masaktan ang iba, pero naniniwala ako na ang utos na huwag mag-imbot ay nilayon upang hindi natin masaktan ang ating sarili.

Paano natin madadaig ang tendensiyang ito na karaniwan na sa halos lahat sa atin? Ang isang magagawa nati'y tularan ang dalawang anak na lalaking ito at simulan ang landas pabalik sa Ama. Dapat nating gawin ito sa pinakamabilis at mapagpakumbabang paraan. Habang ginagawa ito mabibilang natin ang marami nating biyaya at mapupuri ang mga nagawa ng iba. Higit sa lahat makapaglilingkod tayo sa iba, ang pinakamagandang magagawa natin sa iba. Ngunit sa huli'y di pa ito sapat. Kapag naligaw tayo maaari tayong "makapag-isip," ngunit maaaring di natin laging "makikita ang kasagutan," at di "maililigtas ang ating sarili" sa walang hanggan. Tanging ang Ama at ang Kanyang Bugtong na Anak lang ang makagagawa niyan. Tanging Sila ang ating kaligtasan. Kaya dalangin nating tulungan Nila tayo, na "lalabas" Sila upang salubungin at yakapin tayo at dalhin sa piging na inihanda Nila.

Gagawin nila ito! Ang banal na kasulatan ay puno ng pangakong sapat ang biyaya ng Diyos.9Di kailangan dito ang makipaglaban o makipagpaligsahan. Ipinahayag ni Nephi na "mahal [ng Panginoon] ang sanlibutan" at ipinagkaloob ang kaligtasan nang libre.

"Nag-utos ba [Siya] sasino mannahindisila makababahagi ng kanyang kabutihan?" tanong ni Nephi. Hindi! "Lahat . . . ay may pribilehiyo, ang isa tulad ng iba, at walang pinagbabawalan [sa kanyang tulong]."

"Magsilapit sa akin lahat kayong nasa mga dulo ng mundo, bumili ng gatas at pulot, nang walang salapi at walang bayad.10Lahat ay may pribilehiyong tulad ng sa iba.Mamuhay nang payapa; nang may tiwala. Mabuhay nang walang takot at walang inggit. Mapanatag sa pagpapala sa inyo ng Ama sa Langit sa tuwina.

Sa paggawa nito matutulungan natin ang iba, mahihiling nating pagpalain sila tulad nang pagsamo nila para sa atin. Magagalak tayo sa bawat talino at kakayahan, saan man ito igawad, at sa gayo'y mas maitulad ang buhay dito sa lupa sa magiging buhay sa langit.

Makakatulong kung lagi nating aalalahanin ang maikli ngunit malinaw na pagpapriyoridad ni Pablo sa mga pinahahalagahan—"Ngayo'y nanatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, ang [pag-asa], at ang [pag-ibig]; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang [pag-ibig]."11Ipinaaalala niya na tayonglahatay bahagi ng katawan ni Cristo, at nalahatng miyembro,matipuno man o mahina, ay iniibig, kailangan, at mahalaga. Nadarama natin ang tindi ng pagsamong ito na "huwag magkaroon ng [pagkakabaha-bahagi] sa katawan, kundi ang mga sangkap ay . . . magkasing-isang pag-iingat sa isa't isa. At [kapag] ang isang sangkap ay nagdaramdam, ang lahat ng mga sangkap ay nangagdaramdam na kasama niya; o [kapag] ang isang sangkap ay nagkakapuri, ang lahat ng mga sangkap ay nangagagalak na kasama niya."12Ipinaaalala sa atin ng walang katulad na payong iyon na ang salitang "generosityo bukas-palad" ay may iisang pinagmulan tulad ng salitang "genealogyo talaangkanan" na kapwa mula sa salitang Latin nagenus,na ang ibig sabihin ay sa iisang usbong o uri, iisang pamilya o kasarian.13Makikita nating mas madaling maging bukas-palad kapag naaalala natin na ang taong tinutulungan natin ay kamag-anak natin.

Mga kapatid, pinatototohanan ko na walang isa man sa atin na di gaanong mahal o itinatangi ng Diyos kaysa iba. Pinatototohanan ko na mahal Niya ang bawat isa sa atin—ang kawalan ng katatagan, pag-aalala, reputasyon, at lahat na. Hindi Niya sinusukat ang ating mga talino o kaanyuan, propesyon o pag-aari. Nagagalak Siya sabawatmananakbo, na sinasabing ang paligsahan ay laban sa kasalanan,hindilaban sa isa't isa. Alam ko na kung magiging tapat tayo, may akmang bata ng kabutihang sadyang ginawa at naghihintay para salahat,14"mga bata na . . . pinaputi sa dugo ng Cordero."15Nawa'y hikayatin natin ang bawat isa sa pagsisikap na mapanalunan ang gantimpalang iyon ang taimtim kong dalangin, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Tingnan sa Lucas 15:11–32.
2. Tingnan sa William Shakespeare,The Merchant of Venice, yugto 3, tagpo 2, linya 110.
3. Tingnan sa 2 Ne. 2:18.
4. Moises 4:1.
5. Tingnan sa Geoffrey Chaucer,The Canterbury Tales, inedit ni Walter W. Skeat (1929), 534–35.
6. Tingnan sa Dan. 5:27 (dalawa ang kahulugan ng taludtod na ito).
7. Tingnan sa 1 Ne. 12:18.
8. Henri J. M. Nouwen,The Return of the Prodigal Son[1992], 103.
9. Tingnan sa Eter 12:26; Moro. 10:32; D at T 17:8.
10. Tingnan sa 2 Ne. 26:24–28; idinagdag ang pagbibigay-diin.
11. I Mga Taga Cor. 13:13.
12. Tingnan sa I Mga Taga Cor. 12:25–26.
13. Utang na loob ko kay Henri Nouwen ang pagtuturo niya ng etimolohiyang ito.
14. Tingnan sa Isa. 61:10; 2 Ne. 4:33; 9:14.
15. Apoc. 7:14.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy