The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 1999
"Magsisi sa [Ating] Kasakiman" (Doktrina at mga Tipan 56:8)

"Magsisi sa [Ating] Kasakiman" (Doktrina at mga Tipan 56:8)

Elder Neal A. Maxwell
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Ang pagpapakumbaba ang tunay na gamot, sapagkat hindi lamang nito tinatakpan ang kasakiman, kundi nilalansag!

Elder Neal A. Maxwell

Sa isang antas o iba pa, lahat tayo ay nakikibaka sa kasakiman. Dahil masyadong pangkaraniwan ito, bakit mag-aalala pa tayo hinggil sa kasakiman? Sapagkat ang kasakiman ay pagsira sa sarili nang dahan-dahan. Hindi nakapagtatakang nanghikayat ang Propetang Joseph Smith na, "Ang bawat sakim na damdamin ay hindi lamang kailangang ilibing, kundi puksain" (Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith [1976], 178). Kung gayon pagpuksa--at hindi pagbawas--ang dapat gawin sa kasakiman!

Halimbawa, ang ilan na nagpupumilit na maibsan ang kanilang kakulangan sa pamamagitan ng kasakiman, sa katotohanan ay lalo lamang nagbibigay ng kakulangan sa kanilang sarili. Anumang bagay ang ginawa na para lamang sa sariling kapakanan ay walang kabuluhan, at anumang bagay na walang kabuluhan ay walang-halaga kailanman. Ang bawat silakbo ng kasakiman ay lalong nagpapakitid sa ginagalawang daigdig ng isang tao sa pamamagitan ng pagbabawas ng kamalayan niya, o pagmamalasakit niya sa iba. Ang bawat kasakimang ginagawa natin ay lalong hindi nakapagbibigay-halaga sa atin na gaya ng iniisip ng ibang tao, sa katotohanan ito pa nga ay nakapanliliit ng tingin sa atin, gaya ng mga isda sa garapon na nag-aakalang kaya nilang mabuhay mag-isa, pero nakakalimutang umaasa lang sila sa iba na siyang nagbibigay sa kanila ng pagkain at malinis na tubig.

Maraming taon na ang nakalilipas nang kinailangan pa ang isang taong gaya ni Copernicus para magsabi sa mga taong makikitid ang pag-iisip na hindi ang planetang ito ang sentro ng kalawakan. Ang ilan sa mga taong nabubuhay ngayon ay kailangan ng isang paalaalang katulad ng ibinigay ni Copernicus na hindi sila ang sentro ng kalawakan!

Ang mga una at kilalang-kilalang uri ng kasakiman ay: pagdakila sa sarili sa ikapapahamak ng iba, pag-angkin o paghahabol sa karangalang hindi naman kanya; pagsasaya kapag nagkakamali ang iba, minamasama ang tunay na tagumpay ng iba, mas pagpili sa hayagang pagsasabi na may katwiran siya kaysa makipagkasundo nang pribado, at "pagsamantalahan ang isa dahil sa kanyang mga salita" (2 Ne. 28:8).

Sa pagtutuon ng pansin sa kanyang sarili, nagiging madali para sa isang taong sakim ang magbintang, magnakaw, at mag-imbot sa kanyang kapwa, dahil walang dapat ipagkait sa kanya. Hindi nakapagtataka kung madali lamang para sa pamahalaan ang mambuyo sa mga hilig ng likas na tao, lalo pa nga't patuloy namang tumatakbo ang lipunan tulad nang dati at kaalinsabay nito ay binibigyang katiyakan ang mga taong ito na katanggap-tanggap naman ang anumang gawin nila.

Ang pagiging sakim din ang nagtutulak sa atin na maging lapastangan, mapanghamak, at makasarili habang ipinagkakait sa iba ang kinakailangang bagay, papuri, at pagkilala na sa ating kasakiman ay pinalalampas natin at hindi pinapansin (tingnan sa Morm. 8:39). Hindi magtatagal ito ay magbubunga ng kagaspangan ng pag-uugali, kabastusan at ng pagmamatigasan sa isa't isa.

Sa kabaligtaran ng landas ng kasakiman, walang puwang ang kaguluhan sa makipot at makitid na landas. Hindi magkakaroon ng pang-aabuso sa asawa o anak kapag walang pag-iimbot ang pagmamahalan sa tahanan. Bukod pa diyan, ang pagiging hindi sakim ay pinakamainam na umuusbong sa halamanan ng tahanan, at, gayundin naman, ang masigasig na pagsasagawa ng karaniwang tungkulin sa Simbahan ay lalong tutulong sa atin upang mapaglabanan ang kasakiman. Ang mga hindi sakim ay mas malaya rin. Gaya ng sinabi ni G. K. Chesterton, kung magiging interesado tayo sa iba, kahit na hindi sila interesado sa atin, matatagpuan natin ang ating sarili "sa ilalim ng mas malayang kalangitan, [at] sa kalsadang puno ng mabubuting dayuhan" (Orthodoxy [1959], 21).

Sa araw-araw na pagiging disipulo, ang maraming pamamaraan ng pagpapahayag ng kasakiman ay tinutumbasan ng maraming pamamaraan ng pag-iwas dito. Ang pagpapakumbaba ang tunay na gamot, sapagkat hindi lamang nito tinatakpan ang kasakiman, kundi nilalansag! Ang maliliit na hakbang ay maaaring kabilangan ng pagtatanong sa ating sarili bago ang paggawa ng mahalagang pagkilos, Kaninong mga pangangailangan ang talagang sinisikap kong matugunan? O kapag mayroon tayong napakaimportanteng bagay na balak gawin, maaaring bumilang muna tayo hanggang 10. Ang pag-iisip nang mabuti sa mga maaaring mangyari ay makapagdaragdag sa ikabubuti ng pagkilos, dahil ang paggawa ng gayon nang may pagpapakumbaba ay maglalayo sa atin sa pagkilos nang labis-labis at nakapipinsalang pagkamakasarili.

Maaari ring mapagkumbaba nating hayaan ang ating mga ideya na kusang magkaroon ng sariling galaw na hindi na kailangan pang ipanukala ang mga ito. Sa halip, hayaan nating ang Espiritu ang magbunsod sa mga karapat-dapat na ideyang iyon.

Sa kasamaang-palad, ang matinding kasakiman ng isang indibiduwal ay nagiging bahagi na ng kultura. Sa gayon ang mga lipunan ay maaaring mawawalan ng kaayusan, pagkahabag, pagmamahal, magiging masama, at manhid (tingnan sa Mor. 9). Kapag ang matinding kasakimang ito ay naging bahagi na ng kung ano ang inaasahan sa lipunan, ito'y nagpapahiwatig ng malaking pagbaba ng kultura. Ito ay nangyari na noong unang panahon, kung kailan, ang mga tao ay talagang "naging mahihina, dahil sa kanilang pagkakasala" (Hel. 4:26). Batay sa nagaganap sa gawi ng tao, kapag ang dating kakaunting tinig ng tao ang ngayo'y nangingibabaw, kasunod na niyon ang paghahatol ng Diyos, at ang mga bunga ng hangal na kasakiman (tingnan sa Mosias 29:26­27).

Napabibilis ang pagbaba ng kultura kapag ang mga pangkat sa lipunan na maliit lamang ang kinakatawan ay nawawalan ng interes sa mga pangkalahatang pinahahalagahan na dating pinagsasaluhan. Ang pagbilis ng pagbagsak na ito ay pinalalala pa kapwa ng mga walang malasakit at walang magawa habang ang lipunan ay maingat na inaakay pababa sa impiyerno (tingnan sa 2 Ne. 28:21). Ang ilan ay hindi nakikitulong sa pagpapabilis ng pagbabang ito, kundi sa halip ay nagwawalang-bahala na lamang, gayong dati-rati'y kumikilos sila upang pigilan ito, na kanila namang karapatan bilang mamamayan. Sa gayong mga kalagayan ay nagdalamhati si Yeats, "Ang mabubuti ay walang pagsusumigasig, habang ang masasama ay puno ng masidhing pagnanasa" (W. B. Yeats, "The Second Coming").

Ngayon, kapalit ng ilang tradisyonal na pinahahalagahan na dating pinagsasaluhan ay isang sapilitang pagsang-ayon na iginigiit ng mga taong ayaw magparaya sa mga taong dating nagparaya sa kanila. Bagaman ang unti-unting pagsama ng isang lipunan ay hindi kaagad magdudulot ng pagbagsak nito, ang lipunang yaon ay patuloy pa ring patungo sa direksyong yaon--nang dahan-dahan at maingat, kung kaya't halos walang nakapupuna ng pagbabagong nagaganap (tingnan sa 2 Ne. 28:21).

Iyan ang ilan sa mga kagyat na bunga ng kasakiman, ngunit ang ilan sa mga bungang ito ay hindi na mababago--at magkakaroon ng epekto sa ating walang hanggang kaligtasan.

Ang kasakiman ang talagang sanhi ng lahat ng malalaking kasalanan. Ito ang martilyong sumisira sa Sampung Kautusan, ito man ay sa pamamagitan ng paglimot sa mga magulang, sa Sabbath, o sa paghihikayat ng pagbibintang, pagpatay, at pagkainggit. Hindi nakapagtataka na ang sakim na indibiduwal ay kadalasang kusang sumisira ng tipan para lamang mapagbigyan ang hilig. Hindi nakapagtataka na sa kalaunan ang mabibilang sa kahariang telestiyal, pagkatapos na magdusa sa kanilang mga kasalanan, ay mga taong dating walang pagsisising nakikiapid, mga patutot, at ang mga nagmamahal at gumagawa ng kasinungalingan.

Ang ilan sa mga sakim ay may maling paniniwala na wala naman daw makadiyos na batas kaya walang kasalanan (tingnan sa 2 Ne. 2:13). Kung kaya't ang sakim ay masaya sa ideya na ang ikinikilos ng isang tao ay batay sa situwasyon, dahil ito'y nababagay sa kanila. Kaya't sa pangangasiwa ng sarili, ang isang tao ay magtatagumpay alinsunod sa kanyang likas na talino at lakas, sapagkat wala naman talagang anumang krimen (tingnan sa Alma 30:17).

Hindi nakagugulat, kung gayon, na ang kasakiman ay mauwi sa nakakatakot na sandali kung kailan nakikita ng isang tao ang mali ngunit mali pa rin ang inaasal niya. Halimbawa, si Cain, na pinasama ng kanyang paghahangad ng kapangyarihan, ay nagsabi, pagkatapos niyang patayin si Abel, "Ako ay malaya na" (Moises 5:33; tingnan din sa 6:15).

Isa sa pinakamasasamang bunga ng matinding kasakiman ay ang malawak na pagkawala ng batayan sa kung ano ang mahalaga at kung ano ang hindi, gaya ng pagbubugaw sa lamok habang nilulunok ninyo ang kamelyo (tingnan sa Mat. 23:24; tingnan din sa JST sa talababa 24a). Ngayon, halimbawa, may mga taong nahihirapan sa mumunting bagay ngunit nilululon ang pagsasagawa ng pagpapalaglag ng bata sa panahong halos malapit nang manganak. Hindi nakapagtataka, kung gayon na nagagawa ng kasakiman na maging bangkete ang isang mangkok na lentehas, at nagagawa na ang tatlumpung piraso ng pilak ay magmukhang malaking kayamanan.

Kung ito'y hahayaang magpatuloy, ang magaganap ay gaya ng nangyari sa sinaunang pangkat ng mga bata, "na lumaki . . . , kung kaya't sila ay nagbago sa kanilang sarili"--matigas ang puso at naliligaw sa tamang landas (3 Ne. 1:29; tingnan din sa talata 30). Ang nakapagwawasak na pagbabago sa kultura ay maaari at talagang nangyayari "sa loob nang hindi maraming taon," kabilang na ang pagpapalit ng pagnanais ng kinakailangang paggawa nang sama-sama sa pagnanais na kani-kanyang pagbigyan ang mga walang kabuluhan at mga hangal na hangarin (tingnan sa Hel. 4:26).

Determinadong lumakad sa sarili niyang pamamaraan, ang likas na tao ay madalas na nagpupumilit na gawin ang mali hanggang sa siya ay maging "manhid," na pinagiginhawa ng pagbibigay-kasiyahan sa makamundong isipan (tingnan sa 1 Ne. 17:45; tingnan din sa Ef. 4:19). Nakalulungkot na gaya ng isang lulong sa bawal na gamot, kailangan niya na laging may suplay na gamot.

Ang mga taong labis ang kasakiman ay nanggagamit ng ibang tao ngunit hindi nagmamahal sa kanila. Hayaang mag-ingat ang mga Urias ng mundo! (tingnan sa 2 Sam. 11:3­17). Daan-daang taon bago dumating si Cristo, binigyang-babala ng Propetang si Jacob ang mga lalaking walang dangal "Sinaktan ninyo ang mga puso ng inyong mga mapagmahal na asawa, at nawala ang tiwala ng inyong mga anak, dahil sa inyong masasamang halimbawa sa kanila" (Jacob 2:35). Kapag ang pag-ibig ay nanlamig, hayaang mag-ingat din ang mahihirap at nangangailangan, sapagka't sila'y pababayaan, gaya ng nangyari sa Sodom (tingnan sa Mat. 24:12; tingnan din sa Eze. 16:49). Kakatwa mang tingnan, kapag ang mga sakim na tao ay hindi na maliit sa kanilang sariling paningin, lumiliit naman ang tingin nila sa iba! (tingnan sa I Sam. 15:17).

Kahit na ang mga unang patak ng sakim na pagpapasiya ay nagpapahiwatig na ng kahihinatnan. Pagkatapos ang maliliit na ilug-ilugang yaon ng kasakiman ay mabubuong parang maliliit na sapa, at di maglaon ay magiging malalaking sapa, hanggang sa ang isang tao'y tangayin sa isang malawak na ilog na patungo sa "look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian" (Hel. 5:12).

Tayo ay sadyang may obligasyon na punahin ang mga tunay na palatandaan na nagpapahiwatig ng pagbagsak ng lipunan. Nagbabala si Jesus, "Kayo'y marurunong magsikilala ng anyo ng langit, datapuwa't hindi ninyo mangakilala ang mga tanda ng mga panahon?" na nagmumungkahi ng pangangailangan ng kakaibang uri ng panghuhula ng lagay ng panahon (Mat. 16:3).

Ang mga pinuno at tagasunod ay talagang kapwa may pananagutan sa anumang nangyayari sa pagbagsak ng kultura sa kanilang lipunan. Sa kasaysayan, siyempre, madaling punahin ang masasamang pinuno, ngunit hindi natin dapat palampasin ang pag-uugali ng mga tagasunod nila. Kung hindi, ang maaaring ikakatuwiran nila sa kanilang pagbagsak ay dahil sa sila ay sumusunod lamang sa mga utos, habang ang mga pinuno naman ay magsasabing sila ay nag-uutos lamang sa mga tagasunod! Gayunpaman, mas malaki ang inaasahan sa mga tagasunod sa isang malayang lipunan kung saan mahalaga ang indibiduwal na pag-uugali sa kapwa mga pinuno at tagasunod.

Hindi inisip ni Propetang Mormon ang kanyang sarili nang pumayag siyang pamunuan ang mga tao na nasa malalim nang pagkakabagsak. Ipinanalangin niya sila, ngunit ipinagtapat niya na ang kanyang panalangin ay walang pananampalataya dahil sa kasamaan ng mga tao (tingnan sa Mormon 3:12). Sa ibang mga pagkakataon, ang isang mapangitaing propeta, gaya ni Jose ng Egipto, ay ibinangon ang mga tao mula sa mga mapanganib na kaugalian sa pamamagitan ng paghahanda sa kanila para sa natatanging hamon ng hinaharap (tingnan sa Gen. 41:46­57). Ang ilan, gaya ni Lincoln kahit na gumaganap ng papel sa pulitiko, ay nagbibigay din ng maespirituwal na pamumuno. Si Lincoln, siyanga pala, ay nagbabala kung paanong ang ambisyon at talento ng mga tao ay patuloy na lumalaki, at ang gayong indibiduwal na "pagkauhaw at pag-aalab na makilala, at hanggat' maaari . . . ay maangkin ito, kahit na ito pa may magpalaya sa mga alipin, o alipinin ang mga taong malaya" (binanggit sa John Wesley Hill, Abraham Lincoln--Man of God [1927], 74; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik).

Mula sa hindi makasariling si George Washington: "Sa buong kasaysayan ay iilang tao lamang na nag-aangkin ng di matatawarang kapangyarihan ang gumamit ng kapangyarihang yaon nang mahinahon at kinalilimutan ang sarili na siyang ibinubunsod ng pinakamainam sa likas nilang pag-uugali, na kapakanan ng kanilang kapuwa at ng buong sanlibutan" (James Thomas Flexner, Washington: The Indispensable Man [1984], xvi).

Ang kapangyarihan ay pinakaligtas sa piling ng mga yaong gaya ni Washington, na hindi nagmamahal dito! Ang lipunang [narcissist], kung saan ang bawat tao ay abala sa paghahangad para sa kanyang sarili lamang ay hindi makabuo ng pagkakapatiran o pamayanan man. Hindi ba tayo natutuwa ngayong mahal na Araw at sa lahat ng panahon na hindi masakim na naghangad si Jesus para sa kanyang sarili lamang?

Hindi nakapagtatakang tayo'y pagsabihang, "Huwag kang magkakaroon ng ibang mga Dios sa harap ko," at ito'y kinabibilangan ng pagsamba sa sarili! (Ex. 20:3; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik). Darating ang panahon, yaong mga sukdulan ang kasakiman ay mapapahamak, magngunguyngoy, dahil sa matatalim at dama-damang bunga ng kanilang kasakiman.

Bilang paghahambing sa aking pagtatapos, isaalang-alang natin ang hindi sakim na si Melissa Howes, na ang bata pang ama ay namatay sa kanser ilang buwan na ang nakalilipas. Bago iyon, si Melissa, na noon ay siyam na taon, ay nagdasal sa panalanging pangmag-anak, na nakikiusap na, "Ama sa Langit, basbasan po ninyo ang tatay ko, at kung kailangan po ninyo siya nang higit sa amin, puwede na po ninyo siyang kunin. Mahal namin siya, pero mangyari nawa ang Iyong kalooban. At sana po tulungan ninyo kaming huwag magalit sa inyo" (sulat mula kay Christie Howes, ika-25 ng Peb. 1998).

Anupa't isang napakaespirituwal na pagsunod para sa isang napakabata pa lamang! Anupa't walang kasakimang pang-unawa sa plano ng kaligtasan! Nawa'y ang walang kasakimang pagsunod ay maging landas din natin, sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen!

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy