President Gordon B. Hinckley
Sa gayo'y nararating natin ang di-mawaring lugar, ngunit pananampalataya ang ating gabay. Kung pagyayamanin natin ang pananampalatayang iyon, di tayo kailanman lalakad sa dilim.
Sa lugar na ito'y maganda ang umaga ng Sabbath ngayong buwan ng Abril. Nakausbong na ang mga tulip at di maglalaon mamumukadkad na ang maririkit na bulaklak nito. Sa taglamig ng ating pag-aalinlangan ay dumating ang pag-asa ng tagsibol. Alam nating darating ito. Gayon kalaki ang ating pananampalataya, batay sa mga karanasan natin noon.
Gayundin ang mga bagay ng espiritu at kaluluwa. Habang nabubuhay ang bawat lalaki o babae dumarating ang madidilim na panahon ng pagdududa, kawalang pag-asa, ng maling pag-aakala. Sa gayong mga kalagayan iilan lang ang umaasa sa bisa ng pananampalataya, ngunit marami ang nadarapa sa dilim at naliligaw.
Ang hiling ko sa inyo ngayong umaga ay magkaroon ng pananampalatayang "siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita" (Heb. 11:1), tulad ng paglalarawan ni Pablo.
Sa proseso ng pagbabalik-loob, kakaunti ang natututuhan ng nagsisiyasat tungkol sa Simbahan. Makakabasa siya nang kaunti. Hindi niya magagawa at makakayang unawain ang ganda ng lahat ng ito. Ngunit kung tapat siya sa pagsasaliksik, kung handa siyang lumuhod at manalangin, aantigin ng Espiritu ang kanyang puso, marahil nang bahagya. Ituturo siya sa tamang direksyon. Bahagya niyang nakikita ang di niya nakita noon. At sa pananampalataya, batid man niya ito o hindi, maingat siyang hahakbang. At mas liliwanag sa kanya ang lahat.
Noo'y nagtrabaho ako sa isa sa mga kumpanya ng tren na dumadaan sa mga bundok na ito ng kanluran. Madalas akong sumakay ng tren. Panahon iyon ng mga makinang de-uling. Ang malalaking tren na iyon ay mabibilis at mapanganib. Madalas akong magtaka kung paano nakakaya ng mga inhinyero na maglakbay sa gabi. Tapos ay natanto kong di ito isang mahabang paglalakbay, kundi patigil-tigil na maiikling paglalakbay. Malakas ang ilaw sa harapan ng tren at naaabot nito ang 350 o 450 milya. Ang layong iyon lang ang natatanaw ng inhinyero, at sapat na iyon dahil buong magdamag itong maliwanag hanggang sa magbukang-liwayway.
Binanggit ng Panginoon ang prosesong ito. Sabi Niya: "At yaong hindi nakapagpapatibay ay hindi sa Diyos, at ito ay kadiliman.
"Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw" (D at T 50:2324).
Ganyan din ang ating walang-hanggang paglalakbay. Paisa-isa ang ating hakbang. Sa gayo'y nararating natin ang di-mawaring lugar, ngunit pananampalataya ang ating gabay. Kung pagyayamanin natin ang pananampalatayang iyon, di tayo kailanman lalakad sa dilim.
Ikukuwento ko sa inyo ang isang lalaking kilala ko. Di ko babanggitin ang pangalan para di siya mapahiya. Nadama ng asawa niya na may kulang sa buhay nila. Minsan ay kinausap niya ang isang kamag-anak na miyembro ng Simbahan. Iminungkahi nitong tawagan niya ang mga misyonero. Sinunod niya ito. Pero binastos ng asawa niya ang mga ito at sinabihang huwag nang babalik.
Lumipas ang mga buwan. Isang araw isa pang misyonerong nakakita ng tala ng pagdalaw na ito, ang nagtangkang muling dumalaw kasama ang kanyang kompanyon. Matangkad ang palangiting elder na ito na taga California.
Kumatok sila sa pinto; binuksan ito ng lalaki. Maaari ba silang pumasok sandali? Ang tanong nila. Pumayag siya.
Ganito ang sabi ng misyonero, "Marunong ka kayang magdasal?" Sabi ng lalaki ay alam niya ang Panalangin ng Panginoon. Sabi ng misyonero, "Mabuti, pero hayaan mong turuan kita kung paano ang pansariling dasal." Ipinaliwanag niya na mapagpakumbaba tayong lumuluhod sa harap ng Diyos sa langit. Sumunod ang lalaki. Nagpatuloy ang misyonero, "Tinatawag natin ang Diyos na ating Ama sa Langit. Pinasasalamatan natin Siya sa maraming biyayang bigay Niya, gaya ng kalusugan, mga kaibigan, at pagkain natin. Tapos ay hihingin natin ang pagpapala Niya. Sinasabi natin ang mga lihim nating inaasam at ninanais. Hinihiling nating pagpalain Niya ang mga nangangailangan. Ginagawa natin ang lahat ng ito sa ngalan ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang Panginoong Jesucristo, at nagtatapos sa 'amen.' "
Magandang karanasan iyon para sa lalaki. Nasilayan niya ang kaunting liwanag at pang-unawa, ng bahagyang pananampalataya. Handa na siyang humakbang muli.
Taludtod sa taludtod, matiyaga siyang tinuruan ng mga misyonero. Tumugon siya habang lumalago ang kanyang pananampalataya sa bahagyang liwanag ng pang-unawa. Pinaligiran siya ng mga kaibigan niya sa branch para bigyang-katiyakan at sagutin ang kanyang mga tanong. Nakipaglaro sa kanya ng tennis ang mga kalalakihan, at inanyayahan sila ng kanyang pamilya para kumain sa kanilang mga tahanan.
Nabinyagan siya, at malaking hakbang iyon ng pananampalataya. Hiniling ng branch president na maging Scoutmaster siya ng apat na batang lalaki. Nagkaroon siya ng iba pang responsibilidad at ang liwanag ng pananampalataya ay lumakas sa buhay niya sa bawat bagong pagkakataon at karanasan.
Nagpatuloy iyon. Ngayo'y isa siyang mahusay at minamahal na stake president, lider na puspos ng talino at pang-unawa, at higit sa lahat, isang taong malaki ang pananampalataya.
Ang hamong kinakaharap ng bawat miyembro ng Simbahang ito ay ang humakbang muli, tanggapin ang responsibilidad na bigay sa kanya, kahit dama niyang di siya nararapat dito, at gawin ito nang may pananampalataya na umaasa nang lubos na iilawan ng Panginoon ang kanyang landas.
Narito ang isang kuwento tungkol sa isang babaeng taga São Paulo, Brazil. Nagtrabaho siya habang nag-aaral para matustusan ang pamilya. Mga salita niya ang gagamitin ko sa pagkukuwento. Sabi niya:
"Sa unibersidad na pinapasukan ko ay bawal kumuha ng eksamen ang mga estudyanteng may utang. Dahil dito, pagkasuweldo ko ay hinihiwalay ko na ang para sa ikapu at handog-ayuno at ang natitira ay nakatabi para ipambayad sa paaralan at iba pang gastusin.
"Naaalala ko noong . . . nagkaproblema ako nang husto sa pera. Huwebes nang sumuweldo ako. Nang kuwentahin ko ang buwanang badyet ko, napansin kong kukulangin ako sa pambayad ng ikapu at ng matrikula. Kailangan kong pumili sa dalawa. Sa susunod na linggo na ang simula ng eksamen at kung di ako makakakuha nito, masasayang ang buong taon ko. Nabalisa ako. . . . Sumakit ang puso ko. Hirap na hirap akong magpasiya, at di ko alam kung ano ang gagawin. Inisip kong mabuti kung alin ang pipiliin: magbayad ng ikapu o magsapalarang hindi makapasa para maaprubahan sa paaralan.
"Di mawaglit sa isipan ko ang problemang ito hanggang Sabado. Noon ko naalala na nang magpabinyag ako sa Simbahan, sumang-ayon akong sundin ang batas ng ikapu. Tinanggap ko ang isang obligasyon, hindi sa mga misyonero, kundi sa aking Ama sa Langit. Sa sandaling iyon, nagsimulang maglaho ang pag-aalala ko at napalitan ito ng nakasisiyang kapanatagan at determinasyon. . . .
"Nang magdasal ako nang gabing iyon, humingi ako ng tawad sa Panginoon sa pag-aatubili kong magpasiya. Kinalingguhan, bago nagsimula ang sakrament miting pinuntahan ko ang bishop at tuwang-tuwa akong nagbayad ng ikapu at mga handog. Espesyal ang araw na iyon. Naging masaya ako at napanatag sa aking sarili at sa Ama sa Langit.
"Pumasok ako sa opisina kinabukasan; sinikap kong humanap ng paraan para makakuha ng eksamen na magsisimula na sa Miyerkules. Sa pag-iisip ko, lalo kong di malutas ito. Ang trabaho ko noo'y sa opisina ng isang abogado, at ubod nang higpit at sungit ang amo ko.
"Papatapos na ang oras ng trabaho nang lapitan ako ng amo ko at ibinigay ang mga huling gagawin sa araw na iyon. Nang matapos siya, bitbit ang maletang nagpaalam siya. . . . Bigla siyang huminto, tumingin sa akin at nagtanong: 'Kumusta ang pag-aaral mo?' Nagulat ako at di makapaniwala sa narinig. Nanginginig ang boses na sumagot na lang ako ng: 'Ayos naman po!' Nag-iisip na tiningnan niya ako at muling nagpaalam. . . .
"Biglang pumasok sa silid ang sekretarya at sinabing napakasuwerte kong tao! Nang itanong ko kung bakit, sagot lang niya'y: 'Kasasabi lang ni Bos na mula ngayon ang kumpanya na ang magbabayad nang buong matrikula mo at mga libro. Bago ka umalis, dumaan ka sa mesa ko at sabihin mo sa akin ang mga babayaran para maibigay ko sa iyo bukas ang tseke.'
"Pagkaalis niya, lumuluha at buong pagpapakumbaba akong lumuhod sa kinaroroonan ko mismo at pinasalamatan ang Panginoon sa Kanyang kabaitan. Sinabi ko . . . sa Ama sa Langit na hindi Niya ako kailangang biyayaan nang labis. Isang buwang matrikula lang ang kailangan ko at ang ikapung ibinayad ko noong Linggo ay napakaliit kumpara sa halagang tatanggapin ko! Habang nagdarasal naisip ko ang mga katagang nakatala sa Malakias: 'Subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan' (Mal. 3:10). Hanggang sa sandaling iyon hindi ko nadama kailanman ang tindi ng pangakong nakapaloob sa banal na kasulatang iyon, at na ang utos na ito ay tunay na saksi sa pagmamahal na bigay ng ating Ama sa Langit sa Kanyang mga anak sa ibabaw ng daigdig."
Pananampalataya ang pinakahimaymay na nagpapalakas sa gawaing ito. Saanman itatag ang Simbahang ito, sa buong daigdig, makikita ito. Hindi ito limitado sa isang bansa o bayan o isang wika o lahi. Nakikita ito sa lahat ng dako. Tayo'y mga taong sumasampalataya. Lumalakad tayo nang may pananampalataya. Sumusulong tayo sa ating walang-hanggang paglalakbay, nang paisa-isang hakbang.
Dakila ang pangako ng Panginoon sa lahat ng matapat sa lahat ng dako. Sabi Niya:
"Ako ang Panginoon, ay maawain at mapagmahal sa mga yaong may takot sa akin, at nagagalak na parangalan yaong mga naglilingkod sa akin sa kabutihan at sa katotohanan hanggang sa katapusan.
"Dakila ang kanilang gantimpala at walang hanggan ang kanilang kaluwalhatian.
"At sa kanila aking ipahahayag ang lahat ng hiwaga, oo, lahat ng nakakubling hiwaga ng aking kaharian mula noong una, at hanggang sa mga panahong darating, . . .
"Oo, maging ang mga kamangha-mangha ng kawalang-hanggan ay kanilang malalaman, . . .
"At ang kanilang karunungan ay lalawak, at ang kanilang pang-unawa ay aabot hanggang sa langit; at sa harapan nila ang karunungan ng mga patas ay mapapawi.
"Sapagkat sa pamamagitan ng aking Espiritu ay aking bibigyang-liwanag sila, at sa pamamagitan ng aking kapangyarihan aking ipaaalam sa kanila ang mga lihim ng aking kaloobanoo, maging yaong mga bagay na hindi nakikita ng mata, ni naririnig ng tainga, ni hindi pa pumapasok sa puso ng tao" (D at T 76:510).
Ano pa ang mahihiling ninuman? Napakaluwalhati ng gawaing ito na ating ginagawa. Kamangha-mangha ang mga paraan ng Makapangyarihan kapag lumalakad tayo nang may pananampalataya sa Kanyang harapan.
Ang pananampalataya ng isang nagsisiyasat sa Simbahan ay gaya ng sariwang kahoy, na itinapon sa nag-aalab na apoy. Kapag nainitan, naluluoy ito at nagsisimulang masunog. Ngunit kung aalisin ito, hindi ito magniningas nang mag-isa. Ang umaandap na apoy ay mamamatay. Ngunit kung hahayaan sa apoy, unti-unti itong masusunog at magliliwanag. Di magtatagal bahagi na ito ng nag-aalab na apoy at sisindihan nito ang iba pang mas sariwang kahoy.
At gayon nga, mga kapatid, pinasisigla ng dakilang gawaing ito ng panampalataya ang mga tao sa buong mundo upang magkaroon ng dagdag na pang-unawa sa mga paraan ng Panginoon at higit na kaligayahan sa pagsunod sa Kanyang halimbawa.
Nawa'y patuloy na kalugdan at paunlarin ng Diyos, ang ating Amang Walang Hanggan, itong Kanyang Kaharian habang tayong mga anak Niya'y lumalakad nang may pananampalataya. Ito ang aba kong dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.