Mary Ellen W. Smoot
Pangkalahatang Pangulo ng Relief Society na Kahahalili Lang
Paano tayo lubos na mapapabalik-loob sa katotohanan, na puspos ng pananampalataya, at lubos na umaasa sa Diyos, na makakaya nating tiisin ang mga pagsubok at mapalakas pa ng mga ito?
Sa ngalan ng aking mga tagapayo at ng pangkalahatang lupon ng Relief Society, kinikilala namin ang mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo, at lalo na ang mga kababaihan, na sa kanilang katapatan at debosyon ay nagsasakripisyo ng kanilang panahon at talino upang mabiyayaan ang buhay ng mga tao at pamilya sa buong mundo.
Sa pagbabasbas sa akin ni President Gordon B. Hinckley noong italaga ako, binanggit niya ang serbisyong maibibigay ng Relief Society. Sabi niya, "Napakalaking organisasyon nito, marahil ay siyang pinakamalaki at pinakamatagal sa lahat ng kauri nito sa buong mundo. Ang misyon nito'y gumawa ng mabuti at tulungan ang mga nagdadalamhati at nangangailangan, isagawa ang mga proseso ng edukasyon, mabuting pangangasiwa ng tahanan, at iba pang kasanayan, sa buhay ng mga kababaihan sa buong mundo."
Nasa atin bilang gabay ang pahayag ng Relief Society; mga miting para sa pagpapaunlad ng tahanan, pamilya, at sarili; at ang programa ng visiting teaching. Maingat na pinag-aralan ang mga kasangkapang ito at kasalukuyang ipinatutupad upang matulungan ang mga kapatid na babae na palawakin ang kanilang panloob na lakas sa pamamagitan ng paglilingkod at pagkakaisa.
Upang maipakita ang panloob na lakas na sinasabi ko, gusto kong ibahagi ang kuwento ni Susanna Stone Lloyd, na sa edad na 26 ay nilisan ang England at mag-isang naglakbay patungong Utah. Nag-iisang miyembro ng kanyang pamilya na sumapi sa simbahan, si Susanna ay kasama sa Willie Handcart Company. Tulad ng marami pang ibang tagabunsod, tiniis niya ang nakamamatay na gutom, sakit, at matinding pagod.
Pagdating sa Salt Lake Valley, humiram si Susanna ng salamin para ayusin ang sarili. Sa kabila ng mga pagsisikap, isinalaysay niya na: "Hindi ko kailanman malilimutan ang hitsura ko. Hindi ako nakilala ng ilang dating kaibigan ko."1Dahil ipinagbili niya ang sariling salamin sa isang Indian kapalit ng kapirasong karne ng kalabaw, hindi siya nag-aksaya ng panahong manalamin pa. Ngayo'y di niya makilala ang sarili sa salamin. Ibang tao na siya, sa loob at labas. Dahil sa paglalakbay sa mabatong tagaytay ng mga bundok at matinding hirap ay nagkaroon siya ng malalim na paniniwala. Sinubok ang kanyang pananampalataya, at tumibay ang kanyang pag-babalik-loob. Napino siya sa mga pamamaraang di kayang mabanaag kahit sa pinakamainam na salamin. Nanalangin para sa lakas si Susan at natagpuan itosa kaibuturan ng kanyang kaluluwa.
Ito ang uri ng panloob na lakas na gusto kong talakayin ngayon. Paano tayo lubos na mapapabalik-loob sa katotohanan, na puspos ng pananampalataya, at lubos na umaasa sa Diyos, na makakaya nating tiisin ang mga pagsubok at mapalakas pa ng mga ito?
Hindi kailangang mabuhay nang matagal para malaman na hindi laging nasusunod ang plano ninyo. Dumarating sa lahat ang paghihirap at kalungkutan. May kilala ba kayong walang gustong baguhin sa sarili nila o sa kanilang kalagayan? Gayunpaman, tiyak kong marami kayong kilala na sumusulong nang may pananampalataya. Malapit kayo sa mga taong ito, nabibigyang-inspirasyon ninyo sila, at napapalakas kayo ng kanilang mga halimbawa.
Sa loob ng mahigit limang taong nagdaan nakilala ko ang mga kapatid na babae mula sa Africa hanggang sa Spain na mga tagabunsod sa sarili nilang pamamaraan. Humanga ako sa kanilang panloob na lakas, at nabigyang-inspirasyon sa lalim ng kanilang mga patotoo. Ito ang mga kapatid na ipinamumuhay ang mga katotohanang pinagtitibay ng pahayag ng Relief Society.
Ipinaaalala sa atin ng pahayag kung sino tayo talaga at kung bakit natin ginagawa ang mga bagay na ginagawa natin. Kung mas ipinamumuhay natin ang mga tuntuning ito, higit na panloob na lakas ang mapapasaatin. Mababanaag sa kilos natin ang ating mga paniniwala. Naiimpluwensyahan ng pag-aayuno, panalangin, at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang kaugnayan natin sa ating Tagapagligtas. Gusto kong bigyang-diin ang dalawa pang paraan para magkaroon tayo ng ating panloob na lakas:
PAGLILINGKOD
Kapag tunay tayong nagbalik-loob, ang pansin natin sa sarili ay mababaling
sa iba. Makatatagpo tayo ng panloob na lakas sa paglilingkod. Wala nang mas
makapagbibigay-kasiyahan sa kalaban kaysa sa mabaling ang pansin natin sa sarili
nating alalahanin at hilig. Ngunit alam natin ang dapat gawin. Tutulungan tayong
manatili sa tamang landas ng paglilingkod.
Sa mga kumperensya ng mga kababaihan; sa mga miting para sa pagpapaunlad ng tahanan, pamilya, at sarili; at, higit sa lahat, sa sarili nating mga tahanan, nabigyang-inspirasyon ako ng inyong mga ginagawang paglilingkod.
Ilang linggo pa lang ang nakalilipas, nakatanggap ako ng tawag mula sa Area President ng Europe Central Asia. Sinabi niya na ginaw na ginaw ang mga miyembro at misyonero sa Albania at Moldova, at gusto niyang malaman kung makapagpapadala roon ng makakapal na kumot ang Relief Society. Isipin ninyo ang galak na nadama ko nang bisitahin ko ang Humanitarian Service at matuklasang makapag-aambag tayo ng 1,000 kumot. Sa loob lang ng ilang araw naibalot ang mga ito at naipadala. Isinulat ng mission president, "Naantig ang mga miyembro na iniisip ng ibang mga miyembro ang kanilang kapakanan." Salamat sa inyong di-makasariling paglilingkod.
Mga kapatid, pagtuunan ninyo ng pansin ang mga iminumungkahing paksa para sa mga miting sa pagpapaunlad ng tahanan, pamilya, at sarili at humanap ng mga paraan para espirituwal na lumakas, magkaroon ng mga pansariling kasanayan, mapalakas ang tahanan at pamilya, at maglaan ng serbisyong pang-ebanghelyo. Dahil dito, maiwawaksi natin ang ating mga problema at mas aasa tayo sa Diyos.
PAGKAKAISA
Isa sa mga paraan para magkaroon tayo ng panloob na lakas ay ang pagsikapang
magkaroon ng pagkakaisa sa ating mga pamilya, stake, ward, at panguluhan. Mismong
Panginoon ang nagturo, "Kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin."2
Ang pagkakaisa sa layunin, kaisipan, at damdamin ay nakaluluwalhating mga katangian. Kapag naisasaisantabi natin ang ating mga di-pagkakaunawaan at pinahahalagahan ang lakas ng bawat isa, magagandang bagay ang nangyayari. Pinayuhan tayo ni Propetang Joseph Smith, "Huwag ninyong limitahan ang inyong mga pananaw hinggil sa mabuting katangian ng inyong kapwa. . . . Dapat ninyong lawakan ang inyong pag-unawa sa isa't isa."3Nag-aanyaya ng mas malakas na pagkakaisa ang gayong pagkamapagparaya.
Nakadalaw na ako sa mga stake at ward na nagkakaisa. Nagtutulungan at nakikipag-ugnayan sa isa't isa ang mga panguluhan ng auxiliary; sinusuportahan nila ang mga lider ng priesthood at sama-samang nagpupunyaging makapagdala ng mga pamilya kay Cristo. Sa pagsulong ng kaharian ng Diyos, dapat tayong magkaisa sa pagsisikap na makapagligtas ng mga kaluluwa.
Bilang pangkalahatang panguluhan ng Relief Society nagpapasalamat kami sa bagong pagbibigay-diin sa visiting teaching.4Ang mga bagong mensahe ay nag-aanyaya sa mga kapatid na magbasa mula sa kanilang banal na kasulatan at mga turo ng Unang Panguluhan at iba pang General Authority tungkol sa isang alituntunin ng ebanghelyo. Kasunod nito'y hinihikayat ang mga kapatid na magbahagi ng mga kuru-kuro at karanasan kung paano nabiyayaan ng pamumuhay sa alituntunin ang kanilang buhay.
Mga kapatid, kung susundin ninyo ang huwarang ito, mas makadarama kayo ng pagkakaisa sa inyong kompanyon at mga tinuturuan ninyo. Lalakas ang inyong espirituwalidad.
Anuman ang ating kalagayan, sino sa atin ang makakayang sayangin ang ating buhay sa pagkaawa sa sarili at pagkabigo? Oo, tulad ng ipinayo ni Apostol Pablo, kailangan nating lahat na "siyasatin [ang ating sarili]"5paminsan-minsan. Lahat tayo'y kailangang magsisi, kilalanin ang ating mga kahinaan, at lalong ganap na lumapit kay Cristo. Tulad ni Susanna, maaaring kailanganin nating ipagbili ang ating mga salamin upang makatawid sa mga kapatagan ng pasakit, dusa, at kabiguan. Ngunit habang ginagawa natin ito, matutuklasan natin ang mga kalakasang mula sa Diyos na di natin malalaman sa ibang paraan.
Marubdob na nagsalita si President Joseph F. Smith tungkol sa panloob na lakas ng mga babaeng tagabunsod. Sinabi niya: "Balewala sa kanila ang kamatayan. Balewala ang hirap. Balewala sa kanila ang ginaw o ulan, o init. Ang tanging nadama at alam at nais nila ay magtagumpay sa kaharian ng Diyos at sa katotohanang ibinigay ng Panginoon sa kanila." At taos-pusong nagsumamo ang propeta ng Diyos, "O kaluluwa ko, saan na naroon ang mga kababaihang ito ngayon?"6
Narito ako ngayon upang patunayan sa inyo na ang gayong mga kababaihan ay nasa lahat ng dako ng mundo sa mga Relief Society ng Simbahan. Nagpapasalamat ako nang labis sa pagkakataong ito na ibinigay sa akin upang saksihan ang mga kababaihang ito sa ating panahon na "[naging] malakas sa kaalaman ng katotohanan."7Nalalaman ko nang buong puso na ang Panginoon ay "[gagawin] ang mahihinang bagay na maging malalakas."8Batid kong ito ay Kanyang gawain at Kanyang Kaharian. Batid kong mababanaagan sa atin ang Tagapagligtas sa paraan ng pamumuhay na pinipili natin. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Journey to Zion: Voices from the Mormon Trail(1997),
tinipon ni Carol Cornwall Madsen, 634.
2. D at T 38:27.
3.Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith (1976), 228.
4. Tingnan sa "For Such a Time as This,"Liahona, Peb. 2002, 1823.
5. Tingnan sa I Mga Taga Cor. 11:28.
6. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith(1998),
228.
7. Alma 17:2.
8. Eter 12:27.