The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2002
Ilang Pangunahing Turo mula sa Kasaysayan ni Joseph Smith

Ilang Pangunahing Turo mula sa Kasaysayan ni Joseph Smith

Elder Carlos H. Amado
Ng Pitumpu

Ang pagbabalik-loob ay isang prosesong personal at espirituwal. Dapat suriin ng bawat tao ang mga panuntunang ito para sa kanyang sarili.

Elder Carlos H. Amado

Ang kasaysayan ni Joseph Smith ay isinulat upang maibahagi ang kuwento ng Pagpapanumbalik ng Simbahan sa mga huling araw na ito. Ang pinakadiwa ng kuwento ay ang pagpapakita ng pananalig sa mga pangako ng Panginoon, at ang mapagkukunan ng galak at katiyakan para sa lahat ng naniniwala.

Nabasa ko na ito nang ilang ulit sa iba't-ibang pagkakataon. Hinangaan ko ito noong bata pa ako; gabay ito at pinagkunan ko ng lakas noong ako'y tinedyer; ibinahagi ko ito nang may tapang at pananabik noong ako'y misyonero; at maging sa ngayon, patuloy akong nanggigilalas at lubos na nagpapasalamat dito. Simula noong una itong itala ni Joseph Smith, nananatili itong pagpapala at kaloob na pananampalataya, isang pamana, sa taos-pusong naniniwala; ito'y hayag na paanyaya sa mga taong naghahanap ng katotohanan, at palagiang hamon sa mga hindi naniniwala.

Para sa mga hindi pa miyembro ng Simbahan, iminumungkahi kong basahin ninyo ang patotoo ni Joseph Smith nang may bukas na isipan at tunay na layunin. Madarama ninyo ang kanyang katapatan, at matutuklasan ang pagkakatatag ng Simbahan, na pinanumbalik sa mahimalang paraan!

Bagamat maraming espirituwal na bagay sa nakabibighaning kuwentong ito, lilimitahan ko ang aking mga kuru-kuro sa pagbabahagi ng limang panuntunan, na, gaya ng nagawa ng mga ito sa batang propeta, ay tutulong sa inyong makilala ang Diyos.

PANUNTUNAN 1: MAGKAROON NG TAOS-PUSONG HANGARIN NA MALAMAN ANG KATOTOHANAN.

Marubdob ang hangarin ni Joseph Smith na makilala ang Diyos at gawin ang Kanyang kalooban. Maaari kayong magkaroon ng gayong hangarin, at ang Diyos mismo ang aakay sa inyo sa katotohanan. Kapag nakilala ninyo ang katotohanan, gawin ang lahat nang inyong magagawa upang mamuhay nang alinsunod dito.

PANUNTUNAN 2: ALAMIN ANG KAHALAGAHAN NG PAGBABASA NG BANAL NA KASULATAN.

Alam ni Joseph Smith ang mga ito dahil pinag-aralan niya ang mga ito. Sabi niya: "Isang araw ako ay nagbabasa ng sulat ni Santiago, unang kabanata at ikalimang talata, na mababasang:Ngunit kung nagkukulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, ay humingi sa Diyos, na nagbibigay nang sagana sa lahat, at hindi nanunumbat; at ito'y ibibigay sa kanya." (JS—K, 1:11).

Sa panahon ng kanyang maikling ministeryo, nakatanggap din si Joseph Smith ng maraming mahahalagang paghahayag na naging bunga ng pagbabasa ng banal na kasulatan. Kailangang pag-aralan ninyo ang mga ito upang makilala ang Diyos, na pinagmumulan ng lahat ng katotohanan.

PANUNTUNAN 3: ALAMIN ANG KAHALAGAHAN NG PANALANGIN.

Sinabi ng batang si Joseph:

"Sa wakas ay nakarating ako sa pagpapasiya na alin sa dalawa, ako ay mananatili sa kadiliman at kaguluhan, o kaya'y kinakailangan kong gawin ang tagubilin ni Santiago, yaon ay, humingi sa Diyos. . . .

". . . Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay na ako ay gumawa nang ganitong pagtatangka, sapagkat sa gitna ng lahat ng aking pagkabahala, kailanman ay hindi ko pa nagagawa ang pagtatangkang manalangin nang malakas.

". . . Ako'y lumuhod at nagsimulang ialay ang mga naisin ng aking puso sa Diyos. . . .

". . . Napag-alaman kong tama ang patotoo ni Santiago—na ang isang taong nagkukulang ng karunungan ay maaaring humingi sa Diyos, at makatatamo, at hindi masusumbatan" (JS—K 1:13–15, 26).

Batid ng ating Ama sa Langit, na perpektong ama, ang lahat ng inyong espirituwal at materyal na pangangailangan at nais Niyang pagpalain kayo, kung kaya ibinigay Niya sa inyo ang kautusan na hanapin Siya at humiling sa Kanya.

Natutuhan ni Joseph ang katotohanan dahil nanalangin siya. Sa panahon natin, milyun-milyong miyembro ng Simbahang ito ang nagpapatotoo din sa katunayan ng Pagpapanumbalik dahil, sa pagsunod sa payong ito, humingi sila sa Diyos nang may pananampalataya. Kayo ay mayroon ding karapatang makatanggap ng sagot sa inyong mga panalangin dahil,ang patotoo ay kaloob na ibinibigay lamang ng Diyos sa mga humihingi nang may tunay na layunin.Subukan ito, at ang pangako ay matutupad.

PANUNTUNAN 4: TUKLASIN ANG PAGPAPALA NG PAMUMUNI-MUNI.

Madalas magmuni-muni si Joseph Smith; siya'y nag-iisip, nagsusuri, naghahambing; sinikap niyang mahanap ang mga sagot sa nababasa niya sa banal na kasulatan. Sabi niya:

"Sa panahong ito ng malaking kaguluhan, ang aking pag-iisip ay natawag sa matamang pagmumuni-muni at malaking pagkabahala. . . .

". . . Madalas kong sabihin sa aking sarili: . . . Sino sa lahat ng pangkat na ito ang tama; o lahat ba sila ay pare-parehong mali? Kung mayroon mang isang tama sa kanila, alin ito, at paano ko ito malalaman? . . .

"Wala sa alinmang sipi sa banal na kasulatan ang nakapukaw nang may higit na kapangyarihan sa puso ng tao kaysa nagawa nito sa akin sa oras na ito. Tila pumasok ito nang may malakas na kapangyarihan sa bawat himaymay ng aking puso. Paulit-ulit kong pinagmuni-muni ito" (JS—K 1:8, 10, 12).

Ang pagmumuni sa mga walang hanggang katotohanan ay pag-iisip at pagtanong sa ating sarili, nang paulit-ulit: "Paano ko malalaman?" "Paano nalaman ng iba?"

Paano ninyo malalaman ang mga bagay na ito? Mangyaring magmuni-muni nang taos-puso tungkol dito.

PANUNTUNAN 5: DANASIN ANG GALAK NG PAGPUNTA SA SIMBAHAN.

Sa paghahangad niyang malaman ang katotohanan, dumalo si Joseph Smith sa iba't-ibang denominasyon sa kanyang komunidad. Sa karanasan niya hinggil sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak, si Jesucristo, malinaw niyang inilarawan ang mga tagubiling natanggap niya tungkol sa ibang mga simbahan:

"Aking [tinanong] ang mga Katauhan na nakatayo sa itaas ko sa loob ng liwanag, kung alin sa lahat ng sekta ang tama (sapagkat sa panahong ito hindi pa kailanman pumasok sa aking puso na ang lahat ay mali)—at alin ang dapat kong sapian. . . .

". . . Hindi ko katungkulang sumapi sa alin man sa kanila, kundi magpatuloy tulad ng dati hanggang sa maatasan" (JS—K 1:18, 26).

Kailangan nating lahat na mabatid ang Kaharian ng Diyos sa lupa at makatanggap ng patotoo sa katunayan nito. Pumupunta tayo sa simbahan para madama ang Espiritu, matutuhan ang Kanyang doktrina, sariwain ang ating mga tipan, at tanggapin ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan upang makabalik sa kinaroroonan ng Diyos na kasama ang ating pamilya. Malugod kayong inaanyayahan na pumunta sa simbahan at patunayan sa inyong sarili ang lahat ng bagay na ito.

Ang pagbabalik-loob ay isang prosesong personal at espirituwal. Dapat suriin ng bawat tao ang mga panuntunang ito para sa kanyang sarili. Hindi sapat ang magkaroon ng matamlay na pagtatangka, na may kasamang pag-aalinlangan, takot o kawalan ng tiwala. Nangangako sa atin ng Diyos, dahil sa Kanyang awa, na sasagutin Niya ang ating mga pagsamo alinsunod sa katausan ng ating puso. Tanging ang mga naghahangad nang may tunay na layunin ang makatatanggap ng sagot, bilang kaloob mula sa Diyos, sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Ang Banal na Espiritu ay tinatawag ding Mang-aaliw at Saksi. Dahil sa Kanya ay mayroon tayong kaalaman at patotoo na si Cristo ang Anak ng Diyos.

Matapos kayong binyagan, kung mananatili kayong marapat at tapat sa inyong mga tipan, lagi kayong gagabayan ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng mga pagbulong, impresyon, damdamin, panaginip, at babala.

Ikinukuwento sa atin ng kasaysayan at ng banal na kasulatan ang tungkol sa mga tao na nakarinig, nakipag-usap, o sa iba pang paraan ay nagkaroon ng matibay na ebidensiya sa pag-iral ng Diyos at ng Kanyang plano para sa ating kaligtasan. Gayuman, marami sa kanila ang hindi nanatiling tapat sa kanilang mga paniniwala.

Nalaman natin dito na hindi ang mga bagay na natutuhan natin sa pamamagitan ng ating pisikal na pandamdam ang nagbibigay sa atin ng pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos at pagsunod sa Kanya kundi ang mga bagay na dumarating sa ilalim ng impluwensiya ng Espiritu Santo.

Kapag natutuhan ng isang tao ang mga pangunahing panuntunan na ito at tumigil sa pagsasagawa nito, nawawala sa kanya ang liwanag at gabay na tumutulong sa kanya upang maunawaan ang Diyos at ang Kanyang mga Propeta. Ang panlabas na palatandaan na nakikita natin ay humihiwalay sila, hindi na gaanoong aktibo, o kaya'y lumalaban pa sa Simbahan. Ang panloob na palatandaan ay ang pagtigil nila na ipamuhay ang isa o higit pa sa limang ito:

1. Di na taos sa puso nila ang hangaring malaman ang lahat ng katotohanan.

2. Hindi na sila nagbabasa ng banal na kasulatan.

3. Hindi na sila nananalangin.

4. Di na sila nagmumuni-muni tungkol sa mga walang hanggang katotohanan.

5. Di na sila nagsisimba.

Napakaganda na sa panahon ng kalituhan sa relihiyon, bagamat wala pang 15 taong gulang, sa gitna ng pagsalungat at panunuligsa, si Joseph Smith ay matiyaga at masigasig na nagpakita ng pagkamasunurin at nagpamalas sa atin ng simple ngunit mabisang paraan upang mas mapalapit sa Diyos.

Kailangan sa prosesong ito na matuto tayo nang tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon, hanggang sa magkaroon tayo ng pananampalataya at malinaw na pagkakaunawa sa ating banal na potensiyal (tingnan sa 2 Ne. 28:30).

Responsibilidad natin na palakasin araw-araw ang mga impresyon na ating nadarama sa pamamagitan ng Espiritu, sa pagpapamuhay sa limang panuntunang ito.

Idinadalangin ko na nawa ay magawa natin ito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy