Elder Stephen A. West
Ng Pitumpu
Nawa'y magkaroon tayo ng tapang, pananampalataya at kaaliwan mula sa mga maliit, payapa at magiliw na paggawa ng mga mapangalaga, mapagmahal, mapagkumbaba at matapat na tagasunod ni Cristo.
|
|
Ilang taon na ang nakalipas, ang aking asawa at ako ay naglingkod bilang sanggunian sa isang sangay ng Simbahan sa maliit na kabayanan na binubuo ng mga 35 miyembro. Ang pangulo ng sangay, si Daniel Sawyer, isang tao na labis kong hinahangaan, marahil ay ang natatanging miyembro ng Sangay na may tatlo o apat na taon ng miyembro. Ang mga pulong namin ay idinaraos sa isa sa mga kabit-kabit na bahay sa isa sa pinakamagulong pamayanan ng isang malaking lungsod sa silangan. Ang bahay ay nakatayo sa kalye kung saan maraming gusali na ang nasunog at pinagnakawan sa panahon ng matindihang kaguluhan noong 1968, at ngayon 25 taon na ang lumipas ay ilan sa mga nasira o nawasak na mga gusaling yaon ay hindi pa rin nakukumpuni o naitatayong muli. Sa harapan ng kabit-kabit na bahay ay ilang panlabas na hagdanan na galing mula sa bangketa patungong pintuan na tumutumbok sa ilang silid na binago nang bahagya para gamitin bilang silid-aralan at tanggapan. Isa pang pinto na bumubukas pakanan mula sa bangketa ang tumutumbok sa hagdanan sa loob na patungong silong kung saan naroon ang isang hapag para sa sakramento, isang podiyum para sa nagsasalita, at mga de-tuping upuan. Ilan sa mga karanasan sa Simbahan na hindi namin malilimutan ng aking asawa ay nangyari sa lugar na yaon.
Isang Linggo, sa gitna ng pulong sakramento ng Sangay, isang babae na galing sa kalye ang pumasok sa pintuan. Isa siyang babaeng palaboy-laboy na nakasuot ng marumi, sira-sirang damit, umuubo, himihikbi at sumisinga sa isang maruming panyo. Sa malakas ngunit paos na boses ay nagsabi siya ng, "Gusto kong kumanta! Gusto kong magdasal!" at tuloy-tuloy sa harapan at umupo sa tabi ng isang miyembro na nakasuot ng puting blusa, at sumandal sa kanya at inihimlay ang kanyang ulo sa balikat nito. Kaagad na inakbayan ng miyembro ang bisitang ito at niyakap niya ito hanggang sa matapos ang pulong. Nagkataon naman na noong pumasok ang babae, ang nagsasalita ay tumatalakay ng tungkol sa talinghaga ng Mabuting Samaritano.1 Habang umuubo at humihikbi ang babaeng ito, patuloy na ikinuwento ng nagsasalita ang talinghaga. Nang dumating na siya sa katapusan ng kanyang paksa at bumabanggit ng isang kaugnay na banal na kasulatan, di kaginsa-ginsa, sa malakas na tinig, tinapos ng babaeng palaboy na ito ang talatang sinimulan ng nagsasalita. Sa aming pag-uusap pagkaraan nito, naisip namin na marahil matagal na ring panahon na may isang taong yumakap nang may pagmamahal sa aming bisita. Pinag-isipan namin kung ano pa kayang pagsasalarawan ng isang Mabuting Samaritano ang hihigit pa sa aming nasaksihan, at kami'y napaalalahanan ng mga salita ng Tagapagligtas na sinabi niya bago ang pagkukuwento niya ng talinghaga, "Iibigin mo . . . ang inyong kapwa na gaya ng iyong sarili."2
Ang pangalawang karanasan sa Sangay ay tungkol sa isang mabait at mapanampalatayang babae na matapat na nagbibigay ng sobre na may lamang ilang pirasong barya para sa kanyang ikapu. Isang araw nang dumating siya sa simbahan, hawak niya ang isang supot na may lamang kapirasong tinapay. Ibinigay niya ang supot na plastik sa amin at nagwika, "Kung ikaw ay kasapi sa Simbahan, dapat lamang na magbahagi ka. Wala akong gaanong maibibigay, pero kaya kong magbahagi ng tinapay para sa sakramento."
Habang ginagamit namin ang kanyang tinapay para sa sakramento, nagkaroon ng karagdagang kahulugan ang buong karanasan ng araw na yaon. Naisip ko ang talata na nagsasabing: "At umupo [si Jesus] sa tapat ng kabang-yaman; at minasdan kung paanong inihuhulog ng karamihan ang salapi sa kabang-yaman: at maraming mayayaman ang nangahuhulog ng marami.
"At lumapit ang isang babaeng bao, at siya'y naghulog ng dalawang lepta, na ang halaga'y halos isang beles.
"At pinalapit niya sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at sinabi sa kanila, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dukhang baong babaeng ito, ay naghulog ng higit kaysa lahat ng nangaghuhulog sa kabang-yaman.
"Sapagka't silang lahat ay nagsipaghulog ng sa kanila'y labis, datapuwa't siya sa kaniyang kasalatan ay inihulog ang buong nasa kaniya, samakatuwid baga'y ang buong kaniyang ikabubuhay."3
Ang pangatlong karanasan sa Sangay ay naganap sa isang talakayan ng mga miyembro sa Panlinggong Paaralan tungkol sa kung kailan dapat magbigay sa isang humihingi ng tulong. Isa sa mga miyembro, na kagagaling pa lamang mula sa Africa na kasama ng kanyang asawa upang itaguyod pa ang kanyang pag-aaral, ang nagtaas ng kamay at ikinuwento sa amin ang sumusunod na karanasan: Habang lumalakad na siyang pauwi sa kanyang tahanan sa pamayanan, nilapitan siya ng isang lalake at tinutukan siya ng baril sa dibdib at hinihingi ang lahat ng pera niya. Kinuha ng miyembro naming ito ang lahat ng pera niya sa bulsa at ibinigay ito sa lalaki at pagkaraan ay nagsabing, "Kung kailangang-kailangan mo talaga ng pera, mayroon pa ako." Binuksan niya ang kanyang maleta at kumuha pa ng karagdagang pera at ibinigay ito sa magnanakaw na sinasabing, "Isipin mo na hindi mo ito kinuha sa akin, ibinibigay ko ito sa pangalan ng Panginoon dahil kailangan mo ito." Aniya nagtatakang tiningnan siya ng magnanakaw, inilagay ang baril sa kanyang sinturon at nagsabi, "Saan ka nakatira? Ihahatid kita sa tahanan ninyo dahil hindi ligtas para sa isang napakabait na tulad mo ang lumakad sa kalyeng ito."
Habang papunta na sila sa apartment ng miyembro, biglang-bigla silang pinalibutan ng mga sasakyan ng pulis dahil isang babae mula sa bintana ng kanyang apartment at nakakita ng panghoholdap at tumawag ng pulis. Hinuli ng pulisya ang magnanakaw at dinala ito. Bilang biktima, hinilingan ang miyembrong ito na maging testigo sa paglilitis sa magnanakaw. Sa paglilitis, pinatotohanan niya na bagama't hiningan siya ng magnanakaw ng pera, sinabi niya rito na ibinigay niya rito ang pera sa pangalan ng Panginoon at kung lubhang kailangan ito ng magnanakaw, gusto niyang kunin niya (ng magnanakaw) ito.
Magmula noon, kapag naririnig ko ang mga salita ng Tagapagligtas, "[Siya] na sa iyo'y magalis ng iyong balabal, huwag mong itanggi pati ng iyong tunika,"4 bumabalik ang isipan ko hindi lamang sa Banal na Lupain kundi pati na sa mapanganib na kalyeng yaon sa silanganang lungsod.
Ilan lamang ito sa maliliit na karanasan sa makabagong panahong ito na hindi nasasaksihan ng marami; ngunit gaya ng ipinakikita nila, ang mga ito ay ang ilang kapuri-puring tao na nabubuhay sa mahihirap na kalagayan. Isa sa mga miyembro habang itinuturo nito ang aking apatnapung taong gulang na Aklat ni Mormon, na ang takip na yari sa balat ay lubhang napunit na sa tagal, ang mga sulok ay pulos himulmol na at labas na ang kartong panapal sa likod, ang nagsabi ng ganito, "Marami sa sangay namin ang may katulad ng iyong Aklat ni Mormon gula-gulanit at punit sa labas, pero sa loob ay naroon ang mga dakila at mahahalagang kaisipan."
Sa huli, hayaan ninyong ikuwento ko sa inyo ang isang siyam na taong gulang na batang babae na may dugong Espanyol at Amerikano, na kinapanayam ko isang gabi para sa kanyang binyag. Tinanong ko siya kung kilala niya si Jesus. Ang sagot niya ay, "Opo," "Sino Siya?" ang aking tanong? Inihaplos niya ang kanyang mga kamay sa kanyang ulo at pakumpas-kumpas sa lahat ng naroong bagay, sinabi niya, "Pag-aari niya ang lahat ng ito!" Mayroon pa bang isang siyam-na-taong gulang, o marahil isa man sa atin, ang makapagbubuod pa ng higit pa rito? Sa loob lamang ng anim na salita, nailarawan niya ang Tagapagligtas, nang simple ngunit malinaw: "Pag-aari niya ang lahat ng ito!" Nang matapos na ang panayam, sinabi niya sa kanyang ina na ayaw pa niyang umalis ng kapilya, subalit gusto niyang manatili pa at matulog sa gabing yaon sa "bahay ni Jesus." "At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay at siyang iyong sinugo, sa makatuwid bagay si Jesuscristo."5
Ang Tagapaligtas ay nagwika sa Kanyang mga disipulo sa Bagong Daigdig: ". . . [Ito] ang aking ebanghelyo; at alam ninyo ang mga bagay na kinakailangan ninyong gawin sa aking simbahan; sapagkat ang mga gawang nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin; sapagkat yaong nakita ninyong ginawa ko ay gayon din ang nararapat ninyong gawin;
"Samakatuwid, kung gagawin ninyo ang mga bagay na ito, pinagpala kayo."6
Sa kalagitnaan ng panahon, maliban pa sa iba, ang Panginoon ay nagbigay ng halimbawa rito, magandang salita roon, pagkain (kapwa tunay at espirituwal) sa nagugutom, payo sa yaong mga nangangailangan. Nanalangin siya para sa natatakot, kabaitan sa mga yaong di nabibigyang pansin, paggalang at pagmamahal sa mga bata, mapangalagang pagmamahal sa mga nahihirapan. "At sa gayon nakikita natin na sa pamamagitan ng maliliit na pamamaraan ay maisasagawa ng Panginoon ang mahahalagang bagay."7 "Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain, at mula sa maliliit na bagay nagmumula yaong dakila."8
Sa mga panahong ito kung kailan ang karamihan sa ating pang-araw-araw na karanasan ay tila nagpapakita sa isang daigdig na patungo sa maling direksiyon, nawa'y magkaroon tayo ng tapang, pananampalataya at kaaliwan mula sa mga maliit, payapa at magiliw na paggawa ng mga mapangalaga, mapagmahal, mapagkumbaba, at matapat na tagasunod ni Cristo. Nawa'y gamitin din natin sa ating sariling buhay ang mga aral na itinuro ng Tagapagligtas, 2,000 taon na ang nakalipas, ay aking panalangin, at dito'y idinaragdag ko ang aking patotoo na Siya ay buhay, at ginagawa ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Tingnan sa Lucas 10:3037.
2. Lucas 10:27.
3. Marcos 12:4144.
4. Lucas 6:29.
5. Juan 17:3.
6. 3 Nephi 27:2122.
7. 1Nephi 16:29.
8. Doktrina at mga Tipan 64:33.