The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2002
Damhin ang Pag-ibig ng Panginoon

Damhin ang Pag-ibig ng Panginoon

Bonnie D. Parkin
Pangkalahatang Pangulo ng Relief Society

Ang pangarap ko para sa bawat babae sa Simbahan ay ang madama nila ang pag-ibig ng Panginoon sa kanilang buhay.

Bonnie D. Parkin

Mga kapatid, may kasabihang: "Kung nais mong umunlad tanggapin mo ang mga oportunidad na magbibigay laya sa iyo upang gawin ang mga bagay na di mo nagawa noon, kahit na mahirap." At tiyak kong uunlad ako. Nais kong pasalamatan sina Sister Smoot, Sister Dew, and Sister Jensen sa dakilang paglilingkod nila sa ating lahat bilang mga miyembro ng Simbahan. Salamat sa aking mga tagapayo, sina Kathy at Anne, sa kahandaan nilang maglingkod. Sila'y mga babaing may pananampalataya.

Pinasasalamatan ko ang aking ina at ama sa araw na ito, sa mga aral na bigay nila sa akin, sa pagmamahal, sa pagtuturo sa aking magtrabaho. Natuto akong magtrabaho. Salamat sa aking asawa. Si Jim ay kahanga-hangang kasama. Mahal ko siya, at nagpapasalamat ako sa suporta niya. Siya'y taong may integridad. Salamat sa mga anak na lalaki at sa kani-kanilang asawa, na tumulong sa kanilang maging mas mabubuting lalaki. Salamat sa mga apo. Noong isang gabi nagpunta kami sa bahay ng isa naming anak para sabihin sa kanya ang tungkol sa tawag na ito. Tulog na ang kanilang mga anak. Sabi ko kina Brett at Angie, "Tinawag akong maging pangkalahatang pangulo ng Relief Society." Sabi ni Brett, "Kayo? Pangulo ng Relief Society sa buong Simbahan?" Di ba't kahanga-hanga ang mga anak ninyo? Binanggit niya ang nadarama ko nitong mga huling linggo.

Kahapon pag-uwi namin, nakatanggap ako ng fax mula sa aming anak na si David at sa kanyang asawang si Jennifer, na nasa Belgium. Wika ni David, "Inay, alam kong kaya ninyo. Di n'yo na siguro natatandaan, pero dati'y may nakadikit kayong talata sa pinto ng ref na nagsasabing, 'Ngunit sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon' (Jos. 24:15)." Sabi niya, "Lagi kong binubuksan ang ref, at alam kong sinusunod ninyo ni Itay iyon." Nagpapasalamat ako sa aking mga anak.

Nagpapasalamat ako sa kababaihan ng Simbahan na gumabay, nagmahal, nagturo, at naniwala sa akin. Nagpapasalamat ako sa mga misyonero sa England London South Mission, sa kanilang kabutihan, sa pagtupad nila sa kanilang mga tipan. Nagpapasalamat ako sa mga Banal sa Britain na nagmahal at tumulong sa akin na maging bahagi ng dakilang lupaing iyon.

Ngayon, mga kapatid, di ko alam kung bakit ako natawag, basta ang alam ko'y tinawag ako. Nangangako akong mamahalin at susuportahan kayo, at hiling kong maging mapagpaumahin kayo sa akin habang pinag-aaralan ko ang bago kong papel.

Inaanyayahan ko ang kadalagahan ng Simbahan, saanman kayo naroon, na tingnan ang Relief Society at dapat ninyong malaman na kailangan kayo doon, na mahal namin kayo, na magkasama tayong masisiyahan. Halina para makasama namin kayo.

Gaya ng isinulat ni Wallace Stegner tungkol sa mga Mormon, "Ang kanilang kababaihan ay kahanga- hanga."1Kahit hanggang ngayon! Alam kong mahal ng Panginoon ang kababaihan ng Simbahan. Ang pangarap ko para sa bawat babae sa Simbahan ay ang madama nila ang pag-ibig ng Panginoon sa kanilang buhay. Nadama ko ang pag-ibig ng Panginoon sa aking buhay, at pinasasalamatan ko iyan. Nagpapasalamat ako sa kapayapaang aking nadama.

Nagpapatotoo ako sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo. Alam kong buhay Siya. Nadama ko ang Kanyang pag-ibig. Nadama ko ang Kanyang kapatawaran. Naalala ko ang isang misyonera nang pauwi na siya mula sa misyon. Sa panghuli niyang patotoo sinabi niyang, "Nagmisyon ako para ipadama sa Ama sa Langit na mahal ko Siya, para pasalamatan Siya, at para gantihan Siya," at sabi niya, "Lalo akong nagkautang sa Kanya ngayon kaysa noong bago ako dumating."

Pinatototohanan ko ang kapangyarihan ng propeta ng Diyos, si President Gordon B. Hinckley, at nagpapasalamat ako sa kanya at sa kanyang pag-ibig at sa lahat ng mga propetang nagtiwala sa akin. Pinatototohanan ko ang mga bagay na ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

TALA

1. The Gathering of Zion: The Story of the Mormon Trail(1964), 13.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy