Bishop Richard C. Edgley
Unang Tagapayo sa Presiding Bishopric
Sa kahirapan natin maaaring mahanap ang ating pinakamalalaking tagumpay, at maaaring dumating ang araw na mula sa ating mga hamon ay mauunawaan natin ang pamilyar na mga salitang, "para sa iyong ikabubuti."
Minsan ay nakatanggap ako ng liham na walang lagda mula sa isang napakalungkot na ina na nagpapahiwatig ng pagdurusa at paghihirap para sa isang anak na lalaki na nakagawa ng mabibigat na kasalanan, at lubhang nasaktan ang mga inosenteng mahal sa buhay.
Mula nang tanggapin ko ang liham na iyon, naging matindi ang hangarin kong ipahiwatig ang aking pagmamahal sa kanya at sa iba pa at sinikap kong magbigay ng kapanatagan at pag-asa sa mga hindi nagpapakilala at lihim na nagdadala ng mabigat na pasanin, na tanging sila at ang Ama sa Langit ang nakaaalam.
Alam ko, Sister Anonymous, na ang sasabihin ko'y di lang isang paalala kundi karagdagang patotoo sa nalalaman mo na.
Nang ang Propetang Joseph Smith, na dumanas ng isa sa mga pinakamadilim niyang sandali habang nakakulong sa Liberty Jail ay sumigaw ng, "O Diyos, nasaan kayo?" (D at T 121:1), inalo siya ng Panginoon sa mga salitang ito: "Alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti" (D at T 122:7). Tiyak na masakit at mahirap hanapin ang mabuting ibubunga ng ating personal na trahedya at pagdurusa. Tila hindi angkop ang mga salitang "para sa iyong ikabubuti."
Gayunman, ang pagkaunawa sa plano ng pagtubos ni Cristo ay tumutulong para malagay sa dapat kalagyan ang lahat ng ito. Sa buhay natin noon ay inilahad ng ating Ama sa Langit ang Kanyang plano para sa mortalidad, na ayon kay Alma ay "plano ng kaligayahan" (Alma 42:8). Naniniwala akong naunawaan nating lahat na sa pagparito sa lupa ay mararanasan natin ang lahat tungkol sa buhay sa mundo, pati na ang mga di-gaanong magagandang pagsubok ng sakit, pagdurusa, kawalan ng pag-asa, kasalanan, at kamatayan. Magkakaroon ng pagsalungat at kahirapan. Kung iyon lang ang alam natin sa plano, marahil di na ito tinanggap pa ng sinuman sa atin, nang may galak. "Iyan ang lagi kong asamsakit, pagdurusa, kawalan ng pag-asa, kasalanan, at kamatayan." Ngunit pinagtuunan ko ng pansin ang plano at ito'y naging katanggap-tanggap, kanais-nais, nang magkusa ang Tagapagligtas at nag-alok na bumaba at gawing maayos ang lahat. Sa hirap at pagdurusa ay magdudulot Siya ng kapayapaan. Sa kawalang-pag-asa ay magdudulot Siya ng pag-asa. Sa kasalanan ay magdudulot Siya ng pagsisisi at kapatawaran. Sa kamatayan Siya'y magdudulot ng pagkabuhay na muli ng mga buhay. At sa paliwanag na iyon at bukas-palad na alok, bawat isa sa atin ay nagsabing, "Magagawa ko 'yan. Makikipagsapalaran ako." At pinili natin ang gayon.
Ang malawak na sakop ng awa ni Cristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala ay ipinaliwanag ni Amulek sa kabanata 34 ng Alma sa Aklat ni Mormon. Ipinaliwanag ni Amulek na kailangan ng "dakila at huling hain" (Alma 34:10). At tapos ay nilinaw niyang di ito magiging hain ng hayop o ng ibon gaya ng nakaugalian ng tao. Kailangan itong maging hain ng isang Diyossi Jesucristo. Dahil kailangang ito'y walang katapusan at walang hanggang hain. Kaya ginawa ang sakripisyo, at sa pananampalataya'y nakikita nating naglalakbay tayo sa tinatawag nating mortalidad. Bilang bunga ay nalulungkot ang puso natin sa di-maipaliwanag na pagkawala ng isang bata, o sa di-inaasahang karamdaman o kapansanang dumarapo sa ating minamahal. Sinisikap ng mga nag-iisang magulang na magbigay ng pinansiyal na seguridad at tiyak na impluwensiya ng ebanghelyo sa kanilang tahanan. At marahil ang pinakamahirap sa lahat ay ang sakit na dinaranas kapag wala tayong magawa habang minamasdan ang paghihirap ng isang mahal sa buhay dahil sa kasalanan at paglabag.
May ilan sa atin, kung sakali, na di dumaranas ng pagdadalisay ng kahirapan at kabiguan, na minsa'y dinaranas ng iba, ngunit sa marami'y lihim at tahimik na pinagtitiisan. Marami sa mga sakit ng kalooban, hirap, at pagdurusa'y di natin pipiliin sa ngayon. Ngunit pinili natin noon. Pumili tayo noong nakikita natin ang kumpletong plano. Pumili tayo noong malinaw pa sa atin na ililigtas tayo ng Tagapagligtas. Pumili tayo noong malakas at di natitinag ang ating pananampalataya. At kung ang pananampalataya at pang-unawa natin sa ngayon ay kasinglinaw noong una tayong pumili, naniniwala akong pipili tayong muli.
Kung gayon, marahil ang hamon ay taglayin ang uri ng pananampalatayang nasa atin noong una tayong pumili. Ang uri ng pananampalatayang pumapawi sa pag-aalinlangan at maging ng poot at nagiging pagkilala sa kapangyarihan, biyaya, at pag-asa na manggagaling lang sa Kanya na pinagmumulan ng lahat ng kapangyarihan, biyaya, at pag-asa. Ang uri ng pananampalataya na nagdudulot ng kaalaman at katiyakan na lahat ng dinaranas natin ay bahagi ng plano ng ebanghelyo at para sa mabubuti, lahat ng tila mali ay maitatama sa huli. Ang kapayapaan at pang-unawa upang magtiis nang may dangal at kaliwanagan ng layunin ang maaaring matamis na gantimpala. Ganitong uri ng pananampalataya ang tutulong sa atin upang makita ang mabuti, kahit na ang buhay nati'y tila puno ng pagsubok, pagdurusa, at kahirapan.
Nang madaanan ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo ang lalaking bulag mula sa kanyang pagkabata, nagtanong ang Kanyang mga disipulo, "Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kaniyang mga magulang, upang siya'y ipanganak na bulag? Sumagot si Jesus, Hindi dahil sa ang taong ito'y nagkasala, ni ang kaniyang mga magulang man: kundi upang mahayag sa kaniya ang mga gawa ng Dios" (Juan 9:23).
Di ako naniniwalang ang ating Ama sa Langit ang nagbibigay ng mga kapahamakan at sakit ng kalooban sa ating buhay. Kundi kung paanong naihayag ang mga "gawa ng Dios" sa pagpapagaling ng taong bulag, gayundin naman na ihahayag ng ating pagharap sa mga pagsubok ang "mga gawa ng Dios."
Sa kalungkutan natin maaaring hanapin ang tamis at kabutihan na laging nauugnay at kaiba lalo na sa ating hamon. Maaari nating hanapin ang mga sandaling di-malilimutan na madalas na nakatago sa sakit at pagdurusa. Makahahanap tayo ng kapayapaan sa pagtulong sa iba, na gamit ang sarili nating karanasan upang magbigay ng pag-asa at aliw. At maaari din nating laging alalahanin nang may kataimtiman at pasasalamat Siya na nagdusa nang labis para maayos ang lahat para sa atin. At sa gayon ay palalakasin tayo upang madala ang ating mga pasanin nang mapayapa. At sa gayon ang mga "gawa ng Dios" ay maihahayag.
Sa pagsasalita tungkol sa Pagbabayad-sala ni Cristo, gusto ko ang pakahulugan ng diksyunaryo nawalang katapusanatwalang hanggandahil naniniwala akong ipinaliliwanag nito ang talagang ibig sabihin ng Diyos.Walang katapusan: "Walang hangganan o limitasyon." At ang pakahulugan ngwalang hanggan: "Walang pasimula o wakas" (The American Heritage Dictionary of the English Language, ika-4 na edisyon [2000], "infinite," "eternal," 898, 611).
Kita mo na, Sister Anonymous? Ibig sabihi'y para sa iyo sa iyong pagdurusa ang Pagbabayad-sala. Ito'y personal, dahil alam Niya mismo ang iyong mga pagsubok at kalungkutan, dahil dinanas na Niya ang mga ito. Ibig sabihi'y palaging mayroong bagong simula para sa bawat isa sa atinmaging sa isang anak na nakagawa ng mabigat na kasalanan. Ibig sabihin sa pagsulong natin sa buhay, sa kabila ng mga pagsubok at dusa, bigat ng damdamin ng kawalang pag-asa, tayo ay hindi nakatuon sa ating pinanggalingan, kundi sa ating patutunguhan. Di tayo nakatuon sa nangyari, kundi sa mangyayari.
Tanggapin nating mamarapatin ng karamihan sa atin ang matutuhan ang mahihirap na aral ng buhay sa ligtas at komportableng klase sa Panlinggong Paaralan o sa tabi ng mainit nafireplacesa oras ng family home evening. Ngunit uulitin ko, sa madidilim na sulok ng Liberty Jail nagmula ang ilan sa pinakamagaganda at nakaaaliw na banal na kasulatang ibinigay sa tao na nagtatapos sa mga salitang, "Lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti." Gayundin naman na sa kahirapan natin maaaring mahanap ang ating pinakamalalaking tagumpay, at maaaring dumating ang araw na mula sa ating mga hamon ay mauunawaan natin ang pamilyar na mga salitang, "para sa iyong ikabubuti."
Sa mga banal na kasulatan ay nalaman natin na noong magpunta ang Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani para bayaran ang ating mga kasalanan at ating pagdurusa, Siya ay nilabasan ng dugo sa bawat butas ng Kanyang balat (tingnan sa D at T 19). Naniniwala ako, Sister Anonymous, na sa Kanyang matinding paghihirap, tumulo ang isang patak ng dugo Niya para sa iyo. Pumatak ang dugo Niya para sa iyong anak, at pumatak ang dugo Niya para sa akin.
Naniniwala ako sa panalangin, sa pananampalataya, sa pagsisisi, at sa bisa ng Pagtubos. At oo, Sister Anonymous, naniniwala ako sa iyo. Gayundin ang mapagmahal na Ama sa Langit. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.