Carol B. Thomas
Unang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Young Women
Ang tatlong alituntuning tutulong sa inyong mapalakas ang inyong pamilya ay pangangalaga, sakripisyo, at panalangin.
Habang pinanonood natin ang pagwawakas ng 2002 Winter Olympics, hindi natin mapigilang maalala ang mga taong nag-uwi ng gintong medalya. Napakaraming atletang naghanda nang maraming taon ang nagsama-sama upang magpaligsahan sa pag-asang mananalo. Bilang mga kabataang babae sa Simbahan, kayo rin ay naghahanda at nakikipagpaligsahan para sa medalyon habang nagniningning ang Espiritu sa inyo.
Ang programa ng Young Women ang magsasanay na mabuti sa inyo para tulungan ang bawat isa sa inyo na marating ang inyong mga mithiin, at ang tema ng Young Women ay palagiang paalala na di tayo nag-iisa sa paligsahan. Tayo ay nasa panig ng Panginoon at lagi Siyang nariyan upang tulungan tayong maiuwi ang gintong medalya.
Bilang mga anak ng Diyos, maaaring ilan sa inyo ang magagaling na atleta, ngunit lahat kayo'y biniyayaan ng maraming talento at kaloob. Isa sa mga pinakamakabuluhang kaloob ay ang kakayahang "palakasin ang [inyong] tahanan at pamilya," isang bagong pahayag na idinagdag sa tema ng Young Women. Naaalala ba ninyo ang mga salitang ito? Isa sa mga tungkuling ibinigay sa atin bilang mga kababaihan sa kaharian ay ang mahalin at palakasin ang ating mga pamilya.
Dalangin ko ngayong gabi na mag-alab sa inyo ang Espiritu, na tumindi ang hangarin ninyong palakasin ang inyong pamilya ngayon at maghanda para sa pamilya ninyo sa hinaharap. Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga paraang magtuturo sa atin para palakasin ang ating pamilya. Walang gurong hihigit pa sa Tagapagligtas. Sa pag-aaral natin ng Kanyang mga turo at pagsunod sa Kanyang mga halimbawa, mapapahusay natin ang ating buhay-pamilya. Pag-usapan natin ang tatlong alituntuning tutulong sa inyo upang mapalakas ang inyong pamilya:
Pangangalaga
Sakripisyo
Panalangin
PANGANGALAGA
Sino ang hindi natutuwang makipaglaro sa isang musmos o kumarga sa bagong
silang na sanggol? Bilang kababaihan isinilang tayong may likas na kakayahang
mahalin at alagaan ang iba. Ang ibig sabihin ng alagaan ay suportahan, hikayatin,
arugain at mahalin ang bawat isa. Ginagawa ba natin ito sa ating mga pamilya?
Tinuruan tayo mismo ng Tagapagligtas na mangalaga. Maraming ulit Niyang sinabi: "Kaydalas ko kayong tinipon tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at inalagaan kayo" (3 Nephi 10:4).
Sa pagtitipon ninyo sa inyong pamilya, malaki ang magagawa ninyo upang mag-anyaya ng diwa ng pagkakaisa. Kailan ninyo huling niyakap ang inyong ina o ama at pinasalamatan sila sa lahat ng ginagawa nila? Mga magulang ang karaniwang nag-aalaga, ngunit kailangan din silang alagaan.
Bilang kababaihan, maaalagaan natin ang ating mga anak nang may pagmamahal at kabaitan. Kamakailan ay namasdan ko ang isang batang inang kausap ang dalawang-taong-gulang niyang anak. Nang umiiyak ang bata at hindi mawawaan ng ina kung ano ang gusto nito, sinabi ng ina, "Huwag kang umiyak. Magsalita ka. Sabihin mo sa 'kin kung ano'ng problema mo." Gayon na lang ang paggalang niya sa dalawang-taong gulang na musmos kaya huminto sa pag-iyak ang bata at "nagsalita." Natututong mag-alaga ang batang inang ito.
Nang ipakilala ng Ama sa Langit ang Tagapagligtas sa daigdig, nagpakita Siya ng magiliw na pangangalaga sa pamamagitan ng banayad na tinig. Sabi sa mga banal na kasulatan, "Sila ay nakarinig ng tinig na parang nanggagaling sa langit; . . . at iyon ay hindi garalgal na tinig, ni hindi ito malakas na tinig; . . . sa kabila ng ito ay isang maliit na tinig, iyon ay tumimo sa kanila na nakaririnig hanggang sa kaibuturan" (3 Ne.11:3).
Sa ating mga tahanan, maaari itong gawing halimbawa sa pakikipag-usap natin sa mga miyembro ng ating pamilya. Huwag tayong sumigaw, kundi maging banayad ang tinig sa pakikipag-usap sa mga mahal natin. Ganito makipag-usap ang Ama sa Langit sa Kanyang mga anak.
SAKRIPISYO
Ang ikalawang alituntunin ay sakripisyo.Bilang mga kabataang babae
natututo kayong magsakripisyo araw-araw. Lubos kaming humahanga sa kabutihang
ginagawa ninyo.
Inaasikaso ninyo ang mga bata pagkagaling sa paaralan kapag nagtatrabaho ang inyong ina. Tumutulong kayong maghanda ng hapunan at magpatulog ng mga sanggol.
Naglalagi kayo sa bahay sa halip na magparti sa Sabado't Linggo dahil ayaw ninyong manood ng bastos na pelikula anuman angratingnito.
Libu-libo sa inyo ang gumigising nang alas-5:00 tuwing umaga para dumalo sa maagang seminary bago pumasok sa paaralan.
Ipinagmamalaki kayo ng Tagapagligtas. Alam Niya ang dinaranas ninyo. Nauunawaan Niya kung gaano kahirap sa inyo ang magsakripisyo. Itinuro sa atin ng Tagapagligtas kung paano magsakripisyo. Isinakripisyo Niya ang Kanyang buhay para sa buong sangkatauhan.
Nang Siya'y mabuhay na muli, ang unang itinuro Niya sa mga Nephita ay kung paano Siya nagsakripisyo. Sabi Niya: "Ako ay uminom sa mapait na sarong ibinigay ng Ama sa akin. . . . Aking binata ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay" (3 Nephi 11:11). Ginawa Niya ang nais ipagawa sa Kanya ng Ama sa Langit.
Nais ng Ama sa Langit na lumikha tayo ng isang mabuting pamilya. Maaaring limitahan ng pagiging asawa at ina ang mga oportunidad ninyong makapagtrabaho, ngunit malaking gantimpala ang makakamit ninyo. Bilang isang batang ina, natatandaan kong tumugtog ako habang nagsasayawan ang maliliit kong anak na babae sa paligid ng silid. Parang kahangalan, pero narito nang lahat:
Kapag ako'y malaki na, maging ina ang nais ko:
Isa, dalawa, tatlo ang magiging supling ko.
Walang ibang gawain akong pipiliin.
Magkakapamilya ako. . . .
Sila'y lagi kong mamahalin.
Bibigyan ng tinapay, gatas, at laruan
Kapag nalulungkot, sila'y aaluin
Kukwentuhan ko at aawitan.
(Janeen Brady, "I Want to Be a Mother," saBelovedSongs [1987], 1013)
Marahil naisip n'yo na. Ang pagiging ina ay dakilang pagpapala, hindi sakripisyo.
PANALANGIN
Ikatlo, tinuturuan tayo ng Tagapagligtas na manalangin.
Sa pagtulong ninyong palakasin ang inyong pamilya, dapat maging palagian at bahagi ng pang-araw-araw na buhay ninyo ang panalangin. Ililigtas kayo nito mula sa kalaban, at bibigyan kayo ng kapanatagan, at tutulungan ang mga pamilya ninyong lalong magmahalan.
Nang dalawin ng Tagapagligtas ang mga Nephita, ilang araw lang Niya silang tinuruan ng kaganapan ng ebanghelyo. Madalas Siya noong nakatuon sa panalangin. Alam ba ninyo na mula kabanata 17 hanggang 20 ng Ikatlong Nephi, 44 na beses binanggit ang panalangin? Maraming beses Niyang inutusan ang mga tao na manalangin. Lumuhod Siya sa lupa at ipinagdasal sila. Tinuruan Niya silang manalangin. Binasbasan Niya ang maliliit na bata at ipinagdasal sila sa Ama. Inutusan Niya silang laging manalangin nang taos-puso.
Marahil sa isang aktibiti ng Mutual ay dalhin ninyo ang mga banal na kasulatan, basahin nang malakas ang apat na talatang iyon, at salungguhitan ang salitangpanalangintuwing mababanggitmagkuwento at magpatotoo tungkol sa bisa ng panalangin. Ipinangangako kong madarama ninyo ang Espiritu ng Panginoon at lalakas ang inyong patotoo tungkol sa panalangin.
Sinabi ng ating mga propeta na hindi sila nag-aalala sa mga kabataang dalawang beses nananalangin sa isang araw. Ngayon, kung hindi sila nag-aalala sa atin, hindi natin dapat alalahanin ang ating sarili, basta't taimtim tayong nagdarasal dalawang beses sa isang araw.
Pakinggan ninyo ang napakagandang kuwento ng ina ni Propetang Joseph Smith nang gabing umalis si Joseph para kunin ang mga laminang ginto. Isinulat niya: "[Nang gabing iyon] di ako makatulog. . . . Bandang alas dose'y pumasok si Joseph . . . at tinanong kung may baul akong may kandado at susi . . . at dahil wala ako noon labis akong nabahala. . . . Pero ang sabi . . . ni Joseph, 'Di na po bale, ayos lang po . . . kahit walapumanatag kayoayos lang ang lahat.'"
Di nagtagal ay umalis sina Joseph at Emma, sakay ng kabayo at bagon. (Ngayo'y pakinggan ninyo ang sabi ng kanyang ina.) "Pinalipas ko ang gabi sa pananalangin at pagsamo sa Diyos, dahil di ako makatulog sa pag-aalala." Ang mga pagsamo ng isang ina, na mabuting anak ng Diyos, ang nagpapanatag sa Propeta at nagligtas sa mga gintong lamina. Sa maraming taon, ang walang humpay niyang mga dalangin ang nagpalakas sa kanyang tahanan at pamilya (tingnan sa Lucy Mack Smith,History of Joseph Smith,inedit ni Preston Nibley [1979], 102).
Paano ninyo magagamit ang panalangin para mapalakas ang inyong pamilya? Dahil mahal na mahal kayo ng Ama sa Langit, nais Niyang kausapin ninyo Siya. Anumang hirap ang dinaranas ninyo, maipagdarasal ninyo kahit ano:
Magdasal kayo't humiling ng tulong na masunod ang mga patakaran ng pamilya, tulad ng pag-uwi sa oras.
Magdasal kayong hangarin ng inyong pamilya na sama-samang pag-aralan ang mga banal na kasulatan.
Magdasal kayong gumanda ang ugnayan ninyo ng inyong nanay o tatay.
Magdasal kayo na maging mapagpasensiya kayo sa kapatid, habang tinutulungan silang lutasin ang mga problema nila.
Ipagdasal ang mga problemang bumabagabag sa inyo! Huwag sumuko. Masasagot at sasagutin ng Ama sa Langit ang mga dalangin ninyo. Marami na akong dalangin na sinagot. May mga dalangin din akong hindi pa sinasagot. Sasagutin ang ating mga dalangin sa oras na nais ng Panginoon kapag handa na tayo.
Ngayong gabi'y nagsalita ako tungkol sa tatlong alituntuning tutulong sa inyong palakasin ang inyong tahanan at pamilya:
Pangangalaga
Sakripisyo
Panalangin
Ipinakita sa atin ng Tagapagligtas, na ating Manunubos at Kaibigan, ang daan. Sa pagsunod ninyo sa Kanyang mga turo, maaaring di ninyo mapanalunan ang pilak o ginto sa Olympics, ngunit mas malaking gantimpala ang idudulot ng pagtatamo ninyo ng medalyon ng Young Women at tutulungan nitong panatilihing nag-aalab ang impluwensya ng Espiritu Santo sa bawat isa sa inyo. Sa pag-aaral at pagkakaroon ninyo ng pagmamahal sa mga banal na kasulatan, dalangin kong makatagpo kayo ng iba pang makabuluhang paraan upang palakasin ang inyong tahanan at pamilya, sa pangalan ni Jesucristo, amen.