President Gordon B. Hinckley
Gaya ng polaris na bituin sa kalangitan, . . . naroon ang Manunubos ng sanlibutan, ang Anak ng Diyos, tiyak at sigurado dahil Siya ang pag-asa ng ating buhay na walang kamatayan.
Mahal kong mga kapatid, gusto ko ring magpasalamat sa magiting na paglilingkod nina Sister Smoot, Sister Jensen, Sister Dew, at ng kanilang lupon, na naglingkod nang buong katapatan at kagalingan sa dakila at napakalaking samahang ito ng kababaihan. Kagila-gilalas ang samahang ito na may 4,900,000 miyembro. Wala itong katulad, sa palagay ko, sa buong mundo, at naaantig nito at napabubuti ang buhay ng kababaihan sa lahat ng dako ng mundo. Salamat, mahal na mga kapatid, sa nagawa ninyo. Binabati ka namin, Sister Parkin at ang iyong mga tagapayo, at ang lupon na pipiliin mo.
Dito natin tinatapos ang dakilang kumperensiyang ito. Lubos tayong napangalagaan ng mabuting salita ng Panginoon. Naturuan tayo sa Kanyang mga pamamaraan ayon sa Kanyang plano.
Dapat ay mas bumuti ang bawat isa sa atin dahil sa napakagandang karanasang ito. Kung hindi, ang ating pagtitipon ay walang saysay.
Sa aking pagtatapos ang koro ay aawit ng:
Manatili sa 'king tabi.
'Pagkat gumagabi;
Anino ng takipsilim;
Ang s
'
yang nalalabi.
Sa puso ko at tahanan
Maging panauhin,
Panginoon, manatili;
Masdan, gumagabi.
("Manatili sa 'King Tabi,"Mga Himno, blg. 96)
Binubuod nito ang damdamin ng ating puso sa pag-uwi natin sa ating mga tahanan.
Gabayan at manatili nawa sa atin ang Espiritu ng ating Panginoon. Di natin alam kung ano ang naghihintay sa atin. Di natin alam kung ano ang mangyayari sa mga darating na araw. Nabubuhay tayo sa mundo ng kawalang-katiyakan. Ang ilan ay magkakaroon ng malaking tagumpay. Ang iba'y kabiguan. Ang ilan ay lubos na kagalakan at kaligayahan, magandang kalusugan, at saganang pamumuhay. Para sa iba, marahil ay pagkakasakit, at maraming kalungkutan. Di natin alam. Isang bagay lang ang alam natin. Gaya ng polaris na bituin sa kalangitan, anuman ang dumating sa hinaharap, naroon ang Manunubos ng sanlibutan, ang Anak ng Diyos, tiyak at sigurado dahil Siya ang pag-asa ng ating buhay na walang kamatayan. Siya ang bato ng ating kaligtasan, lakas, kapanatagan, ang pinakasentro ng ating pananampalataya.
Sa hirap man o ginhawa tayo'y nakatingin sa Kanya, at nariyan Siya para bigyan tayo ng kapanatagan at pagsang-ayon.
Siya ang sentro ng ating pagsamba. Siya ang Anak ng buhay na Diyos, ang Panganay ng Ama, ang Bugtong na Anak sa laman, na bumaba mula sa banal na luklukan upang isilang bilang mortal sa pinakaabang kalagayan. Hinggil sa malungkot Niyang buhay Kanyang sinabi, "May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapwa't ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo" (Mat. 8:20). Siya'y "naglilibot na gunagawa ng mabuti" (Mga Gawa 10:38).
Siya'y gumawa ng mga himala. Tinulungan Niya ang mga naghihirap. Pinagaling Niya ang mga maysakit at pinabangon ang mga patay. Ngunit sa kabila ng lahat ng pagmamahal na ibinigay Niya sa daigdig, Siya'y hinamak at itinakwil ng mga tao; puno ng kalungkutan at pagtitiis: . . . Siya'y inalipusta," at hindi pinahalagahan (Isa. 53:3).
Ginugunita natin Siya na walang katulad at sinasabi gaya ni Propeta Isaias:
"Kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan. . . .
". . . Siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya'y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo" (Isa. 53:45).
Nang magdigmaan sa langit, si Lucifer, ang anak ng umaga, ay naglahad ng plano na hindi tinanggap. Ang Ama nating lahat, na nagmamahal sa atin na Kanyang mga anak, ay nagmungkahi ng mas mainam na plano kung saan magkakaroon tayo ng kalayaang pumili para sa ating sarili. Ang Kanyang Panganay na Anak, ang Nakatatanda nating Kapatid, ang pinakasentro sa planong iyon. Magkakaroon ng kalayaan ang tao, at kalakip ng kalayaang iyon ang pananagutan. Ang tao'y lalakad sa paraan ng daigdig, magkakasala at matitisod. Ngunit ang Anak ng Diyos ay magkakatawang tao at iaalay Niya ang Kanyang sarili bilang hain para sa mga kasalanan ng tao. Sa di mailalarawang pagpapakasakit, Siya ang magiging dakilang Manunubos, ang Tagapagligtas ng sanlibutan.
Taglay ang pang-unawa ng hindi mapapantayang kaloob, ang kaloob ng pagtubos, tayo'y yumuyukod nang may paggalang at pagmamahal sa Kanya.
May mga kritikong bumabatikos sa Simbahan, marami sila. Sinasabi nila na hindi tayo naniniwala sa tradisyonal na Cristo ng mga Kristiyano. May kaunting totoo sa kanilang sinasabi. Ang pananampalataya at kaalaman nati'y hindi nababatay sa mga makalumang tradisyon, mga paniniwala na nagmula sa makitid na pang-unawa at sa halos walang katapusang mga talakayan ng tao na nagtatangkang ipaliwanag ang kahulugan ng nagbangon na Cristo. Ang ating pananampalataya at kaalaman ay nagmumula sa pagsaksi ng propeta sa dispensasyong ito na nakakita sa dakilang Diyos ng sansinukob at sa Kanyang Bugtong na Anak, ang Panginoong Jesucristo na nabuhay na mag-uli. Nakipag-usap sila sa kanya. Nakipag-usap siya sa Kanila. Siya'y nagpatotoo nang hayagan, tahasan, at may katiyakan hinggil sa dakilang pangitaing iyon. Pangitain ito hinggil sa Makapangyarihan at sa Manunubos ng daigdig, na lubhang maluwalhati para maunawaan natin, ngunit tiyak at walang alinlangan sa kaalamang hatid nito. Mula sa kaalamang iyon, na matibay na naitatag bunga ng makabagong paghahayag, ay "nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan" (2 Ne. 25:26).
Kaya mga kapatid, sa aming pansamantalang pamamaalam, inuulit namin ang aming malakas at matibay na patotoo. Ginagawa namin ito bilang mga indibidwal na may matibay at tiyak na kaalaman. Tulad ng sinabi ko noon nang maraming beses, at ngayon ay muli kong sinasabi, alam ko na ang Diyos nating Amang Walang Hanggan ay buhay. Siya ang dakilang Diyos ng sansinukob. Siya ang Ama ng ating mga espiritu na makakausap natin sa panalangin.
Alam kong si Jesucristo ang Kanyang Bugtong na Anak, ang Manunubos ng daigdig, na nag-alay ng Kanyang buhay upang tayo'y magkaroon ng buhay na walang hanggan at Siya'y namumuno at naghaharing kasama ng Kanyang Ama. Alam ko na sila'y mga indibiduwal na nilalang, hiwalay, at natatangi sa isa't isa, at gayunman ay magkatulad sa anyo, katangian, at layunin. Alam ko na gawain ng Makapangyarihan ang "isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao" (Moises 1:39). Alam ko na si Joseph Smith ay propeta, ang dakilang propeta ng dispensasyong ito na tumanggap sa mga katotohanang ito. Alam ko na ang Simbahang ito'y gawain ng Diyos, pinamumunuan at pinapatnubayan ni Jesucristo na nagtataglay ng banal na pangalan nito.
Ang mga bagay na ito'y pinatototohanan ko habang iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal at pagbabasbas, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen. Sumainyo nawa ang Diyos hanggang sa muli nating pagkikita.