The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2002
Pagtayo sa mga Banal na Lugar

Pagtayo sa mga Banal na Lugar

Sharon G. Larsen
Pangalawang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Young Women

Ang pagtayo sa mga banal na lugar ay tungkol sa paggawa ng mabuti, nag-iisa ka man o may kasama.

Sharon G. Larsen

Huwebes ng gabi noon, karaniwang gabi ng paggawa nina Inay at Itay sa templo sa Cardston. Dalagita pa ako noon, tulad ninyo. Ang lola ko, na nakatira sa amin, ay wala kaya ako lang mag-isa sa bahay. Nang paalis na sila, niyakap ako ni Itay at sinabing, "Ngayon, Sharon, gumawa ka ng mabuti."

Naisip ko, "Ano'ng iniisip niya? Di ba niya alam na maiiwan akong mag-isa rito?" At noon ko natanto—iyon mismo ang nasa isip niya.

Ang pagtayo sa mga banal na lugar ay tungkol sa paggawa ng mabuti, nag-iisa ka man o may kasama. Ito'y paglagi sa kung saan kapiling natin ang Espiritu Santo—mag-isa man o sa gitna ng karamihan. Kapag determinado tayong kontrolin ang ating isipan at kilos at magpakahusay sa ating sarili, gaganda ang ating buhay.

Ang isang banal na lugar ay kung saan dama nating tayo'y ligtas, panatag, minamahal, at maginhawa. Ganyan ang tahanan natin noon sa langit. Ang pagtayo sa mga banal na lugar at paggawa ng mabuti ay nagpapagunita sa damdamin at alaala ng tahanang nilisan natin na tila napakalayo kung minsan.

Dalawa't kalahating taon pagkatatag ng Simbahan, binalaan ng Panginoon si Joseph Smith tungkol sa mga digmaan at pagkagutom at salot na darating dahil sa kasamaan. Sinabi rin Niya kung paano tayo maliligtas sa gayong klaseng daigdig: "Tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating" (D at T 87:8).

Sa mga banal na lugar ay ligtas tayo sa nakaririnding gulo ng daigdig. Mga anghel ang kasama at alalay natin (tingnan sa D at T 84:88). Ang dakilang propetang si Moroni ay nalibot ng kasamaan at mga Lamanitang handang patayin ang anumang hahadlang sa landas nila. Halos 20 taon siyang nagtagong mag-isa. Isipin mo ang kalungkutang iyon! Subalit ang magandang patotoo at payo niya sa mga huling kabanata ng Aklat ni Mormon ay nagsasabi sa atin na kasama niya ang mga anghel at Espiritu Santo. Di siya nag-iisa. Mapapawi ng Espiritu Santo ang pait ng lungkot o pagkawalay o pagtatakwil sa atin at pupuspusin tayo ng kapayapaan. Siya ang tinatawag na Tagaaliw—at Siya mismo iyon!

Posibleng ang pinakamalulungkot na sandali ay kapag naliligiran tayo ng mga tao, maging mga kaibigan, na nagkakamali sa pagpili, at kailangan nating manindigang mag-isa. May mga lugar na di-ligtas puntahan kahit para tumulong sa isang nangangailangan. Ang sabi ng Panginoo'y tumayosamga banal na lugar. May mga lugar na di kailan man dadaluhan ng Espiritu. Alam ninyo kung saan ang mga iyon. Lumayo kayo sa mga ito. Huwag maghikayat ng pag-uusisang dapat itigil. Pansinin ang nadarama ninyo para malaman kung di kayo nakatitiyak o di-mapalagay.

Ikinuwento sa amin ni Heather nang anyayahan siya sa isang parti ng mga "tanyag" na tao sa paaralan. Pagpasok niya sa pinto, nawala ang espiritu dahil sa napakalakas na tugtog sa bahay. Para siyang magkakasakit. At nagsimulang mangagtago ang mga kaibigan niya sa madidilim na silid. Wika ni Heather, "Sa parti maaga kong nalaman na dapat akong pumili: ang mga taong ito o ang mga pamantayan ko. Hindi puwedeng pareho ko silang piliin. Alam kong ayaw kong marumihan ang aking isipan ng mga salitang naririnig ko o ng mga eksena sa palabas, gaano man katanyag ang mga taong ito. Alam kong hindi ako para doon. Habang hinihintay ko ang pagsundo ng nanay ko, tumanaw ako sa bintana sa dilim ng gabi at doon sa burol ay parang parolang nagniningning ang templo. Parang tinitiyak sa akin ng Panginoon na tama ang ginagawa ko" (ginamit nang may pahintulot; binago ang pangalan.)

Ang pagtayo sa mga banal na lugar ay tumutulong sa atin na maging banal, ngunit ang katangiang iya'y nakakamtan sa pagsasanay. Magsanay makinig sa Espiritu at maging masunurin. Magsanay magpakadalisay. Magsanay magpitagan sa mga sagradong bagay. Sinabihan tayo ng Panginoon na lumapit sa Kanya at mapapabanal Niya tayo (tingnan sa D at T 60:7). Hayaang balutin Niya kayo ng Kanyang pagmamahal at kapatawaran at kapayapaan. Anuman ang nagaganap sa inyong paligid, makapagsasanay kayong lumikha ng kapaligirang sarili ninyo, na puspos ng Espiritu ng Panginoon.

Sa halip na itanong sa iba kung maikli o hapit o manipis o malinaw ang suot ninyo,kayoang responsable at itanong ninyo sa iyong sarili, "Ano ang maisusuot ko, ano dapat ang hitsura at kilos ko para makapiling ang Espiritu Santo at pagpalain ako ng Ama sa Langit?"

Mahirap turuan ang inyong hangaring gustuhin ang mabuti at maganda kapag laging nakatambad sa inyo ang kabaligtaran nito at tila mas kaakit-akit at kasiya-siya at katanggap-tanggap sa marami.

Nang binyagan kayo, gumawa kayo ng mga tipan na susundin ang mga kautusan. Ang mga tipang iyon at ang pagpapalang mapasainyong lagi ang Espiritu ng Panginoon ay pinaninibago tuwing marapat kayong nakikibahagi ng sakrament. Patatatagin kayo nito sa harap ng tukso.

Nagdala ng mga pagkain sa sakrament miting ang aming anak na babae para payapain ang tatlong maliliit niyang anak na lalaki. Pagpasa ng sagradong sagisag ng tinapay sa hanay namin, si Jake, na noo'y tatlong taon, ay bumulong sa akin, "Sabihin n'yo di namin kailangan ang tinapay. May sarili kaming baon." Sa tatlong-taong-gulang, pira-pirasong tinapay lang ang nakita niya at akala niya'y mas masarap ang sa kanya. Ang pagtukoy sa kung ano ang banal at ang pagsasanay sa mga hangad natin ay mahalaga sa ating kaligayahan. Ang kahanga-hangang paglubog ng araw o mabituing kalangitan, ang rosas na basa ng hamog o isang kuting—lahat ng ito'y muling nagpapaalala sa atin na ang mga bagay ng Diyos ay banal.

Ang mga banal na lugar ay maaaring saanman kayo naroon—nag-iisa, sa gitna ng karamihan, kasama ng mga di kakilala, o mga kaibigan. Ang daang pa-Jerico ay mapanganib at nakakatakot. Kumubli ang mga magnanakaw sa mga palumpong at puno para pumaslang ng sinumang manlalakbay. Kinailangan ang isang mabait at matapang na Samaritano para pabanalin ang magulong lugar na iyon. May magagawa kayo para pabanalin ang mga karaniwang lugar: kapag nag-alaga kayo ng maliliit na bata para mapahinga ang isang inang napapagod, kapag naghugas kayo ng mga plato kahit tungkulin ng kapatid ninyong gawin ito, kapag naglinis kayo ng bahay para sa isang matandang kaibigan—ang mga ito'y nagpapadama ng pagiging di-makasarili at sakripisyo at kabanalan.

May mga sandaling ibubulong ng Espiritu na mapapaganda ninyo ang isang lugar na kinaroroonan ninyo. Ang Rusong bayan ng Omsk sa Siberia ay parang malamig at walang buhay para sa akin hanggang sa marinig ko ang grupo ng mga kabataang umaawit ng "Dakilang Diyos" (Mga Himno, bilang 48) sa sarili nilang wika. Dagli ang buong mundo— o ang mundo man lang natin—ay gumanda at naging mapagmahal at masaya, isang banal na lugar.

May napakalaking katalinuhan at patnubay at kaligtasan para sa inyo sa palagian at taimtim na panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Pinatitibay at pinatatatag nito ang isipan ninyo sa mga banal na lugar habang nasa paaralan kayo o bumibili ng damit o nag-i-Internet. Sinabi ni President James E. Faust, "Naniniwala ako na ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ang pinakamainam na panlinis ng marurumi o di-mapigilang kaisipan" ("The Power of Self-Mastery,"Liahona, Hulyo 2000, 53).

Ang kabanalan ay tahimik at banayad, at madaling makaligtaan kung di natin papansinin. Lumakad ang nabuhay na mag-uling Panginoon patungong Emaus kasama ang dalawang lalaking masyadong natuon sa Pagkapako Niya sa krus at Pagkabuhay na Mag-uli kaya di nila nalaman na ang Panginoon Mismo ang kasama nilang naglalakad.

Maraming taon na ang lumipas nang awitin ko ang"Messiah"ni Handel kasama ang mga taong iba-iba ang pananampalataya. Kahit magkakaiba ang aming mga paniniwala, tungkol sa iisang Mesiyas ang aming inaawit, ang personal nating Tagapagligtas. Maraming ulit ko na itong inawit, ngunit sa isang pagsasanay, sinabi sa akin ng Espiritu na di lang mga nota ang inaawit ko kundi ang aking patotoo: "Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan" (Is. 53:4). Alam ko nang buong kaluluwa na ginawa Niya iyon para sa akin. Sandaling naging bulong ang 300 pang mga tinig at nadama kong mag-isa kong kasama ang Panginoon. Nadama ko ang Kanyang pag-ibig at pagtiyak na pinasan Niya ang mga pagdurusa at lungkot ng aking batang puso, at kung susunod ako, patuloy Siyang aagapay sa buhay ko. Ang makadama ng pagpapala at ginhawa at buong pag-ibig mula sa Panginoon ay katumbas ng anumang halaga.

Sa sandaling maunawaan ninyo kung ano ang mga banal na lugar,malalamanninyo kung saan kayo dapat pumunta. Maaari iyong mangahulugan ng pagsasakripisyo ng mga makamundo nating hangarin o katanyagan. Maaari nitong kailanganin ang pagpapakumbaba at kapatawaran o lubos na pagsisisi. Tunay na kailangan nito ang "malinis na mga kamay at dalisay na puso" (Mga Awit 24:4). Gawing lahat ang dapat ninyong gawin para makatayo sa mga banal na lugar at hindi matinag, upang manindigan sa katotohanan at kabutihan, anuman ang mabababaw na pag-uudyok at kasamaan at pakana ng mga magkakasabwat (D at T 89:4) at ng media. Sa mga salita ni President Hinckley, "Umangat pa nang kaunti at hayaang magningning ang karingalan ng mabuting pagkatao [sa inyong] buhay" ("A Time of New Beginnings,"Liahona,Hulyo 2000, 107). Mahal kong mga kabataang babae, anyayahan ang Panginoon na samahan kayo sa paglakad. Hayaan Siyang maging kaagapay ninyong lagi sa buhay, sa araw-araw, upang makauwi kayo sa tahanang mithi ninyo, ang pinakabanal na lugar sa lahat.

Nagtatapos ako sa himnong nagpapahiwatig ng aking dalangin para sa inyo at sa akin:

Ako ' y dalisayin, . . .
Bigyang lakas din,
Bigyang pagnanasang
Langit marating.
Mas karapat-dapat
Sa kaharian,
Mithiing si Cristo
Ay matularan.
("Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan,"Mga Himno, blg. 80).

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy