President Thomas S. Monson
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan
Huwag nating ipasa sa mga darating na henerasyon ang hinanakit, ang galit. Alisin natin ang anumang kinikimkim na hadlang na walang gagawin kundi ang pinsalain tayo.
Noong Abril 1966, sa taunang pangkalahatang kumperensya ng Simbahan, nagbigay si Elder Spencer W. Kimball ng di malilimutang talumpati. Binanggit niya ang kwentong isinulat ni Samuel T. Whitman na pinamagatang "Forgotten Wedges." Ngayon, pinili ko ring magbanggit mula kay Samuel T. Whitman, na susundan ng mga halimbawa mula sa aking sariling buhay.
Isinulat ni Whitman: "Hindi gaanong matindi ang [pag-ulan ng yelo] nang taglamig na iyon. Totoo na may ilang kawad ng kuryente na bumagsak, at naragdagan ang bilang ng aksidente sa daan. . . . Karaniwan ay kaya ng malaking puno ng wallnut ang bigat ng yumayabong na mga sanga nito. Ang nakabaon na kalsong bakal sa gitna nito ang sanhi ng pinsala.
"Ang kwento ng kalsong bakal ay nagsimula maraming taon na ang nakalilipas nang ang magsasakang puti na ang buhok [na nakatira ngayon sa kinatatayuan nito] ay binatilyo pa lamang sa lupain ng kanyang ama. Kalilipat lang noon ng lagarian mula sa lambak,at naghahanap pa ang mga naninirahan doon ng mga naiwang kagamitan at mga makukuha pang kasangkapan na nakakalat sa paligid. . . .
"Nang araw na iyon, isang bakal na gamit ng magtotrosomalapad, pantay, at mabigat, mga isang talampakan o higit pa ang haba, at baluktot na sa sobrang gamit [ang natagpuan ng binatilyo] . . . sa damuhan sa timog. [Ang bakal na dati'y gamit na pagpapabagsak ng puno, ay isinisingit sa ukang likha ng lagari at tapos ay pinupukpok ng malaking martilyo para palakihin ang uka.] . . . Dahil huli na sa hapunan, inilagay ng binatiyo ang bakal . . . sa pagitan ng mga sanga ng batang puno ng wallnut na itinanim ng kanyang ama sa harapang tarangkahan. Dadalhin niya ang bakal sa kamalig matapos kumain, o kapag napagawi siya doon.
"Talaga namang gagawin niya iyon, pero di niya nagawa. Naroon pa rin [ang bakal] sa pagitan ng mga sanga, na bahagyang nakasuksok, nang magbinata na siya. Naroon pa rin iyon, mahigpit na ang pagkakasuksok, nang mag-asawa siya at manahin ang lupain ng kanyang ama. Medyo malaki na ang puno nang kumain sa lilim nito ang mga nagsiani. . . . Nang lumaki ito ay nagsara na ang uka at nasa puno pa rin ito nang dumating ang bagyo ng yelo.
"Sa malamig na gabi ng taglamig na iyon . . . isa sa mga pangunahing sanga ang natanggal sa katawan ng puno at bumagsak sa lupa. Dahil hindi na balanse ang mga sanga sa itaas, nabali din ito at bumagsak. Nang matapos ang bagyo, wala ni isa mang maliit na sanga na natira sa dating mayabong na puno.
"Kinaumagahan, lumabas ang magsasaka at nalungkot sa pagkawala ng puno. . . .
"Maya-maya, may nakita siya sa nagkalat na labi. 'Ang bakal,' ang nagsisising usal niya, 'na nakita ko sa damuhan.' Nalaman niya sa isang sulyap kung bakit bumagsak ang puno. Dahil lumaki ang puno na may nakatusok na bakal, naging sagabal ito sa paghuhugpong ng mga ugat ng sanga."1
Mga kapatid, may mga nakatagong hadlang sa buhay ng marami sa mga kakilala natinoo, marahil sa mismong mga pamilya natin.
Ikukwento ko sa inyo ang nangyari sa isang matagal ko ng kaibigan, na ngayo'y pumanaw na. Siya'y si Leonard. Miyembro ng Simbahan ang asawa at mga anak niya pero siya ay hindi. Naging pangulo sa Primary ang kanyang asawa; marangal na naglingkod sa misyon ang kanyang anak na lalaki. Ikinasal sa sagradong seremonya ang kanyang mga anak at nagkaroon ng kani-kanilang pamilya.
Lahat ng nakakakilala kay Leonard ay nalulugod sa kanya, tulad ko. Sinuportahan niya ang kanyang asawa at mga anak sa kanilang tungkulin sa Simbahan. Dumalo siya kasama nila sa mga aktibidad sa Simbahan. Namuhay siyang mabuti at maayos, at naglingkod at naging mabait sa iba. Ipinagtaka ng kanyang pamilya at ng iba pa kung bakit pumanaw si Leonard nang walang pagpapalang idinudulot ng ebanghelyo sa mga miyembro nito.
Nang magkaedad na si Leonard, humina ang katawan niya. Naospital siya at di nagtagal ay nabingit sa kamatayan. Sa huling pag-uusap namin ni Leonard, sinabi niya, "Tom, kilala na kita mula pa noong paslit ka. Nahimok akong ipaliwanag sa iyo kung bakit hindi ako kailanman sumapi sa Simbahan." At ikinuwento niya sa akin ang naranasan ng kanyang mga magulang na naganap maraming-maraming taon na ang nakararaan. Hindi man gusto ng pamilya pero dumating ang puntong kinailangan nilang ipagbili ang kanilang bukid, at may nag-alok sa kanilang bilhin ito. Hiniling ng kanilang kapitbahay na magsasaka na sa kanya na lang ipagbilisa mas mababang halaga nga langidinagdag pa na, "Malapit naman tayong magkakaibigan. Kung ako na ang may-ari niyan, mababantayan ko pa." Pumayag din sa wakas ang mga magulang ni Leonard, at naipagbili ang bukid. Ang bumiling kapitbahayay may mabigat na posisyon sa Simbahan, at dahil dito inisip nilang mapagkakatiwalaan siya, kaya nahikayat silang ipagbili ito sa kanya kahit hindi nila alam kung magkano ang matatanggap nilang pera kung ipinagbili nila ito sa unang nagkainteres na bumili. Hindi pa gaanong nagtatagal ang bentahan, ipinagbili ng kapitbahay ang sariling lupa at ang lupang binili sa pamilya nila Leonard na nagpataas sa halaga ng lupa at siyempre sa presyo ng bentahan nito. Ang matagal nang itinatanong kung bakit hindi kailanman sumapi sa Simbahan si Leonard ay nasagot. Lagi niyang inisip na dinaya ng kapitbahay na ito ang kanyang pamilya.
Sinabi niya sa akin nang sarilinan na matapos ang pag-uusap naming iyon, nadama niyang nawala ang matagal na niyang kinikimkim na hinanakit, at handa na siyang humarap sa kanyang Tagapaglikha. Nakakalungkot na dahil sa kinimkim na hinanakit, nahadlangan ang pagtatamo sana ni Leonard ng maraming pagpapala.
Nakilala ko ang isang pamilya na pumunta sa Amerika mula Germany. Mahirap para sa kanila ang wikang Ingles. Kaunti lang ang pag-aari nila, ngunit ang bawat isa ay nabiyayaan ng kahandaang magtrabaho at magkaroon ng pagmamahal sa Diyos.
Isinilang ang kanilang pangatlong anak, ngunit dalawang buwan lang nabuhay. Ginawan ng ama na isang karpintero ng magandang kabaong ang kanyang minamahal na anak. Nadama sa malungkot na burol ang dalamhati ng mag-anak. Buhat-buhat ng ama ang maliit na kabaong, tinungo ng mag-anak ang kapilya, kung saan nagtipon na ang ilang mga kaibigan. Pagdating nila doon, nakakandado ang pinto ng kapilya. Nalimutan ng abalang bishop ang burol. Hindi malaman kung saan ito hahagilapin. Dahil hindi alam ang gagawin, binitbit ng ama ang kabaong, at kasama ng kanyang mag-anak na inuwi ito sa gitna nang rumaragasang ulan.
Kung mababaw ang pagkatao ng mag-anak, maaaring sinisi nila ang bishop at nagtanim ng sama ng loob. Nang nalaman ng bishop ang trahedya, dinalaw niya ang mag-anak at humingi ng tawad. Kahit na nakikita pa rin sa mukha niya ang hinanakit, lumuluhang pinatawad ng ama ang bishop, at nagyakap ang dalawa nang may diwa ng pag-unawa. Walang naiwang nakatagong hinanakit na magpapaibayo ng galit. Nanaig ang pagtanggap at pagpapatawad.
Kailangang mapalaya ang espiritu mula sa mga bagay na humahadlang sa atin at sa mga di mabuting kinikimkim natin upang tayo ay espirituwal na maiangat. Sa maraming pamilya, may mga hinanakit at di pagpapatawad. Hindi na mahalaga kung ano ang naging sanhi ng hinanakit. Hindi maaari at hindi dapat pabayaang makapinsala pa ito. Ang paninisi'y nagpapanatili ng sugat. Pagpapatawad lang ang nakapagpapahilom. Isinulat ni George Herbert, isang makata ng ika-17 siglo: "Siya na hindi makapagpatawad ng iba ay pinuputol ang tulay na kailangan niya mismong daanan kung makararating man siya sa langit, dahil ang bawat isa ay nangangailangan ng pagpapatawad."
Napakaganda ng mga salita ng Tagapagligtas nang malapit na siyang mamatay sa malupit na krus. Aniya, "Ama, patawarin mo sila; sapagka't hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa."2
May ilang nahihirapang patawarin ang kanilang sarili at nag-uukol ng pansin sa mga nakikinita nilang pagkakamali. Gusto ko ang kwento tungkol sa isang lider ng relihiyon na nagpunta sa tabi ng babaeng malubha ang karamdaman, tinatangkang aliwin siyapero walang nangyari. "Naligaw na ako," ang sabi niya. "Sinira ko ang buhay ko at ang buhay ng mga nasa paligid ko. Wala na akong pag-asa."
Napansin ng lalaki ang nakakwadrong litrato ng isang magandang babae. "Sino siya?" tanong niya.
Sumigla ang babae. "Anak ko siya, ang nag-iisa na lang na maganda sa buhay ko."
"Tutulungan mo ba siya kung nagkaproblema o nagkamali siya? Patatawarin mo ba siya? Mamahalin mo pa rin ba siya?"
"Syempre oo!" ang bulalas ng babae. "Gagawin ko ang lahat para sa kanya. Bakit mo ba itinatanong iyan?"
"Dahil gusto kong malaman mo na," sabi ng lalaki, "parang maihahalintulad natin ang Ama sa Langit na may larawan mo rin na nasa Kanyang aparador. Mahal ka Niya at tutulungan ka. Magdasal ka sa Kanya."
Ang nakatagong hadlang sa kanyang kaligayahan ay naalis.
Sa panahon ng panganib o pagsubok, ang gayong kaalaman, gayong pang-unawa ang magdudulot ng aliw sa naguguluhang isip at nagdadalamhating puso. Ang buong mensahe ng Bagong Tipan ay nagsasaad ng pagkamulat sa kaluluwa ng tao. Ang mga bahid ng siphayo ay napapalitan ng silahis ng pag-asa, nananaig ang galak sa lungkot, at ang damdamin ng pagkaligaw sa landas ng buhay ay naglalaho dahil sa tiyak na kaalamang naaalala tayo ng ating Ama sa Langit.
Nagbigay ang Tagapagligtas ng katiyakan sa katotohanang ito nang ituro Niya na maging ang maya ay hindi babagsak sa lupa nang hindi napapansin ng ating Ama. Tinapos Niya ang magandang kaisipang ito sa pagsasabing, "Huwag nga kayong mangatakot: kayo'y lalong mahalaga kaysa maraming maya."3
Nabasa ko noon ang sumusunod na balita mula sa Associated Press na lumabas sa pahayagan. Ipinagtapat ng isang matandang lalaki sa burol ng kanyang kapatid na lalaki, na noong binatilyo pa lang sila ay magkasama sila sa isang maliit na silid malapit sa Canisteo, New York. Dahil sa isang alitan, ginuhitan nila ng tsok ang silid para mahati sa dalawa at di na kailanman tumawid sa guhit na iyon ni nakipag-usap sa isa't isa mula nang araw na iyonhanggang umabot sa 62 taon. Isa itong napakalakas at nakapipinsalang kinikimkim na hadlang.
Tulad ng isinulat ni Alexander Pope, "Ang magkamali'y pantao, ang magpatawad ay banal."4
Minsan napakadali nating manakit. Sa ibang pagkakataon naman napakahirap nating magpatawad. Paglabanan natin o isantabi ang pagkamakasarili, kapalaluan at pagdaramdamat sabihing, "Patawarin mo ako! Maging magkaibigan na tayong muli. Huwag nating ipasa sa mga darating na henerasyon ang hinanakit, ang galit." Alisin natin ang anumang kinikimkim na hadlang na walang gagawin kundi ang pinsalain tayo.
Saan nagmumula ang mga kinikimkim na hadlang? Galing ang ilan sa mga di nalutas na pinagtalunan, na humahantong sa samaan ng loob, sinusundan ng pagsisisi at panghihinayang. Nagsisimula ang ilan sa kabiguan, selos, pagtatalo at gawa-gawang pagdaramdam. Dapat nating lutasin itoibaon sila sa limot at huwag silang hayaang lumala, lumalim at tuluyang makapinsala.
Isang kalugud-lugod na babae na mahigit na sa 90 taong gulang ang bumisita sa akin isang araw at di inaasahang nagsalaysay sa akin ng ilang pinagsisisihan niya. Binanggit niya na maraming taon na ang nakalilipas nang ang isang kapitbahay na paminsan-minsa'y di nila nakasundong mag-asawa ang nakiusap na kung pwede siyang makiraan sa lupain nila para makarating siya nang mas madali sa kanyang lupain. Huminto siya sandali sa pagkukwento at nangangatal ang tinig na sinabing, "Tommy, hindi ko siya pinayagang tumawid sa lupain namin, pinabayaan ko siyang lumakad sa malayong daanan para makarating sa lupain niya. Nagkamali ako at pinagsisisihan ko ito. Namatay na siya, at ah, sana'y nasabi ko sa kanya na 'Patawarin mo ako.' Sana nagkaroon ako ng pangalawang pagkakataon."
Habang pinakikinggan ko siya, naalala ko ang isinulat ni John Greenleaf Whittier: "Sa malulungkot na katagang sinambit o isinulat, ito ang pinakamalungkot sa lahat: 'Sana'y ito ang naganap!'"5
Sa 3 Nephi ng Aklat ni Mormon nagmumula ang nakapagbibigay-inspirasyong payong ito: "Hindi dapat magkaroon ng mga pagtatalu-talo sa inyo. . . . Sapagkat katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, siya na may diwa ng pagtatalu-talo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalu-talo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa't isa. Masdan, hindi ito ang aking doktrina, na pukawin sa galit ang mga puso ng tao, isa laban sa isa; kundi ito ang aking doktrina, na ang mga gayong bagay ay maiwaksi."6
Bilang pagtatapos, hayaan ninyong ikwento ko ang tungkol sa dalawang lalaki na kapwa mga bayani para sa akin. Ang kagitingan nila ay hindi nangyari sa harap ng buong bansa, kundi sa tahimik na nayong kilala bilang Midway, Utah.
Maraming taon na ang nakalilipas sabay na naglingkod sa Simbahan sina Roy Kohler at Grant Remund. Matalik na magkaibigan sila. Sila ay magsasaka at maggagatas. Isang di pagkakaunawaan ang nangyari na nag-iwan ng puwang sa pagitan nila.
Kalaunan, nang lumala ang sakit na kanser ni Roy Kohler at may taning na ang buhay, dinalaw namin ng asawa kong si Frances si Roy at binasbasan ko siya. Nang nag-uusap na kami, sinabi sa akin ni Brother Kohler, "Hayaan mong ikwento ko sa iyo ang isa sa mga pinakamagandang karanasan ko sa buhay." Isinalaysay niya sa akin ang minsang di nila pagkakaunawaan ni Grant Remund at ang puwang na namagitan sa kanila mula noon. Ang sabi niya, "Nawala ang pagkakaibigan namin."
"Pagkatapos isang gabi," patuloy ni Roy, "Kaiimbak ko pa lang ng dayami para sa darating na taglamig, nang isang gabi, dahil sa init na nagmula sa dayami, nagkaroon ng apoy na sumunog sa dayami, sa kamalig, at sa lahat ng nasa paligid nito. Nanlumo ako," ang sabi ni Roy. "Hindi ko alam ang gagawin. Madilim ang gabing iyon, maliban lang sa liwanag na mula sa nag-aalab na apoy. Pagkatapos may nakita akong papalapit sa akin mula sa daan, sa lugar nina Grant Remund, na mga ilaw mula sa mga traktora at malalaking sasakyan. Nang nakarating na sa lupain namin ang mga tagasagip at nadatnan akong lumuluha, sinabi ni Grant, 'Roy, marami kang lilinisin dito ha. Narito ang mga tauhan ko. Umpisahan na nating magtrabaho.'" Magkasama nilang sinimulan ang trabaho. Nawala nang tuluyan ang kinikimkim na hadlang na nagpahiwalay sa kanila sa maikling panahon. Nagtrabaho sila sa buong gabi at sa sumunod na araw, kasama ang marami pang tagaroon.
Namatay na si Roy Kohler, at tumatanda na rin si Grant Remund. Magkasamang naglingkod ang mga anak nilang lalaki sa ward bishopric. Tunay na mahalaga sa akin ang pagkakaibigan ng dalawang kalugud- lugod na pamilyang ito.
Nawa'y manatili tayong mabuting halimbawa sa ating mga tahanan at maging tapat sa pagsunod sa lahat ng mga kautusan, upang hindi tayo magkimkim ng anumang hadlang sa ating puso sa halip tandaan natin ang paalala ng Tagapagligtas: "Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pagibig sa isa't isa."7
Ito ang samo ko at dalangin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Sa Conference Report, Abr. 1966, 70.
2. Lucas 23:34.
3. Mat. 10:31.
4. An Essay on Criticism(1711), bahagi 2, linya 525.
5. "Maud Muller,"The Complete Poetical Works of Whittier(1892), 48.
6. 3 Ne. 11:2830.
7. Juan 13:35.