Elder Richard G. Scott
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Isa itong lugar ng kapayapaan, pag-iisa, at inspirasyon. Ang palagiang pagdalo ay magpapayaman ng inyong buhay sa mas dakilang layunin.
Isa sa pinakamaganda, pinakanakaaaliw na mga doktrina ng Panginoon--yaong nagdudulot ng napakalaking kapayapaan, kaligayahan at walang-katapusang kasiyahan--ay ang alituntuning tinatawag na walang-hanggang kasal. Ang doktrinang ito ay nangangahulugan na ang isang lalaki at isang babae na lubos na nagmamahal sa isa't isa, na magkasamang umunlad sa mga pagsubok, kasiyahan, kalungkutan, at kaligayahan sa buhay, ay magkasamang mabubuhay magpasawalang-hanggan sa kabilang buhay kapiling ng kanilang mag-anak na nagkamit ng gayon ding biyaya. Hindi lamang iyan isang lubos na nakasisiyang pangarap,
ito ay isang katotohanan. Sinumang mag-asawa na magkasamang nagtamasa ng mga kasiyahan ng kasal dito sa lupa ay magnanais ng biyayang yaon. Ngunit yaon lamang mga makapapasa sa mga kinakailangan na itinalaga ng Panginoon ang tatanggap ng dakilang handog na iyon. Pagpasiyahan na ninyo ngayon na makatanggap ng mga ordenansa ng templo sa tamang panahon. Huwag hayaang pangimbabawan ng anupaman ang pagpapasiyang iyon.
Kung handa na kayo ngayon sa pagtanggap ng mga ordenansa ng templo, maghandang mabuti para sa pinakamalaking pangyayaring yaon. Bago pumasok sa templo kayo ay kakapayanamin ng inyong obispo at pangulo ng istaka para sa rekomendasyon sa templo. Maging matapat sa kanila. Ang panayam na iyon ay hindi isang pagsusulit na kailangang ipasa kundi isang napakahalagang hakbang upang mapagtibay na husto ang inyong pag-iisip at espirituwalidad upang tanggapin nang wasto ang pinakamatataas na ordenansa at isagawa ang nakapagpapasiglang mga tipan na inihahandog sa tahanan ng Panginoon. Ang pagiging marapat ang pangunahing kailangan upang matamasa ang mga biyaya ng templo. Ang sinumang hangal na papasok sa templo nang hindi karapat-dapat ay tatanggap ng sumpa.
Ang marapat na katangian ay mahuhubog na mabuti sa isang buhay na laging tama ang mga pagpili na nakatuon sa mga turo ng Guro. Sandali akong magsasalita sa inyong mga naghahanda para sa matamis na panahong iyon ng pagtuklas na kilala sa tawag na pagsusuyuan na nauuwi sa walang-hanggang kasal. Maaari itong maging isang napakagandang panahon ng pag-unlad at pagbabahagi, isang panahon kung kailan dapat ninyong ituon ang inyong mga isip, kilos, at plano sa dalawang tao: ang mga magulang ng inyong magiging mga anak. Paghandaan ang pagiging matagumpay na magulang sa pamamagitan ng pagiging lubos na karapat-dapat sa bawat kaisipan at kilos sa inyong pagsusuyuan.
Higit pa sa magandang mukha o kaakit-akit na katawan ang batayan ng walang-hanggang kasal. Higit pa sa kabantugan o alindog ang dapat isaalang-alang. Sa inyong paghahanap ng makakasama sa walang hanggan, humanap kayo ng isang taong nagpapaunlad ng mahahalagang katangiang nagdudulot ng kaligayahan: may taimtim na pagmamahal sa Panginoon at sa Kanyang mga utos, may determinasyong ipamuhay ang mga ito, isang taong maunawain, mapagpatawad sa iba, at handang ilaan ang sarili, may pagnanais na magkaroon ng pamilyang biniyayaan ng magagandang anak at ng isang pangakong tuturuan sila ng mga alituntunin ng katotohanan sa loob ng tahanan. Ang pangunahing priyoridad ng isang babaeng mag-aasawa ay ang pagnanais na maging kabiyak at ina. Dapat niyang paunlarin ang mga banal na katangiang ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak na babae upang maging mahusay na asawa at anak: pagtitiis, kabaitan, pagmamahal sa mga bata, at pagnanais na alagaan sila sa halip na maghangad ng mga propesyon. Dapat siyang magtamo ng isang mabuting edukasyon upang ihanda siya sa mga pangangailangan sa pagiging ina. Ang isang lalaking mag-aasawa ay dapat ding igalang ang kanyang pagkasaserdote at gamitin ito sa paglilingkod sa iba. Ang isang marangal na pagmimisyon ay malakas na katibayan ng gayong pangako. Hanapin ninyo ang isang lalaking tumatanggap sa kanyang papel bilang tagapagtaguyod ng mga pangangailangan sa buhay, may kakayahang gawin ito, at lubos na nagsisikap upang ihanda ang kanyang sarili sa pagtupad sa gayong mga responsibilidad.
Iminumungkahi kong huwag ninyong balewalain ang maraming posibleng kandidato na kasalukuyan pang nagpapaunlad ng mga katangiang ito, dahil naghahanap kayo ng isang perpekto. Malamang na hindi ninyo matagpuan ang perpektong taong iyon, at kung makita man ninyo, maaaring wala naman siyang interes sa inyo. Ang mga katangiang ito ay napauunlad na mabuti sa inyong pagsasama bilang mag-asawa.
Dahil maraming aspeto ng karanasan sa templo ang malaki ang kaibahan sa regular na pagsisimba, hingin ang payo ng inyong obispo upang tulungan kayong makapaghanda. Maaari siyang kumausap ng isang taong sadyang sinanay upang tumalakay ng mahahalagang aspeto ng templo upang tulungan kayong maunawaan at ganap na mapahalagahan ang sagradong karanasang yaon. Ang endowment at mga ordenansa ng pagbubuklod sa templo ay lipos ang kaluwalhatian ng kahulugan kung kaya nanaisin ninyong mag-ukol ng maraming panahon upang tanggapin ang mga ordenansang iyon at pagnilay-nilayin ang kanilang kahulugan. Maaari ninyong gawing dalawa ang inyong pagdalo sa templo. Sa inyong unang pagdalo, kung maaari, magsama ng isang na-endow nang miyembro ng inyong pamilya o malapit na kaibigan na kapareho ninyong babae o kaparehong lalaki upang samahan kayo. Huwag hayaang mangibabaw ang handaan, kainan, pagpapaalaman, o iba pang gawain sa sagradong karanasan sa templo. Higit sa lahat, huwag masyadong mabahala. Tutulungan kayo sa bawat hakbang ng mga mapagmalasakit na manggagawa sa templo na lubos na nakaaalam sa mga ordenansa sa templo. Hahangarin nilang maging maluwalhating karanasan ang inyong pagdalo gaya ng inyong inaasahan.
Sa labas ng templo, hindi natin pinag-uusapan ang mga partikular at sagradong bagay na nagaganap doon. Gayunpaman habang nasa loob ng templo, may mga taong binigyang-kapangyarihang tumulong na sagutin ang inyong mga tanong. Sa una ninyong pagdalo makatatanggap kayo ng mga tagubiling maingat na inihanda ng mga taong binigyang-kapangyarihan hinggil sa mga bagay na hindi tinatalakay sa labas ng templo. Nawa ay maging kaantig-antig at nakapagpapasigla ang inyong unang karanasan sa templo gaya ng sa akin. Mangyayari ito kung maingat kayong makapaghahanda.
Maging karapat-dapat. Isang paglabag ang paggawa ng mga bagay na dapat lamang gawin kung kayo ay kasal na. Ang gayong gawain ay nakapagpapalayo sa Espiritu Santo, pinagmumulan ng dalamhati at kabiguan, at makapagkukubli sa mga katangian at pag-uugali na maaaring pagmulan ng hidwaan at hindi pagkakaunawaan sa loob ng tipan ng kasal. Ang kawalan ng tiwala na nauuwi sa paghihiwalay at pagkawala ng mga biyaya ng templo ay kadalasang nagmumula sa paglabag sa mga batas ng kalinisang puri. Huwag kayong magkakamaling gawin iyon.
Kapag kayo ay nabuklod na sa walang hanggan sa bahay ng Panginoon, isang bagong pamilya ang nalilikha. Ang mga magulang, na may tuwirang pananagutan sa inyo mula nang kayo ay ipanganak, ay magiging mga tagapayo na. Ang kanilang payo ay mahalaga ngayon. Ngunit ikaw at ang iyong asawa sa walang hanggan ang magkasamang magpapasiya. Bilang asawa at marapat na maytaglay ng pagkasaserdote, nanaisin mong tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas, na kung kaninong pagkasaserdote ay iyong taglay. Gagawin mong pangunahing sentro ng iyong buhay ang pag-aalay ng iyong sarili sa iyong asawa at mga anak. Paminsan-minsan ay tinatangka ng isang lalaki na kontrolin ang tadhana ng bawat miyembro ng pamilya. Siya ang gumagawa ng lahat ng pagpapasiya. Ang kanyang asawa ay nasa ilalim ng sarili niyang kagustuhan. Hindi mahalaga kung iyon man ay kaugalian o hindi. Hindi ito ang pamamaraan ng Panginoon. Hindi ito ang pamamaraan ng pakikitungo ng isang lalaking Banal sa mga Huling Araw sa kanyang asawa at pamilya.
Labis akong nagpapasalamat na si Pangulong Hinckley ay binigyang-inspirasyon ng Panginoon upang magtayo ng mga bagong templo sa walang kasimbilis na paraan upang ang mga ordenansa ay higit na mapalapit sa mga miyembro sa buong mundo. Kung nakatanggap na kayo ng mga ordenansa sa templo ngunit hindi palagiang dumadalo sa templo kahit na mayroong isang nasa malapit lamang, sa kaibuturan ng aking puso, inaanyayahan ko kayong bumalik sa templo. Maraming dahilan. Isa itong lugar ng kapayapaan, pag-iisa, at inspirasyon. Ang palagiang pagdalo ay magpapayaman sa inyong buhay sa mas dakilang layunin. Magpapahintulot ito sa inyo na mabigyan ang namayapa ninyong mga ninuno ng mga nakapagpapaluwalhating ordenansang natanggap na ninyo. Magpunta kayo sa templo. Alam ninyong ito ang tamang gawin. Gawin ninyo ito ngayon.
Ang mga ordenansa sa templo ay puno ng makahulugang sagisag na nagbibigay ng habambuhay na mabisang pagninilay-nilay at pag-aaral. Pagbulay-bulayin ang bawat salita at gawain sa templo. Pag-aralan kung paano nagkakaugnay-ugnay ang mga ito. Habang pinagbubulay-bulay ninyo ang kahalagahan ng mga bagay na iyon, isipin ninyo sila ayon sa pananaw ng inyong sariling kaugnayan sa Tagapagligtas at Siya sa ating Ama sa Langit. Pagnilay-nilayin ninyo kung paanong ang pagkaunawang inyong natanggap ay nagpapabuti ng inyong buhay sa lupa sa pamamagitan ng pagbibigay ng wastong pansin sa mga bagay na lubhang mahalaga. Makibahagi sa mga pagbubuklod at iba pang mga ordenansa at maging sa endowment para sa namatay na mga ninuno. Nakatutulong sa akin ang tuwinang pagtanggap ko ng mga ordenansa para sa iba, at sinisikap kong makipag-ugnayan sa taong iyon. Iniisip ko siya at ipinananalangin na tanggapin niya ang ordenansa at makinabang dito. Gawin ang mga bagay na ito nang may panalangin sa inyong puso upang pag-ibayuhin ng Espiritu Santo ang inyong pang-unawa at pagyamanin ang inyong buhay. Ang mararapat na panalangin ay sasagutin.
Hayaan ninyong magbahagi ako ng isang sariling karanasan upang tulungan ang sinumang nakadarama ng kirot kapag nababanggit ang walang-hanggang kasal sa dahilang naniniwala kayo na ang inyong asawa ay hindi maghahanda para sa sagradong karanasang iyon dahil sa mahirap alisin ang mga pag-uugali o mga nakaugalian. Noong maglilimang taon na kaming kasal, nagkaroon kami ng nakapagpapaunlad na karanasan. Ang pinakamamahal naming dalawang taong gulang na anak, si Richard, ay namatay habang inooperahan ang kanyang puso na may diperensiya mula pa sa kanyang pagsilang. Sa loob ng anim na linggo, ang aming anak na si Andrea ay patay na isinilang. Ang aking ama, na hindi pa miyembro ng Simbahan noon, ay mahal na mahal ang munting si Richard. Sinabi niya sa aking inang di-aktibo, "Hindi ko maunawaan kung paano tila nagagawang tanggapin nina Richard at Jeanene ang pagkawala ng mga batang ito. Sa palagay ko ay hindi ito makatarungan."
Ang aking ina, na tumugon sa isang inspirasyon, ay nagsabi, "Kenneth, ibinuklod na sila sa templo. Alam nilang makakasama nila ang kanilang mga anak sa kawalang-hanggan kung mamumuhay sila nang matwid. Ngunit ikaw at ako ay hindi makaaangkin sa ating limang anak dahil hindi pa natin ginagawa ang mga tipang iyon."
Pinag-isipang mabuti ng aking ama ang mga salitang iyon. Nagsimula siyang makipagkita sa mga misyonero ng istaka at di-nagtagal ay nabinyagan. Mahigit isang taon lamang ang nakalipas si Nanay, si Tatay, at ang mga anak ay ibinuklod sa Templo ng Idaho Falls. Pagkaraan ay ipinatong ni Pangulong Kimball ang kanyang mga kamay sa ulo ng aking ama, pinangakuan siya ng sigla at lakas ng kabataan, at ginawaran siya ng kapangyarihang magbuklod. Naglingkod siya bilang tagapagbuklod sa Templo ng Washington sa loob ng labing-isang taon kasama si Nanay. Gawin ninyo ang inyong bahagi. Huwag kayong mawalan ng pag-asang maikasal sa templo.
Kung kayo ay walang-asawa at hindi pa ninyo nakikilala ang taong pakakasalan ninyo sa templo, mamuhay para dito. Manalangin para dito. Asahan ito ayon sa kalooban ng Panginoon. Huwag ninyong isuko ang inyong mga pamantayan sa anumang paraang makahahadlang sa biyayang iyon dito sa lupa o sa kabilang buhay. Alam ng Panginoon ang layunin ng inyong puso. Nagpahayag ang Kanyang mga propeta na makakamit ninyo iyon habang kayo ay patuloy na namumuhay na karapat-dapat para dito. Ngunit mabuhay para dito. Manalangin para dito.
Alam ko ang malaking kasiyahang dulot ng walang-hanggang kasal na ginanap sa isang altar sa templo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagbubuklod. Kapag may kabutihan, pangakong ilaan ang sarili, pagsunod sa mga utos ng Diyos at may pagpapasiyang magkasamang hangarin ang Kanyang kalooban sa lahat ng bagay, ang kasiyahang iyon ay lumalago. Wala akong mga salitang magpapahayag ng kaganapan at kapayapaang dumadaloy mula sa makalangit na karanasang iyon kahit na mayroon pang pansamantalang paggambala sa maluwalhating pagsasama sa buhay sa lupa. Ito ang kasiyahan at kaligayahang labis kong hinahangad para sa bawat isa sa inyo. Higit sa lahat, iyon ang hangad ng inyong Ama sa Langit para sa inyo.
Pumunta kayo sa templo, ngayon. Lubos na mabibiyayaan nito ang inyong buhay at maglalaan ng mahahalagang ordenansa para sa mga nasa kabilang buhay na hindi kayang kamtin ang mga ito para sa kanilang sarili.
Pinatototohanan ko na sa di-mailarawang paghihirap at sakit sa di-matatayang halaga, nakamit ng Tagapagligtas ang Kanyang karapatan na maging ating Tagapamagitan, ating Manunubos, ating Huling Hukom. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya at pagtanggap ng mga kinakailangang ordenansa at tipan makakamit ninyo ang inyong karapatan sa mga biyaya ng walang-hanggang kasal na pinangyari sa pamamagitan ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.