The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
Sumusulong ang Gawain
 NextArrow icon acting as a button to Next Page  

Sumusulong ang Gawain

Pangulong Gordon B. Hinckley

Ang Simbahan ay patuloy na susulong sa itinakda nitong misyon sa direksiyon ng itinakdang kapalaran nito.

Pangulong Gordon B. Hinckley

Malugod namin kayong tinatanggap sa komperensiya! Muli ay malugod namin kayong tinatanggap, mga kapatid ko, sa pangkalahatang komperensiya. Noon ay parang napakatagal ng anim na buwang pagitan ng mga komperensiya. Ngayon ay parang napakabilis ng paglipas nito. Nagtipon-tipon tayong muli bilang isang malaking pamilya, mahigit sa sampung milyong miyembro, upang makinig at matuto mula sa mga yaong tinawag upang mamuno, upang mapanibago ang ating pananampalataya at bumuo ng ating resolusyon na mamuhay nang mas mabuti, at sama-samang makihalubilo sa isang kaaya-ayang kalipunan.

Tayo ay masaya at pinagpalang mga tao, gumagawa upang palaganapin ang ebanghelyo at kaharian ng Diyos sa lupa. Anumang angkan o nasyonalidad, mahirap man o mayaman, bata o matanda, nagpupulong tayo upang ibahagi ang ating laganap na patotoo sa Panginoon kung kaninong pangalan ay sumasamba tayo.

Nalulugod akong iulat na ang Simbahan ay nasa mabuting kalagayan. Patuloy na sumusulong ang gawin; tutukuyin ko ang tatlo o apat na bahagi.

Ngayon ay mayroon na tayo ngayong tinatayang 60,000 misyonero. Sa darating na Hulyo, magkakaroon na ng 333 misyon. Sinisikap nating tuparin ang utos ng Panginoon nang sinabi Niyang, "Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo" (Mat. 28:19).

Karagdagan pa riyan, mayroong 137,629 na mga boluntaryo at misyonerong hindi nagtuturo ng ebanghelyo. Sila ay karaniwan nang may-edad na mga taong nagbabahagi ng kanilang panahon at talino nang walang anumang hinihinging kapalit, ngunit may malaking pagmamahal para sa gawain ng kaharian. Ang kanilang pinagsama-samang kontribusyon ay katumbas ng 15,174 na full-time na mga kawani na may kabuuang sahod na nagkakahalaga ng $531,000,000. Isang di-pangkaraniwang bagay ito.

Ang ating gawaing pangkasaysayan ng mag-anak ay sumusulong nang may ibayong kasiglahan. Mayroong napakalaking interes sa kani-kanilang angkan kahit saan. Sa paglipas ng panahon, ang lahat ng ito ay mauuwi sa katuparan ng dakilang layunin na siyang dahilan ng gawaing ito. Ang mga puso ng mga anak ay pinagbabalik-loob sa kanilang mga magulang, nang ang mga layunin ng Panginoon ay maisakatuparan.

Nagtatayo tayo ng mga templo na mas mabilis kaysa dati, upang maisulong ang gawaing ito sa kanyang itinakdang tadhana. Mula pa noong Oktubre nakapaglaan na tayo ng mga templo sa Anchorage, Alaska; Colonia Juarez, Mexico; at Madrid, Espanya. Inaasahang makapaglalaan tayo ng 14 pa bago matapos ang taong ito.

Isa itong napakalaking gawain, na lagi nang maraming problema, ngunit anuman ang paghihirap, naiaayos ang lahat at natitiyak kong matutupad natin ang ating hangarin.

Nagtatayo tayo ng maraming kapilya upang matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga tao. May isang lumang kawikaan na nagsasabing ang anumang sama ng hangin, may buti ring aanihin. Ang mga problemang pang-ekonomiya na nagpapahirap sa Asya at iba pang bahagi ng mundo ay nagpababa sa presyo ng mga lupain, kaya nakabibili tayo ng pagtatayuan ng mga gusali sa mas mababang halaga.

Sa maraming pook ng Simbahan ang bilang ng dumadalo sa pulong ng sakramento ay dumarami, at ang bilang ng mga aktibong miyembro ay nadaragdagan.

Binabanggit ko ang mga bagay na ito upang ipahiwatig lamang ang malaking pag-unlad ng gawain sa buong mundo.

Madalas nating binabanggit ang malaking bilang gaya ng kabuuang bilang ng mga miyembro ng Simbahan. Ngunit huwag nating kalilimutan kahit kailan na tayong lahat ay mga taong may kani-kanyang mga pangangailangan at problema, may kani-kanyang mga inaasam at pinapangarap, may kani-kanyang pananampalataya at paniniwala. Ang ilan ay malakas, ang ilan ay mahina, ngunit lahat tayo ay nagsisikap. May mga problema tayong dapat harapin; ang mga ito ay mabibigat at mahihirap. Kailangan natin ang isa't isa, upang itayo at palakasin ang bawat isa. Huwag nating kaliligtaan kailanman ang katotohanang dapat nating "tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina" (Doktrina at mga Tipan 81:5).

Huwag nating kalilimutan kailanman na tayo ay nabubuhay sa isang mundo na may malaking pagkakaiba-iba. Lahat ng tao sa mundo ay mga anak ng ating Ama, at kabilang sa marami at iba't ibang relihiyon. Pagyamanin natin ang pagpaparaya at pagpapahalaga at paggalang sa isa't isa. May mga pagkakaiba-iba tayo ng doktrina. Hindi ito dapat magdulot ng samaan ng loob o anumang pag-iisip na mas banal tayo kaysa sa iba.

Nalulugod akong iulat na ang Simbahan ay mas kinikilala at mas nauunawaan. Karaniwan ay mabait ang media sa atin. Matapat sila sa pakikitungo sa atin. May mga ilang naiiba, siyempre, at ikinalulungkot namin ito. Ang mga pangit o di-wastong kuwento tungkol sa Simbahan at mga miyembro nito ay patuloy na ikinakalat ng mga yaong nangangalakal ng sensasyonalismo at pananamantala. Ngunit ang mga larawang ito sa telebisyon ay agad-agad ding naglalaho dahilan sa napakaraming impormasyon tungkol sa atin. Ang pahayagan kahapon ay dagling nalilimutan. Samantala ang Simbahan ay patuloy na susulong sa itinakda nitong misyon sa direksyon ng itinakdang kapalaran nito.

Sama-sama tayong gagawa nang may pagtitiis, hindi kailanman nakakaligtaan ang dakilang misyong ibinigay Niya na siya nating pinuno, at siyang nagmamay-ari ng Simbahang ito.

Ngayon ay inaanyayahan ko kayong makinig sa ating mga kapatid. Ang lahat ng magsasalita ay nadarama ang bigat ng responsibilidad sa pagsasagawa nito. Maraming panalangin at pagsisikap ang naibigay sa mga pahayag na ito. Nawa ay lumago ang ating pananampalataya sa dakila, simple ngunit mahahalagang punto ng ating doktrina at ng ating pagsasabuhay nito bilang mga miyembro ng dakilang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang mapagkumbaba kong idinadalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
 NextArrow icon acting as a button to Next Page  
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy