Elder M. Russell Ballard
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Ang kapayapaantunay na kapayapaan, na nakatanim sa kaibuturan ng iyong pagkataoay dumarating lamang sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.
Mga kapatid, sa ngalan naming lahat ay nagpapasalamat din ako sa panguluhan ng Relief Society at sa kanilang lupon na buong husay na naglingkod sa atin at nahalinhan na ngayon.
Minsan pa'y nalalapit na ang pagtatapos ng isa pang nakapagpapasigla at nagbibigay inspirasyong kumperensiya. Pakiramdam ko'y lagi akong napalalakas at nabibigyang liwanag sa mga kahanga-hangang araw na ito ng pagtuturo at patotoo. Alam kong karamihan sa inyo'y gayundin ang nadarama. Marahil ang nadarama natin kapag kumperensya ay gaya ng nadama ng mga sinaunang disipulo ng Tagapagligtas habang Siya'y sinusundan nila sa kung saan-saang lugar upang marinig ang pagtuturo Niya ng mabuting balita ng Kanyang ebanghelyo.
Sa maraming paraan ang mga iyon ay nakapanlulumong mga araw para sa mga anak ni Israel. Dahil sa hirap sa ilalim ng pamamahala ng Emperyo ng Roma, nasabik sila sa kalayaan at kapayapaan. Hinintay nila ang Mesiyas; natitiyak nilang darating Siya para iligtas sila mula sa pisikal at pulitikal na kahirapan. At ang ilan ay tumugon sa kaligayahan at kapayapaan ng ebanghelyo ng Tagapagligtas, bagamat di pa nila lubusang nauunawaan ang lahat ng espirituwal na mga implikasyon nito.
Isang araw noong bago pa lang ang mortal na ministeryo ng Panginoon, napakaraming tao ang sumunod sa Kanya sa Dagat ng Galilea, at siksikang pumalibot sa Kanya habang nakatayo Siya sa dalampasigan. "Anupa't . . . Siya'y lumulan sa isang daong, at siya'y naupo sa dagat; at ang buong karamihan ay nasa lupa sa tabi ng dagat. "At sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa mga talinghaga" (Marcos 4:12).
Dakila at kahanga-hanga ang mga bagay na itinuro noong araw na iyon, kabilang na ang talinghaga ng manghahasik (tingnan sa Marcos 4:320). Nang matapos ng maghapong pagtuturo at pagtatagubilin, iminungkahi ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo na tumawid sila sa kabilang pampang ng Dagat ng Galilea.
Habang sila'y naglalayag nang gabing iyon, "nagbangon ang isang malakas na bagyo, at sinalpukan ang daong ng mga alon, na ano pa't ang daong ay halos natitigib.
"At siya'y natutulog sa hulihan sa ibabaw ng kutson; at siya'y ginising nila, at sinabi sa kaniya, Guro, wala bagang anoman sa iyo na mapahamak tayo?
"At gumising siya, at sinaway ang hangin, at sinabi sa dagat, pumayapa, tumahimik ka. At humimpil ang hangin, at humusay na totoo ang panahon" (Marcos 4:3739).
Naiisip ba ninyo ang maaaring iniisip ng mga Apostol habang pinanonood nila ang mga elementong iyonang hangin, ulan at dagatna sumunod sa mahinahong utos ng kanilang Guro? Bagamat katatawag pa lang sa kanila sa banal na pagka-apostol, kilala nila Siya at minamahal at pinaniniwalaan Siya. Iniwan nila ang gawain at mga pamilya nila upang sumunod sa Kanya. Sa maikling panahon, narinig nila Siyang nagtuturo ng mga kagila-gilalas na bagay, at nakita nila Siyang gumawa ng malalaking himala. Ngunit di nila ito maunawaan, at marahil halata ito sa kanilang mga mukha.
"At sinabi niya sa kanila, bakit kayo nangatakot? Wala pa baga kayong pananampalataya?
"At sila'y nangatakot na lubha, at sila-sila'y nangagsabihan, sino nga ito, na pati ng hangin at ng dagat ay tumatalima sa kaniya?" (Marcos 4:4041).
Sa magulo at minsa'y nakakatakot na panahon, ang walang katapusan at walang hanggang pangako ng kapayapaan ng Tagapagligtas ay nagbibigay ng espesyal na kapangyarihan sa atin. Ganito rin ang epekto sa Kanyang mga kasama ng kakayahan Niyang payapain ang mapanganib na mga alon sa Dagat ng Galilea noong gabing iyon na bumabagyo matagal nang panahon ang nakararaan.
Tulad din ng mga nabubuhay noong panahon ng Kanyang mortal na ministeryo, may ilan sa atin na hanap ang pisikal na kapayapaan at kasaganaan bilang tanda ng kagila-gilalas na kapangyarihan ng Tagapagligtas. Kung minsa'y di natin nauunawaan na ang walang hanggang kapayapaang ipinapangako ni Jesus ay panloob na kapayapaan, na dulot ng pananampalataya, na pinatibay ng patotoo, inaruga ng pagmamahal, at ipinakikita sa patuloy na pagsunod at pagsisisi. Ito'y kapayapaan ng espiritu na nadarama ng puso at kaluluwa. Kung tunay na malalaman at mararanasan ang panloob na kapayapaang ito, hindi magkakaroon ng takot sa daigdig na puno ng hidwaan at kaguluhan. Malalaman ng tao sa kaibuturan ng kanyang puso na ang lahat ay maayos hinggil sa mga bagay na sadyang mahalaga.
Gaya ng sinabi ni President Hinckley sa mga kapatid kagabi, walang kapayapaan sa kasalanan. Maaaring may ginhawa, popularidad, katanyagan, at kasaganaan, ngunit walang kapayapaan. "Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan" (Alma 41:10). Hindi mapapayapa ang tao kung siya'y namumuhay nang salungat sa inihayag na katotohanan. Walang kapayapaan sa pagiging mapanakit o palaaway. Walang kapayapaan sa kahalayan, kawalang-delikadesa o pagbibigay nang wala sa lugar. Walang kapayapaan sa pagkagumon sa droga, alak o pornograpiya. Walang kapayapaan sa pang-aabuso sa iba, ito man ay emosyonal, pisikal o sekswal, dahil ang mga mapang-abuso ay laging babagabagin sa isipan at espirituwal maliban kung sila'y lalapit kay Cristo nang buong kababaang-loob at humingi ng patawad sa pamamagitan ng lubusang pagsisisi.
Naniniwala ako na lahat ay sabik sa "kapayapaan ng Diyos, na di masayod ng pagiisip" (Filipos 4:17). Ang kapayapaang iyon sa ating bagabag na puso ay darating lamang sa atin kapag sumunod tayo sa liwanag ni Cristo, na "ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama" (Moro. 7:16), tungo sa pagsisisi ng mga kasalanan at paghingi ng patawad. Lahat tayo'y gutom na malaman "ang mapayapang bagay ng kaharian" (D at T 36:2), at matikman "ang bunga ng katuwiran," na "natatanim sa kapayapaan sa mga nagsisigawa ng kapayapaan" (Santiago 3:18). Sa bawat tahanan, kapitbahay at komunidad dapat tayong magsikap para sa kapayapaan, at di kailanman maging bahagi ng pagtatalu-talo o pagkakahati-hati.
Sa buong kasaysayan ng banal na kasulatan, nangako ang Panginoon ng kapayapaan sa Kanyang mga tagasunod. Isinulat ng Mang-aawit na "ang Panginoon ay magbibigay ng kalakasan sa kaniyang bayan; pagpapalain ng Panginoon ang kaniyang bayan ng kapayapaan" (Mga Awit 29:11). Tinukoy ni Isaias ang Tagapagligtas bilang "pangulo ng Kapayapaan" (Isa. 9:6). Nakita ni Nephi ang araw na sa kanyang mga inapo "ang Anak ng kabutihan ay magpapakita sa kanila; at kanyang pagagalingin sila, at magkakaroon sila ng kapayapaan sa kanya, hanggang sa lumipas ang tatlong salinlahi, at marami sa ikaapat na salinlahi ang papanaw sa kabutihan" (2 Ne. 26:9).
Mga ilang oras bago Niya simulan ang maluwalhati ngunit kakilakilabot na proseso ng Pagbabayad-sala, ginawa ng Panginoong Jesucristo ang mahalagang pangakong ito sa Kanyang mga Apostol: "Kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo" (Juan 14:27).
Ipinapangako ba Niya sa Kanyang mahal na mga disipulo ang uri ng ligayang kinikilala ng daigdigkaligtasan, seguridad, kawalan ng pagtatalu-talo o paghihirap? Tiyak na taliwas ang sinasabi sa tala ng kasaysayan. Ang sinaunang mga Apostol ay dumanas ng maraming pagsubok at pag-uusig sa nalalabing araw ng kanilang buhay. Marahil iyon ang dahilan kaya idinagdag ng Panginoon ang kabatirang ito sa Kanyang pangako: "Hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man" (Juan 14:27).
"Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo'y magkaroon saakinng kapayapaan," patuloy Niya. "Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: ngunit laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan" (Juan 16:33; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang kapayapaantunay na kapayapaan, na nakatanim sa kaibuturan ng iyong pagkataoay dumarating lamang sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Kapag natuklasan ang mahalagang katotohanang iyan at naunawaan at ipinamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo, lubos na kapayapaan ang titimo sa puso at kaluluwa ng mga anak ng ating Ama sa Langit. Sinabi ng Tagapagligtas kay Joseph Smith, "Siya na gumagawa ng mga gawa ng kabutihan ay makatatanggap ng kanyang gantimpala, maging kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating" (D at T 59:23).
Kung minsa'y nakapagtataka na makita ang kaibhan na maibibigay ng kapayapaang ito sa buhay ng mga tumatanggap nito. Noong ako pa ang pinuno ng Canada Toronto Mission, sinimulang turuan ng ating mga misyonero ang isang pamilya na nasa espirituwal na kadiliman. Sila'y mahirap at hindi edukado, at ang kanilang personal na anyo ay nagpapakita ng kakulangan ng pagpapahalaga o malasakit sa karaniwang kalinisan at pag-aayos. Ngunit sila'y mabuti at marangal na mga taomga taong "busilak ang puso" na lagi naming dalangin na matagpuan ng ating mga misyoneroat sila'y espirituwal na tumugon nang madama nila sa unang pagkakataon sa kanilang buhay ang kapayapaan na dulot ng ebanghelyo.
Nang malaman naming bibinyagan na sila, dumalo kami ni Sister Ballard sa serbisyo ng pagbibinyag. Nagkataong nakatayo akong katabi ng bishop ng ward nang dumating ang pamilya. Sa totoo lang, kaiba sila. Marumi, marungis, at medyo nanlilimahid sila. Dahil sa ilang araw siyang wala, hindi pa nakita ng bishop ang bagung-bagong mga miyembro ng kanyang ward; kaya't masasabing ang unang impresyon ay hindi maganda. Habang lumalakad sila papalayo, pakiramdam ko'y tila nagsimulang manlambot ang kanyang mga tuhod.
Inakbayan ko ang mabait na bishop na ito para suportahan siyasa pisikal at espirituwal. Nadama kong sabihin sa kanya na: "Ang galing ano bishop? Tutulungan natin silang maging mabubuting Banal sa mga Huling Araw!"
Tumingin siya sa akin, at siya'y ngumiti. Di ko masabi kung ang ngiti niya'y bilang pagsang-ayon sa akin, o baka naiisip niyang tulad ako ng ibang misyonerong labis ang sigla.
Sinimulan ang serbisyo ng pagbibinyag at nabinyagan ang mag-anak. Kinabukasan, nagpasiya kaming dumalo sa ward na iyon para matiyak na tatanggapin nang maayos ang pamilya kapag nagpunta sila sa mga pulong bilang bagong mga miyembro ng Simbahan.
Nakaupo ako sa may pulpito katabi ng bishop nang dumating ang mag-anak sa kapilya para sa sakrament miting. Ang ama'y nakasuot ng malinis na puting polo. May kaliitan ang polong suot niya kaya't hindi niya naisara ang butones sa gawing leeg, at siya'y nakakurbata na naalala kong isinusuot ng isa sa aking mga elder. Ngunit mababanaag sa kanyang mukha ang kaligayahan at kapayapaan. Ang ina at mga anak na babae ay mukhang nabago magmula nang nagdaang araw. Ang mga damit nila'y hindi mamahalin, ngunit malinis at kaaya-aya ang mga ito. Sila rin ay may natatanging kinang ng ebanghelyo. Ang maliliit na batang lalaki ay nakasuot ng puting polo na medyo malaki para sa kanila, pati manggas ay nakatupi. Ang suot nilang kurbata ay halos hanggang tuhod na nila. Kitang-kita na ipinasuot ng mga misyonero ang kanilang sariling polo at kurbata sa maliliit na batang lalaking ito para makadalo sila sa sakrament miting na angkop ang suot na damit.
Naupo silang katabi ng mga misyonero, at ang liwanag ng ebanghelyo ay sadyang nagliwanag sa kanila. Inilalarawan ito ni Alma bilang "tinanggap ang larawan ng [Diyos] sa inyong mga mukha" (Alma 5:14). Humilig muli ako sa bishop at sinabi, "Nakita mo na Bishop? Tutulungan natin silang maging mga banal!"
Siyempre ang biglaang pisikal na pagbabago ay mababaw lamang kung ihahambing sa mas napakalaking espirituwal na pagbabago na naganap sa mag-anak na iyon nang ganap na tumimo ang ebanghelyo sa kanilang puso at buhay. Sa pagtuturo ng mga misyonero at sa kasunod na pakikipagkaibigan ng kanilang mabait na bishop at ng mga miyembro sa ward, ang buong mag-anak na ito'y lumabas sa espirituwal na kadiliman tungo sa liwanag at katotohanan ng ebanghelyo. Sa liwanag na iyon napasigla, napanibago, at napalakas ang mag-anak dahil sa kapayapaan na nagmumula sa kaalaman na ang Panginoong Jesucristo ay buhay. Ang liwanag ng katotohanan ng ebanghelyo na ipinanumbalik sa lupa sa pamamagitan ng Propetang Joseph Smith ay nagsimulang umakay sa mag-anak na ito sa daan patungo sa templo, kung saan makaraan ang isang taon ay tinanggap nila ang kanilang walang hanggang mga pagpapala.
Muli sa pagsipi sa mga propesiya ni Isaias: "At lahat mong anak ay tuturuan ng Panginoon; at magiging malaki ang kapayapaan ng iyong mga anak" (Isa. 54:13).
Minsang natikman na natin ang matamis na bunga ng kapayapaan ng Diyos, likas sa atin na ibahagi ito sa iba. Si Francis ng Assisi ay kilalang "mapagmahal sa nilalang ng Diyos" at halos buong buhay niya ay ginugol niya sa paglilingkod sa mahihirap at nangangailangan sa paligid niyakabilang na ang mga hayop. Ang kapayapaang natagpuan niya sa kanyang paglilingkod ay nakapagpalakas sa kanya, at sabik siyang mayakap ang iba sa pamamagitan nito. Kanyang isinulat:
Panginoon, gawin N'yo akong instrumento ng inyong kapayapaan;
Kung saan may pagkamuhi, hayaan ninyong magpakita ako ng pagmamahal;
Kung saan may pinsala, pagpapatawad;
Kung saan may alinlangan, pananampalataya;
Kung saan may kabiguan, pag-asa;
Kung saan may kadiliman, liwanag;
At kung saan may kalungkutan, kagalakan.
O, Banal na Guro, itulot na mabigyang-kasiyahan ko ang iba
Sa halip na ako ang bigyang- kasiyahan nila;
Unawain ang iba sa halip na ako ang unawain;
Mahalin ang iba sa halip na ako ang mahalin.
Sapagkat sa pagbibigay kami ay tumatanggap;
Sa pagpapatawad kami ay pinatatawad,
At sa kamatayan kami ay isinisilang tungo sa buhay na walang hanggan.
Maraming pagkakataon na hinimok ng Panginoon ang Kanyang mga tagasunod na maging "mga mapagpayapa," nangangako na ang gayong uri ng mga tao ay "tatawaging mga anak ng Diyos" (Mat. 5:9). Ang konseptong ito'y matatagpuan sa buong banal na kasulatan, na pinag-uugnay-ugnay ang kapayapaan sa pamamagitan ng talinghaga at pagpapahayag:
"Makipagkasundo ka agad sa iyong kaalit" (Mat. 5:25).
"Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway" (Mat. 5:44).
"Huwag kayong magsihatol" (Mat. 7:1).
"Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili" (Mat. 22:39).
"Huwag . . . mangagparusa" (Lucas 6:37).
"Mangagpalaya kayo" (Lucas 6:37).
"Mangagibigan sa isa't isa" (Juan 13:34).
Ilan lamang ito sa mga tagubilin sa mga banal na kasulatan na malinaw na nagsasabi na ang kapayapaan ng Diyos ay hindi dapat sinasarili. Sa halip, ito'y ibinabahagi nang malaya sa ating pamilya, mga kaibigan, at sa ating pamayanan. Ito'y ibinabahagi sa Simbahan at sa mga hindi miyembro ng ating Simbahan. Bagamat maaaring hindi piliin ng mga nakapaligid sa atin na matikman ang tamis at kapayapaan ng kaganapan ng ipinanumbalik na ebanghelyo, tiyak na mabibiyayaan sila kung makikita nila ito sa ating buhay at madarama ang kapayapaan ng ebanghelyo sa tuwing makakasama natin sila. Ang mensahe ng kapayapaan ay lalago at lalawak sa pamamagitan ng ating halimbawa.
"Mangabuhay kayo sa kapayapaan," sabi ni Apostol Pablo, "at ang Dios ng pagibig at ng kapayapaan ay sasa inyo" (II Cor. 13:11).
Salamat at makapagbigay saksi ako sa inyo na si Jesus ang Cristo, at Siya ang Anak ng Diyos. Sa pagsunod sa Kanya, nang may pananampalataya at pagtitiwala, matatagpuan ng lahat ang matamis na panloob na kapayapaan na alay sa atin ng ebanghelyo gaya ng napakagandang turo nito sa atin sa kumperensyang ito. Ito ang mapagpakumbaba kong patotoo sa pangalan ni Jesucristo, amen.